MOON BRIDE (Filipino) Chapter 22

(Ayesha)

TAPOS na kaming kumain nang dumating si Gregorio Alpuerto. Napunta agad sa may-edad na lalaki ang atensiyon ng lahat. Hindi ko masisi ang mga tao dahil narealize ko na mas malakas pala ang karisma ng senador sa personal kaysa sa telebisyon. Para bang may magnet ang ngiti at kaway niya na lahat napapangiti rin. May kung ano sa lalaki na irerespeto at iidolohin mo talaga siya.

Nang sabihin ko ‘yon kay Cain ay may bumakas na pride sa mukha niya at ngumiti, “Iyan ang dahilan kung bakit siya ang kasalukuyang leader ng aming pamilya.”

Mukhang kahit si Cain hindi na-immune sa kakaibang karisma ng tatay niya. Halata kasing iniidolo din niya si senator.

Matagal bago kami nakalapit kay Gregorio Alpuerto sa dami ng mga taong gusto siyang makausap. Katulad ng mga lolo at tiya ni Cain nagulat din ang senador na makitang kasama niya ako. Pero agad ding ngumiti at nakipagkamay sa akin nang ipakilala kami sa isa’t isa. “Masaya ako na nagkakasundo kayo ni Cain, Ayesha.”

Ngumiti ako. “Madali naman ho siyang makasundo.”

Kumislap ang katuwaan sa mga mata ng senador. “That’s good. Very good.” Pagkatapos bumaling si Gregorio Alpuerto sa anak. “Oo nga pala. May kailangan tayong pag-usapan. Come with me for a while.” Tumingin siyang muli sa akin. “Okay lang ba kung hihiramin ko sa iyo sandali si Cain, hija?”

“Oo naman po.” Nilingon ko si Cain. “Sige na.”

Bumakas ang pag-aalala sa mukha niya. “Magiging okay ka bang mag-isa?”

Ngumiti ako at tumango. Nang mukhang nag-aalinlangan pa rin siya tinapik ko na ang braso niya. “Magiging okay ako. Sige na. Go.”

“Sandali lang ako. I’ll see you later. Tatawagan ko si Arnold para pumunta dito at nang may makasama ka.” Nang tumango ako ulit saka lang sumama si Cain sa ama. Wala kasi ang assistant niya sa party, mas piniling manatili sa hotel room para magtrabaho sa harap ng laptop na bitbit kaysa makihalubilo sa mga bisita ng pamilya Alpuerto.

Nang mag-isa na lang ako noon ko napansin ang curious na tingin ng mga bisita sa akin. Na para bang kaninang kasama ko si Cain pinipigilan nilang tingnan ako sa ganoong paraan. Pasimple akong huminga ng malalim, iginala ang tingin para makahanap ng lugar kung saan ako puwedeng manatili habang wala si Cain. Nakita ko ang nakabukas na French doors na papunta sa labas sa isang side ng venue. Naglakad ako papunta ‘don. Baka sakaling walang tao sa labas.

Pero nang makalapit ako sa nakabukas na French doors naririnig ko na ang sabik na boses ng mga babae mula sa labas. Nadismaya akong marami ng tao. Mukhang maganda pa naman sa labas na ngayon nakita ko nang isang hardin.

Tatalikod na sana ako at hindi na tutuloy nang may mahagip ang tingin ko. Hindi pala puro babae ang nasa labas. May isang lalaki sa gitna ng mga ‘yon na nakatalikod sa direksiyon ko. Pamilyar sa akin ang alon-alon at may kahabaang buhok ng lalaki. Ganoon din ang likod niya at ang tindig. Nakikita ko palagi sa klase ang likod na ‘yon kapag nagsusulat siya sa board. Bago ko pa namalayan napahakbang na ako palabas sa French doors at nakalapit sa grupo.

“Sir Angus?”

Napahinto sa pagsasalita ang mga babae at napalingon sa akin. Ganoon din ang lalaki na ngayong nakaharap na sa akin nasiguro kong si sir Angus nga! Bumakas ang pagkagulat sa mukha niya nang magtama ang aming mga paningin. Humiwalay siya agad sa grupo ng mga babaeng nakapalibot sa kaniya at malalaki ang hakbang na lumapit sa akin.

“Anong ginagawa mo rito?” kunot noong tanong ni sir Angus. Bakas ang disgusto sa boses niya.

Hindi ko maiwasang maging defensive. “Isinama ako ni Cain.”

“Ano?” manghang sabi niya, lalong lumalim ang kunot noo. “Anong sumagi sa isip niya? Hindi ka niya dapat dinala rito.” Nagpalinga-linga si sir Angus sa paligid, para bang nagiinspeksiyon na hindi ko maintindihan. Nang ibaling niya ulit ang atensiyon sa akin hinawakan niya ang braso ko. “Kailangan mo na umalis bago ka pa nila makita. Hindi ka dapat basta sumusugod sa family gathering na katulad nito, Ayesha. Hindi lahat ng tao rito, harmless.”

Umawang ang mga labi ko nang may marealize ako. “Sir Angus… isa ka ring Alpuerto?”

Tumiim ang ekspresyon ni sir Angus. Medyo humigpit din ang pagkakahawak niya sa braso ko. “Oo.”

Nanlaki ang mga mata ko. “Pero hindi Alpuerto ang apelyido na gamit mo. Sa school register ikaw si Angus Viloso –” Napasinghap ako. “Apelyido ng nanay mo ang ginamit mo?” Bumuntong hininga si sir Angus pero hindi nagsalita. “Kapatid mo si Chance?”

“Oo. Pero hindi rito ang tamang lugar para mag-usap tayo. Kailangan mo nang umalis. Nasaan si Cain?”

Huminga ako ng malalim kahit ang dami ko pang gustong itanong sa kaniya. “Isinama siya ng papa niya. May pag-uusapan daw sila.”

Kumunot na naman ang noo ni sir Angus. “Hindi ka niya dapat iniwang mag-isa.”

“Sinabi ko sa kaniya na okay lang ako. Kaya ko ang sarili ko,” sagot ko. Medyo nainis na ako. Hindi ako kasing helpless at weak na gaya ng gusto niyang palabasin.

Mukhang nakita niya ang pagrerebelde sa mga mata ko dahil umiling siya. “Hindi mo alam kung ano ang panganib na nag-aabang sa iyo kung mapapadikit ka sa pamilya namin. Dapat alam iyon ni Cain bago ka niya dinala rito at idinisplay sa lahat ng mga bisita bilang date niya.” Muling iginala ni sir Angus ang tingin sa paligid. “Wala pa rin si Cain. Ang tagal niya bumalik,” inip pang sabi niya habang nakatitig sa entrada na para bang may kinakatakutan siyang dumating na hindi ko maintindihan. Nang tumingin siya ulit sa akin nakita ko sa mga mata niyang may napagdesisyunan siya. “Sa labas mo na lang siya hintayin. Let’s go.” Saka niya ako hinatak patungo sa entrada.

Gusto ko magprotesta pero bago pa ako makapagsalita napansin ko na lahat ng mga bisita nakatingin sa amin. Karamihan sa mga ‘yon, si sir Angus ang tinitingnan, halata ang interes sa mga mata. Na para bang lahat ng napapatingin sa kaniya attracted sa kaniya. Mga babae at may ilan pa ngang mga lalaki. Mga taong nang sa akin naman mapatingin nagkaroon ng disgusto at inggit ang kislap sa mga mata. Nakakakilabot ang sexual tension na nagmumula mula sa mga taong ‘yon. Sexual tension para kay sir Angus na nang silipin ko ang mukha mariing nakatikom ang mga labi at halatang sinasadyang huwag pansinin ang mga taong obvious na kinukuha ang atensiyon niya.

Ngayong wala ang ngiti sa mga labi niya na sanay akong makita sa campus nakikita ko ang pagkakahawig nila ni Chance. May iba pa kaya sa school ang nakapansin ‘non? May naghinala na ba na baka magkapatid sila?

Napakurap ako nang biglang mapahinto sa paglalakad si sir Angus at mahinang napamura. “Too late,” ungol pa niya habang nakatingin sa entrada.

Takang napatingin din ako sa tinitingnan niya. May mga bagong dating pala. Tatlong lalaki at dalawang babae. Ang isa sa mga lalaki puti na ang buhok at mukhang malapit sa edad ng mga lolo nila ni Cain. Ang dalawang lalaki naman mukhang mga nasa forties ang edad; sobrang payat at humpak ang mukha ng isa habang ang isa pang lalaki maganda ang pangangatawan. Nakilala ko siya agad. Si General Demetrio Alpuerto ng AFP. At ang nakatatandang babae na kasama sa grupo na glamorosa sa suot na gown at mga alahas ay si Corazon, ang ina nina Angus at Chance. Ang isa pang babae na kasama nila at mukhang naiilang sa atensiyong nakukuha ng grupo mukhang teenager pa.

Humigpit ang hawak ni sir Angus sa braso ko at bumulong, “Sa labas mo na lang hintayin si Cain. Go now.”

Takang napalingon ako sa kaniya. Binitawan niya ang braso ko at niyuko ako. May urgency at worry sa mga mata niya kaya tumango na lang ako at nagdesisyong sumunod sa gusto niya. Pero pumihit pa lang ako para maglakad palayo kay sir Angus narinig ko na ang isang matinis na boses.

“Angus, honey! You’re here… with someone?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.