Una sa lahat ay walang pakialam si Allyson kahit na naroon sa isla Camito si Jaime. Tama wala talaga siyang pakialam kaya kahit alas dos na ng madaling araw ay pabaling baling siya ng higa sa papag at nakikiramdam sa paligid.
Simula nang dumating si Jaime kanina ay napilitan siyang magtago sa silid niya. Hindi nga siya sumabay sa mga ito na kumain ng gabihan para lang huwag itong makita. Si tiyo Ador ang matiyagang kumausap kay Jaime at nalaman pa niya na kinaray daw ito ng matanda sa inuman.
Kahit pilit na itinatanim niya sa utak na wala siyang pakialam ay halos mamatay matay naman siya sa pag aalala. Papaano naman kasi ay alam niya na hindi sanay si Jaime na uminom ng mga alak na hindi pang sosyal. Tiyak na mamaya lang ay magsusuka na naman ito at mahihilo.
Napilitan siyang bumangon at hinagod ang batok. Kahit masama ang loob niya sa lalaki ay kailangan pa rin niya itong intindihin. Konsensiya pa niya kapag napahamak ito sa isla Camito.
“Hindi ka makatulog ano?” tanong ni mamang Ising na bumangon na rin.
“Mamang naman, nanggugulat,”
“Naku, kayo talagang mga kabataan. Huwag ka na magpakipot Allyson, halata naman na mahal na mahal ka ni Jaime.”
Matipid na ngumiti siya. Kung alam lang ng matanda ang lahat ng pinagdaanan niya simula nang makilala niya si Jaime.
“Hindi po marunong magmahal ng babae ang unggoy na iyon,” sabi na lang niya at tumayo na. “Maghihintay na lang muna po ako sa sala at baka dumating na sila.”
“Siya sige, lalabas na rin ako at gusto kong uminom ng mainit na gatas. Kanina pa ako hindi makatulog ng ayos.”
“Sige po,”
Ngunit paglabas nila ng silid ay ang nagkakagulong palakpakan at sigawan sa labas ang sumalubong sa kanila. Nagtatakang lumapit siya sa bintana at binuksan iyon. Napaawang ang mga labi niya nang mapansin ang grupo ng mga kalalakihan sa labas ng kubo nila. Halatang lasing na ang mga ito dahil pasuray suray na nagtatawanan.
“Ano iyan, Ador?” nagtatakang dumungaw na rin sa bintana si mamang Ising.
Animo ay tubig sa dagat na nahawi ang mga tao. Tumambad sa kaniya si Jaime pasuray suray na naglakad ito habang may bitbit na gitara. Nagsigawan ang mga tao nang magsimula itong tipahin ang kwerdas ng gitara.
“If you don’t know me by now, you will never never never never know me, oooh…” birit nito ng wala sa tono.
“Ay diyos ko!” natampal niya ang noo at agad na kumaripas ng takbo palabas ng kubo. “Ano ba, Jaime!” kinuha niya ang gitara dito at basta na lang iyon ibinigay sa isang lalaki.
“Allyson, kausapin mo ang nobyo mo ha? ako na ang naaawa diyan. Kanina pa iyan umiiyak sa inuman dahil hindi mo daw kinakausap.”
“Tiyong, tinapat ko na po siya na wala siyang pag asa sa akin, matigas lang talaga ang ulo kaya kahit nabasted na ay sige pa rin,” angal niya at maagap na inalalayan sa braso si Jaime nang magpasuray suray na naman ito.
Nang tumingin sa kaniya si Jaime ay namumungay ang mga mata na ngumiti ito at niyakap siya. Napaubo siya nang ibigay nito sa kaniya ang buong bigat nito.
“Honey, akala ko hindi mo na ako papansinin,” parang bata na napahikbi ito.
Totoo ang sinasabi ni tiyo Ador! Umiiyak nga si Jaime at kahit hindi bagay sa malaking katawan nito ang pag iyak nito na parang isang paslit na inagawan ng pagkain ay naging cute pa rin ang dating niyon sa kaniya.
“Oo na, halika na, bukas na tayo mag usap kapag matino ka na,” hinagod niya ang likod nito nang umubo ito ng malakas. “Tara na,” kahit nahihirapan ay inalalayan pa rin niya itong maglakad papasok sa loob ng kubo.
“If you don’t know me by now, you will never never never never know me, oooh…” birit na naman nito. Naitirik niya ang mga mata.
Minsan na nga lang siya haranahin nito ay iyon lumang kanta pa ang napili nito. Hindi marahil nito kilala ang One Direction.
“Sa kabilang kwarto mo na lang siya dalahin, Allyson para makapagpahinga ng maayos,” bilin ni mamang Isang at bumalik na sa loob ng kwarto nila.
“Opo,”
Hingal kabayo na siya nang madala niya ito sa kabilang silid. Maingat na inalalayan niya itong mahiga sa maliit na kama. Dahil malaking tao ito ay lumampas na ang mga paa nito sa higaan. Habang inaayos niya ang unan sa ilalim ng ulo nito ay natigilan siya nang hapitin siya nito sa batok at kintalan ng nagbabagang halik sa mga labi.
Natigilan man noong una ay hindi niya mapigilan ang sarili na tumugon sa matamis na halik ni Jaime. Naipikit niya ang mga mata nang magsimulang yumapos ang mga braso nito sa baywang niya. Dahilan para bumagsak siya sa ibabaw nito. Ramdam niya ang pagwawala ng puso niya na animo ay gusto nang kumawala niyon sa loob ng dibdib niya.
“Mahal kita, Allyson, sorry kung ngayon ko lang narealize lahat iyon. Makinig ka sa akin please?” hinihingal na anas nito habang nakapikit ang mga mata.
Nananaginip ba ito? natulala siya at saglit na pinagmasdan ang lalaki.
“M-mahal mo ako? akala ko ba sabi mo niligawan mo lang ako dahil pinilit ka ng mama mo?” may bikig sa lalamunan na tanong niya.
“Hindi..” anito at ilang beses na umiling. “Narindi lang talaga ako sa sermon ni mama noon kaya mainit ang ulo ko. Totoong kinulit ako ni mama na ligawan ka pero maniwala ka sa akin sarili kong desisyon na ligawan ka. Niligawan kita dahil gusto kita, una kong naramdaman iyon noong nagkasakit ako at inalagaan mo ako. Simula niyon hindi ka na maalis sa isip ko. Maniwala ka sa akin please? please?”
Nakagat niya ang mga labi. Kinintalan niya ng masuyong halik ang mga labi nito. Lumalim ang paghalik ni Jaime sa kaniya kaya nahirapan siyang makawala dito.
“W-wait!” pigil niya dito.
Umungol ito bilang pagtutol nang lumayo siya dito. Saka na siya magpapakalunod sa matamis na sandali sa piling ni Jaime. Kailangan niyang kunin ang cellphone sa kabilang silid para mairecord niya ang pagtatapat ni Jaime ng damdamin sa kaniya.
Lintik lang ang walang ganti hoho!