MONDEMAR CLAN SERIES 2 Chapter 27

Sanay na si Vanessa sa malalagkit na tingin sa kaniya ng mga lalaking nakakasalubong niya nang pumasok siya sa loob ng isang sosyal na bar. Hindi iyon ang unang beses na nagpunta siya sa isang bar kaya hindi niya magawang makaramdam nang pagkaasiwa habang binibigyan siya ng mga ito ng kakaibang tingin. Napangiti na lang siya at dumiretso sa counter.

“Jameson on the rocks?” nakangiting tanong ng foreigner na bartender sa kaniya.

“Yes please,” malambing na tugon naman niya. Ilang gabi na siyang pabalik balik sa bar na iyon kaya alam na ng bartender kung anong alak ang ibibigay sa kaniya. “Is he around?”

Tumango naman ang bartender habang nagsasalin ng alak sa bottle glass at saka inabot sa kaniya.

“Thank you.” Nakangiting wika niya. Mas lalong tumamis ang ngiting nakapaskil sa mga labi niya nang malaman na naroon ngayon sa bar ang taong hinahanap niya.

Maraming lumapit sa bar counter at puro lalaki ang mga iyon. Alam niyang gusto ng mga ito na makuha ang atensiyon niya kaya hindi siya nag abalang tingnan ang mga ito. Narinig niyang umorder ng alak ang katabi niya at inutusan nito ang bartender na ibigay iyon sa kaniya. Hindi siya nagsalita at inilibot lang ang mga mata sa kabuuan ng bar. Madilim sa ilang bahagi ng bar kaya medyo nahihirapan siyang hanapin ang taong dahilan ng pagpunta niya doon.

Hindi pwedeng hindi kita makita ngayong gabi, Fabio. Ilang gabi mo akong pinaghintay kaya dapat lang na magpakita ka na ngayon baka pa tuluyang maubos ang pasensiya ko. Nasabi niya sa sarili habang patuloy siya sa pagmamasid sa buong lugar. May nakapagsabi sa kaniya na madalas ay friday night daw nagpupunta sa bar na iyon si Fabio. Pero masyadong matagal ang biyernes para sa kaniya. Martes pa lang ng umaga ay dumating na siya ng bayan ng Mondemar at habang ginagawa niya ang pag iimbestiga tungkol kay Fabio at sa pamilya nito ay nagpupuyat naman siya at nagbabakasakali na makita niya ito sa bar na iyon sa gabi.

Narinig niyang tumikhim ang lalaking katabi niya. Saglit na tinapunan niya ito ng tingin. Hindi masasabing gwapo ang lalaki. Medyo chubby ito at may singkit na mga mata. Dahil na rin siguro dumaan na siya sa maraming relasyon ay masasabi niya na harmless naman ito. Gusto lang sigurong makipagkilala kaya tinanggap na niya ang alak at nagpasalamat.

“Filipina ka?”

“Yep.”

“Jayson.” Anito at inilahad ang kanang kamay. Kamuntik na siyang matawa nang marealize na halos magkatunog ang pangalan nito at ng ex boyfriend niya.

“Vanessa.” Matipid na sagot niya. Bago pa man ito makahirit ulit ay tumayo na siya at nakangiting nagpaalam na. Kailangan niyang mapag isa para masimulan na niya ang plano niya. Hindi siya pwedeng lapitan ng ibang lalaki dahil mabibigo siyang akitin si Fabio sa oras na makita nito na may kasama siyang iba.

May nakita siyang bakanteng table sa isang sulok at doon siya pumuwesto. Umorder siya ng pagkain at matiyagang naghintay sa pagdating ni Fabio Mondemar. Ngayon na ang Friday night na hinihintay niya. Sa oras na makita niya ang lalaki ay sisiguruhin niya na hindi siya nito makakalimutan. Kilala niya ang mga lalaking katulad ni Fabio at alam niyang mabilis itong kakagat sa pain niya. Sigurado siya sa bagay na iyon dahil wala pang lalaki ang hindi naakit sa ganda niya at sisiguruhin niya na hindi exempted si Fabio sa mga lalaking iyon.

Base na rin sa mga balitang narinig niya ay playboy si Fabio. Palibhasa ay bunsong anak ng mag asawang sila don Federico at donya Leticia Mondemar kung kaya naspoiled itong masyado ng pamilya. Dahil na rin sa pagtatanong niya sa mga residente ay nalaman niya na makapangyarihan pala ang mga Mondemar sa bayan na iyon. Kinuha mula sa ninuno ni Fabio ang pangalan ng bayan kaya iyon tinawag na Mondemar. Ang sabi pa ng ilang napagtanungan niya ay mababait at matulungin daw ang mga Mondemar. Napakayaman rin pala ng angkan ni Fabio. Maliban sa mga negosyo ng pamilya nito sa mismong bayan ng Mondemar ay may shipping company pa ang mga ito. Kahit sa ibang bansa ay may mga negosyo ang mga Mondemar.

Tama naman ang sinabi ni Candice sa kaniya na mahihirapan siyang banggain si Fabio. Walang wala siya kung ikukumpara sa lalaki dahil wala siyang malakas na koneksiyon na katulad nito. Kaya isang paraan lang ang naisip niya para makaganti sa binata: Ang paibigin ito. Sa oras na makuha niya ang puso nito ay sisiguruhin niya na dudurugin niya iyon at ibabalik niya kay Fabio ang lahat ng sakit na naramdaman ni Vincenth noong nabubuhay pa ito. Hindi siya makakapayag na hindi niya maibalik ang lahat ng sakit kay Fabio.

Isinandal niya ang likod sa bakal na backrest ng silya at ibinaling ang atensiyon sa stage kung saan may acoustic band ang nagpeperform ngayon. Medyo pamilyar siya sa kanta kaya sinabayan niya iyon habang itinatapik niya ang mga palad sa table.

“Fill my heart with song and let me sing for ever more. You are all I long for, all I worship and adore. In other words, please be true. In other words I love you.” Napangiti siya habang kumakanta. Favorite song ng mommy niya ang ‘Fly Me To The Moon’ at kung kasama niya ito ngayon ay baka matuwa ito dahil maganda ang ginawang version ng acoustic band.

“I love your voice.”

Mabagal na nilingon niya ang direksiyon na pinanggalingan ng tinig na iyon. Una niyang napansin ang malaking bulto ng lalaking naupo sa tapat niya. Kumunot ang noo niya at dahan dahang nag angat ng tingin sa mukha nito.

Blue eyes? Naikurap niya ang mga mata at namamanghang sinalubong ng tingin ang magandang pares ng mga mata ng lalaki. Marami na siyang nakilalang foreigner na may ganoong kulay ng mga mata pero iisang lalaki lang ang kilala niya na may nangungusap na mga mata na parang iginuhit ng isang magaling na artist.

O.M. GEE! Napalunok siya nang tuluyan na niyang makilala ang lalaki. Ang lalaking nasa harap niya ngayon ay walang iba kundi si Fabio Angelo Mondemar! Bigla ay para siyang tinakasan ng katinuan niya. Alam niyang hindi niya pwedeng sayangin ang ilang linggong pagpractice niya ng kakayahan niya sa pag arte dahil gagamitin niya iyon kay Fabio pero habang pinagmamasdan siya nito ay hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari sa kaniya. Parang may malaking kamay ang pumisil sa sikmura niya.

Umayos ka Vanessa! hindi ka dapat makaramdam ng attraction sa playboy na yan dahil kailangan mong gumanti sa ginawa niya sa kapatid mo! Natigilan siya sa pag echo ng babala na iyon sa isip niya. Napadiretso siya ng upo at nagpakawala ng malalim na buntong hininga para kalmahin ang sarili.

Hindi niya mapigilan ang biglang pagbilis ng paghinga niya nang mapansin na pinasadahan ni Fabio ng tingin ang mga dibdib niya. Kamuntik na siyang mapangiti nang makita ang pagkislap sa mga mata nito. Alam niyang hindi talaga siya mahihirapan na makuha ang atensiyon nito. Mabuti na lang at may isang tao siyang maaasahan pagdating sa mga impormasyon tungkol sa lalaki. Dating nagtrabaho sa bar na iyon ang dating kaklase niya noong highschool na si Geraldine. Matagal na niyang alam na lumipat ito sa Mondemar kaya ang babae agad ang pinuntahan niya nang dumating siya sa bayan na iyon.

Alam ni Geraldine ang tungkol sa pagganti niya kay Fabio at kilala daw nito ang lalaki. Noon pa daw ay napapansin na ng kaibigan niya na mabilis maattract si Fabio sa babaeng nakasuot ng red dress. Mukhang red ang favorite color ng binata at hindi na nakapagtataka iyon dahil base sa mga kwento ng iba ay talagang agresibo nga ito.

Sinunod naman niya ang payo ni Geraldine. Pinaghandaan niya ang gabing iyon at isinuot ang paborito niyang red dress. Simple lang ang tabas ng dress niya at hindi naman masasabing elegante. Pero sa bawat paggalaw niya ay humahakab ang tela niyon sa kurba ng katawan niya kaya hindi na nakapagtataka na pagtinginan siya ng mga lalaki. Medyo mababa ang neckline ng dress niya kaya nakikita ang cleavage niya. Hinayaan niyang nakalugay ang mahaba at alun-alon niyang buhok para mas magmukha pa siyang seductive tingnan. Alam niyang ang mga ganoong klase ng babae ang gusto ni Fabio kaya hindi biro ang ginawa niyang effort para aralin ang image ng ideal girl nito.

“I’m sorry?” pormal na tanong niya sa binata. Halatang nabigla ito sa cold treatment niya. Iba ang ginamit niyang taktika dahil ayaw niyang isipin nito na katulad siya ng mga babaeng naikama nito na sa isang tingin lang nito ay bibigay na agad siya. Kung mahihirapan ito ay siguradong mas mahahamon pa ito para lang makuha siya.

Ngumiti si Fabio. Itinukod nito ang kaliwang siko sa mesa at nakapangalumbabang pinagmasdan siya.

“Tama lang pala na sinunod ko ang instinct ko na pumunta dito ngayong gabi kahit na busy ako. Ngayon ko na pala kasi makikita ang anghel na matagal ko nang hinihintay.”

Saglit na natigilan siya nang makita ang pagkislap ng mga mata nito. Napapitlag ang puso niya sa sinabi ni Fabio. Huminga siya ng malalim at nang makabawi ay naaaliw na tumawa siya.

“Ilang babae na ba ang pinagsabihan mo niyan, mister?”

Kinindatan siya nito at inilahad ang libreng kamay sa kaniya.

“Fabio Angelo Mondemar, at your service, madame.”

Naaliw na naman siya nang pasosyal na banggitin nito ang ‘madame’. Ayaw naman niyang maging bastos kaya inabot niya ang kamay nito at balak na sanang magpakilala pero nagulantang siya nang masuyong dalhin nito ang likod ng palad niya sa mga labi nito.

“W-what are you doing?” halos hindi na humihingang tanong niya. Gusto niyang bawiin ang kamay mula kay Fabio pero wala siyang lakas para gawin iyon. Para siyang kinikiliti at hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya habang nararamdaman niya ang init na nagmumula sa lalaki.

Isa na rin ba siya ngayon sa mga babaeng hindi na nagawang makatakas pa sa malakas na charm ni Fabio?

“What is your name, princess?” tanong nito habang patuloy ang pagdampi ng mga labi sa balat niya.

Oh god! Nababaliw na ba siya para magpaapekto sa ginagawa sa kaniya ni Fabio?!

“Vanessa...” Paanas na wika niya.

“Hmmm….do you know what’s the meaning of your name?”

“No..you tell me,” kagat labing tugon niya. Nahigit niya ang paghinga nang magtama ang mga mata nila. Hindi niya mapigilan ang pagbilis ng tibok ng puso niya nang ngumiti ulit ito.

“Vanessa means butterfly in greek, princess.”

Napahinga siya ng malalim at inipon ang lakas niya para bawiin ang kamay mula kay Fabio. Kung hindi siya lalayo ay baka matulala na lang siya at hayaan ang sarili na balutin siya ng kakaibang init at magpatangay sa pang aakit nito. Gusto niyang mainis sa sarili dahil ilang linggo niyang pinaghandaan ang pagkikita nila pero mukhang mabibigo pa siya. Paano nagawa ni Fabio na lituhin siya ng walang kahirap hirap sa tuwing magtatama ang mga mata nila?

Kinagat niya ng mariin ang likod ng mga pisngi at nagmamadaling tumayo na. Nagtaka naman ang lalaki at humabol sa kaniya hanggang sa labas ng bar. Oras na para gawin niya ang plano niya. Nakita niya ang sasakyan ni Geraldine sa parking lot. Kanina pa ito naghihintay sa paglabas niya ng bar. Siguradong mamaya lang ay tatawag na ito sa kaniya na katulad ng usapan nila.

“Hey, masyado pang maaga para umuwi ka.” Pigil ni Fabio sa kaniya. Marahang ipinulupot nito ang braso sa baywang niya at ipinihit siya paharap sa direksiyon nito. “I’ll take you home if you want.”

Napapalatak siya at naaaliw na tiningnan ito. Matinik talaga ang binata dahil ang gusto agad nito ay malaman agad kung saan siya nakatira.

“Gusto mo ba akong ihatid dahil gusto mong malaman ang bahay ko?”

Bumaha ang pagkagulat sa gwapong mukha nito. Ang cute pisilin ng mga pisngi nitong mamula mula. Kung hindi lang niya alam na playboy si Fabio ay iisipin niya na inosente ito dahil masyadong maamo ang bakas ng mukha nito. Bumagay dito ang suot nitong black polo shirt. Fitted ang polo kaya humahakab ang tela niyon sa malapad na dibdib nito. Mas bumata itong tingnan kompara sa totoong edad nitong twenty nine dahil sa rugged pants na suot nito na tinernuhan nito ng white rubber shoes. Mas nagmukha itong college boy at hindi isang businessman.

May hawig si Fabio sa American actor na si Nicholas Hoult at kahit sa kulay ng mga mata ay hindi nagkakalayo ang mga ito. May dugong kastila si don Federico Mondemar kaya ang limang anak nito na puro mga lalaki ay mga mestiso. Kahit ang mga lalaking pinsan ni Fabio ay pareho rin nito na mukhang foreigner. Kaya hindi na nakapagtataka kung maraming mga babae ang dumadayo pa sa bayan na iyon para lang makilala ang isa sa mga binatang Mondemar.

Nang marinig niya ang mahinang pagtawa ni Fabio ay muling kumunot ang noo niya. Pinilit niyang kumawala mula sa pagyapos nito sa baywang niya pero hindi siya nito binitiwan. Nanlaki ang mga mata niya nang haplusin nito ang kaliwang pisngi niya.

“Natatakot ka ba na malaman ko kung saan ka nakatira dahil ayaw mong ipaalam na minor ka?”

“Minor?” nalilitong ulit niya sa sinabi nito. Nang maintidihan ang gusto nitong sabihin ay nakasimangot na itinulak niya ito palayo sa katawan niya. “Hindi porke maliit lang ako ay tatawagin mo na akong minor!” naiinsultong sikmat niya dito.

5’4 lang ang taas niya at nadadala naman niya iyon sa pagsusuot ng high heels shoes. Natatakpan rin naman ng makapal na makeup ang inosenteng mukha niya. Marami ang nagsasabi na masyado daw talagang inosente ang dating ng mukha niya. Para daw siyang isang buhay na santa dahil sa maputing balat at magandang hugis ng mukha niya. Medyo may hawig din daw siya sa aktres na si Kristine Hermosa.

Pero kahit na hindi siya matangkad at magmumukha talaga siyang teenager kapag itinabi kay Fabio dahil sa height nitong 5’11 ay hindi siya nito pwedeng akusahan na menor de edad siya!

“FYI, twenty four na ako at nasa tamang edad na para gawin ang lahat ng gusto ko kaya wala kang—”

Hindi na niya naituloy pa ang gustong sabihin nang tawirin ni Fabio ang agwat sa pagitan nila. Daig pa niya ang tinakasan ng lakas ng muli siya nitong hapitin sa baywang at walang paalam na inangkin nito ang mga labi niya.

Nalunod siya sa matinding epekto ng paghalik sa kaniya ng binata. May mali sa nararamdaman niya ngayon. Dapat ay hindi siya matuwa sa pag angkin nito sa mga labi niya. Dapat lang na magalit siya sa ginawa nito.

Pero bakit nagpipiyesta sa tuwa at kilig ang puso niya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.