MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 20

Halos mag isang linya na ang mga kilay ni Jaime nang makatanggap siya ng tawag mula kay Juancho kaninang umaga. Nakauwi na ito mula sa ilang buwang bakasyon mula sa London at ayon dito ay nasa biyahe na ito pabalik ng Mondemar. Ayon pa dito ay may magandang sorpresa ito sa kaniya. Kagabi lang ay pinilit niya ang kapatid na sabihin nito sa kaniya kung ano man ang sinasabi nitong sorpresa. Kung hindi pa niya ito tinakot na hindi na ulit ito papayagan na magbakasyon ng matagal ay hindi pa ito aamin sa kaniya.

Ang sorpresa na tinutukoy nito ay walang iba kundi ang dating nobya niya na si Brooke. Nagkataon daw na nagkita ang dalawa sa London at hindi na nakatanggi pa ang kapatid niya nang hilingin ng babae na isama na ito sa pag uwi sa bayan nila. Hindi na siya nagulat sa natuklasan dahil may ilang araw na rin na nagpapadala ng e-mail sa kaniya si Brooke kaya lang ay hindi na siya nag abala pa na sagutin ang mga messages nito.

Para saan pa? minsan na siyang nagpakatanga dito at sa palagay niya ay tama na iyon. Kung ayaw nito sa kaniya at sa mga anak niya ay hindi niya ipagsisiksikan ang pamilya niya dito. Ang sabi pa ni Brooke sa kaniya ay gusto daw ulit nitong bumalik sila sa dati at makasama ang mga bata. Na para bang ganoon lang kadali ang lahat.

Pero alang-alang sa mga anak niya ay hindi niya itataboy ang dating nobya. Papayagan niya itong makasama ang mga bata dahil karapatan nito iyon bilang ina. Ayaw niyang dumating ang panahon na magtanim sa kaniya ng galit ang mga bata. Bilang isang ama ay obligasyon niya na ipakilala sa tatlo ang mommy ng mga ito. Pero may duda siya na magiging maayos ang pananatili ni Brooke sa bayan nila. Nasa Baguio ngayon ang mga magulang niya para magbakasyon ng dalawang linggo. Sa oras na malaman ng kaniyang ina ang pagdating ni Brooke ay baka umuwi pa agad ito sa bayan nila.

Noon pa man kasi ay hindi talaga boto ang mommy niya sa dating nobya. Sa lahat ng mga babaeng naging karelasyon niya ay wala itong kahit isang nagustuhan. Maliban na lang kay Allyson na hanggang ngayon ay wala pa rin linaw kung ano nga ba ang status ng relasyon nila. Naiintindihan niya ang dalaga at nakahanda naman siyang ligawan ito kahit gaano pa katagal.

Napangiti siya nang lumitaw sa isip ang magandang mukha ni Allyson. Kahit gaano pa kalaki ang problema niya ay napapangiti na agad siya sa tuwing naaalala niya ito. Mula sa paghihintay sa garahe ay natanaw na niya ang paparating na kotse ni Juancho. Pumarada iyon sa mismong harap niya.

“Bro!” sinalubong siya ng mahigpit na yakap ng kapatid.

Tumango lang siya at nang bumukas ang pinto ng passenger seat ay iniluwa naman niyon si Brooke. Nagliwanag ang mukha nito ng makita siya at nagmamadaling lumapit sa kaniya.

“Baby!” mangiyak ngiyak na niyakap siya nito. Hindi niya magawang gumanti ng yakap sa babae. Sabihin ng may nakaraan sila pero nawala na ang dating excitement sa dibdib niya tuwing nakikita ito. Ang nararamdaman niya ngayon ay galit, pagkailang at iritasyon nang makita ito.

Umatras siya para makawala dito at saglit na pinagmasdan ito. Sa mga nakalipas na taon ay mas lalo pang gumanda si Brooke. Lutang na lutang ang pagiging elegante nito sa bawat kilos at pananalita nito. Pero kahit katiting na atraksiyon ay wala siyang maramdaman para dito. Tumango lang siya ng ngumiti sa kaniya ang babae.

“Wala pa ang mga bata, mamaya pang hapon ang uwi nila. Kailangan ko na rin umalis agad dahil may meeting pa ako.” malamig na tugon niya.

“Okay, nasaan ang mga maid ninyo? Ipapababa ko na ang mga maleta ko dahil may lakad pa daw ang kapatid mo.”

Awtomatikong tumaas ang isang sulok ng mga labi niya.

“No need,” aniya at lumingon kay Juancho. “Ihatid mo siya sa hotel,” utos niya dito. May pag aaring hotel si Juncho at nasisiguro niya na hindi nalalayo ang serbisyo doon sa mga mamahaling hotel na napuntahan ni Brooke sa ibang bansa.

“Kuya Jaime naman, ina siya ng mga anak mo—”

“So? Ina lang siya ng mga anak ko at wala siyang koneksiyon sa akin. Hindi ko pwedeng baliin ang tradisyon ng pamilya natin na wala akong ibang ititira dito maliban sa babaeng pakakasalan ko—enough.” pigil niya nang umiling si Juancho.

Umalis na siya at hindi na muling tinapunan pa ng tingin si Brooke.

__________________________________________________

“Mommy!”

Agad na kumaway si Allyson nang makita ang triplets na tumatakbo papalapit sa kaniya. Naroon siya sa waiting area ng eskwelahan para bisitahin ang mga ito.

“Ang mga chikiting ko,” niyakap niya ng mahigpit ang tatlo at isa isang pinupog ng halik sa mukha. Ang ibang mga magulang ay nagkaniya kaniya rin ng lapit sa mga anak.

Oras kasi ng recess ngayon kaya lumabas na ng classroom ang mga bata. Ang tatlong yaya at binigyan na lang niya ng pang merienda sa canteen para masolo niya ang mga bata. Dinala niya ang mga ito sa lilim ng isang malaking puno at agad na inasikaso.

“Mabuti na lang mommy nandito ka, sa bahay pinagbabawalan na kaming kumain masyado ng jollibee. Kasi hindi daw po healthy.” sabi ni Kenshin. Nakasalampak sila ng upo sa damuhan habang kumakain ang tatlo.

“Sino naman ang may sabi na hindi healthy kumain sa Jollibee? Kayo talaga, ligtas pa kayo sa high blood kaya relax lang.” nakangiting pinanood niya ang maganang pagkain ng mga bata. Kahit papaano ay nabawasan ang lungkot niya nang makasama ang mga ito.

Papaano kasi ay ilang araw na silang hindi nagkikita ni Jaime. Tumatawag naman ito sa kaniya pero madalang at hindi sapat iyon para maibsan ang pangungulila niya sa binata. Abala daw ito ngayon dahil plano nitong magtayo pa ng isang branch ng club sa bayan nila. Maliban pa doon ay inaasikaso din nito ang ibang negosyo ng pamilya nito.

Siya naman ay ilang beses nang nag apply ng trabaho. Ang gusto sana ni Jaime ay bigyan siya ng trabaho para hindi na daw siya mahirapan pa pero matigas ang pagtanggi niya. Ayaw niyang may masabi ang iba sa kaniya kaya kahit maganda ang offer nitong trabaho ay tinanggihan niya. Nakapasa na siya sa unang interview sa mall. Assistant supervisor ng Fortech ang in-apply-an niya kahapon at nakapasa na siya sa first interview, isang malaking store iyon sa bayan na nagtitinda ng mga gadgets at computer parts.

Kanina ay nagtext siya kay Jaime na naroon siya sa eskwelahan ng mga anak nito. Nagreply naman ito at ang sabi ay papunta na ito doon.

“Aray,”

Mula sa malalim na pag iisip ay natigilan siya at mabilis na napalingon kay Kenshin nang marinig niya itong nagsalita. Nasagi marahil ito ni Keannu sa braso kaya ito nasaktan. Nang dumako ang mga mata niya sa braso nito ay agad na napakunot noo siya. Bahagyang nakataas ang kwelyo ng uniporme nito kaya napansin niya ang pamumula ng braso nito.

“Kenshin!” napilitan siyang tumayo at lumapit sa paslit. Hinawakan niya ito sa kamay at inalalayan itong tumayo.

“Anong nangyari sa'yo? bakit may sugat ka sa braso.”

“W-wala lang po, nadapa lang ako,” namumutlang nag iwas ito ng tingin sa kaniya.

Napailing siya at sinuri ang braso nito. Imposible na nakuha lang nito ang sugat sa pagkadapa dahil parang pinong kurot iyon. Bakat pa ang kuko ng kumurot dito at malalim ang sugat kung kaya namumula maging ang paligid niyon. Alam niya na maselan ang balat ng tatlo kaya sa simpleng sugat o kagat ng insekto ay namumula na ang balat ng mga ito.

“Kenshin, magsabi ka sa akin ng totoo. Hindi iyan simpleng sugat lang. Sino ang nanakit sa'yo? alam ba ito ng lola ninyo ha?” natigilan siya ng maalala na nasa bakasyon nga pala ang mga magulang ni Jaime. “Alam ba ito ng daddy ninyo? Ang yaya mo ba ang may gawa nito, ha Kenshin? Sumagot ka naman, please?”

“Si m-mommy Brooke po nabasag ko po kasi ang flower vase na pasalubong niya kay lola.” natatakot na sabi nito sa kaniya. Animo ay hinigit pataas ang puso niya.

“B-bumalik na pala siya?” nagsisikip ang dibdib na tanong niya sa mga bata.

“Opo, hindi na po namin sinabi sa inyo kasi sabi ni daddy secret lang daw namin na nandito si mommy Brooke. Kaya lang mommy ayaw namin sa kaniya kasi masungit siya tapos palagi niya kaming sinisigawan kapag wala si daddy.” sumbong ni Keannu sa kaniya.

Natulala siya at hindi agad nakapagsalita. Kung hindi pa niya narinig ang papalapit na mga yabag ng kung sino ay hindi siya matitigilan. Nagtago sa likuran niya ang triplets nang lumapit sa kanila ang daddy nito.

“May problema ba?” napalis ang ngiti nito at nagtatakang tumingin sa mga bata.

“Malaki, at mag uusap tayo ngayon din,” matalim ang tingin na sabi niya at nagsimulang maglakad palabas ng eskwelahan. Nalilito man ay napilitang sumunod sa kaniya si Jaime. Sa labas ng main gate siya tumigil at madilim ang mukha na pumihit paharap sa lalaki.

“So, nakabalik na pa sila Brooke,” seryosong sabi niya. Saglit na nawalan ito ng imik. Ngunit nang makabawi ay tinangka siyang lapitan at muling nagsalita.

“Ally, please let me explain,” pakiusap nito.

“Explain? Hindi, wala kang dapat na ipaliwanag sa akin dahil kung tutuusin ay wala pa naman akong karapatan na magselos. Hindi pa nga kita sinasagot 'di ba? kaya lang nakakainis 'eh, alam mo ba na sinaktan niya ang isa sa mga anak mo?” pigil ang pag iyak na tanong niya. Mabilis na umiling ito at nakakuyom ang palad na nagsalita.

“Pag uusapan namin ito ni Brooke mamaya pag uwi ko. Kilala mo ako hindi ako papayag na saktan ng kahit sino ang mga anak ko.” naggalawan ang mga panga nito tanda na nagpipigil ito ng galit.

“Pag usapan ninyo, pag usapan na rin ninyo ang tungkol sa nakaraan ninyo at baka sakaling magkaayos pa kayo,”

“Allyson!”

“Ano?!” asik niya dito. “Nagiging selosa na ba ako ngayon? iyon ba ang sasabihin mo, ha? hindi ko lang kasi matanggap na nagawa mong itago sa akin na nandito pala ang ex girlfriend mo. Anong gusto mong isipin ko? dapat ba akong matuwa na bumalik siya? hindi ako tanga Jaime!”

“Stop! okay? stop!” nagsimula na rin itong magtaas ng tinig. “Ayokong mag alala ka kaya hindi ko na sa'yo ipinaalam pa na nandito si Brooke. Gusto ko lang naman na makilala siya ng mga bata.”

“Pero naglihim ka pa rin sa akin at iyon ang hindi ko matanggap,” mariing sabi niya.

“Nakakapagod na kayong dalawa ni mama, nakukulili na ang tenga ko sa kakasermon sa akin ni mama sa telepono dahil lang hinayaan kong makasama ni Brooke ang mga bata tapos ikaw naman ngayon. Napapagod din naman ako, Allyson. Noong una si mama kinukulit akong ligawan ka tapos ngayon sinesermunan naman niya ako dahil kay Brooke.”

Nagimbal siya sa narinig at hindi makapaniwalang natutop ang mga labi. Kahit si Jaime ay natigilan din at napapailing na sumulyap sa kaniya.

“Honey, hindi ganoon ang gusto kong sabihin, please..please hayaan mong magpaliwanag ako,” tinangka siya nitong hawakan pero umatras siya at umiiyak na pumara siya ng tricycle. Walang kasing sakit ang bagay na natuklasan niya. Parang ipinamukha na rin sa kaniya ni Jaime na kung hindi pa dahil sa pamimilit ng ina ay hindi siya nito liligawan.

“Huwag mo akong lapitan!” singhal niya kay Jaime nang subukan nitong humakbang palapit sa kaniya.

Nang tumigil sa harap niya ang isang tricycle ay masama ang loob na nilingon niya ang binata at saka siya nagsalita.

“Basted ka na! never kitang sasagutin!” bulyaw niya saka siya nagmamadaling sumakay ng tricycle.

“Manong pakibilisan at baka masundan pa tayo ng manlolokong Mondemar na iyon,” umiiyak na bilin niya sa tricycle driver.

Dinukot niya ang cellphone sa bag at tinawagan si Yara para ipaalam na mayamaya pa siya uuwi. Magpapakalasing siya sa kung saang club para lang makalimutan niya ang pesteng sakit sa puso na nararamdaman niya ngayon.

“Hello, ateng, mabuti at tumawag ka, umuwi ka na agad dito bilis! Nagwawala si mudra dahil tumawag si Tita Demetria para daw sana humingi ng sorry sa nagawa sa'yo ng luka-luka mong sister. Galit na galit si mudra, diyos ko!”

Narinig niya ang pagtili ni Yara sa kabilang linya nang sumigaw ang kanilang ina at tila may kung ano pa itong binasag.

Napaiyak na naman siya at pinutol na agad ang tawag. Ni hindi na niya alam kung ano ang uunahin niyang intindihin. Ang sakit ba na nararamdaman niya sa puso niya dahil sa mga natuklasan niya o ang takot sa sariling ina?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.