MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 26

“I’m leaving you now, baby girl, alam kong kaya mo na wala ako at hindi ako naniniwala sa sinasabi nila daddy na mahina ka. Kilala kita at sigurado ako na isang araw ay magagawa mong patunayan sa lahat na kaya mong tuparin ang mga pangarap mo ng hindi humihingi ng tulong sa iba.”

“K-kuya, ano bang sinasabi mo? Saan ka ba kasi pupunta? Huwag mo naman akong takutin please? Ibigay mo kay Candice ang phone, kailangan ko siyang makausap ngayon.” Nag aalalang pakiusap ni Vanessa sa kuya Vincenth niya nang mapansin na parang may kakaiba na sa boses nito.

Alam niyang lasing ang kapatid niya pero ngayon lang nangyari ang ganoon na tumawag ito sa kaniya at parang nagpapaalam na. Hindi na niya maintindihan ang nangyayari kay Vincenth. Ilang araw na itong halos hindi makausap at madalas na nagkukulong na lang sa kwarto. Sinubukan naman itong kausapin ng masinsinan ng mommy nila pero palagi na lang itong umiiwas.

“Hindi ko kasama si Candice ngayon,”

“Nag aalala na ako sa`yo, please lang kuya Vincenth kailangan mo nang umuwi ngayon. Baka maaksidente ka.”

Ilang sandali na natahimik sa kabilang linya kaya mas lalo pang tumindi ang takot na nararamdaman ni Vanessa. Kanina pa niya pilit na kinukumbinsi ang kapatid na umuwi na pero ayaw siya nitong pakinggan.

“Ayoko nang umuwi pa dahil ayokong makita ni mommy na ganito ako kamiserable.”

“Kuya please!”

“Bata ka pa, Vanessa, hindi mo pa siguro nararamdaman kung paano ang magmahal ng totoo kaya kahit ipaliwanag ko sa`yo ang lahat ay hindi mo rin ako maiintindihan.”

Nagsikip ang dibdib niya nang marinig sa kabilang linya ang malakas na pag iyak ni Vincenth.

“May problema ba kayo ni Candice?”

“Bakit kahit anong gawin ko hindi pa rin niya ako magawang mahalin ng katulad ng pagmamahal ko sa kaniya? Bakit kailangan kong masaktan ng ganito?”

Nalilitong umiling siya. Paano ba nasasabi iyon ni Vincenth? Matagal na nitong girlfriend si Candice at wala naman siyang nakikitang problema sa relasyon ng dalawa.

“Mahal ka niya, ako na ang mismong magsasabi sa`yo na mahal ka ni Candice.”

“No!”

Malakas na napasinghap siya nang magsimula na itong magalit at sumigaw. Ayaw man niyang mataranta agad ay hindi niya mapigilan na makaramdam ng matinding takot.

“Tatapusin ko na ang buhay ko ngayon para matapos na ang paghihirap ko. Hindi ko magawang magalit sa kaniya dahil mahal na mahal ko siya. Sa sarili ko ako mas nagagalit dahil kahit anong gawin ko hindi ko mapigilan ang sarili ko na mahalin siya kahit na alam kong mali, maling mali.”

“No! makinig ka sa akin kuya—kuyaaaa!”

Mariing ipinikit ni Vanessa ang mga mata kasabay ng biglang pagbilis ng tibok ng puso niya. Iglap lang ay habol na niya ang paghinga dahil sa matinding kaba. Pakiramdam niya ay may bakal na kamay ang bigla na lang pumisil sa puso niya kaya hindi siya makahinga ng maayos. Ilang beses siyang huminga ng malalim at pinigilan ang mapaiyak sa harap ni Candice.

“Okay ka lang ba? gusto mo ba na umuwi na lang muna at sa sunod na lang tayo magkita?”

“No!” mabilis na umiling siya a tiningnan ito ng matalim. Kailangan niyang malaman kung ano nga ba ang totoong dahilan kung bakit mas pinili ng kapatid niya na tapusin ang sarili nitong buhay. Kahit galit siya kay Candice—dahil naging sunod sunuran ito sa gusto ng daddy niya na ilihim ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Vincenth—ay hinarap pa rin niya ito.

“Gusto kong malaman ang totoo, hindi ako katulad mo na magiging puppet na lang ni daddy kaya sabihin mo na sa akin ang totoo bago pa ako tuluyang maubusan ng pasensiya sa`yo. Kilala mo ako, Candice, matagal na tayong magkaibigan at alam mo kung paano ako magalit.”

“V-van…”

Binigyan lang niya ito ng blangkong tingin. Kahit pa siguro umatungal ito ng iyak sa harap niya at makuha pa nito ang atensiyon ng ibang naroon sa coffee shop ay wala na siyang pakialam pa. Isang taon na siyang nagtiis na manahimik lang at ngayon na tuluyan nang pinutol ng ama ang koneksiyon nito sa kaniya ay malaya na siyang alamin kung ano nga ba ang totoong dahilan nang pagpapakamatay ng kuya Vincenth niya.

Isang taon na ang nakakalipas pero sariwa pa rin sa kaniya ang buong pangyayari noong gabi na magkausap sila bago nito tinapos ang sariling buhay. Sinadya nitong ibangga ang sariling sasakyan sa isang malaking puno at iyon ang naging dahilan nang pagkamatay nito. Matindi ang tinamong head injury ni Vincenth kaya binawian din agad ito ng buhay ilang minuto matapos itong isugod sa ospital ng mga rescuer.

Isang bangungot para sa kaniya ang nangyari sa nag iisang kapatid niya. Si Vincenth lang kasi ang nakakaintindi sa kaniya at kahit noon pa man ay palagi siya nitong ipinagtatanggol sa daddy nila. Kahit malaki ang pagkakaiba nila pagdating sa pag uugali at hindi sila totoong magkadugo ay magkasundo silang dalawa. Naging savior niya ito noon kapag madalas na nasesermunan siya ng kanilang ama.

Maliban sa talagang matigas ang ulo niya ay hindi naman siya totoong Cojuangco kaya siguro mabigat ang dugo ng ama sa kaniya. Noon pa man ay hindi itinago sa kaniya ng pamilya niya ang totoo tungkol sa pagkatao niya. Ayon sa mommy Regine niya ay dalawang taong gulang lang siya nang kunin siya nito sa isang bahay ampunan. Hindi na kasi ito pwede pang magbuntis dahil sa sakit nito sa puso at ayaw naman nitong malungkot at lumaking mag isa ang nag iisang anak na si Vincenth kaya kahit tutol ang asawa nito ay nag ampon pa rin ito.

Mas matanda sa kaniya ng tatlong taon si Vincenth. Masasabi niya na naging masaya naman ang buhay niya sa mga Cojuangco dahil itinuring siya nitong totoong kapatid. Mabait rin sa kaniya ang ina at hindi iba ang turing nito sa kaniya. Pero dahil nga hindi siya tanggap ng kinikilala niyang ama ay may mga pagkakataon na mas nalulungkot siya.

Alam niyang isang pagkakamali ang nagawa niya noon kaya hindi na siya nakatanggi pa nang ipadala siya ng ama sa London. Natuklasan kasi nito na boyfriend niya ang isang professor niya noong first year college siya at sa galit nito ay ipinadala siya sa malayong lugar. Pabor naman iyon sa kaniya dahil hindi na niya ito kayang makasama o makita pa noon. Habang tumatagal kasi ay mas lalo siyang nagagalit at natututong magrebelde.

Noon pa man ay malamig na ang pakikitungo sa kaniya ng daddy niya. May mga pagkakataon pa nga na kapag nagbabakasyon ang buong pamilya sa ibang bansa ay hindi siya isinasama nito. Hindi naman daw kasi siya totoong parte ng pamilya kaya wala siyang karapatang sumali sa lakad ng mga ito. Wala naman magawa ang mommy niya dahil kahit ito ay takot sa mismong asawa. Natuto siyang magrebelde noong high school siya. Napasama siya sa maling barkada na mas lalo pang nagpasama sa image niya. Mas lalong tumindi ang galit sa kaniya ng ama dahil sa mga kalokohan niya. Ang lahat kasi ng ginagawa niya ay nagiging dahilan para madungisan ang pangalan ng mga Cojuangco.

Isang kilalang businessman ang daddy niya. Ilan sa mga pag aari nitong negosyo ay ang mga kilalang hotel sa Ortigas at mga mall sa buong Luzon. Ang kapatid niya ang naging katuwang nito sa pagpapatakbo ng mga negosyo. Dahil saling pusa lang siya sa pamilya ay nagdesisyon siyang manatili sa London at namuhay ng simple. Ang mommy at kapatid niya ang nagpapadala ng pera sa kaniya noon kaya kahit tapos na siyang mag aral at wala pa siyang trabaho ay naging komportable ang pamumuhay niya sa ibang bansa. Naging theater actress siya at kahit maliit lang naman ang mga parte niya sa stage play ay masasabi niyang achievement pa rin iyon.

Pagkalipas ng ilang taon na pananatili niya sa London ay nagdesisyon siyang umuwi ng bansa dahil gusto niyang makaiwas sa dati niyang boyfriend at live in partner na si Johnson. Nakipaghiwalay siya sa lalaki nang malaman niya na nakabuntis ito ng ibang babae. Ginugulo kasi siya nito kaya sinunod na lang niya ang suhestiyon ng kapatid na bumalik sa kanila. Pero mahigit isang buwan palang siyang nasa bansa ay napansin na niya ang pagiging tahimik at pagbabago ni Vincenth. Hindi na ito katulad ng dati na palaging masigla at nakangiti kapag nakikita siya. Halos ayaw na nga siya nitong kausapin. Alam niyang may itinatago ito sa kaniya kaya magtiyaga siyang naghintay noon na mag open ito sa kaniya ng problema. Pero hindi naman nangyari ang hinihintay niya dahil mas pinili nito na tapusin na lang ang paghihirap nito.

Isang taon ng wala ang kapatid niya pero hindi pa rin niya magawang tanggapin ang nangyari dito. Kailangan niyang malaman ang totoo at kung may tao man na kailangang magbayad sa nangyari kay Vincenth ay siya ang mismong maniningil.

“P-pero paano ka? Baka magalit ang daddy mo kapag nalaman niya ang ginagawa mo—”

“Wala akong pakialam, itinakwil na nga niya ako `di ba?” mariing putol niya sa iba pang sasabihin ni Candice.

Dalawang buwan pagkatapos mailibing ng mommy niya ay tuluyan na siyang umalis sa mansiyon ng mga Cojuangco. May iniwang malaking pera sa kaniya ang kaniyang kaya hindi siya natatakot na mamuhay ng mag isa. Hindi rin naman niya kailangan na humingi ng pera sa daddy niya dahil maliban sa sapat na ang pera na ipinamana sa kaniya ng mommy niya ay ayaw niyang isipin nito na nanghihingi siya ng limos dito. Kahit na sabihin na legal na ampon siya at may karapatan sa pera ng ama ay hindi siya magtatangkang lumapit dito para lang humingi ng sustento. Hindi matutumbasan ng kahit na anong mamahaling bagay ang hinanakit niya sa kaniyang ama.

Inatake sa puso ang mommy niya matapos nitong malaman na may ibang babae ang daddy niya. Pagkatapos mailibing ang mommy niya ay sinugod naman niya ang babae ng daddy niya na naging dahilan naman nang pagtatalo nilang mag ama. Dahil sa matinding galit niya ay nag alsa balutan siya nang palayasin siya nito.

“Paano kapag nalaman mo ang totoo? Anong gagawin mo?”

“Gaganti. Magbabayad ang kung sino man na nanakit sa kapatid ko.” Mariing sabi niya.

Natigilan si Candice at matagal na pinagmasdan siya. Sinalubong naman niya ito ng blangkong tingin. Hindi pa rin nagbabago ang dalaga. Hanggang ngayon ay masyado pa rin itong mahinhin kung magsalita at kumilos.

Dahil sa iisang subdivision lang naman nakatira ang mga pamilya nila ni Candice ay halos magkasabay na sila nitong lumaki. Magkaibigan rin ang mga magulang nila kaya madalas silang magkasama noon. Pero mula nang magrebelde siya ay napansin niya na umiwas na ito sa kaniya. Hindi naman niya minasama ang ginawa nito dahil ayaw rin niya na madamay ba ito sa mga gulong pinasok niya noon.

“Gaganti ka?”

“Oo, ang hirap kasi sa`yo masyado kang pa-good girl. Paano mo nagawang pumayag sa desisyon ng daddy namin na itago ang totoong pagkamatay ni kuya?” sumbat niya.

Pinalabas ng kanilang ama na car accident ang nangyari at kahit paulit ulit niyang sinabi dito noon na sinadya ni Vincenth na ibangga ang kotse sa puno ay hindi ito naniwala sa kaniya. Siguradong umiiwas lang ito na mapag usapan ang pamilya nila kaya kahit may hinala na ito noon na totoo ang sinabi niya –dahil nakausap nito ang psychiatrist na nagpatunay na may depression ang kapatid niya—ay pinagtakpan pa rin nito ang totoo. Kahit ang mommy niya ay walang nagawa sa desisyon nito.

Ngayon na pwede na niyang gawin ang gusto niya ay nangako siya sa sarili na igaganti ang kuya Vincenth niya. Wala siyang pakialam kahit na mapahamak pa siya. Sa ganoong paraan lang siya makakabawi sa mommy at kuya niya. Ang mga ito lang ang nagmahal sa kaniya ng totoo kaya hindi niya palalampasin ang pagkakataon na masuklian ang lahat nang nagawa ng mga ito para sa kaniya.

Malungkot na ngumiti si Candice at kinuha mula sa hawak nitong pouch ang isang limang picture at iniabot iyon sa kaniya. Natigilan naman siya at matagal na tinitigan ang picture. Kuha iyon noong mismong graduation ng kapatid niya sa college. Napapagitnaan ito ni Candice at ng isang matangkad at mestisong lalaki. Napakunot noo siya. Hindi niya kilala ang lalaki dahil wala naman nababanggit sa kaniya si Vincenth tungkol sa mga kaibigan nito. Hindi masyadong nag-oopen ang kapatid niya pagdating sa personal nitong buhay. Mas gusto pa nga nito na makinig noon sa mga kwento niya.

“Si Fabio Mondemar `yan, best friend ng kuya Vincenth mo noong college kami. After graduation ay nawalan kami ng balita kay Fabio dahil matagal siyang nagstay sa ibang bansa. Nang umuwi naman siya at nagkaroon ulit kami ng koneksiyon sa kaniya ni Vincenth ay nagsimula nang maging magulo ang lahat.”

Pinakatitigan ni Vanessa ang lalaki sa picture. Nakaakbay ito sa kuya niya at parehong nakangiti ang mga ito. Gwapo ang lalaki. Matangkad ito at halatang hindi purong Filipino. Medyo blonde ang kulay ng buhok nito at ang mga mata naman ay kakulay ng tubig sa dagat. Sanay na siyang makakita ng mga gwapong foreigner dahil sa ilang taon niyang pagtira sa London pero iba ang dating sa kaniya ng lalaki sa picture. Habang pinagmamasdan niya ang asul na mga mata nito ay parang may malakas na enerhiya ang humihigop sa kaniya. Naikurap niya ang mga mata at tumingin kay Candice.

“Paanong naging magulo?” pigil ang paghingang tanong niya.

“Bakit kahit anong gawin ko hindi pa rin niya ako magawang mahalin ng katulad ng pagmamahal ko sa kaniya? Bakit kailangan kong masaktan ng ganito?” nakagat niya ng mariin ang mga labi nang maalala ang sinabi sa kaniya ng kapatid bago ito mawala.

Tama ba ang hinala niya na love triangle ang naging problema ng tatlo?

Ilang sandaling nanahimik si Candice. Nag iwas ito ng tingin sa kaniya at ibinaba sa kandungan ang nanginginig na mga palad.

“Inamin ni Fabio sa akin na kaya siya umiwas sa amin ni Vincenth noon ay dahil attracted siya sa akin. Inakala niya na nawala na ang feelings niya sa akin nang mawala siya ng matagal kaya bumalik sa dati ang friendship naming tatlo nang umuwi siya ng bansa. Pero dahil nga madalas kaming nagkakasamang dalawa at palaging busy ang kuya mo ay mas nakilala ko pa si Fabio at….minahal ko siya.”

“What?!” hindi makapaniwalang bulalas niya. Hindi niya pinansin ang nagtatakang tingin sa kaniya ng mga naroon sa coffee shop at mariing nagsalita.

“How dare you! Paano mo nagawang lokohin ang kuya ko!”

“Hindi ko sinasadya, Vanessa. N-nagalit si Vincenth nang sabihin ko na gusto ko na munang makipaghiwalay sa kaniya dahil nalilito na ako sa nararamdaman ko at mas lalo lang akong magkakasala sa kaniya. Nagkaroon kami ng lihim na relasyon ni Fabio noon dahil hindi ko mapigilan ang nararamdaman ko. Alam kong mali ang ginawa ko, oh god, I’m sorry…” tinakpan nito ng mga palad ang mukha at napahagulhol ng iyak.

Nanginginig na siya sa galit pero hindi niya magawang ilabas iyon dahil ayaw niyang mas makakuha pa sila ni Candice ng atensiyon. Umiiwas siya sa gulo dahil baka kapag nakarating siya sa police station –na madalas mangyari noon sa kaniya—ay walang ama ang magtatangkang sunduin siya.

Marahas na napahinga siya ng malalim. Hindi niya kilala si Fabio Mondemar pero nabanggit nga sa kaniya noon ng ina na may lalaking nagpunta sa burol ng kapatid niya at nagpakilalang kaibigan nito. Hindi naman niya noon pinansin ang sinabi ng mommy niya dahil halos lutang siya noon at wala sa sarili dahil sa pagkawala ng kapatid niya.

“Kayong dalawa pala ng Fabio na iyon ang dahilan kung bakit nahirapan si kuya Vincenth noon?” nagtitimpi ng galit na tanong niya kay Candice. Nakakuyom ang kamao niya at matalim na tiningnan ito.

“Hindi ko sinasadya, nawalan ng oras sa akin ang kapatid mo—”

“Pathetic!” sikmat niya dito at galit na tumayo na.

“Vanessa, huwag mo nang ituloy ang balak mong gumanti. Hindi madaling kalaban ang mga Mondemar. Napakayaman nila at kahit ang daddy mo ay magdadalawang isip na banggain sila.”

Mapait na ngumiti siya.

“Wala akong pakialam kahit na maubos ang pera ko sa pagganti sa Fabio na iyon, gaganti ako dahil siya ang dahilan kung bakit ako nawalan ng kapatid. At ikaw, humanda ka sa akin dahil sa oras na makaganti ako kay Fabio, ikaw naman ang isusunod ko.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.