“Mommy bakit parang masaya ka ngayon?”
Mula sa paghihimay niya ng paboritong chicken joy ni Kenshin ay napalingon siya kay Keannu na maganang kumakain ng french fries. Si Kean naman ay tila walang pakialam sa paligid habang kumakain ito ng spaghetti.
“Mommy, bilisan mo naman, gutom na po ako,” reklamo ni Kenshin.
“Oo na nga, sabi naman kasi sa'yo kanina maghugas ka na muna ng kamay mo sa restroom para makakain ka ng maayos.” sabi niya dito.
Kagaya ng pangako niya ay sinundo niya ang mga ito sa eskwelahan at kumain silang apat sa Jollibee na matatagpuan sa loob ng mall.
“At ikaw naman Keannu, bakit ganiyan ang tanong mo sa mommy? palagi naman akong masaya 'di ba nga sabi ko sa inyo dapat palagi lang tayong nakasmile. Kasi kapag nakasimangot ka magiging ugly ka.”
“Pero kanina ka pa po kasi ngumingiting mag isa, para kang si daddy.”
“Talaga?” animo ay hinigit pataas ang sikmura niya at nangingiting sumulyap ulit kay Keannu. “Ngumingiti mag isa ang daddy ninyo?”
May dahilan naman siya para maging masaya ngayong araw maliban sa nakasama niya ang mga chikiting. Tumawag kasi si Demi kaninang umaga at humingi ito ng tawad sa nagawa nito sa kaniya. Tama ang hinala ni Jaime na wala talagang balak si Demi na bumalik ng bansa sa oras na tumanggi ang mga magulang nito sa nais nito. Mahal na mahal daw nito ang kasintahan na si Agatha at nagpakasal na ang mga ito sa ibang bansa.
Nang malaman daw ni Demi ang nangyari sa kanilang ama ay doon lang ito natauhan sa mga nagawang pagkakamali. Nakausap na rin nito ang mga Mondemar at nakahingi na ito ng tawad lalo na kay Jaime. Hindi niya masasabi na napatawad na niya ng tuluyan ang kapatid. Siguro ay talagang hindi iyon ganoon kadali sa kaniya lalo pa at nasaktan siya nang malaman na ginamit lang siya nito. Kahit tumanggi ito noong una ay iginiit niya na babayaran niya ng installment ang malaking halaga na ibinigay nito sa kaniya. Sumang ayon naman si Yara at nangako na tutulong sa kaniya.
At dahil ipinagpilitan niya na babayaran ang kapatid ay nangangahulugan iyon na kailangan na niyang maghanap ng trabaho. Mababawasan na ang pagliliwaliw niya dahil sa susunod na mga araw ay magiging abala na siya. Hindi pa naman siya sumusuko sa pangarap niya na maging sikat na artista. Kaya lang ay mas marami pang mga bagay na kailangan niyang unahin sa ngayon.
Napangiti na naman siya nang isa isahin sa isip kung ano nga ba ang mga bagay na dapat na unahin niya.
“Oo, 'my pareho kayo ni daddy na basta na lang ngumingiti. Saka may pinapanood iyon sa cellphone niya every morning tapos bigla na lang siya mapapangiti kaya inaasar palagi nila lola.”
“Talaga ba?” napahagikhik siya.
Mukhang alam na niya kung anong video ang pinanonood ni Jaime sa cellphone nito tuwing umaga. Minsan na nakausap niya si mama Leticia ay nabanggit nito sa kaniya ang tungkol doon.
Ang haba ng hair ko.. my god!
Pagkatapos kumain ay namasyal na muna silang apat. Napansin niya na kanina pa sila pinagtitinginan ng ibang mga tao na naroon din sa mall. Kungsabagay, hindi na nakapagtataka iyon dahil kahit ang mga anak ni Jaime ay kilalang kilala din sa bayan nila.
Sa parking lot ay hindi ang driver kundi si Jaime ang sumalubong sa kanila. Nakangiting kumaway ito ng makita sila. Patakbong lumapit sa ama ang mga bata. Siya naman ay nanatili lang nakatayo dahil hindi niya alam kung papaano niya ito sasalubungin.
Naghalikan na nga kayo, sus! pabebe pa te? Kantiyaw ng isip niya.
“Hi,” lumapit sa kaniya si Jaime at masuyong humalik sa kaliwang pisngi niya. Naipikit niya ang mga mata nang masamyo ang amoy ng cologne na gamit nito. Malakas na tumikhim siya para lang kalmahin ang sarili.
“Bakit nandito ka? sana sumunod ka na lang sa amin sa loob,”
“Actually kararating ko lang din at saka ayokong makiagaw sa oras mo sa mga anak ko. Masyado akong seloso para diyan,” anito at kinindatan siya. Nagkapalit palit na marahil ang lamang loob niya nang makita ang ginawa nito.
“Pacute!” natatawang umingos naman siya.
Sa sasakyan ay abala na ang tatlo sa kaniya kaniyang iPad kaya sinamantala naman iyon ni Jaime. Habang nagmamaneho ito ay gumapang patungo sa kaniya ang kaliwang kamay nito para apuhapin ang palad niya.
“Jaime ha, sa daan lang ang mga mata please?”
Ngumiti lang ito at saka dinala ang palad niya sa mga labi nito. Napahinga siya ng malalim nang maramdaman ang init na nagmumula sa mga labi ng lalaki. May kung anong init na binuhay ito sa loob ng katawan niya. Pasimpleng sinulyapan niya ang mga bata. Mukhang hindi naman sila napapansin ng mga ito. Nang marinig niyang tumawa si Jaime ay muli siyang sumalyap dito.
“Relax, hindi mo na talaga sila makakausap kapag may hawak ng gadgets,” anito.
“Iyon na nga eh, dapat lang na bawasan mo ang oras nila sa ganiyan. Hindi mo ba naiisip na maaaring makasama sa kanila na pinapayagan mo na silang magdala ng gadget sa eskwelahan?”
“At gawain mo dapat iyon,”
“Ha?” nagulantang siya sa narinig. “A-anong ibig mong sabihin?”
“Dapat ikaw na ang magsabi sa kanila dahil ikaw na ang kinikilala nilang mommy. Nagseselos na nga si mama dahil kahit sa bahay ay palaging ikaw ang pinag uusapan ng mga bata.”
“Talaga?” naikurap niya ang mga mata kasabay ng pagdagsa nang napakaraming emosyon sa dibdib niya.
Naisip niya na napakaganda ng buhay kung tutuusin. Kapag sinagot na niya si Jaime at inalok naman siya nito ng kasal ay talagang hindi siya tatanggi. Magkakaroon na siya ng tatlong cute na mga chikiting ay may asawa pa siya na mukhang artista.
Life is beautiful talaga.