MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 22

Pasado alas singko y medya na ng hapon nang magpasiyang lumabas ng kubo si Allyson at maglakad lakad sa dalampasigan ng isla Camito. Kapag ganoong oras ay binubuksan ang generator sa buong baranggay hanggang alas onse ng gabi kaya maliwanag at pwedeng maglakad lakad sa labas.

Nakangiting nagtampisaw siya sa tubig habang hinihintay niya ang paglubog ng araw. Nakatulog siya kanina at nang magising ay wala ang mga kasama niya sa bahay. Malamang ay tumawid na si mamang Isang sa bahay ng kaibigan nito para makinood ng TV. Kapag ganoon na may kuryente na sa gabi ay kaniya kaniyang tawid ang mga tao para manood ng balita at mga teleserye sa kung sino man na kakilala ng mga ito na mayroong TV.

Si mamang Isang ay pinsang buo ni daddy Rodie. Balo ito at ang dalawang anak na lalaki ay pawang mga sundalo kaya palaging wala sa bahay. Ang tanging kasama lang nito sa bahay na nadatnan niya ay ang dalagitang apo nito sa pamangkin na si Yola.

Habang isinisipa niya ang mga paa sa tubig ay hindi niya mapigilan na isipin ang nangyari sa kaniya nitong mga nakaraang linggo. Una ay ang ginawang pagsisinungaling sa kaniya ni Jaime. Nasaktan siya sa ginawa nitong paglilihim tungkol sa pagbabalik ng dating kasintahan na si Broke. Pagkatapos ay nalaman pa niya na napilitan lang pala ito na ligawan siya dahil kay mama Leticia. Pangalawa ay ang tungkol sa kaniyang ina. Nakausap na pala nito ang papa Peterson niya at maging ang kakambal nito na si tita Demetria. Humingi daw ng tawad ang mag asawa dahil inamin ni Demi na ginamit siya nito para sa sarili nitong kapakanan.

Nang umuwi siya ng bahay ay sampal ang inabot niya sa ina. Napilitan siyang umalis dahil hindi daw nito kayang makita siya. Sa ginawa daw niya ay para na rin niyang ipinaalala dito ang ginawang panloloko ng kaniyang ama. Mabuti na lang at tinulungan siya ni auntie Winna at inihatid siya nito sa isla Camito kung saan naninirahan si Mamang Isang.

Medyo masakit para sa kaniya na hindi magawang tanggapin ng kaniyang ina ang paliwanag niya. Hindi siya nagkamali ng hinala noon na sa oras na matuklasan nito ang paglapit niya sa mga Bustamante ay malamang na maging abot hanggang langit ang galit nito sa kaniya. Dalawang beses siyang lumuluwas sa loob ng isang linggo para mamili sa bayan. Doon lamang nagkakaroon ng signal ang cellphone niya kaya sinasamantala niya iyon para tumawag kay Yara at kamustahin ang lagay ng mga ito.

Maayos naman daw ang lagay ng ina ayon na rin kay Yara. Hintayin na lang daw niya na humupa ang galit nito bago siya bumisita sa bayan nila. Kahit nga daw si Yara ay hindi rin masyadong kinakausap ng kanilang ina. Ang tungkol sa nagastos naman sa bahay ay gumawa ng kasulatan ang kanilang ina at nangako sa kaniyang ama na babayaran nito ang malaking halaga na ibinigay sa kaniya ni Demi sa loob ng anim na taon.

Walang alam ang mommy Laura niya tungkol sa share niya sa kompanya. Nabanggit sa kaniya ni Jaime na bumili daw ng stock sa Bustamante Corporation ang kaniyang ama at ipinangalan iyon sa kaniya. Alam niyang karapatan niya iyon bilang isang Bustamante pero hindi naman niya magawang tanggapin agad dahil ayaw niyang mas lumala ang galit ng ina sa kaniya. Kapag naghilom na ang galit ng kaniyang ina ay umaasa siya na makukumbinsi niya ito na hayaan siyang tanggapin ang ibinigay sa kaniya ng ama.

Malalim na napabuntong hininga siya at tumingin sa malawak na dagat. Niyakap niya ang sarili nang maramdaman ang paglakas ng hangin. Ngunit walang anu-ano ay may isang bulto ang nakaagaw ng atensiyon niya. Maliit lang iyon noong una kaya inakala niya na namamalikmata lang siya. Natigilan siya ng habang papalapit ang bulto na iyon ay unti unti naman niya itong nakilala.

Diyos ko! natutop niya ang mga labi nang makita si Jaime na nakasakay ng bangka ni tiyo Ador at kumakaway sa kaniya. Hindi makapaniwalang napaatras siya nang makarating malapit sa direksiyon niya ang bangka.

“Ineng, nariyan ba ang mamang Isang mo? pakisabi nga na dito ako matutulog ngayong gabi,” ani tiyo Ador. Pinsan din ito nila mamang Isang at daddy Rodie kaya kilala niya ito.

“O-opo, nangapitbahay po sila mamang 'eh, mamaya pa siguro sila babalik. Tiyong naman, bakit nagsama pa kayo ng unggoy dito? akala ko ho ba mahigpit dito at hindi basta-basta nagpapapasok nang turista eh bakit ang unggoy nakalusot?”

“Ano ba naman ang sinasabi mong unggoy? Aba, napakagwapo nitong kasama ko at saka hindi mo ba kilala? siya ang panganay na anak ni Federico Mondemar. Hala, kausapin mo na nga muna at may hinahanap daw si boss. Kailangan kong dalhin sa pampang itong bangka ko.”

“S-sino po ba ang hinahanap?” nagsisikip ang dibdib na tanong niya sa matanda.

Si Jaime ay nakatayo lang malapit sa kaniya. Tila natulala na ito habang nakatitig sa kaniya. Hindi ito nagsasalita na animo ay namalikmata.

“Naghahanap daw ng poreber. Naligaw daw dito ang babaeng pakakasalan niya,”

Nag angat siya ng tingin sa langit dahil hindi niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha niya. Napailing siya at tinalikuran na ang dalawa. Naglakad siya patungo sa pampang. Si Jaime naman ay mabilis na humabol sa kaniya.

“Allyson, wait!” tawag nito sa kaniya.

Hindi niya ito pinansin at patuloy lang siya sa paglalakad. Kung kailan niya ito tinalikuran ay parang saka lang nagsink in sa kaniya ang lahat ng emosyon na nagpahirap sa kaniya sa loob ng ilang linggo.

Masama pa rin ang loob niya sa paglilihim ni Jaime. Nagagalit siya dito dahil parang ipinamukha nito sa kaniya na kung hindi dahil sa ina nito ay hindi siya nito liligawan. Ayaw niyang matulad sa mommy niya na naiwang luhaan kaya mas tama na siguro na layuan niya ito.

“Allyson, babe, baby, honey, sweetheart, please naman. Kausapin mo na ako, please?” nagsusumamong turan ng binata.

“Ayoko! bumalik ka na sa Brooke mo. Sinungaling ka!” napahikbi siya at mas binilisan pa ang paglalakad.

Wala na siyang pakialam pa kahit magkasugat sugat pa ang paa niya sa paglalakad lalo pa at nakayapak lang siya at may maliit na mga bato sa nilalakaran niyang buhanginan. Simpleng sugat lang iyon at mas masakit pa rin ang sugat sa puso niya.

Ah pesteng heartache iyan!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.