RAOUL’S REVELATION actually helped me. Naging sapat iyong “test” para malaman kong mahal ko talaga si Knight at siya ang pipiliin ko palagi. Okay, no. My mind would make up complications but my heart would always choose him. Kahit na gaano pa karaming komplikasyon ang dumating, alam ko na kay Knight pa rin ang bagsak ko. Because he’s ‘the one’.
---
TUWING WEEKEND ay umuuwi sa Laguna si Leigh dahil doon talaga sila nakatira. Higit na espesyal pa ang weekend na iyon dahil fiftieth birthday ng Nanay Nelya niya. Paraan na rin niya iyon ng pag-a-unwind at para makalayo na rin siya kay Reema na hindi naman nakakatulong sa kanya.
Kung ganyang affected ka, ibig sabihi’y may feelings ka rin kay Raoul, natatandaan niyang sabi ni Reema.
Mula nang malaman niya ang tungkol sa nararamdaman sa kanya ni Raoul ay hindi pa sila nito muling nagkakausap maliban sa pormal na pakikitungo nila sa isa’t isa sa kanilang opisina. Hindi pa rin niya kinakausap pati si Knight.
Ayaw niyang maging unfair kay Raoul. Mahal niya ito pero bilang isang kaibigan, boss at minsan ay kapatid lamang. Hindi niya kayang haluan ng malisya ang relasyon nilang dalawa. Isa pa pala sa bagay na ikinaiinis niya ay kung bakit siya pa ang minahal ni Raoul. Pero hindi naman niya iyon maisumbat dito dahil hindi mo nga pala mapipili ang taong mamahalin mo.
Ang totoo ay guilt at awkwardness na nararamdaman niya para kay Raoul ngayon ang problema ni Leigh. Hindi niya alam kung paano haharapin si Raoul sa susunod. Gusto niyang maging katulad pa rin sila ng dati pero nahihirapan siya.
“Ano’ng problema mo, Leigh?” untag kay Leigh ng nanay niya.
“Ha, po? Wala naman, ‘nay. Iniisip ko lang ‘yong mga susunod kong gagawin sa opisina,” palusot ni Leigh. Nakalimutan niyang hindi nga pala siya nag-iisa ngayon dahil kaharap niya ang kanyang nanay at mga tiyahin.
Nasa likod-bahay sila kung nasaan ang kanilang dirty kitchen para doon mag-prepara ng mga lulutuin. Ang dalawa niyang tiyahin ay nagsisimula nang magsigang ng apoy para tipid sa gas. Kapag ganoong may espesyal na okasyon ay doon talaga sila nagluluto. Importante sa kanilang pamilya ang magselebra ng mga kaarawan dahil doon lang sila nabubuong lahat. Sigurado siyang mamayang hapon ay kompleto na silang lahat. Maging ang mga pinsan niyang sa Maynila nagta-trabaho ay uuwi din doon ngayon maliban kay Reema dahil may trabaho pa rin ito hanggang ngayon.
“Pwede ba naman ‘yong wala gayong parang wala ka sa sarili,” sabi ng Tita Alice niya. Ito ang nanay ni Reema.
“Hindi ka magaling na sinungaling, Leigh. Ano’ng problema mo?” giit ng nanay niya.
“Nag-away ba kayo ni Raoul? Aba’y palagi kayong sabay na umuuwi dito kapag birthday ng nanay mo, bakit hindi mo siya kasama ngayon? Sa mansion na agad ba siya tumuloy?” sabi ng Tita Alice niya. Dito yata sila nagmana ni Reema dahil sa walang kambiyo ang bibig sa pagsasalita.
Ang mansion na tinutukoy nito ay ang family house ng mga Maxwell. Nakagawian na nilang magsabay ni Raoul pauwi sa Laguna tuwing may espesyal na okasyon ang mga pamilya nila at sa tuwina’y doon muna tumatambay sa kanila si Raoul.
“Pupunta po kasi siya sa Camp Speed ngayon. Pero baka makasunod po siya dito mamaya,” pagsisinungaling ni Leigh sa huling pangungusap. Totoong pumupunta sa Camp Speed si Raoul tuwing weekend kapag wala itong ibang schedule sa Maynila o sa ibang bansa at siya naman ay gayundin sa Laguna.
“Hindi ba talaga kayo mag-nobyong dalawa?” tanong ng Tita Alice niya.
“Alice!” saway dito ng nanay niya.
“Nagtatanong lang ako. Matagal na nating pinagtatanungan ang bagay na ‘to. Matagal na rin tayong nagpipigil na magtanong sa kanilang dalawa. Panahon na siguro para itanong ito ng diretso, hindi ba?” sabi ng Tita Alice niya saka ito bumaling sa kanya. “Ang tagal n’yo nang magkasama ni Raoul, Leigh. Hindi ba man lang kayo nade-develop sa isa’t isa? Aba’y kung ako nasa kalagayan mo, mamahalin ko agad si Raoul. Sa gwapo, tikas at yaman ba naman ng batang ‘yon, sa’n ka pa? Gusto ko nga siya para kay Reema ko.” Bahagya siyang natawa sa mga sinabi nito. Kung ganoon ay hindi lang pala si Reema ang nag-iisip ng ganoon sa kanila ni Raoul.
“Mag-boss-friend lang po talaga kami ni Raoul,” simpleng sagot ni Leigh.
“Aba’y kung wala kang problema, may sakit ka ba? Napakatamlay mo ngayon, hindi ka rin madaldal, nasaan ang energy mo?” sabi na naman ng Tita Alice niya.
‘Wag mo silang pag-alalahanin, Leigh, anang isang bahagi ng isipan niya. Kaya naman tinampal-tampal niya ang kanyang magkabilang pisngi pagkatapos ay tumalon-talon para bumalik ang sigla niya.
“Hay, naku, mga magaganda kong tita! Drama ko lang ‘yon. Nadala kayo ‘no? Pwede na ba akong maging artista? May audition daw kasi sa Star Magic, sasali ako,” ani Leigh sa masiglang tinig.
“Luka-luka ka talaga! Pero sa ganda mong ‘yan, papasa ka do’n. Mag-audition ka na. Kung gusto mo, sasamahan pa kita. Naku! Yayaman ka sa pag-aartista,” pagkagat naman ng Tita Vangie niya sa kanyang kalokohan.
“Hay, naku! Mas madali kung mag-aasawa na lang siya ng mayaman. Kung ako naman kasi sa’yo, Leigh, aasawahin ko na si Raoul. Aba’y napakaswerte mo do’n. Ano sa tingin mo, Nelya?” sabi na naman ng Tita Alice niya at idinamay pa nito ang nanay niya.
“Boto ako kay Raoul. Napakabait ng batang ‘yon. Maliban sa pagtulong ng pamilya niya sa’tin ay matagal na natin siyang kilala,” sang-ayon naman ng nanay niya dito.
“Wala akong gusto kay Raoul!” defensive na sigaw niya. Nagulat din siya sa pagsigaw niya. “Hay, tigilan n’yo na po ang pag-iisip na may ‘something’ sa pagitan namin ni Raoul dahil wala. Mahiya naman kayo do’n sa tao. Hindi kami talo. Magkaibigan lang kami. Period. Wala ng kasunod. Case closed. Okay?”
Naiintindihan naman niya kung bakit gusto ng mga ito si Raoul pero palalalain lang ng mga ito ang sitwasyon niya kung magpapatuloy iyon. Ayaw niya ring paasahin ang mga ito na balang-araw ay magiging sila rin ni Raoul dahil malabong mangyari iyon.
Natapos lang ang usapang iyon nang dumating ang pina-order niyang cake sa sikat na cake shop sa kanilang bayan at naging excited na ang lahat sa kainan mamaya. Maya-maya ay naging abala na ang lahat sa pagluluto habang siya naman ang taga-hugas kasama ang ilang pinsan niyang bata.
Mag-a-alas-kuwatro na ng hapon natapos ang paghahanda nila dahil maraming putahe siyang ipinaluto. Gusto kasi niyang maging engrande—in their own way—ang kaarawang iyon ng nanay niya. Dumating ang mga kapamilya, kaibigan at mga kapitbahay nila para makisaya. Naghanda pa siya ng special program para sa party na dahil sa mga pinsan niyang mga bata ay nagmistulang children’s party. May mga hinanda din siyang palaro at papremyo para sa mga kaedad ng nanay niya at ang nagsilbing katulong niya sa mga palaro ang mga pinsan niyang teenagers at bata.
Nasa gitna sila ng pagpapalaro ng calamansi relay ng biglang dumating si Reema sakay ng pamilyar na itim na Audi. Kay Reema pa lang ay kinabahan na si Leigh. Dahil alam niyang may trabaho ito ngayon kaya bakit bigla na lang ang pagdating nito dito ngayon? Nang makita naman niya ang itim na Audi ay kinutuban na siya kung sino ang nagmamaneho niyon. At nang bumaba ang driver sa kabilang panig ng sasakyan ay pakiramdam niya’y tumalon mula sa kanyang dibdib ang puso niya.
Si Knight!
Kasunod namang dumating ang Land Rover ng mag-asawang Maxwell na pumarada sa tabi ng itim na Audi ni Knight. At sa gulat niya’y si Raoul pala ang nagmamaneho niyon.
Nagbatian sina Knight at Raoul. Agad namang dumiretso palapit sa Nanay Nelya niya ang mag-asawang Maxwell, samantalang nag-peace sign naman sa kanya si Reema. Pinagpawisan siya bigla at kinabahan. Hindi pa siya handang makaharap ang dalawang ito ngayon. Pero medyo inaasahan din niya roon si Raoul dahil alam nitong magtatampo ang nanay niya kapag hindi ito dumalo roon. Ang ipinagtataka niya’y kung paano nagkaroon ng komunikasyon sina Knight at Reema.
“Ang gwapo ng boyfriend ng anak ko!” narinig ni Leigh na sigaw ng Tita Alice niya.
Biglang napataas ang isang kilay niya sa sinabi nito. Pagkuwa’y dumiretso siya ng tingin kay Knight. Nagtama ang mga mata nilang dalawa. Pakiramdam niya ang nag-reflect sa mga mata nito ang lungkot ding nararamdaman niya.
Isa ang nasiguro niya sa mga oras na iyon: na-miss niya ito.
“Ang gwapo nga ng kasama ni Ate Reema. Kuya Raoul din ang level,” narinig niyang sabi ng isang pinsan niyang dalagita. Siyempre ay naiintindihan niyang si Knight ang magiging center of attention ng mga ito ngayon dahil ito ang bago sa paningin ng lahat. Pero hindi siya makakapayag na iisipin ng mga itong si Reema ang nobya nito.
Eh ano, ikaw? FYI, hindi mo rin siya boyfriend at tinaguan mo siya ng ilang araw. Sa isiping iyon ay may bigla siyang naaalala. Oh my gosh! Nakapasa siya sa “test” na ginawa namin ni Reema!
“Ah, okay. Pause muna. I-welcome muna natin ang mga bagong dating,” anunsyo ni Leigh saka niya inihabilin ang mikropono sa pinsan niyang si Baching at lumapit siya kina Knight, Raoul at Reema.
“Ah, Knight, ipapakuha ko na ‘yong litson at mga cake sa likod ha,” paiwas na sabi ni Reema.
“Babatiin ko na si ‘Nay Nely,” paalam naman ni Raoul saka walang anu-anong iniwan silang dalawa ni Knight doon. Mamaya na lang niya ito kakausapin.
“’Nay Nely?” kunot-noong sambit ni Knight.
“Nanay ko,” sabi ni Leigh.
“Alam ko.”
“Ah, selos ka? Eh ‘di, ‘nanay’ din itawag mo sa kanya.”
“Ibig bang sabihin n’yan, pakakasal ka na sa’kin bukas?”
“’Wag mo na munang isipin ang bukas. Ang mahalaga ay ang ngayon.”
“Eh, paano ang kahapon?”
Nginitian niya ito. Parang walang naging gap sa pagitan nilang dalawa. Nagustuhan niya na hindi nito ibinungad sa kanya ang mga tanong kung bakit buong araw niyang hindi sinasagot ang tawag at texts nito. One thing good about Knight was that he always makes her feel lightheaded, comfortable and good.
Kung gwapo na si Knight noong naka-suit ito, mas gumwapo pa ito ngayong kaswal lang ang suot nito. Simpleng navy blue t-shirt at khaki pants lang ang suot nito. He looked fresh and homey. He was such a big tease. Bigla niyang na-imagine na makikita niya ito sa ganoong ayos araw-araw. Na palagi niya itong makakasama araw-araw, siya ang maglalaba ng mga damit nito at maghahanda ng pagkain nito. Ah, a life with Knight.
Bigla ay nawaglit sa isipan ni Leigh ang kanyang dilemma tungkol kay Raoul. Noon niya na-realize mas matindi ang nararamdaman niya kay Knight kaysa sa kahit na anong problema niya. Noon niya na-realize na hindi pala niya kayang tikisin si Knight. Noon niya na-realize na hindi mahalaga ang ibang bagay at tao kompara sa taong itinitibok ng puso mo. At tungkol sa tagal ng pagkakakilala nila, hindi na iyon mahalaga. Theirs was a special case.
“Look, I’m sorry. May naging problema lang ako these past few days. And thank you,” sabi ni Leigh kay Knight.
“Para saan ang ‘thank you’?”
“Basta thank you. Halika na. Ipapakilala kita kay nanay at sa mga kapamilya ko,” yakag niya rito.
“Sandali lang,” anito saka bumalik sa loob ng kotse nito. Paglabas ni Knight doon ay may hawak na itong bungkos ng mga puting rosas. She suddenly felt something huge flutter inside her stomach. “Para sa nanay mo. Sabi kasi ni Reema paborito niya ang white roses.”
Nyay. Pahiya ako do’n.
“Ah,” tumatangong sabi niya.
“Don’t worry, I’ll give you my heart,” masuyong sabi ni Knight.
“Ay!” biglang tili niya. Nag-init ang magkabilang pisngi ni Leigh dahil sa sinabi ni Knight kaya napa-facepalm siya. Kinikilig siya. “Mga pa-linya mo, Knight. Halika na nga.”
Hinawakan ni Leigh ang kamay ni Knight na para bang iyon ang natural gawin ng mga oras na iyon. At hinawakan din naman ni Knight ang kanyang kamay na para bang matagal na nila iyong ginagawa. Kung may gap man sa kanilang dalawa ay pareho na nila iyong tinawid ngayon.
“Paano mo nga pala nakilala si Reema?” tanong ni Leigh habang naglalakad sila patungo sa kasiyahan.
“Ah, nagpunta ako sa bahay n’yo at naabutan ko siya do’n. Sinabi niya sa’king umuwi ka dito dahil birthday ng nanay mo at nagpasama naman ako sa kanya. Ayaw pa ngang pumayag dahil may pasok daw siya pero kinulit ko. In the end, sumama din siya. Sabi ko dodoblehin ko na lang ‘yong kita niya ngayong araw,” paliwanag ni Knight.
“Hay, bruha talaga ang babaeng ‘yon. Pagpasensiyahan mo na siya ha. Importante lang talaga sa kanya ang pera,” aniya rito.
“Okay lang. Ako naman ang nakaistorbo sa kanya eh. At saka, mabuti na ‘yong may back-up ako dito,” sabi ni Knight saka kumindat sa kanya. Kinilig na naman siya. Ibang-iba talaga ang dating nito sa kanya, malakas at surebol.
“’Nay, si Knight po,” simpleng pakilala ni Leigh kay Knight sa Nanay Nelya niya.
“Happy birthday po. Para sa’yo po,” magalang at nakangiting bati ni Knight sa nanay niya. Saka iniabot ni Knight sa nanay niya ang mga puting rosas.
“Salamat, ‘toy. Boyfriend ka ba nitong anak ko? First time niyang magpakilala ng lalaki sa’min maliban kay Raoul,” sabi naman ng nanay niya. Nagkatinginan sila ni Knight, hindi alam kung paano iyon sasagutin.
“Ah, hindi po, ‘nay. Nagde-date pa lang kami,” pagkuwa’y sagot ni Leigh sa kanyang nanay.
“Akala ko pa naman boyfriend na ni Reema,” sabi ng Tita Alice niya.
Ipinakilala din ni Leigh dito si Knight pati na rin sa ibang kamag-anak niya. Hindi na siya nagulat nang batiin ni Knight ang mag-asawang Maxwell dahil hindi na iyon nakapagtataka. Iisang sirkulo ng mga mayayaman ang ginagalawan ng mga ito. Pero napansin din niyang tila hindi makapaniwala ang mag-asawa na naroon si Knight.
“To the highest level na talaga ang ganda mo, Ate Leigh!” sabi ni Baching.
“I know, right?” pabirong sabi niya rito.
“Kuya Knight, sumali ka sa mga palaro namin mamaya ha?” baling ni Baching kay Knight.
“Oo naman. Gusto ko ‘yan!” agad na pagpayag ni Knight.
Pero bago ang paglalaro ay niyaya muna niya itong kumain sa loob ng kanilang bahay kasama sina Reema at Raoul.