44: Capsule
-
Mabilis lumipas ang araw. Weekend na naman, isang linggo na rin ang nakalipas noong huli akong makatanggap ng sulat, nakakapagtaka dahil noong magtanong kami kila Jasper at Jiro ay natigil na rin ang pagbibigay sa akin ng sulat. Wala ring kahinahinalang tao sa paligid at wala pang nagtatangkang manakit kay Thunder.
Sa ngayon, ito ako at nag-aayos ng gamit dahil maya-maya lang ay aalis na kami papunta sa resort kung saan kami magt-team building. Sayang nga lang dahil hindi makakasama si Ayesha. Kailangan niya pa kasing magpagaling.
“Beb, tignan-tignan mo si Liam, ah? Baka gumawa ‘yan ng kalokohan.” Bilin ni Ayesha mula sa kabilang linya.
“Oo beb, takot lang niya sa’yo. Bakit kasi ayaw mo pa siyang sagutin?”
“Quiet ka lang, ah? Ano kasi, k-kami na.” Napatayo na lamang ako sa kama dahil sa narinig ngayon-ngayon lang.
“Ano? Kailan pa?!”
“Noong bumisita siya rito pagtapos ng laban nila sa ground zero. Hmm sorry Beb, hindi ko sinabi agad.” Ngumiti ako ngunit agad din iyong nawala dahil sa biglaang pagsulpot ni Thunder.
“Sige na Beb, usap tayo mamaya. Bye love you.” Binaba ko ang tawag at saka tumayo para lumapit sa balkonahe.
“Kailan mo ba titigilan ang pagsulpot ng ganyan?” Tanong ko habang nakapamewang. Hindi naman siya umimik at nakatingin lang sa akin. “Hoy!”
“Sino naman ang ka-iloveyouhan mo?” Tanong niya kaya naman natawa ako.
“Si Ayesha ‘yon, bakit ka nandito? Aalis na ba?” Tanong ko at tumango lang siya kaya kinuha ko na ang bag pack ko at saka naglakad papunta sa pinto pero bigla na lang niyang hinila ang bag ko.
“Saan ka pupunta? Dito na tayo dumaan” Sabi niya sabay turo sa puno.
“Ano? Nakainom ka ba ng gamot? Nababaliw ka na naman.” Naiiling na sabi ko at bigla na lang niya akong niyakap. Ano bang problema niya?
“Please? Namimiss ko na kasi, eh. Naalala mo ba no’n? Dinalan kita rito ng heating pad kasi nakita kong natagusaㅡ”
“Shh. Oo na sige na, ang dami mo pang sinasabi. Saluhin mo ko, ah!” Masaya siyang tumango kaya nailing na lang ako. Nakakahiya, naalala niya pa iyon?
Pagbaba niya sa puno ay hinagis ko ang bag ko. Dahan-dahan naman akong pumatong sa sanga at pagtalon ko ay nasalo niya ako pero tulad ng dati ay natumba pa rin kami kaya pumaibabaw ako sa kanya at nagtawanan lang.
“Ang aga-aga naman n’yan.” Rinig kong sabi ni Liam kaya agad akong tumayo at tumakbo para akbayan siya.
“Kayo na pala ni Ayesha! Tch, nasaan ang pagiging probity mo? Hindi mo man lang sinabi sa’kin!” Ginulo ko ang buhok niya at napakamot lang siya sa ulo
“Nice one squidward.” Pangaasar ni Thunder at sinamaan lang siya ng tingin ni Liam. Napailing na lang ako at saka kami nagpatuloy sa paglakad hanggang sa makarating kami sa bus number namin. Sayang dahil hindi kasama si Liam sa bus namin dahil hindi naman namin siya kaklase.
Puro sophomore lang ang mag-paparticipate sa Team building. Kasama namin sa bus ang section nila Emerald kaya nandito siya ngayon katabi si Jasper.
As usual, magkakalayo ng pwesto ang dark na para bang hindi sila magkakilala. Nasa bandang dulo kami ni Thunder, magkatabi naman si Tymee at Matthew sa bandang unahan. Si Axel naman ay nasa bandang gitna at ganoon din si Jiro pero nasa kabilang side siya.
Lumipas ang dalawang oras na byahe at nakarating kami agad sa resort. Inorient muna kami bago ibigay ang susi ng bawat duplex. Mabuti na lang at may karapatan kaming pumili ng makakasama sa kwarto kaya naman kasama ko sila Zea, Amethyst, Tymee at Emerald, pati na rin si Pink sa isang duplex na mayroong limang double deck sa ground floor at six mattress sa second floor.
Napili naming anim na doon na pumwesto sa itaas since sakto sa amin. Paglapag namin ng mga gamit ay lumabas na rin kami agad dahil may activity pang mga gagawin.
“Okay. You’re 200 in total. As I call your name please come to this side.” Sabi ni Amanda nang tumuro siya sa kaliwa niya. Isa kasi siya sa mga facilitator namin. Isa-isa na niyang tinawag ang pangalan at base sa bilang ko ay 100 lang ang tinawag niya. Kasama ko pa rin ang girls at si Thunder.
“Okay sa mga hindi ko natawag, kayo na ang mga magkakasama sa activity. Yung mga tinawag ko naman, kayo ang magkakasama, and since masyado tayong madami kailangan namin kayong hatiin..”
“..Sophomore A, sumama kayo sa akin. And Sophomore B. Sumama kayo kay Mr. Santos.” Sabi ni Amanda kaya naghiwalay na kami ng mga landas. Nakakatawa lang dahil ang awkward ng Sophomore B. Kasama ko sila Zea, ang buong Dark demons, Inferno, 7beasts, D'monsters at Crowned kings may mas a-awkward pa ba rito?
“So okay. Before we start, I will divide you into 10 groups.” Sabi ni Sir at pinabilang niya kami lahat. Number 3 ang grupo ko kung saan kasama ko sina Jiro at Axel.
“Ngayong may group na kayo. What I want you to do is write a letter to your friends o kahit na sinong gusto niyong sulatan, goals man ‘yan or confession. After that, ilagay niyo ulit dito sa capsule na ididistribute ko..” Binigyan kami ni Sir ng maliit na transparent capsule na mayroong papel sa loob.
“That is your first activity. Pag nailagay niyo na ang sulat sa loob ng capsule, isulat niyo ang pangalan niyo. If you‘re done. Lumapit sa akin at ilagay sa box na hawak ko. We will bury this and two years from now, babalik tayo dito para buksan ang mga capsule niyo, and by that time 4th year na kayo.” Sabi ni sir at nagsitanguan lang kami.
Nang matapos na ako ay lumapit na ko kay Sir para ibigay ang capsule. Ilang minuto lang at natapos na ang lahat, sabay-sabay naming pinanuod kung paano nilibing ni Sir ang box sa lupa.
“Okay, ayan muna sa ngayon, we still have seminar to make. Sumunod kayo sa’kin.” Nagsisunuran kaming lahat at pumasok sa isang function hall dito sa resort club, kasama na rin namin dito ang mga sophomore A. Nakaupo kami habang may mga papel at ballpen na nakapatong sa lamesa.
Medyo malayo si Thunder sa pwesto ko kaya hindi ko siya makausap. Ano na naman kaya ang problema ng isang iyon? Kanina ko pa napapansin na nakasimangot siya.
“Rain. Ano yung sulat na tinutukoy ni Jiro?” Tanong ni Zea, katabi ko kasi siya ngayon.
“Hmm ano kasi, may nagpapadala sa akin ng mga death threats. Hindi sa pinagbibintangan ko si Jirㅡ”
“Don’t get me wrong, pero parang imposible kasi na si Jiro ‘yon. Remember? Lagi ko siyang kasama, wala naman siyang kahinahinalang kinikilos. And I don’t think na magagawa niya ‘yon.” Pagputol ni Zea at tumango lamang ako. Ayoko naman na magkaroon kami ng alitan. Wala pa naman akong sapat na ebidensya.
“Naiintindihan ko.” Iyon lang ang tanging nasabi ko at hindi na ulit kumibo.
Lumipas ang ilang oras at natapos na rin sa wakas ang seminar. Lumabas kami ng function hall at saka bumalik sa mga kanya-kanya naming duplex.
Alas tres na at mamaya pang 6:00 mag-uumpisa ang pangalawang activity, minabuti ko munang matulog dahil medyo nahilo ako.
ㅡ
“Rain..”
“Gising. Kailangan na natin lumabas.” Tinapik tapik ni Tymee ang balikat ko kaya naman nagising ako. Dahan-dahan akong bumangon at kaming dalawa na lang ang nandito sa itaas.
“Nauna na sila Zea sa function hall. Mag-ayos ka na. Hintayin kita sa baba.” Sabi niya at tumango lang ako. Kinuha ko ang cellphone ko sa ilalim ng unan ngunit may iba pa akong nakapa. Agad kong tinanggal ang unan at kusa na lang napahawak sa ulo.
Kinuha ko iyong bote at binasa ang laman ng papel. What if nandito lang ang taong iyon. Isa kaya sa girls?
“Miss me? Don’t worry. We’re going to play again. Better run, bago pa mahuli ang lahat.”
Agad akong nag-asikaso at hindi na nagawang mag-ayos ng sarili dahil sa pagmamadali.
“Rain!” Sigaw ni Tymee nang lagpasan ko siya, si Thunder. Please, wag si Thunder. Sinusubukan ko siyang tawagan ngunit hindi niya sinasagot ang phone niya. Damn it!
Pagdating ko naman sa duplex nila ay dali-dali akong kumatok pero mukhang wala ng tao kaya nagmadali akong pumunta sa function hall.
“Liam.. si T-thunder? Nasaan?” Hingal kong tanong habang nakahawak sa magkabilang tuhod ko.
“Hindi ko pa nakikita. Bakit? May natanggap ka na naman bang sulat?” Tanong niya habang nakaalalay sa akin.
“Oo. Nasaan siya? Magkasama kayo sa duplex, paanong hindi mo pa siya nakikita?”
“Maaga siyang lumabas ng duplex. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta. Subukan mong tawagaㅡ”
“Hindi niya sinasagot.” Pagputol ko at saka inilibot ang paningin sa buong function hall pero wala, hindi ko makita si Thunder. Nanghihina na ang mga tuhod ko.
“Nasaan si Thunder.” Bulong ko sa sarili ko at napaupo na lang. Hindi ko alam ang gagawin ko pag may nangyaring masama kay Thunder. Pwede namang ako na lang ang saktan nila, bakit yung mga mahal ko pa?