(Ayesha)
KINABUKASAN ng hapon naabutan ko nga ilang bloke ang layo mula sa school gate ang sasakyan ni Cain. Lumabas mula sa driver’s seat si Arnold nang siguro makita akong lumabas ng school. Napalunok ako at huminga ng malalim. Ilang sandali na lang personal ko nang makikilala ang pamilya Alpuerto. Kabado ako sa totoo lang. Pero kailangan kong maging matapang.
Tahimik lang ako buong biyahe mula sa bayan ng Tala hanggang sa Maynila. Kahit nang ihinto ni Arnold ang kotse sa parking lot nang isang mataas na gusali. Na nalaman kong isa palang maganda at halatang mamahaling hotel nang sumakay kami ng elevator at bumukas ‘yon sa twenty-ninth floor.
“Bakit tayo nandito?” basag ko sa katahimikan habang manghang iginagala ang tingin sa paligid.
Sandali lang ako tinapunan ng tingin ni Arnold na nauuna sa paglalakad sa carpeted na hallway. “Sa events area ng hotel na ito gaganapin ang birthday party ni Madam Martha. Naghihintay sa iyo si Master Cain sa isang hotel room kung saan ka magbibihis at aayusan.”
Huminto sa tapat ng isang pinto ang lalaki at kumatok doon. “Nandito na kami.”
Bumukas agad ang pinto. Bumungad ang isang babae at napasulyap sa akin. “Ikaw si Ayesha Querol?”
“Ako nga,” alanganing sagot ko. Napasinghap ako nang biglang abutin ng babae ang kamay ko at hatakin ako papasok sa hotel room. Kung saan may tatlo pang tao – dalawang babae at isang binabae – na napansin kong pare-parehong itim na t-shirt ang suot na para bang uniporme. Ang babaeng humatak sa akin lang ang iba ang ayos, mas mukhang fashionista.
“Okay, team, siya ang aayusan natin ngayong gabi,” sabi ng babae.
“Teka lang, nasaan si Cain?” takang tanong ko.
“Umalis lang. Babalik din iyon at kailangan pagdating niya nakaayos ka na para sa party,” sabi ng babaeng fashionista na hinatak ako palapit sa mga naka-hanger na gown. Sandali pa naging abala na siya sa pamimili ng gown para sa akin. Nang sa wakas makuntento sa pulang dress maingat niya akong itinulak papunta sa banyo para isuot ‘yon.
Sunod namang ginawa ang buhok at make-up ko. Ni hindi ako makapagreklamo sa mga ginagawa nila sa akin kasi nagmamadali sila. Malapit na daw kasi magsimula ang party. Pumayag naman akong dumalo sa gabing ‘yon kaya kahit namamangha ako sa mga nangyayari hinayaan ko na lang silang ayusan ako.
“Wow. You are very pretty, alam mo ba? Kaya naman pala nabighani sa iyo ang pihikang puso ni Cain,” ngiting-ngiting sabi ng babaeng fashionista na nalaman ko kanina na Tyra pala ang pangalan, isang fashion stylist na kakilala ni Cain dahil naging magkaklase sila noong high school.
“Salamat,” nakangiting sabi ko na lang. Walang dahilan para tanggihan ko pa ang papuri niya. Marami ang nagsasabi na kahawig ko si mama at kung ako ang tatanungin ang nanay ko ang pinakamagandang babae na nakita ko sa buong buhay ko.
May kumatok sa pinto. “Pasok!” sigaw ni Tyra. Bumukas ‘yon at pumasok sa kuwarto si Cain na pormal na pormal sa suot na amerikana. Napatingin agad siya sa akin at napahinto sa paglalakad. Uminit ang mukha ko nang pasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Lalo na nang bumalik ang tingin niya sa mukha ko at ngumiti. “You’re beautiful.”
“See? Sabi ko sa iyo eh,” ngiting ngiting sabi ni Tyra.
Tumikhim ako at gumanti ng tipid na ngiti. “So, anong oras ang party?”
Noon mukhang natauhan si Cain at tuluyan nang lumapit sa akin. Inilahad niya ang braso para kapitan ko. “Nagsisimula na, actually. Let’s go?”
Humugot ako ng malalim na paghinga at lakas loob na kumapit sa braso niya. “Okay. Tara.”
HUMIGPIT ang kapit ko sa braso ni Cain nang makarating kami sa venue ng birthday party ng tiya niya. Napakaraming tao. Karamihan mga pamilyar na mukha sa akin dahil napapanood ko sa telebisyon at nababasa sa mga artikulo sa internet. May mga artista, mga politiko at mga businessman. Ang mga babae, mapamatanda man o mga dalaga, kumikinang ang mga mamahaling alahas sa katawan.
“Naroon si tiya Martha,” sabi ni Cain na may itinuro. Lumingon ako at nakita ko ang isang matandang babae na maganda pa rin at halatang sopistikada. May kasama siyang dalawang matandang lalaki na matitikas pa rin ang tindig kahit puti na ang mga buhok. “Ang mga kasama niya ay sina lolo Bartolome at lolo Ingracio. Halika, ipapakilala kita sa kanila.”
Lalo akong kinabahan. Pero kahit nanginginig ang mga tuhod ko humakbang ako kaagapay ni Cain palapit sa mga lolo at tiya niya. Napahinto sa pakikipag-usap sa isang kilalang senador ang mga matatanda nang mapansing palapit kami. Bumakas ang pagkabigla sa mga mukha nila pero agad ding nakontrol ang ekspresyon. Siguro sanay silang gawin iyon. Ako kasi hindi ko kayang alisin ang emosyon sa mukha ko na katulad ng ginawa nila.
“Tita, happy birthday,” bati ni Cain sa matandang babae at humalik sa pisngi nito.
“Salamat, hijo,” nakangiting sagot ng tiya niya bago lumingon sa akin. Hindi nawala ang ngiti ng matandang babae pero nakita ko ang kakaibang kislap sa mga mata niya habang nakatingin sa akin; magkahalong rekognisyon at pag-asa. Pero meron ding disgusto.
“Hindi mo sinabi sa amin na may kasama kang pupunta ngayong gabi, Cain,” sabi ng isa sa dalawang matandang lalaki. Napunta sa kanila ang tingin ko. Nakita ko sa mga mata nila ang kaparehong emosyon sa mga mata ni tiya Martha maliban sa disgusto.
“Hindi na tayo nakapag-usap kaya hindi ko nasabi sa inyo. I want you to personally meet Ayesha. Ayesha, si tita Martha, ang nag-iisa kong tiya.”
“Happy birthday po,” magalang na sabi ko.
Tango at tipid na pasasalamat lang ang sinagot ng matandang babae.
Sunod na itinuro ni Cain ang isa sa mga matandang lalaki, iyong mas malapad ang pangangatawan at may alerto at matalinong mga mata, “Si lolo Ingracio ang ama ni papa. Si lolo Bartolome naman,” Itinuro naman niya ang mas payat at mas mukhang istrikto na matandang lalaki, “siya ang ama ni tiya Martha.”
“Magandang gabi po,” magalang na bati ko.
Ngumiti si lolo Ingracio. “Masaya akong si Cain ang kasama mo sa gabing ito, Ayesha.” Pinakatitigan niya ako hanggang sa makaramdam na ako ng pagkailang. Pagkatapos kuntento siyang tumango. “Kamukhang kamukha mo ang iyong ina.”
Natigilan ako. “Kilala niyo po ang mama ko?”
Medyo nawala ang ngiti sa mga labi ni lolo Ingracio at ang mga mata parang bumalik sa nakaraan. “Yes. Madalas siya sa aming tahanan noong bata pa siya.”
“Bago siya umalis at hindi na nagbalik pa. Leaving us in chaos,” singit ni tiya Martha, may talim ang bawat salita. Naging malamig ang mga mata habang nakatingin sa akin. “At ikaw, magdadala ka rin ng panibagong kaguluhan sa aming pamilya.”
“Martha,” saway ni lolo Bartolome sa anak.
Tumaas ang noo ng matandang babae at tumalikod sa amin. “Excuse me, haharapin ko ang mga bagong dating na bisita.” Saka siya lumayo sa amin.
Pero ang mga salitang binitiwan niya, mananatili sa isip ko hanggang sa makaalis ako sa party na ‘yon. Sigurado ako.
“Don’t mind her, Ayesha. Talaga lang nagiging masungit siya sa pagdaan ng mga taon,” sabi ni lolo Bartolome, may mabait na ngiti sa mga labi. “Iniintindi na lang namin at matandang dalaga,” pabiro pang dugtong niya.
Pilit na lang akong gumanti ng ngiti. Mukhang napansin ni Cain ang nararamdaman ko kasi tumikhim siya, umangat ang isang kamay sa kamay kong nakakapit sa braso niya at pinisil ‘yon. “Kukuha muna kami ng makakain, sigurado na nagugutom na si Ayesha. Maiwan na ho namin kayo,” paalam niya sa mga lolo.
“Go ahead. Huwag mo rin siya kakalimutan ipakilala sa papa mo,” sabi ni lolo Bartolome bago kami tuluyang makalayo.
“Don’t mind tita Martha,” bulong ni Cain sa akin nang kaming dalawa na lang ang magkasama.
Napabuntong hininga ako. “Susubukan ko.”
Napabuntong hininga din si Cain. “Okay.”
Dumeretso kami sa isang lamesa kung saan lumapit agad ang isang waiter at naglagay ng pagkain sa harapan namin. Kumakain kami nang mapalingon ako sa entrada ng venue at makita kung sino ang pumapasok – ang presidente lang naman ng Pilipinas! Napanganga ako nang salubungin siya ni lolo Bartolome at nagyakap pa ang dalawa na parang matalik na magkaibigan.
Napatingin si Cain sa tinitingnan ko. “Ah, nandito na pala siya. He’s a very good friend of our family.”
Bumalik ang tingin ko kay Cain. “What?” manghang nasabi ko.
May kumislap na amusement sa mga mata niya at umangat ang gilid ng mga labi. Inilapit niya ang mukha sa akin at bumulong, “The truth is, personal adviser ng presidente si lolo Bartolome.”
Namilog ang mga mata ko. “Talaga?!”
“Yes. Lahat ng desisyong ginagawa niya, itatanong muna niya kay lolo.”
Kumunot ang noo ko. “E di parang ang lolo mo pala ang nagpapatakbo ng bansa, kung ganoon? Shadow president?”
Naging makahulugan ang ngiti ni Cain pero hindi nagsalita. Sapat na ‘yong kompirmasyon para sa akin. “At ang lolo Ingracio mo? Ano naman ang ginagawa niya?”
Umayos ng upo si Cain. “He’s into Economics. Magaling siya sa Stock Market. Alam niya kung ano ang stocks na tataas at bababa ang value. He’s practically the money making machine of the family. Lahat ng mga businessman sa party na ito, naging business partners ng pamilya dahil kay lolo Ingracio.”
Hindi ko napigilan ang sarili kong mapaungol ng paghanga kasi talagang nabilib ako. “At ang papa mo ay, ano?”
“Senador. Gregorio Alpuerto.”
Namilog ang mga mata ko. Siyempre kilala ko si Gregorio Alpuerto. Journalism student ako at updated sa current affairs. Matunog na pangalan sa Senado si Gregorio. Katunayan marami nga ang nagsasabi na magiging susunod na presidente ang senador. At si Cain, nagtatrabaho siya sa ganoon kalaking tao sa mundo ng politika.
Binalikan ko sa memorya ko ang mga taong Alpuerto ang apelyido sa kahit saang larangan. Naningkit ang mga mata ko habang nakatingin kay Cain nang may maalala, “Si Demetrio Alpuerto ng AFP, kamag-anak niyo rin?”
Naging seryoso ang mukha niya. “Yes. Siya ang ama ni Chance.”
“What? Ibig sabihin ang nanay ni Chance ay…”
Tumango si Cain, “Si Corazon Viloso-Alpuerto.”
Ang reyna ng pabango at pampaganda hindi lang sa Pilipinas kung hindi maging sa buong Asya. Isang kilalang personalidad. Ang babaeng may taglay raw na ‘Eternal Beauty’ dahil parang hindi tumatanda ang hitsura na sa hula ko dahil sa regular na pagkonsulta sa dermatologist. Higit sa lahat, anak ng isang bilyonaryo si Corazon.
Wow. Ngayon ko talaga nasiguro kung ano ang pamilya Alpuerto. They are practically ruling the whole country. Hindi lang sa politikal na aspeto kung hindi maging ang ekonomiya nilalaro lang ng mga ito. At may palagay akong higit pa doon ang papel ng pamilya sa Pilipinas.
Isa lang ang nasiguro ko, ang pamilya Alpuerto ang pinakamakapangyarihang pamilya sa bansa.
Ano ang kailangan sa akin ng pamilyang ito kung parang nasa kanila naman na ang lahat?