Monstrous Academy 1: Gangster's Love Chapter 42

42: Clue

-

Liam’s POV

Hindi ako mapakali sa labas ng emergency room dahil sa nangyari. Kasalanan ko kung bakit iyon nangyari, hindi ko binantayang maigi si Ayesha. Sa sobrang inis sa sarili ay nasuntok ko ang pader ngunit agad din akong pinigilan ni Rain.

“Liam. Tama na ‘yan, walang may gusto sa nangyari, okay?” Hinila niya ako para maupo at alam kong sinusubukan lang niyang maging matapang. Huminga ako ng malalim at pilit ikinalma ang sarili.

“H-hindi namin naabutan. Yari talaga sakin ‘yon kapag nahuli ko kung sino ‘yon.... Kamusta si Ayesha? Anong lagay niya ngayon?” Hingal na tanong ni Thunder pagdating nila.

“Wala pang sinasabi yung doctor.” Sagot ko.

“Cr lang ako.” Paalam ni Rain at saka nagmadaling umalis. Mukhang hindi na niya kayang itago ang nararamdaman niya, balak ko pa sana siyang sundan ngunit lumabas na yung doctor.

“Nasaan ang guardian ng pasyente?”

“Ah.. Kaibigan niya po ako. Ano na pong lagay niya?” Tanong ko nang makalapit ako.

“She’s okay. Kailangan lang niya ng mahabang pahinga. Hindi rin gano’n kalalim ang saksak at wala namang tinamaang internal organ.” Paliwanag ng doctor kaya naman para akong binunutan ng tinik.

“Salamat, Doc.” Tinapik lamang ako nito kaya muli akong naupo at yumuko.

“Ang tagal yata ni Rain?” Puna ni Pink nang makitang hindi pa rin siya bumabalik.

“Pupuntahan ko lang.” Paalam ni Thunder bago agad na tumakbo paalis.

Rain’s POV

Pinilit kong maging matatag sa harapan nila ngunit hindi ko na iyon kayang panindigan. Pagpasok na pagpasok ng banyo ay roon ko inilabas lahat ng luhang kanina ko pang gustong ilabas.

May nasaktan na naman dahil sa akin. Kung hindi lang sana ako lumabas ng coffee shop noong makita ko ang taong nakaitim na facemask, eh di sana hindi mangyayari ito kay Ayesha. Hindi ko na alam ang gagawin ko kapag may nasaktan pa ulit sa mga mahal ko sa buhay.

“Rain.” Tawag ni Thunder mula sa labas ng banyo kaya dali-dali akong akong nagpunas ng luha bago lumabas.

“Ano nangㅡ” Hindi ko nagawang ituloy ang itatanong ko sa sana sa kanya dahil bigla niya akong niyakap. “B-bakit?”

“I know you’re blaming yourself again. Okay na si Ayesha, kailangan lang niya magpahinga para humilom ang sugat. Wag mo nang sisihin ang sarili mo sa nangyari..” Sabi niya at marahan akong tumango. Pinilit ko rin na wag nang umiyak dahil alam kong hindi iyon gugustuhin ni Ayesha.

Hinawakan ni Thunder ang kamay ko at saka dinala sa kwarto kung saan inilipat si Ayesha. Pagdating namin doon ay si Liam lang ang tanging naabutan namin.

“Nasaan sila Jin?” Tanong ni Thunder.

“Bumalik na sa academy. Malapit na mag-curfew. Bumalik na rin kayo, ako nang magbabantay kay Ayesha.” Sabi ni Liam ngunit umiling ako at lumapit sa kama kung saan nakahiga si Ayesha.

“Dito na lang din kami. Sabado naman bukas, natawagan mo na ba si Tita?” Tumango lang siya sa tanong ko kaya naman hinawakan ko ang kamay ni Ayesha at marahan iyong inilagay sa pisngi ko. I’m sorry, beb.

Kinabukasan, minabuti naming bumalik muna sa Academy para ikuha ng damit si Ayesha. Naroon naman na si Tita sa hospital para magbantay sa kanya.

Agad kaming naghiwalay ni Thunder pagdating sa Academy. Pagpasok ko naman sa kwarto ay kumuha agad ako ng pwedeng gamitin ni Ayesha habang nasa hospital siya.

Nang maayos ko na ang mga gamit niya ay pumasok na ako ng banyo para maligo ngunit ilang minuto ang lumipas ay nakarinig ako ng kaluskos mula sa labas. Kumunot ang noo ko at nagmadaling lumabas ng banyo.

Akala ko pa ay makikita ko si Thunder pero, hindi. Ako lang ang narito at napansin ang pamilyar na bote sa ibabaw ng kama ko. Napahigpit na lamang ako ng hawak sa twalyang suot at buong tapang iyong binuksan.

“Natatakot ka na ba? Bibigyan kita ng clue. Keen ka kaya sure akong mahahanap mo ako. Isa ko sa mga nakakasalamuha mo rito sa Academy. Goodluck, dahil isusunod ko na ang mahal mong si Thunder.”

Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko matapos mabasa ang papel. Tila naging yelo ako at hindi magawang igalaw ang kahit anong parte ng katawan ko.

Nakakasalamuha ko rito sa Academy? Sino? Iilan lang naman ang nakakausap ko rito. Si Tymee, Emerald, Amanda, Pink, Amethyst. Si Zea, tropang sisiw at DarkㅡWait. Posible kaya na isa sa miyembro ng dark? Hindi kaya galit sila sa akin dahil ako ang dahilan kung bakit sila nasira?

“Hoy, bakit hindi ka pa nagbibihisㅡ” Bigla na lang sumulpot si Thunder kaya bumalik ako sa sariling ulirat at napayakap sa sarili.

“A-ano ba, bigla-bigla kang sumusulpot. M-magbibihis lang ako.” Babalik na sana ako sa banyo ngunit pinigilan niya ko at saka kinuha ang hawak kong papel. Agad niya iyong nilukot nang mabasa niya ang nilalaman noon, kitang-kita ko rin sa mga mata niya ang galit.

“Magbihis ka na.” Tumango lamang ako at hindi na siya sinubukang kausapin tungkol sa nabasa.

Pagpasok ko sa banyo ay agad kong inisip kung sino ang posibleng nagpapadala ng sulat at nagtatangkang manakit sa mga malalapit sa akin.

Wala akong idea kung babae o lalake pero isa lang ang sigurado ako. May traydor sa mga kaibigan ko rito sa academy.

Ilang minuto ang lumipas ay nasa hospital na kami ni Thunder, hindi siya kumikibo hanggang ngayon at mukhang iniisip pa rin ang sulat na nabasa niya.

“Kulog.” Tawag ko nang hawakan ko ang kamay niya. Sa sobrang lutang ay hindi niya ako narinig kaya naman humarang ako sa hallway.

“What?” Hindi ko iyon sinagot at niyakap lamang siya ng mahigpit.

“Anong iniisip mo?” Tanong ko bago kumalas sa pagyakap at hawakan ang dalawang kamay niya.

“Papatayin ko talaga kung sino man ‘tong nagpapadala ng sulat sa’yo. Wag na wag lang siyang magpapahuli sa’kin.” Halatang-halata sa boses niya ang pagkagigil kaya niyakap ko siya ulit.

“Matatapos din ‘to.” Kumalas ako sa yakap at hinawakan ang kamay niya bago magpatuloy sa paglalakad.

Pagpasok namin sa kwarto ay agad gumuhit ang ngiti sa labi ko nang makitang gising na si Ayesha.

“Beb. Kamusta ka na?” Hinawakan ko ang kamay niya at ngumiti siya sa akin ng malawak.

“Okay na ko, Beb. Medyo masakit lang yung likod ko. Sabi naman ng doctor pwede na kong lumabas sa monday.”

“Buti naman.” Nakangiting sabi ko at maya-maya lang ay dumating na rin sina Liam, kasama niya si Tymee at Matthew, pati na rin si Emerald at Jasper.

Agad lumapit sila Tymee sa amin at kinamusta si Ayesha, habang sila Jasper naman ay naupo sa sofa kung saan naroon si Thunder.

“May team building daw mga sophomore, ah.” Rinig kong sabi ni Jasper.

“Mandatory?” Boses ni Matthew at nag-oo naman si Jasper. Marami silang napagkwentuhan at ganoon din kami ng mga babae kaya hindi namin namalayan ang oras.

“Mauna na kami.” Paalam ni Jasper at pagtayo nila ni Matthew ay may nahulog siyang pamilyar na bagay, agad akong tumayo at kinuha iyon. Facemask na itim.

Hindi ko alam pero sabay-sabay kaming nagkatinginan nila Thunder at Liam.

“Jasper.” Tawag ni Thunder nang bigla niya iyong kwinelyuhan. Mabilis naman akong pumagitna sa dalawa at gano’n din si Emerald.

“Ano bang problema mo Thunder?” Tanong ni Emerald, at nanatili namang kalmado si Jasper.

“Thunder, huminahon ka muna.” Suway ko at bumitaw naman siya kaya huminga ako ng malalim bago humarap kay Jasper.

“May kinalaman ka ba sa mga sulat na natatanggap ko? Nasaan ka kagabi?” Lakas loob kong tanong.

“Anong sulat? Nasa training ako last night. Ano bang problema?” Tanong niya kaya inabot ko sa sakanya ang facemask na nahulog niya.

“Nakasuot kasi ng itim na facemask ang taong nagpapadala ng death threats sa’kin.” Sabi ko at napangisi siya nang kunin niya iyon sa kamay ko.

“Wala akong kinalaman sa sinasabi mo. Bakit ko naman gagawin ‘yon sa’yo? At saka itong facemask na ‘to, binigay lang sa’kin ‘to ni Jiro kanina nang magkasalubong kami sa campus.” Hindi ko na nagawang kumibo nang sabihin niya iyon. Tanging pagtitig na lang kay Thunder ang nagawa ko dahil naguguluhan na ako.

Hindi naman siguro si Jiro iyon. Baka nagkataon lang na meron din siyang itim na facemaskㅡPero natatakot ako, paano kung isa sa mga pinagkakatiwalaan ko ang gumagawa nito sa akin? Anong motibo niya para gawin lahat ng ‘to?

Sa ngayon, si Jiro at Jasper pa lang ang pwedeng may kinalaman sa misteryong nangyayari... Oo sabihin nating marami ang pwedeng gumamit ng facemask na itim pero base sa huling sulat na natanggap ko, isa siya sa mga nakakasalamuha ko sa Academy.

Damn it! Kung sino man ang taong iyon, kailangan ko na siyang makilala agad bago pa dumami ang madamay.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.