(Ayesha)
UNDERGROUND. Iyon ang kinaroroonan ko. Kaya pala malamig, madilim at nag-e-echo kahit kaluskos lang at yabag ng aking mga paa. Makitid ang parang pasilyong dinadaanan ko, ni hindi ko alam kung ano ang mabubungaran ko sa susunod kong pagliko.
Isang nakatalikod na lalaki ang nakita ko ilang metro ang layo sa akin nang lumiko ako. Sumikdo ang puso ko sa magkahalong saya at pangungulila. Uminit ang mga mata ko. Binilisan ko ang paglalakad para makalapit sa kaniya. Itinaas ko ang aking kamay para abutin siya. Sumisigaw ako… tinatawag ko ang pangalan niya, pero walang tinig na lumalabas sa bibig ko. O kung mayroon man hindi ko marinig.
Habang palapit ako ng palapit sa kaniya lalong nagiging pamilyar sa akin ang likuran ng lalaki. Hanggang sa maabot ko ang likod niya. Pero kakalapat pa lang ng palad ko sa kaniya bigla siyang nawala at para akong nahulog sa kawalan. Nawala ang inaapakan ko. Suminghap ako at mariing napapikit.
Saka lang ako dahan-dahang nagmulat nang muli kong maramdaman ang mga paa ko sa sahig. Wala na ang lalaking hinahabol ko kanina. Pero nasa loob pa rin ako ng underground. May humihikbi. Parang batang lalaki. Dumeretso ako ng tayo at nagpalinga-linga, hinahanap ang pinanggagalingan ng tunog. At doon, sa kabilang dulo ng makitid na pasilyo kung nasaan ako, sa bahaging madilim na madilim, doon nagmumula ang hikbi.
Lumunok ako. Bumilis ang tibok ng puso ko. Pero natagpuan ko ang sarili kong naglalakad palapit sa dilim. Sa kung anong dahilan, sa bawat hakbang ko parang may malamlam na liwanag ang gumagabay sa akin kaya nakikita ko ang nasa harapan ko. Na para bang may bitbit akong kandila kahit wala naman.
Palakas ng palakas sa pandinig ko ang hikbi. Hanggang sa marating ko ang dulo ng pasilyo na ‘yon. Nag-angat ako ng tingin. A small prison. Na may malalaking rehas na bakal. Iyon ang nasa harapan ko. Sa loob ‘non may isang batang lalaking payat na payat, nakayukyok sa sulok at umiiyak.
“Ilabas niyo ako rito. Ayoko dito,” sabi ng bata sa pagitan ng pag-iyak.
Mukha lang siyang limang taong gulang.
Naluha ako at patakbong lumapit sa rehas na bakal. “Tutulungan kita.” Sa wakas nagkatunog ang boses ko kahit pa garalgal ‘yon, kahit pa umiiyak na rin ako. “Ilalabas kita mula sa pagkakakulong mo. Pangako, tutulungan kita. Palalayain kita.”
Huminto sa pag-iyak ang batang lalaki. Nag-angat siya ng mukha. Pero bago ko pa makita kung ano ang hitsura niya bigla na namang dumilim at para na naman akong nahulog sa kawalan….
NAGISING akong humihikbi. Ang sakit ng puso ko na parang pinipiga. Sino ang lalaking nakatalikod sa panaginip ko? Higit sa lahat, sino ang batang lalaki na nakakulong sa madilim at malamig na lugar na ‘yon? Sinong walang puso ang kayang gumawa sa isang bata ng ganoong kalupitan?
Matagal bago ko nakalma ang sarili ko. Mabuti na lang din pala, kahapon pa umalis si mama para sa seminar niya. At least, hindi niya narinig na umiyak ako. Namamaga ang mga mata ko kaya sa banyo ako dumeretso para maligo himbis na maghanda ng almusal. Habang naliligo pinaplano ko na sa isip ko ang gagawin ko sa araw na ‘yon. Maluwag ang schedule ko sa school kaya magkakaroon ako ng oras para mag-research. May ilang computer shop sa paligid ng campus. Sa internet ko siguradong makikita ang impormasyong kailangan ko.
Kabibihis ko pa lang at maghahanda pa lang sana ako ng almusal nang tumunog ang cellphone ko. Baka si mama ang tumatawag kaya sinagot ko agad na hindi tinitingnan ang screen. “Hello?”
“Ayesha. It’s me.”
Napaderetso ako ng tayo nang marinig ang boses ng isang lalaki na pamilyar sa akin. “Cain?” alanganing tanong ko.
“Yes. Hindi tayo nakapagkita kahapon. Kinailangan kong magpunta sa Manila para sa isang importanteng lakad. I tried to call you since we exchanged numbers last week pero out of coverage area ang cellphone mo.”
“Sorry, lowbat kasi ako kahapon.” Huli ko na kasi napansin na patay na pala ang cellphone ko. Pagkauwi ko saka ko lang nakita. Nagtaka na nga lang ako na hindi sumulpot si Cain kagabi. Okupado pa ng pagsulpot ni Chance at ng mga sinabi niya ang utak ko hanggang makatulog ako kagabi kaya nawala na agad sa isip ko na magkikita kami. “Okay na ba ang inasikaso mo?”
“Oo. Kaya nga gusto kitang imbitahan na mag-almusal kasama ako. Bago ka pumasok sa school. Okay lang ba? Puwede kitang sunduin sa kung saan ka namin ibinaba noong hinatid ka namin pauwi.”
Magandang oportunidad ‘yon para sa akin. Tatanungin ko si Cain ng direkta tungkol sa pamilya niya. Hindi man niya sabihin sa akin ang lahat ng gusto kong malaman, at least may makukuha akong impormasyon mula sa kaniya kahit papaano. I need to start somewhere.
“Sige. May oras pa naman ako bago ang first class ko. Nakaayos na ako at gagawa pa lang sana ng almusal, eh.”
“Okay. Papunta na ako.”
Napabuntong hininga ako pagkatapos namin mag-usap sa cellphone. Kumuha ako ng notebook at isinulat ang mga plano kong itanong kay Cain. Makalipas ang ilang minuto lumabas na ako ng bahay, nag-lock ng pinto at saka naglakad papunta sa parte ng lugar namin kung saan ako ibinaba nila Cain nang gabing inihatid nila ako.
Doon ko sila hinintay. Habang wala pa sila tinext ko si mama para lang ipaalam na okay lang ako. Napapangiti na ako sa palitan namin ng mensahe ni mama na mukhang nag-e-enjoy naman sa seminar niya kahit nag-aalala sa akin.
Bigla na lang nanayo ang mga balahibo ko nang maramdaman ko ang pamilyar na pagmamasid sa akin. Mabilis akong lumingon, hinahanap ang anino na alam kong nagmamay-ari ng bayolenteng aura na nararamdaman ko sa mga sandaling ‘yon. Sumikdo ang puso ko nang huminto ang tingin ko sa isang lalaki ilang metro ang layo sa kinatatayuan ko. Nakasandig siya sa itim at malaking motor. Purong itim din ang suot niya; mula sa black shades na suot niya, pababa sa long sleeves shirt, sa black gloves, pababa sa itim na jeans at itim na high cut boots.
May nakapasak na sigarilyo sa bibig ng lalaki. Lalo lang siyang nagmukhang nakakatakot dahil sa kurtina ng usok na tumatabing sa mukha niya. Kahit hindi ko nakikita ang mga mata niya sigurado akong nakatingin siya sa akin. Nanlamig ako nang bigla siyang kumilos. Inalis niya sa bibig ang sigarilyo, hinulog sa lupa at inapakan ‘yon. Pagkatapos dumeretso siya ng tayo at nagsimulang maglakad papunta sa direksiyon ko. Napaatras ako. Handang tumakbo ano mang sandali.
Hanggang sa makarinig ako ng tunog ng papalapit na sasakyan. Huminto sa paglalakad ang lalaki at napalingon sa pinanggagalingan ng tunog. Narinig ko pa siyang mag-tsk, bago tumalikod at mabilis na bumalik sa motor niya. Sumampa siya doon at agad ‘yong pinaandar palayo, pasalubong sa itim na sasakyang parating na alam kong pagmamay-ari ni Cain. Hanggang sa makalampas ang motor at makalayo ng tuluyan.
Nakahinto na ang kotse ni Cain sa harap ko nakatitig pa rin ako sa direksiyong tinungo ng nakamotor na estranghero. Umalis siya. Pero kung walang dumating, ano ang plano niyang gawin sa akin? Nanginig ako sa isiping ‘yon. Nayakap ko ang sarili ko.
“Ayesha? What’s wrong?”
Kumurap ako at lumingon nang magsalita si Cain. Hindi ko namalayan na nakalabas na pala siya sa kotse at hawak pa rin ang nakabukas na pinto sa backseat. May pagtataka sa mukha niya habang nakatingin sa akin at sumusulyap din sa tinitingnan ko kanina.
Huminga ako ng malalim at pilit na ngumiti. “Wala naman. Tara na?”
Sandaling pinakatitigan niya ako na para bang binabasa ang mukha ko kung nagsasabi talaga ako ng totoo. Saka siya marahang tumango. “Then let’s go.” Lumigid siya at nilakihan ang bukas ng pinto para sa akin.
“Salamat,” usal ko at tuluyang pumasok sa loob. Tumabi naman sa akin si Cain. Pinaandar agad ni Arnold ang sasakyan palayo sa lugar namin.
“TELL me something about your family,” lakas loob na sabi ko kay Cain nang kumakain na kami ng almusal sa Secret Garden. Hindi ko naman kasi alam kung paano pa bubuksan ang topic maliban sa pangungusap na ‘yon.
Napahinto siya sa akmang pagsubo at napatingin sa akin. Pagkatapos napatingin siya sa assistant niya na nakaupo sa katabi nilang lamesa at alertong nakamasid sa aming dalawa.
“Hindi mo ba puwedeng sabihin sa akin? Siguro naman may karapatan akong malaman. Gusto kong maging malinaw ang lahat sa akin,” giit ko.
Muling tumingin sa akin si Cain, napatitig sa mukha ko at parang may biglang naisip. “Instead of telling you, why don’t you let me show you?”
“Show me?”
“Yes.”
“Paano?” kunot noong tanong ko.
“Birthday ng tita Martha ko. She’s turning forty and there is going to be a huge party for her. Sa tingin ko iyon ang magandang lugar para makilala mo talaga ang pamilya ko at ang mga taong konektado sa amin. Be my date.”
Hindi ako nakasagot agad. Medyo na-intimidate ako sa isiping dadalo ako sa isang family gathering na kasama si Cain. Pero magandang pagkakataon ‘yon para once and for all makilala ko na ang pamilya Alpuerto. Kaya nilunok ko ang alinlangan ko at tumango. “Sige. Sasama ako sa’yo.”
Ngumiti si Cain. “Great.”
Kumakain na kami ulit nang may bigla akong maalala. “Darating din ba sa birthday party si Chance?”
Napahinto sa pagkain si Cain at gulat na napatitig sa akin. “What?”
Sinalubong ko ng tingin ang mga mata niya. “Si Chance. Ang pinsan mo. Hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa kaniya. O ang katotohanang hindi lang ikaw ang nagsasabing fiancée niya ako.”
Matagal na hindi nakapagsalita si Cain. Pagkatapos bumuntong hininga siya at ibinaba ang mga kubyertos sa plato. “Humahanap pa ako ng tiyempo na sabihin sa iyo ang tungkol diyan. Hindi ko lang inaasahan na mabilis silang kikilos para mapalapit sa iyo. You see, ako ang orihinal na fiancée mo. Mula pagkabata sumailalim ako sa training para maging pinuno ng angkan namin. Kasama sa responsibilidad ko na noon pa itinanim sa isip ko ang mapangasawa ka. But something happened between the family members at napagkasunduan na bigyan ng pagkakataon ang mga pinsan ko para… makilala ka rin. So yes, basically, he’s also your fiancée.”
Narealize ko na may dapat sasabihin si Cain pero mukhang nagbago ang isip niya. Bigyan ng pagkakataon ang mga pinsan niya para ano? Siguradong may mas malalim na dahilan. Pero bago pa ko makapagtanong tumingin na siya sa wristwatch na suot niya. “It’s almost time for your class.” Nang tumingin siya ulit sa akin nakita ko ang dismissal sa mga mata niya. Tapos na ang usapan. “Bukas ng gabi ang party. Susunduin ka ni Arnold pagkatapos ng klase mo bukas. Siya ang maghahatid sa iyo sa Manila. Doon na tayo magkita, okay?”
“Okay,” pabuntong hiningang sagot ko. “Ano ba ang dapat kong isuot?”
“No need to think about that. Ako na ang bahala bukas.”
Tumango na lang ako.
Naihatid na nila ako ilang bloke sa school gate at nakababa na ako ng kotse nang bigla akong tawagin ulit ni Cain. Nilingon ko siya. “Bakit?”
“Kahit pa ano ang sabihin sa iyo ni Chance, sa tingin ko mas makabubuti sa iyo kung ako ang pipiliin mo at hindi siya. He’s not what you think he is. He is not an ordinary person.”
Hindi ko napigilan matawa. “Sa tingin ko hindi ka rin ordinaryong tao, Cain.”
Umangat ang gilid ng mga labi niya. “And so are you. Pero maniwala ka sa akin, I’m a better candidate than him. And I will prove that to you. See you tomorrow.”
Napasunod na lang ako ng tingin sa papalayong sasakyan ni Cain. Pagkatapos tumalikod na ako at naglakad na papunta sa campus