MONDEMAR CLAN SERIES Chapter 24

Three months later….

“Ano nga ulit? Sino nga ulit ang mahal mo?”

“Si Allyson,”

“Talaga? hindi si Brooke?”

“Past is past,”

“Eh bakit nandito ka? baka pinilit ka naman ni mama Leticia ha?”

“Hindi ah! tingin mo sa akin duwag? Nandito ako kasi sabi sa akin ni bayaw nandito daw si Poreber. Hinanap ko kasi pakipot ayaw tumanggap ng sorry mana sa mama niya. Kaya lang mahal ko siya kaya nilunok ko na ang pride ko. Wala na ngang natira sa akin, siya na lang kaya lang ayaw akong patawarin.”

“Sama kasi ng ugali mo—hep bawal sumabat ang lasing. Okay tapos na po ang interview ko sa lasing na si Jaime Mondemar. Ang video po na ito ay patunay lang na baliw na baliw talaga siya sa akin kaya gumilid gilid na ang may balak mang agaw dahil sa mars kayo pupulutin. Babush –ay teka sino nga ulit ang mahal mo?”

“Kulit, si Allyson nga!”

“I love you too, Jaime Mondemar,”

Napangiti si Allyson matapos niyang mapanood ng pang ilang daang beses na ang video nila ni Jaime. Dahil tapos na siya sa morning ritual niya ay ibinalik na niya ang iPad sa bedside table at nag unat ng mga braso. Nang magising siya kanina ay wala na sa tabi niya ang kaniyang asawa. Tiyak na nasa labas na ito at nakikipaglaro sa mga bata.

Nang sulyapan niya ang wallclock ay napaungol siya nang mapansin na alas nuwebe na pala ng umaga. Siguradong sermon na naman ang aabutin niya kay Yara dahil tanghali na siya makakarating sa parlor nila. Sa tulong ni Jaime ay nakapagpatayo sila ni Yara nang malaki at modernong parlor sa bayan. Dinadayo ng mga tao ang parlor nila kaya tuwang tuwa ang kapatid niya. Kaya lang ay madalas na nasesermunan siya nito dahil late na siya nakakarating sa parlor. Kapag sinabi niya kay Yara ang dahilan ng ilang gabing pagpupuyat niya ay baka mapatili ito sa kilig.

Papaano naman kasi ay walang ginawa si Jaime kundi ang lambingin siya. Madalas na nagigising siya sa madaling araw dahil sa mga halik nito. Nahihirapan tuloy siyang bumangon sa umaga dahil palagi siyang napupuyat. Sa nakalipas na tatlong buwan ay totoong naging masaya siya sa kung ano man ang buhay na mayroon siya ngayon. Sinunod nila ni Jaime ang kagustuhan ng kaniyang ina na magpakasal sila para lang mapatawad sila nito. Dahil wala ng masyadong panahon ay sa civil wedding na muna sila nagpakasal ni Jaime at ngayon ay excited na sila ng kaniyang ina at ni mama Leticia sa pag aayos para sa engrandeng kasalan na gaganapin sa bayan ng Mondemar sa sunod na buwan.

Halos patapos na ang pagpapagawa ng bahay nila at ilang linggo pa ay maaari nang lumipat doon ang pamilya niya. Samantalang siya ay abala sa pagiging asawa ni Jaime at ina naman sa mga anak nito. Naipaliwanag na ni Jaime sa kaniya ang lahat. Simula nang malaman nito na sinaktan minsan ni Brooke ang anak na si Kenshin dahil nabasag nito ang mamahaling flower vase na regalo sana ni Brooke kay mama Leticia ay nagdesisyon si Jaime na huwag nang hayaan pa ang babae na makalapit sa mga bata. Wala naman nagawa ang babae kundi ang umalis na lang. Wala na rin naman kasi itong magagawa pa dahil nalaman din agad ni Jaime ang dahilan nito kung bakit ito bumalik.

Matagal na palang pinipilit ng tiyuhin si Brooke na magpakasal sa isang matandang negosyante para lang maisalba ang negosyo ng pamilyang nagpalaki at kumupkop dito. Dahil ayaw ni Brooke na magpakasal sa kaibigan ng tiyuhin ay nagdesisyon itong bumalik kay Jaime. Ang dahilan nito ay mas madali itong makakabalik kay Jaime dahil may mga anak ang mga ito at hindi na imposible kung aakitin ulit nito ang lalaki para mapilit nitong magpakasal.

Katulad ni mama Leticia ay halos umusok din ang ilong niya sa galit nang malaman ang plano ni Brooke. Mabuti na lang at nakaalis na agad ito at hindi na maaari pang lumapit sa mga bata. Kung hindi naman nito sinaktan ang isa sa mga bata ay hindi ito pagkakaitan ng pagkakataon ni Jaime na makita at makasama ang sarili nitong mga anak.

“Mommy! mommyyyyyy!”

Napakunot noo siya ng biglang bumukas ang pinto ng silid nilang mag asawa. Iniluwa niyon ang mga bata kasama si Jaime na patakbong lumapit sa kaniya. Kaniya kaniyang lundo ang mga ito sa kama at agad na yumakap sa kaniya. Si Kenshin ay nasa bandang tiyan niya. Sa may paanan naman niya si Keannu at si Ken ay nasa uluhan niya. Si Jaime naman ay tumabi sa kaniya at naglalambing na niyakap siya habang may kung ano itong ipinapakita sa hawak nitong tablet.

“Hon, tingnan mo ito, ang galing 'di ba?” naaaliw na itinuro nito ang picture sa screen ng tablet.

Napamulagat siya nang makita kung ano ang pinagkakatuwaang tingnan ng apat. Tungkol iyon sa isang babae na nanganak ng limang sanggol. Ipinakita pa ang picture nito noong nagbubuntis ito at sa laki ng tiyan nito ay daig pa nito ang nakalunok ng tatlong pakwan.

“Jaime, ha, hindi ko na gusto ang tumatakbo diyan sa isip mo,” nakakunot noong hinila niya ito sa tenga.

“Aw, honey,” angal nito.

Hindi niya pinansin ang pagrereklamo nito at itinuloy niya ang pagbulong sa tenga nito.

“Anong akala mo sa matris ko ha? isang anak nga lang duda pa ako na kakayanin ko. Lima pa kaya? aba, Mr. Mondemar may balak ka bang bumuo ng football team?” binitiwan niya ang tenga nito at pinandilatan ito ng mga mata.

“Pero mommy gusto namin magkaroon na agad ng bagong kapatid,” sabi ni Kenshin.

“Haha!” sabi na lang niya. “Tigilan ninyo ako, tabi,” tinangka niyang tumayo pero mas lalo pa siyang niyakap ng mga ito. Natawa na lang siya at napilitan na bumalik sa pagkakahiga sa kama. “Hay, ano ba ang gagawin ko sa inyong apat?” sumusukong sabi niya.

“Papayag na iyan,” nangingiting bulong ni Jaime sa kaniya. Napasinghap siya nang halikan siya nito sa mga labi.

“Ew!” kaniya kaniyang tayo ang mga chikiting at nagtakbuhan palabas ng silid. Iniyakap niya ang mga braso sa batok ng asawa habang ito naman ay nagsimulang dumagan sa kaniya.

“Honey, hindi ko talaga kaya ang lima. Once a year na lang pwede?"

Alam niyang imposible pa rin ang isang bata sa isang taon. Duda rin siya na kakayanin niya ang stress ng pagbubuntis. Palagi naman sinasabi sa kaniya ng ina na hindi naman daw ganoon kahirap na magbuntis at dapat daw ay lakasan niya ang loob niya.

Napakunot noo ito.

“Mas madali naman iyon isahan lang, kaya ko naman sila lahat buhayin kahit lampas pa sa lima ang ipagbuntis mo.”

Natatawang tinampal niya ito sa sikmura.

“Gago, anong tingin mo sa akin basta na lang mangingitlog. At saka iyang sundalo, ang agang sumaludo!” naeeskandalong bulalas niya nang maramdaman ang matigas na bagay sa kaliwang hita niya.

“Good morning daw,” pilyong tugon nito.

“Bastos!” napabungisngis siya nang magsimula na itong halikan ang kaliwang balikat niya.

Sa mga sandaling iyon ay wala ng ibang maririnig maliban sa mga ungol niya at sa matatamis na mga salitang nagmumula naman sa napakagwapong asawa niya.

Masaya ang buhay na mayroon siya ngayon. Hindi man natupad ang pangarap niya na maging isang sikat na artista ay mas higit pa doon ang natanggap niya. Walang camera na umiikot sa kaniya. Pero siya ay nasisiguro niya na iikot ang buhay niya para kay Jaime at para sa pamilya nila. At alam niya sa sarili niya na kahit kailan ay hindi niya pagsisihan ang araw na nakilala at minahal niya si Jaime.

Siya nga ang poreber nito 'di ba?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.