Maggie's Diaries Series 3 Chapter 9

“ANAK, si Knight ba ‘yong sinasabi mo sa’king gusto mong lalaki?” tanong ng Nanay Nely ni Leigh kinabukasan nang magkaharap sila sa agahan bago siya bumalik sa Maynila. Naikwento na kasi niya rito ang tungkol kay Knight matapos ang unang date nila nang huli.

Napangiti si Leigh dito. Hindi pa rin niya makalimutan ang mga nangyari kahapon lalo na ang naging “first kiss” nila ni Knight. Indirect man iyon pero sa nipis ng tissue na iyon, parang direct kiss na rin ang nangyari. Ramdam na ramdam niya ang lambot at init ng mga labi ni Knight sa kanya. Pakiramdam nga niya ay nakalapat pa rin ang mga labi nito sa kanya. Tama pala ang sinasabi ng ibang tao noon na hindi ka makakatulog pagkatapos nang iyong first kiss dahil iyon ang nangyari sa kanya.

“Okay lang po ba?”

“Hindi ba masyadong mabilis naman yata? Kailan mo lang siya nakilala, ‘di ba? Baka naman nadadala ka lang sa kagwapuhan niya o sa atensyon na inuukol niya sa’yo. Bakit hindi na lang si Raoul ang gustuhin mo? Matagal na natin siyang kilala at alam kong may gusto siya sa’yo. Parang anak ko na rin ang batang ‘yon. Hindi ka na mahihirapan pang makibagay sa kanya dahil kilala n’yo na ng labis ang isa’t is,” mahabang litanya ng Nanay Nely niya.

Napakunot-noo si Leigh sa kanyang ina at napatigil siya sa pagkain. Ngayon lang siya ibinuyo ng nanay niya kay Raoul. At paano nito nasabing alam nito na mahal siya ni Raoul? Hindi rin ganoon ang naging pag-uusap nila nang ikwento niya rito noon si Knight—kahit hindi pa nito alam kung sino ang lalaking ikinu-kwento niya rito. Pagkatapos ay naaalala niya ang mga sinabi ng Tita Sunny niya kahapon ng kausapin siya nito. Kinutuban na siya. Sinabi ba nito sa nanay niya na dapat siyang lumayo kay Knight?

Pero huli na rin kung pipigilan pa siya ng mga itong makipaglapit kay Knight ngayon dahil nagdesisyon na siyang ‘ipaglaban’ ito.

“’Nay, kinausap ka ba ni Tita Sunny tungkol dito? Dahil ganyan din ang tono ng pananalita niya sa’kin kahapon. Gusto rin niya akong palayuin kay Knight,” seryosong sabi niya sa kanyang ina.

“Leigh, nag-aalala lang para sa’yo ang Tita Sunny mo. Kilala niya ang ina ni Knight. Hindi katulad ng pamilya nila ang pamilya ni Knight. Gusto lang ni Sunny na mapabuti ka,” paliwanag ng nanay niya.

“’Nay, kung masama man ang pamilya ni Knight, hindi naman ibig sabihin no’n ay masama na rin siya. Bigyan n’yo naman siya ng tsansa. At saka, hindi naman siya palalapitin sa’kin ni Raoul kung alam niyang masamang tao si Knight eh. Isa pa, gustong-gusto ko na po talaga siya.” ‘Gustong-gusto’ meaning, mahal ko na siya. “Kaya sana po kilalanin n’yo siya,” pakiusap ni Leigh.

Mariin ang naging pag-iling ng nanay niya. Marahas din ang naging pagtayo nito mula sa kinauupuan nito. Pagkuwa’y mariin itong nagsalita sa kanya. “Layuan mo siya, Leighton. Kung ayaw mo akong mamatay, layuan mo siya!”

“’Nay!” nanlalaki ang matang sigaw ni Leigh. Pero nag-aalala siyang baka atakehin ito sa puso kaya agad niya itong nilapitan at pinaupong muli. Hindi niya inasahan ang outburst na iyon ng nanay niya. Ano pa ba ang sinabi dito ng Tita Sunny niya para magalit ito ng ganoon kay Knight?

“Seryoso ako, Leigh. Layuan mo siya kung ayaw mo akong atakehin na naman sa puso. Ibaling mo na lang sa iba ang atensyon mo. Kahit sino tatanggapin ko ‘wag lang ang siya,” tila nahihirapang saad ng nanay niya. Inatake naman siya ng guilt.

Pinainom niya ito ng tubig at hinagod ang likod nito para pakalmahin ito. Pakiramdam niya’y tinutusok ang puso niya dahil sa mga sinabi nito. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito. Gusto niyang maiyak sa mga oras na iyon. Hindi niya alam na ganoon ang magiging reaksyon ng nanay niya kay Knight dahil akala niya’y magugustuhan nito ang huli.

Kailangan kong makausap si Tita Sunny, aniya sa sarili.

“’Wag ka nang makipagkita sa kanya, anak. Hindi pa naman siguro gano’n kalalim ang nararamdaman mo sa kanya. At kung ano man ang nararamdaman mo sa kanya ngayon, putulin mo na. Hindi kayo ang para sa isa’t isa. Mangako ka sa’king hindi ka na makikipagkita pa sa kanya,” nagsusumamong saad ng nanay niya.

“’Nay…”

“Mangako ka, Leighton,” matigas na saad ng nanay niya.

Nakagat ni Leigh ang pang-ibabang labi niya para pigilan ang sariling sabihin ang totoong gusto niyang sabihin sa kanyang ina dahil baka atakehin ito sa puso ngayon.

“Opo, ‘Nay,” pagsisinungaling niya.

Oh, this is gonna be bad.

“TITA SUNNY, may ‘something’ ba kayo ng mommy ni Knight?” prangkang tanong ni Leigh sa ginang na itinuturing niyang parang pangalawa niyang ina.

Pagkaalis niya sa kanilang bahay ay dumaan muna siya sa mansion ng mga ito. Mabuti na lang at naroon pa pala si Raoul. May makakasabay pa siya pabalik sa Maynila. Kasalukuyan silang nasa garden ng mansion dahil inaabala ng kanyang Tita Sunny ang sarili sa pag-i-spray ng tubig sa mga bulaklak nito roon. Noong bata pa siya ay tinutulungan niya rin itong mag-garden doon.

“Ano’ng ‘something’?” tanong naman nito sa kanya.

“May masamang nakaraan ba kayong dalawa? May naging kasalanan ba sa siya sa inyo noon? Nag-away ba kayo?” sunud-sunod na tanong niya rito. Tumigil sa pag-i-spray ang kanyang Tita Sunny saka bumaling sa kanya. Mataman siya nitong tiningnan.

“Nagkausap na ba kayo ng nanay mo?” seryosong tanong nito sa kanya. Na-wirduhan siya sa pagtatanong nito niyon.

“Opo. Kinausap mo ba siya tungkol kay Knight? Naikwento ko na kasi sa kanya si Knight dati. Hindi pa niya alam noon na si Knight ang lalaking tinutukoy ko. ‘Tapos may sinabi ka sa’kin kahapon na—“

“Mabuti kung sundin mo na lang ang nanay mo, Leighton,” putol nito sa iba pa niyang sasabihin.

“Pero, tita…I know it’s crazy but I love Knight. Mahal ko na siya at mahirap sa’kin na basta layuan na lang siya—“

“You can’t! You must not love him, Leighton. Oh, dear God. This is…obscene!” bulalas ng Tita Sunny niya.

Napakunot-noo siya sa mga sinabi nito. “Obscene? Ano’ng ibig n’yong sabihin? Wala naman kaming ginagawang masama ni Knight, tita.”

“Oh, god. I’m so sorry, Leigh. Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin. Pero kasi…please, sundin mo na lang ang sinasabi ng mama mo. Makakahanap ka pa rin ng iba. Trust me. Knight isn’t the one for you,” sabi pa ng Tita Sunny niya.

But she knew that Knight was the one for her.

Alam niyang may hindi sinasabi sa kanya si Tita Sunny at ang Nanay Nely niya. May pakiramdam siyang may nakaraang “issue” ang mga ito sa ina ni Knight. Maaari siyang magpatulong kay Raoul. Maybe he could persuade his mother to talk to him about Knight’s mother. O hindi naman kaya’y kakausapin si Knight at magtanong dito nang tungkol sa relasyon ng ina nito sa kanyang Tita Sunny. Iyon nga lang, sana nama’y maging bukas sa kanya si Knight na pag-usapan ang pamilya nito.

---

WHEN I wished upon that star, hindi ko naman sinabing magsama ng problema, ‘di ba? But, I knew I had to go for my happiness. Even if it means lying to my mother. Siguro matatawag na kasakiman ‘yon dahil ang tangi kong iniisip noon ay ang kapakanan ko, kung ano ang gusto ko—oh, wait, hindi ka nga pala ako nag-iisip noon. Basta kung saan ako masaya at kung ano ang isinisigaw ng puso ko, do’n ako. Nang mga panahong ‘yon, si Knight talaga ang naging priority ng puso ko. Iyon ang naging desisyon ng puso ko. At kapag puso na pala ang nag-desisyon, wala ka ng magagawa kundi sundin ito.

---

“SORRY kung naaabala kita, ha? Ibawas mo na lang sa sweldo ko,” pabirong sabi ni Leigh kay Raoul.

Inihatid siya ni Raoul sa kanilang apartment at ngayon ay kumakain sila ng hapunan na galing sa paborito niyang Japanese restaurant. Hindi kasi siya nasundo ngayon ni Knight—kahit na hindi ito obligado—dahil naipit daw ito sa isang meeting. She and Knight were acting as if they’re already a couple. Pero ang totoo ay hindi pa naman nila napapag-usapan ang tungkol doon. They don’t know what their status was. They don’t know what their title was. Pero kahit na ganoon ay alam nila sa kanilang sarili—lalo na ng kanilang mga puso—na “sila”.

Hindi ako assuming lang, ha. Ramdam ko ‘yon. And yes, she was still going out with Knight. Nagsinungaling siya sa nanay niya pero masaya siya. Kahit na paminsan-minsan ay nagi-guilty siya kapag nakakausap niya sa telepono ang kanyang ina.

Ang tinutukoy naman niya kay Raoul ay ang tungkol sa pag-iimbestiga nito tungkol sa nakaraan ng mga magulang nilang tatlo nina Knight—o nang mga magulang lang ng dalawa. Pero wala pa rin silang makuhang paliwanag dahil nagiging mailap na ang parehong magulang ni Raoul dito. Siguro ay nagiging unfair at insensitive din siya kay Raoul matapos niyang malaman kung ano ang nararamdaman nito para sa kanya. Ayaw niya itong pasakitan pero kailangan niya ito ngayon.

Ang pagtatanong kay Knight ang magiging last resort niya kapag hindi na siya nakatiis. Hangga’t maaari kasi’y ayaw niya munang sabihin kay Knight kung ano ang problema niya. Ayaw niyang maramdaman nito ang hirap at lungkot na naramdaman niya nang unang sabihin sa kanya ng nanay niyang layuan ito.

“Sige. Isang buwang sweldo mo ang worth ng tulong ko,” sabi ni Raoul na blangko ang ekspresyon ng mukha. Sanay itong mag-pokerfaced ng ganoon.

“Thank you, Raoul. You’re the best guy ever!” nakangiting sabi niya rito. Hindi ito nagsalita. Tumango lang ito sa kanya at nagpatuloy na kumain. Maging siya’y ganoon din. Pero nakulangan siya. Gusto niya ng waffle para sa dessert.

Eksaktong pagtapos nilang kumain ay tumawag si Knight sa kanya.

“Hey, ano’ng gusto mong kainin? Dadaan ako d’yan ngayon. Pwede bang d’yan kumain?” agad na sabi sa kanya ni Knight nang sagutin niya ang tawag nito.

Yes! “Waffle with cream cheese and chocolate, please! Thank you,” agad na sabi niya rito. Napalunok siya ng maalala kung ano ang lasa ng waffle na huling nakain niya at mas lalo siyang natakam. “At, oo naman. Dito ka na kumain. Pero kumain na ako eh.”

“I see. Sige. I’ll be there in a few.”

“Okay. Bye. Ingat ka,” malambing na sabi niya rito bago niya tinapos ang tawag.

“So, you really love him now, huh?” ani Raoul sa kanya. Nakaramdam siya ng pagka-awkward. Ayaw niyang pag-usapan iyon kasama ito.

“Alam mo, kailangan mong makipag-date. Mag-e-entertain na ba ako ng mga tawag o pipili na lang ako sa listahan mo? I’ll tell those girls you’re available anytime,” sa halip ay sabi niya rito.

Sa ikalawang pagkakataon ay ngiti lang ang isinagot ni Raoul sa kanya. But it wasn’t a real smile at all.

“Raoul…”

“Pupunta nga pala ako sa Italy next month. Manonood ako ng race nina Vonn,” pagkuwa’y sabi ni Raoul na inilalayo ang usapan sa kanilang dalawa. Ang Vonn na tinutukoy nito’y isang patron racer sa Camp Speed at isang Formula One racer.

Tumango si Leigh dito. Pero mahirap din para sa kanya na alam niyang nasaktan niya ang kaibigan niya. “Okay. Aayusin ko na ang schedule mo para do’n.”

Pagkatapos ng pag-uusap nila na iyon ay umuwi na si Raoul. Wala pa rin si Reema dahil wala pang alas-onse ng gabi. Hanggang alas-diyes kasi ang schedule nito para sa afternoon shift. Pero maya-maya lang ay dumating naman si Knight. Japanese food din ang dala nito na kasya para dito at kay Reema pati na ang waffle niya.

Agad niyang pinakain si Knight pagkadating nito dahil nahalata niyang pagod ito. Sinabayan din niya ito sa pagkain ng waffle niya. Nagkwentuhan sila tungkol sa nangyari sa buong maghapon nila kahit na wala namang ekstraordinaryong nangyari sa araw na iyon. Natagalan siya sa pagkain niyon dahil ninanamnamn pa niya ang sarap ng waffle at pati na ang cream cheese at chocolate. Kaya naabutan pa siya ni Knight sa pagkain ng sariling waffle nito.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong niya rito. Mukha kasi nitong mina-‘murder’ ang waffle nito at ‘naawa’ naman siya roon.

“Do you know what my heart looks like and what’s in it?” pagkuwa’y tanong sa kanya ni Knight.

Napakunot-noo naman siya rito. “No. Unless, bubuksan mo ‘yang dibdib mo at ipapakita ‘yon sa’kin.”

Tumayo si Knight hawak ang disposable knife kasama nang take-out nito at pabirong hiniwa ang tapat ng dibdib nito para kunwari’y binubuksan nga nito iyon. Natawa at napailing na lang si Leigh dito. Nitong mga nakaraang araw ay napatunayan niyang kenkoy pala talaga itong si Knight. Ang sabi nito noon ay sa kanya lang nito pinapakita ang side nitong iyon.

“Wait,” pagkuwa’y sabi nito. May kung anong ginawa na naman ito sa waffle nito. Pagkatapos ay confident na ipinakita nito iyon sa kanya. “So, this is what my heart looks like and what’s inside it.”

She pursed her lips together upon seeing that waffle. Pagkuwa’y napa-facepalm siya dahil naramdaman niya ang pag-iinit ng magkabilang mata niya. Hindi nagtagal ay may tumulong luha na sa mga mata niya. The “murdered” waffle was cut shaped into a heart and inside it was a chocolate word “YOU”. Siguro, kaya siya naiyak dahil sobrang na-touch siya sa ginawa nito.

Narinig niya ang pagbitaw ni Knight ng mahinang mura. Pagkuwa’y naramdaman niya ang paglapit nito sa kanya. Ipinulupot ni Knight ang isang braso nito sa balikat niya saka siya hinapit palapit sa katawan nito at marahang niyakap. Hinagod nito ang likod niya at narinig din niyang nag-hum ito ng kung anong kanta. At naramdaman din niya ang marahang paghalik nito sa kanyang noo. Her heart jolted at the sudden touch of his soft warm lips on her skin.

“Ano’ng ginagawa mo?” maang na tanong niya rito. Teary-eyed pa rin siya.

“Comforting you,” masuyong sabi naman nito sa kanya.

No. You’re distracting me, ngali-ngaling sabihin niya dito.

“You’re not comforting at all,” aniya rito. Sa gulat niya’y binuhat siya nito mula sa kanyang kinauupuan at dinala patungo sa sofa sa kanilang sala. Pero sa halip na paupuin siya nito sa sofa ay ikinandong siya nito sa mga hita nito. Kaya naeeskandalong tumingin siya dito kahit na naiiyak pa rin siya. “Ano’ng ginagawa mo?”

That playful smile was on his lips again. Then, he carefully dragged her to his chest. He smelled nothing like vanilla or cinnamon or men’s cologne or even bath soap. May sarili itong amoy na tanging dito lang niya naamoy. And he was intoxicating her. Idagdag pa ang mainit, malapad at matigas nitong dibdib na damang-dama niya ngayon dahil doon nakalapat ang kabilang pisngi niya. Naririnig din niya ang tibok ng puso nito. Surprisingly, hindi na siya nagprotesta pa dito.

At bago pa niya marinig ang pagha-hum nito sa isang kanta ay naramdaman na nito ang pag-vibrate ng boses nito sa dibdib nito. It was a funny feeling for her. It tickled her face. Alam niyang iyon ang paraan nito ang pagko-comfort sa kanya. But somehow, his presence and his thought was enough means to comfort her.

He only proved that her lies were all worth it.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.