NASABI KO NA bang nakakakilig ‘yong ikaw rin ang wish ng taong wish mo? Well, iyan. Sinabi ko na ulit. Ito kasi ang paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko noon. Pakiramdam ko ay dinadala ako ni Knight sa isang panaginip. Isang panaginip na mahirap nang kagisnan…at ayaw ko nang matapos pa. Every line, every smile is all worthwhile.
---
MIDNIGHT WAS like a house café. Tila isa iyong renaissance house mula sa labas. Ang kaibahan lang niyon sa isang bahay ay puro iyon sala at kainan na walang kahit na anong kwarto. Naka-dim ang lahat ng ilaw sa loob na nagbigay ng kakaibang feel sa lugar. Nang tumingala siya ay sadya palang ganoon ang lighting sa lugar dahil maliliit na bombilya ang nasa kisame na animo mga bituin sa langit ang mga iyon.
Ang tanging maliwanag sa loob ay ang crescent-shaped bar counter na siyang pinakamalaking parte ng lugar dahil naroon na rin pati ang kusina. Iilang round tables lang ang naroon at mas maraming sofa. Sa isang gilid ng café ay may mga estante ng jars na may kung anu-anong laman. Halos umabot na iyon sa itaas ng bubong kaya na-curious siya kung ano iyon. Iilang tao rin lang ang napansin niyang naroon. Isang babaeng abala sa pagtipa sa laptop nito, isang grupo ng kabataang nagku-kwentuhan habang umiinom ng kape at ang kaisa-isang tao sa loob ng bar counter.
“Come on,” yaya ni Knight kay Leigh patungo sa counter. Akala niya ay uupo sila ni Knight sa bar stools na naroon pero hindi pala. Nagulat pa siya nang bigla na lang silang abutan ng dalawang kulay itim na apron ng matandang lalaking nagbabantay sa counter na agad namang kinuha ni Knight.
“Welcome! Ako nga pala si Uncle M,” nakangiting pakilala ng matanda.
“’M’ as in ‘Midnight’?” aniya rito.
“Hindi. ‘M’ as in ‘Mario’,” anang matanda.
“Ah, ako naman po si Leigh,” sabi naman niya rito.
Kasabay niyon ang pagsuot ni Knight kay Leigh ng itim na apron. Hindi na ito nag-abala pang magpakilala sa matanda kaya sinapantaha niyang magkakilala na ang mga ito. Besides, hindi naman talaga iyon ang unang beses doon ni Knight. Pagkuwa’y hinila siya ni Knight patungo sa loob ng counter.
“Dito sa Midnight, do it yourself lahat. From making your coffee to choosing your food. First come, first serve basis din ang pwesto dito. Walang ring kaso kung matagal kang tatambay dito basta magbabayad ka lang. Wala ka ring poproblemahin sa security dito dahil may CCTV camera sa buong café at martial arts trained si Uncle M at ang anak niyang si Jin,” paliwanag ni Knight.
Sinulyapan ni Leigh si Uncle M na prenteng nakaupo sa bar stool at abala sa paglalaro sa iPad nito. “Uncle M, ilang taon ka na po?”
“Fifty-five na, ‘neng. Pero capable pa rin ako ha. No’ng isang araw nga, natalo ko pa sa judo ang anak kong si Jin,” pagyayabang naman ni Uncle M.
“Hindi kaya kusa lang nagpapatalo si Jin sa kanya?” pabulong na sabi niya kay Knight na ngayon ay inaatake na ang espresso machine.
Natawa muna si Knight bago siya nito sinagot. He leaned closer to her and he smelled of sweetness and manliness. “He’s capable, Leigh. In fact, nagtuturo pa siya ng self-defense sa isang university dito sa Maynila.”
“Oka-y. Pero nasaan na ang anak niya? Siya lang ba ang nagbabantay dito?”
“Jin’s probably upstairs. Bahay kasi talaga nila ito at sa taas sila natutulog. Mamayang alas-dose pa baba ‘yon. He’ll take this place upside down later. You’ll see the wonder of Midnight,” ani Knigh habang gumagawa ito ng kape. Kumuha naman siya ng ng dalawang tasa ng kapihan sa glass cupboard saka iyon inilagay sa ilalim ng espresso machine.
“Ah, Knight. Ayoko ng espresso. Gagawa ako ng latte. Nasaan ang gatas?” sabi ni Leigh kay Knight. White coffee kasi ang paborito niya.
“Marunong ka?”
“Oo. Bumili kasi ng espresso machine sa office si Raoul at ako ang master no’n. Nag-aral ako kung paano maging barista sa Youtube. Madali lang naman eh, lalo na kapag mahal mo talaga ang kape. Pero hindi ako gano’n kagaling sa latte art ha. Baka mag-expect ka masyado,” paliwanag niya rito.
“Okay. Gusto ko rin ng latte,” sabi ni Knight habang kumukuha ng gatas sa ref na naroon.
Nang ibigay nito iyon sa kanya ay sakto namang tapos ng brewing ng kape na ginawa nito kaya agad siyang gumawa ng latte. Noong unang subukan niyang gumawa ng latte ay nahirapan siya sa paglalagay ng foam sa ibabaw ng kape na siyang importante sa paggawa ng latte art. Pero ngayon ay gamay na niya iyon dahil na rin sa praktis at dahil halos araw-araw na niya iyong ginagawa para kay Raoul. Simpleng latte art lang ang ginawa niya para sa kanilang dalawa ni Knight—ang palm leaf—dahil iyon ang pinaka-madaling gawin.
“Oh, wow!” manghang sabi ni Knight na para bang noon lang ito nakakita ng isang latte art.
“Gusto mo bang subukang gumawa rin ng ganito?” tanong ni Leigh dito.
“Nah. Marami yata akong masasayang na kape kapag sumubok ako at ayoko munang magsayang ng kape ngayon. Marami pa namang next time, ‘di ba?” anito.
“Tingnan natin,” sabi naman niya rito.
“Actually, nakikita kita ngayong gumagawa ng kape para sa’kin araw-araw,” ani Knight.
“Ha! Hindi mo ako mapipirata kay Raoul ‘no,” aniya rito.
“Nah. I don’t want you to be my secretary. I want you to be my wife,” ani Knight na ikinalundag na naman ng puso niya. Napatalikod bigla si Leigh dito para maitago ang kilig niya. Sigurado siyang mukha na naman siyang timang ngayon na nakangisi at kinikilig.
“I-kape mo na lang ‘yan,” nangingiting sabi niya kay Knight saka niya ibinigay dito ang tasa ng kape nito na inilagay naman ni Knight sa isang tray pati na ang sa kanya. Pagkatapos nila roon ay may mga ang dalawang babaeng kasali sa grupo na umookupa sa isang table doon ang gumamit ng espresso machine. Iginiya naman si Leigh ni Knight patungo sa deep chiller sa may counter na puno ng jars. Cute ang cover ng mga jars na iyon na may kalakip pang wooden spoon.
“Ano ang mga ‘yan? Katulad din ba sila no’ng mga nasa estante sa gilid?” curious na tanong niya kay Knight.
“Cake jars. Dito pa lang sa Midnight mayro’n ng mga ‘to. At ‘yong estante sa gilid, it’s called ‘Midnight Memories’. Halos lahat ng mga taong pumupunta dito ay dahil sa cake jars at sa experience. Usually, kinakain nila ang cake na laman ng jars at depende sa tao kung ano ang gusto nilang ilagay doon bilang memorabilia nila dito sa Midnight,” paliwanag ni Knight.
“’Yong ibang nakalagay sa jars na ‘yon puro letters, Leigh. ‘Yong iba naman mga pictures. Pero mayro’n din namang cases na ‘yong wooden spoon na ginamit nila ang inilagay nila sa loob na may nakasulat na mga pangalan nila. Kahit ano pwede mong ilagay sa loob basta kasya sa jar,” dugtong pa ni Uncle M sa paliwanag ni Knight.
“Wow! Ang cool at ang cute,” komento ni Leigh sa mga ito.
“Bumaba na ba ang kinain mo? Hindi ka makakagawa ng Midnight Memories mo kapag hindi mo nakain ang laman ng cake jar mo,” sabi ni Knight sa kanya.
“Ready na ako ‘no. Hindi ko palalampasin ang chance na ‘to. Teka, ikaw? Wala ka pa bang memorabilia na nakasama do’n?” tanong naman niya rito.
“Wala pa. Siguro dahil hinihintay kita. Let’s make good memories here together,” ani Knight.
Shet! Kinikilig ako! sabi ni Leigh sa sarili. Dahil hindi niya napigilan ang kilig na naramdaman ay napasuntok siya sa balikat ni Knight na hindi naman nito ininda. Sa halip ay natawa lang ito sa kanya. “Ah, ine-enjoy mong makita na mukha akong timang ‘no?” sita niya rito.
“Yes. Ang cute mo kasi kapag kinikilig ka. Hindi ka lang nagba-blush, ngumingiti pati mga mata mo,” sabi ni Knight. Mukhang pati ito ay kinikilig dahil marahan naman nitong kinurot ang pisngi niya.
Tinapik ni Leigh ang kamay nito. “’Kaasar ka.”
Natawa lang naman si Knight. Pagkuwa’y kumuha ito ng mga cake jars at tiningnan ang labels ng mga iyon. “Chocolate mousse, red velvet at oreo cheesecake lang ang mayro’n sila ngayon. Ano’ng gusto mo?”
“Kahit ano’ng piliin mo, masarap ang mga ‘yan, Leigh. Ang kaibigan ni Jin na si Daye ang gumagawa ng mga ‘yan. Nagsu-supply lang siya dito sa’min,” ani Uncle M.
Pinili ni Leigh ang Oreo Cheesecake jar. Red Velvet jar naman ang pinili ni Knight. Pagkatapos nilang kumuha ng cake jars ay nagtungo sila sa parte ng café na malapit sa Midnight Memories at umupo sa sofa na naroon. May mababang circular table na naroon at doon nila ipinatong ang kanilang kape.
“Ituloy na natin ang ating tanungan portion,” suhestyon ni Knight.
“Okay. Ako muna ang magtatanong. Ano’ng hobby mo?” tanong ni Leigh kay Knight.
“Sketching, painting and drawing. Maliban sa racing, painting ang stress reliever ko. No’ng nasa middle school kasi ako, in-enrol ako ni mama sa isang painting class. Hindi ko siya gusto no’ng una pero siguro nasanay na ako. No’ng minsang tumigil ako dahil nag-focus ako sa racing, hinanap-hanap ko siya. I’ll let you know a secret. May tatlo akong kaibigan na hilig din ang pagpipinta pero hindi talaga ‘yon ang kanilang propesyon. In fact, nagdesisyon kaming apat na bumili ng maliit na isla para doon magbakasyon at magpinta,” kwento ni Knight.
“Wow! Ang yaman mo naman, dude. Pang-mayaman lahat ng hobby mo. Racing at painting. ‘Di kita ma-reach,” sabi ni Leigh. Sukat sa sinabi niyang iyon ay biglang inabot ni Knight ang kanyang kamay at hinalikan ang likod niyon.
“Eh ‘di ako ang aabot sa’yo,” anito saka kinindatan na naman siya. Agad binawi ni Leigh ang kamay niya mula kay Knight. Pagkatapos ay napa-facepalm siya para maitago na naman ang kanyang kilig.
“Nakakainis ka talaga. ‘Wag mo akong linyahan. ‘Asar! Mai-in love agad ako sa’yo n’yan eh,” sabi ni Leigh habang naka-facepalm pa rin.
“’Wag mong pigilan. If it’s meant to be, it’s meant to be,” sabi naman ni Knight.
“Ganyan ka talaga ‘no?” aniya rito.
“No. Sa’yo lang. Ikaw ba? Ano’ng hobby mo?” tanong naman nito sa kanya.
Noon nagtanggal ng kamay sa kanyang mukha si Leigh. “Magbasa at gumawa ng poem na puchu-puchu lang.”
Siguro ay dahil mahilig siyang magbasa kaya nakakagawa siya ng mga tula. Pero hindi naman kagandahan ang mga nagagawa niyang tula. Kung ano lang ang mga salitang nagra-rhyme sa isipan niya, depende sa topic ay iyon lang ang isinusulat niya. Ang mama niya, si Raoul at ang pinsan niyang si Reema lang ang nakakabasa ng mga gawa niya.
“Talaga? Wait. May bigla akong naisip,” biglang sabi ni Knight. Saka ito tumayo at lumapit kay Uncle M. Pagbalik nito ay may dala na itong mga ball pen, marker at tissue. “Alam ko na kung ano ang ilalagay natin sa Midnight Memories. You compose a poem about us for tonight. Then, I’ll sketch something. Game?”
“Okay. Nakaka-pressure ka naman. Okay lang ba kahit kaunti lang?” ani Leigh. Nag-abot sa kanya si Knight ng ilang piraso ng tissue at isang ball pen.
“Okay lang. Plain, simple yet meaningful,” ani Knight.
“Okay. Pero kumain muna tayo para may paglagyan tayo, ‘di ba?” aniya rito.
Nagsimula silang kumain ng cake at uminom ng kape. Tama nga si Uncle M. Masarap nga ang cake ng mga ito. Nagtikiman pa sila ng cake ni Knight at masarap din ang napili nito. Tuwang-tuwa siyang gamitin ang wooden spoon na kasama ng cake jar. Gusto rin niyang isama iyon sa kanyang Midnight Memories kaya pagkatapos niyang kumain ay pinunasan niya iyon ng tissue—pati na rin ang cake jar—saka niya iyon nilagyan ng pangalan at pirma niya.
Saka siya nag-isip ng tula na maaari niyang isulat. Habang nag-iisip naman siya ay abala na si Knight sa pag-drawing ng kung ano sa isang tissue paper. Habang nakatingin siya kay Knight ay may mga salitang nagra-rhyme sa isipan niya at agad naman niya iyong isinulat sa tissue paper niya. Kailangan lang na marahan siyang magsulat dahil baka mapunit ang tissue.
You wore a suit and I wore a dress
Both on Chuck Taylors, both a beautiful mess
I bowed at you and you just smiled at me
That smile got me wondering if I’d ever be free
Free from the spell that you casted upon me.
You promised me love before midnight
And I said “no” out of fright
But all your lines and all your smiles
Got me thinking of going through the miles.
Pagkatapos niyang magsulat ay napangiti siya sa sarili. Nang muli niyang basahin ang maikling tula na nagawa niya ay kinilig siya. Pero bigla siyang nakaramdam ng hiya sa isiping maaari iyong mabasa ni Knight.
Oh, god. Nai-in love na ba ako sa kanya? Oh my god. Totoo ba ‘yong Cinderella time niya? Sinadya ba niya ito? tanong ni Leigh sa sarili.
No. Baka nao-overwhelm ka lang sa date n’yo. Besides, siya ang una mong naging date na ganito katagal at siya rin lang ang tanging lalaking nagustuhan mo. Give yourself a little more time to really know what you’re feeling for him. Masyado namang mabilis ang lahat kung in love ka na agad sa kanya ngayon, sabi naman ng isang bahagi ng isipan niya.
“Kailangan ba nating ipakita ang gawa natin sa isa’t isa?” pagkuwa’y tanong niya kay Knight.
“Oo naman,” ani Knight.
“’Wag na. Bakit hindi na lang natin tingnan ang mga ilalagay natin sa jars after two years?” suhestyon niya rito.
“’Yon ba ang gusto mo?” tanong naman ni Knight. Tinanguan niya ito. “Okay. Sabi mo eh,” sang-ayon nito saka nito itinuloy ang ginagawa.
Inilagay naman niya ang wooden spoon na may pangalan at pirma niya sa jar kasama ang tissue na naglalaman ng gawa niyang tula para sa kanila ni Knight. Pagkuwa’y pinangalanan niya ang kanyang jar. Ganoon din naman ang ginawa ni Knight sa jar nito at saka nila sabay na inilagay iyon sa isang estante na sabi ni Uncle M ay si Jin na daw ang mag-aayos.
Magse-second round na sana sina Leigh at Knight ng kape nang biglang mang-istorbo si Raoul na nagpapaalala sa kanya na maaga dapat siya sa kanilang opisina bukas. Kaya hindi na niya nahintay pa ang ‘midnight’. Pero nangako naman si Knight sa kanya na babalik sila roon.
Pagkahatid sa kanya ni Knight sa kanilang bahay ay kapwa pa sila nag-alangan na magpaalam sa isa’t isa. Kaya naman sinulit nila ang oras bago maghating-gabi. Naupo sila sa harapan ng kanilang apartment at doon nagkwentuhan. Kinwentuhan siya ni Knight nang tungkol sa pakikipagkarera nito sa ibang bansa at kinwentuhan naman niya ito ng tungkol sa mga kapalpakang nagawa niya sa kanyang buhay na ikinatawa nito.
A few minutes before midnight, Knight reached for Leigh’s hand and as he did so, the Evil Eye fell off his hand. Nanlaki ang mga mata niya nang makita iyon samantalang napangiti lang si Knight. Hindi nito iyon hinawakan para malaglag at wala rin namang gunting doon para malaglag iyon.
“Nalaglag ang Evil Eye mo! Ibig sabihin natupad ang wish mo. Ano’ng wish mo?” excited na tanong ni Leigh kay Knight.
“That you’d be the one I’d love for the rest of my life,” masuyong sabi ni Knight.
Wala siyang nagawa kundi ang mapatanga dito. Pagkuwa’y maya-maya ay bigla na lang naging matubig ang kanyang mga mata. She knew she looked silly but she didn’t care. She was happy and fluffy inside.
This guy is gonna be the end of me.