Hapon na nang magising si Gabriel at nang makaramdam ng gutom ay agad na naligo siya para pumunta sa kubo nila nanay Pilar. Ilang araw na siyang walang ganang magluto at alam naman ng matanda ang sitwasyon niya ngayon kaya palagi itong bumibisita sa kaniya.
Nanibago nga lang siya ng araw na iyon dahil nang magising siya ay wala siyang nadatnan na pagkain sa mesa niya. Dati naman ay hindi ito pumapalya sa pag aasikaso sa kaniya. Palagi rin siyang sinesermunan nito dahil sa loob ng dalawang linggong pananatili niya sa isla ay wala siyang ibang ginawa kundi ang lunurin ang sarili niya sa alak.
Magdamag din siyang nakipag inuman sa mga kamag anak ni nanay Pilar kaya madaling araw na siya nakabalik ng bahay. Hindi naman nagbabago ang routine niya dahil puro inom na lang ang ginagawa niya. Nainis na kaya sa kaniya si nanay Pilar kaya hindi na siya nito binisita ngayon?
Napabuntong hininga siya at binagtas na ang daan patungo sa kubo nito. Ganoon na lang ang pagtataka niya ng wala siyang masalubong na kahit isang tao man lang sa daan. Kahit sa kubo ni nanay Pilar o sa mga kapit kubo nito ay wala siyang nakitang tao. Nahilot niya ang sentido ng biglang sumakit ang ulo niya. Naparami na naman ang inom niya kagabi kaya kailangan rin niya ng gamot.
Pero nasaan ba kasi ang mga tao dito?
Desperadong nahagod niya ang batok at nang mapansin ang mga arrow sign-na yari sa papel-na nakadikit sa mga puno ay natigilan siya. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng nakikita niyang mga arrow sign sa mga puno pero sinundan pa rin niya iyon para lang maintindihan niya kung ano ang nangyayari.
Ilang minuto na siyang naglalakad nang matanaw niya ang malaking chapel. Napakunot noo siya nang mapansin na may mga bulaklak na dekorasyon ang labas at loob ng chapel. Wala pa rin siyang nakitang tao doon pero base sa ayos ng simbahan ay alam niyang may ikakasal ngayon.
Pero sino?
Pumihit siya patalikod sa chapel. Ayaw niyang makakita ng magpares na ikakasal dahil baka mas madagdagan lang ang sakit sa dibdib niya. Baka hindi na naman siya patulugin ng mga alaala ni Maricon at lunurin na naman niya ang sarili sa alak.
Plano na sana niyang bumalik sa pinanggalingan niya kanina kaya lang ay naalala niya na wala nga pala siyang nakitang mga tao doon. Paano kung ang chapel na lang ang huling pag asa niya para makita sila nanay Pilar? Marahas na napabuntong hininga siya at naglakad na sa direksiyon ng chapel.
Habang papalapit siya sa chapel ay unti unting nagsisikip ang dibdib niya. Napakatahimik ng buong lugar at ang huni lang ng mga ibon ang naririnig niya. Tumigil siya sa paghakbang at tumayo sa labas ng pinto ng chapel. Natuon ang mga mata niya sa mismong altar at natigilan nang makita na sa mismong gitna niyon ay nakatayo si Maricon.
Suot nito ang wedding gown na minana pa ng kaniyang ina mula sa mga ninuno nila. Gimbal na ikinurap niya ang mga mata. Hindi niya magawang ihakbang ang mga paa dahil parang bigla ay ipinako siya mula sa kinatatayuan niya.
Totoo ba ang nakikita niya o isang magandang panaginip lang ang lahat? bumaha ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya ng magtama ang mga mata nila. Parang may malaking kamay ang pumisil sa puso niya nang ngitian siya nito.
"Maricon..." anas niya at hindi makapaniwalang pinagmasdan ito.
Ang asawa niya siguro ang pinakamagandang bride na nakita niya sa buong buhay niya. Nang tumango ito at ibuka ang mga bisig ay hindi na siya nagdalawang isip pa at mabilis na tinawid ang malaking pagitan nilang dalawa saka ito niyakap ng mahigpit.
"Oh god.... Hindi ako makapaniwala na nandito ka ngayon. Totoo ba talaga ito?" nagpipigil ng iyak na tanong niya.
Narinig niya ang mahinang paghikbi nito bago nito marahang hinagod ang likod niya.
"Totoo lahat ito at totoo rin na magpapakasal ulit tayo ngayon."
Hindi makapaniwalang bumitiw siya kay Maricon at nalilitong pinagmasdan ang magandang mukha nito.
Ah, napakaganda talaga nito at kahit nakita niyang isinuot noon ng mga hipag niya ang wedding gown na iyon ay masasabi niya na mas bumagay iyon sa asawa niya.
"Ano bang sinasabi mo-"
"Sssh..." pigil nito sa kaniya at marahang tinakpan ng daliri ang mga labi niya. "Fifteen years kitang pinahirapan, Gabriel at sa tingin ko hindi sapat ang ikasal lang tayo ng isang beses para makabawi ako sa'yo."
"Sweetie..."
"Will you marry me?"
Kasabay ng biglang pagsikip ng dibdib ay ang pagpilig niya ng ulo.
"Ako dapat ang nagtatanong niyan sa'yo."
"Gabriel?" bumaha ang takot sa mga mata ni Maricon.
Natatakot ba ito na tumanggi siya sa wedding proposal nito? ngumiti siya at ipinaloob ang mga palad sa mainit na pisngi nito.
"Of course I'll marry you, sino ba naman ako para tumanggi?" parang sasabog na sa tuwa ang dibdib na sabi niya.
Kumislap sa tuwa ang mga mata nito. Halos hindi na siya makahinga dahil sa pag uunahan ng napakaraming emosyon sa dibdib niya. Kailangan na siguro niyang magpalagay ng oxygen mask para lang makahinga siya ng normal ngayon.
Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi ni Maricon. Niyakap niya ito at masuyong hinagod ang mahabang buhok nito.
"Huwag ka nang umiyak, hindi na ulit ako magtatago dito sa isla at sisiguruhin ko na kapag nag aaway tayo ay ako ang unang gagawa ng paraan para magkabati agad tayo. Hindi ko papayagan na matapos ang bawat araw na hindi ko nakikita ang ngiti sa mukha mo."
"Masaya lang ako kasi nagawa ko nang aminin sa sarili ko na mahal na pala kita. Madali ka lang mahalin, Gabriel at alam ko na ngayon kung bakit mahal na mahal ka ng pamilya ko."
"I love you.." paulit ulit na sambit niya at pinaulanan ng mga halik ang bawat sulok ng mukha ng asawa niya.
Kinabig naman siya nito sa batok at sabik na inangkin ang mga labi niya.
Napaungol siya nang maramdaman ang mainit na mga labi ni Maricon. Ilang gabi niyang tiniis
na hindi ito kasama at sapat ng pambawi nito sa kaniya ang halik na pinagsasaluhan nila ngayon.
"Ready na ba ang mga ikakasal?"
Mabilis na lumayo sa kaniya si Maricon ng pareho nilang marinig ang boses ng isang matandang lalaki. Nakita niya ang pari na siguro ay lumabas mula sa likod ng altar kaya hindi niya ito nakita kanina. Nakarinig siya ng palakpakan at muling natigilan nang makita na may mga audience na pala sila ni Maricon.
Naroon na ang mga residente sa isla Camito at ang buong pamilya nilang dalawa.
"Father, sandali lang po, kailangan lang pong iretouch ang makeup ng kapatid ko kasi medyo nasira na dahil sa pag iyak niya." sabi ni Esmeralda sa pari.
"At kailangan pa pong magbihis ng anak ko dahil hindi naman po ako papayag na ikasal siya na nakapambahay lang." Dagdag naman ng mommy niya.
Pinuno ng masayang tawanan ng mga taong naroon ang buong chapel. Napangiti na lang siya at muling niyakap ang babaeng mula noon at hanggang ngayon ay may hawak na ng buong mundo niya.
"I love you so much, misis ko, alam kong ilang beses ko nang sinabi ito sa'yo pero uulit ulitin ko pa rin sa'yo na sa akin ka lang. Mula nang iniligtas mo ako noon at hanggang ngayon na ineenjoy ko ang pangalawang buhay ko ay hindi ako mapapagod na sabihin sa'yo na mahal na mahal kita."
Nakangiting pinagmasdan siya ng asawa.
"I love you too, hubby ko, at huwag kang mag alala dahil hindi ako mapapagod kahit bawat minuto mo pang sabihin sa akin kung gaano mo ako kamahal. Gagawin ko rin naman iyon sa'yo para patas tayo."
Hinigit niya ito sa baywang at siniil ng malalim na halik ang mga labi ng babaeng magiging misis niya sa pangalawang pagkakataon.
"Bawal mauna ang honeymoon!" saway ni Jaime sa kanilang mag asawa.
"Hustisya naman sa single!" sigaw ni Fabio.
Muli ay nagtawanan ang mga ito. Pero wala na siyang pakialam pa sa paligid niya dahil ang tanging gusto na lang niyang gawin ngayon ay ang maramdaman ang mga labi ng misis niya na ilang gabi rin niyang hinanap hanap.
Hindi na halos siya makatulog sa pag iisip sa kaniyang asawa. Nasanay na siyang matulog habang nasa mga bisig niya ito at nararamdaman ang init ng katawan nito. Ilang gabi siyang nagdusa ng bigyan niya ito ng space.
Ngayon na malaya na ulit niyang mahalikan si Maricon ay wala nang makakapigil pa sa kaniya na kahit na sino.
Narinig niyang tumikhim ang pari at kinalabit siya.
"Hijo, magpakasal na muna kayo bago ang kiss."
Kahit na si father...
--WAKAS--