MOON BRIDE (Filipino) Chapter 23

(Ayesha)

Naramdaman ko ang tensiyon sa katawan ni sir Angus. Ako naman napahinto at napalingon. Si Corazon pala ang nagsalita, naglalakad palapit at sa akin nakatutok ang nanunuring tingin. Maging ang mga kasama niya nakatingin na rin sa akin at naglalakad rin palapit.

Kumabog ang puso ko sa kaba. Katulad ng iba pang miyembro ng Alpuerto family na nakilala ko na, intimidating ang grupo. Pero may kung ano sa kanila na nakakatakot. Maybe it was the heartlessness and coldness that I see in their eyes. Katulad ng mga mata ng isang mabangis na hayop kapag nakatingin sa isang posibleng prey. Nasiguro ko sa isang tingin lang, na sa kabila ng glamorosong panlabas na anyo, mapanganib ang pamilya ni sir Angus.

Gusto kong tuktukin ang sarili ko na hindi pa ako tumakas kanina noong may pagkakataon pa.

“Mama,” sabi ni Angus na humakbang pasalubong sa ina. Napansin ko na sa ginawa niya napunta siya sa harap ko. Sinadya ba niyang iharang ang sarili para protektahan ako sa mapanuring tingin ng pamilya niya?

“So, ang tiya Martha mo lang pala ang magpapabalik sa iyo mula sa kung saan ka man namamalagi. Isang taon ka nang hindi nagpapakita sa amin,” sabi ni Corazon nang makalapit na sila sa amin.

“Please don’t pretend you don’t know where I am. Imposibleng hindi ninyo malaman kung nasaan ako. Kayang kaya ni papa na malaman ang lokasyon ng kahit na sino basta gustuhin niya,” sagot ni sir Angus na kahit nakangiti napansin kong may talim ang tono. Napansin ko rin na parang hindi mag-ina kung mag-usap ang dalawa. Parang mga estranghero sa isa’t isa.

Gumanti ng ngiti si Corazon pero hindi ‘yon umabot sa mga mata niya. “At sino ang kasama mo ngayong gabi? Hindi ko pa siya nakikita kahit kailan.”

“She’s nobody,” mabilis na sagot ni Angus, walang emosyon sa tinig.

“Kung ganoon bakit kasama mo siya?” tanong ni general Demetrio na titig na titig sa akin.

Pero mas kinikilabutan ako sa titig ng payat na lalaki na katabi ni general. Mas may kalupitan kasi ang tingin niya sa akin na may kasamang rekognisyon. “Sa tingin ko alam ko kung sino siya,” sabi niya. There is malice and anger in his voice. Nanginig ako sa lamig. “Siya ang anak ni Rebecca. Hindi ko makakalimutan ang mukhang iyan na katulad na katulad ng sa kanyang ina. I will never forget the shame that woman brought to me.”

“Oh, I see. Ikaw nga,” sabi ng matandang lalaki na may rekognisyon na rin ang kislap ng mga mata.

“Pero si Angus ang kasama niya…” sabi ni Corazon. Kumislap ang mga mata niya nang para bang may naisip at ngumiti. “Si Angus ba ang gusto mo? Then that’s better. To be honest I don’t want Chance to get married. He is my favorite son, you see.”

“Mama. Stop it. Hindi ako ang kasama niyang nagpunta sa party,” sabi ni sir Angus. Nakatiim ang bagang niya. Parang nagtitimpi ng inis.

“Hindi ikaw?” kunot noong tanong ng matandang lalaki.

“Ako ang kasama niya.” Kasunod ng tinig na ‘yon ni Cain naramdaman ko ang paglapat ng braso niya sa balikat ko. Ni hindi ko namalayan na nakalapit na pala siya sa amin. Lihim akong nakahinga ng maluwag at tumingala sa kaniya. Natigilan ako nang makitang seryoso ang ekspresyon ni Cain, halos galit pa nga. “Lolo Carlos, tito Demeterio, tito Victor, tita Corazon, himbis na usyusuhin ang date ko, hindi ba dapat lapitan niyo muna si tita Martha para batiin dahil kaarawan niya?” Magalang ang pagsasalita ni Cain pero may himig din ‘yon ng pinalidad. Parang pautos pa nga. Na para bang batas ang salita niya at hindi puwedeng baliin, kahit pa ng mga mas nakatatanda sa kaniya na miyembro ng pamilya.

“Masyado ka talagang arogante kung magsalita. Akala mo kung sino ka,” maanghang na sabi ng payat na lalaki na ngayon alam ko nang Victor ang pangalan. Ang lalaking nakakakilala kay mama at mukhang may galit pa rin.

Himbis na pansinin ang tiyuhin bumaling si Cain kay general Demetrio. “Kanina pa kayo pinagtitinginan ng mga bisita. Hindi niyo gugustuhing may masabing hindi maganda tungkol sa inyo, hindi ba?”

Tumiim ang bagang ng heneral pero bumaling naman kay Victor. “Tigilan mo na iyan. Let’s go greet Martha.” Saka tumingin kay sir Angus. “At ikaw, stop running away from us and start doing something for our family. Mabuti pa si Chance may silbi pa sa amin.”

“Matagal ko ng itinigil ang pagtulong sa pamilya natin, papa. Hindi ko na gagawin ulit ang gusto ninyo. I will appreciate it if you also leave Chance alone,” malamig na sagot ni sir Angus.

Hindi sumagot si Demetrio at tumalikod na. Sumunod si lolo Carlos, si Corazon at saka si Victor. Naging aware ako sa tensiyonadong katahimikan at nang maglakas loob akong sulyapan ang paligid nakatingin nga ang mga bisita sa amin. Uminit ang mukha ko.

“Are you okay?” tanong sa akin ni Cain. Malumanay na ang tinig niya.

Huminga ako ng malalim, tumingala sa kaniya at pilit na ngumiti. “Oo.”

“Alam mo na darating sila, hindi mo siya dapat dinala dito,” singit ni Angus sa pasermong tinig.

Bumuntong hininga si Cain. “Tama ka.” Saka siya tumingin sa akin. “Ihahatid na kita pauwi. Ako na lang ang magpapaalam kina tita Martha.”

“Hindi ka na kailangan dito?” tanong ko.

Ngumiwi si Cain. “Well…”

Mukhang may gagawin pa siya. Kaya lang kahit hindi ako nakatingin nararamdaman ko pa rin ang masamang titig ng tito Victor nila. Gusto kong maging matapang pero ayokong magpakatanga. Alam ko na hindi makabubuti sa akin ang manatili sa party. Pero ayoko ring maabala pa si Cain. “Puwede naman ako umuwi mag-isa,” sabi ko na lang.

“No. Ihahatid na kita,” biglang sabi ni sir Angus. Napatingin kami ni Cain sa professor ko. Pero si sir Angus, sa akin nakatingin. “Pareho lang naman tayo ng bayan na uuwian. Sumaglit lang naman ako dito dahil kay tita Martha. Nabati ko na siya kaya aalis na rin ako.”

“Wait, nasa Tala ka, Angus?” manghang tanong ni Cain.

Tumingin kay Cain si sir Angus. “Matagal na.”

Ilang segundo bago nakapagsalita si Cain. “Matagal mo na rin bang alam na naroon si Ayesha?”

Himbis na sumagot naging makahulugan lang ang tingin ni sir Angus sa akin. Nagulat ako nang hawakan niya ulit ang braso ko at hinatak hanggang matanggal ang pagkakaakbay sa akin ni Cain. “I know you are a very busy person, Cain. Gawin mo ang dapat mong gawin. Responsibilidad mong manatili dito. Kaya ako na ang bahala kay Ayesha.”

Mukhang walang masabi si Cain sa sinabing ‘yon ni sir Angus. Ako naman lalong nagulat kasi tinawag niya ako sa pangalan ko. Madalas kasi Miss Querol ang tawag niya sa akin.

Bago pa makapagsalita si Cain nakalapit na si Arnold na nag-excuse sa amin ni sir Angus bago bumulong sa amo ng, “Gusto kayong makausap ni senator, master.”

Bumuntong hininga si Cain. Tumingin siya sa akin na parang humihingi ng paumanhin. Nginitian ko siya. “Sige na. Sasabay na lang ako kay sir Angus. Huwag mo na akong alalahanin.” Sandali pang nag-alangan si Cain bago tumango, nagbilin kay sir Angus na siguruhing makakauwi siya ng ligtas, nangako na tatawagan niya ako at saka lang umalis. Kami naman ni sir Angus lumabas na ng venue at hindi nag-usap hanggang makarating kami sa parking lot kung nasaan ang sasakyan niya.

Nasa biyahe na kami nang hindi ko na natiis ang nakakailang na katahimikan sa pagitan namin. “Totoo ba na matagal mo nang alam kung sino ako?”

Ilang segundo ang lumipas bago sumagot si sir Angus ng, “Oo.”

Napatitig ako sa kaniya. “Mula pa noong unang araw mo sa Abba College?”

“Oo. At para sagutin ang susunod mong tanong ay oo, nagpunta ako sa Tala at pumasok sa Abba College para sa iyo. Para bantayan ka.”

“Bantayan ako? Bakit? Dahil sinabi ng pamilya mo?”

Umangat ang mga kilay ni sir Angus at sumulyap sa akin. “Hindi. Walang kinalaman ang pamilya ko sa ginawa kong paghanap sa iyo. Desisyon ko iyon.”

“Kung ganoon ano ang dahilan mo?” kunot noong tanong ko.

“Dahil sa isang pangako.”

“Pangako?”

Sumulyap ulit sa akin si sir Angus. “Yes. A promise I made when I was eight.”

Hindi ko magawang itanong kung ano ang pangako na ‘yon. Nakikita ko sa mukha niya na hindi niya sasagutin ang tanong ko. Kaya nanahimik na lang ako. Sa kakatitig ko sa labas ng bintana inantok ako at hindi napigilang makatulog.

Nang maalipungatan ako sobrang dilim na sa daang tinatahak namin. Mapuno at madamo na rin kaya alam kong wala na kami sa siyudad. “Nasaan na tayo?” groggy pang tanong ko.

“Malapit na sa bahay niyo. Lampas isang oras kang tulog,” sagot ni sir Angus. Nawala ang antok ko at napatingin sa tinatahak naming daan. Patawid na pala kami ng tulay na papasok sa barangay namin.

Natatanaw ko na ang bahay namin at bumagal na ang pagtakbo ng sasakyan nang may marealize ako. Nanlaki ang mga mata kong nilingon si sir Angus. “Alam mo kung saan ako nakatira.”

“Hindi lang ako ang nakakaalam kung saan ka nakatira, Ayesha. At kompara sa kanila, mas harmless ako.”

Huminto ang kotse sa tapat ng bahay namin. Bumaling sa akin si sir Angus, dumukwang para tanggalin ang pagkakasuot ng seatbelt ko, saka hinubad ang sariling seatbelt, lumabas ng kotse, umikot sa side ko at pinagbuksan ako ng pinto.

Kabababa ko lang nang may mapansin ako sa bahay namin. Nakabukas ang ilaw sa loob! Pagkatapos biglang bumukas ang pinto ‘non at lumabas si mama, bakas ang pag-aalala sa mukha nang makita ako. “Ayesha! Saan ka galing at ganitong oras ay wala ka pa –” Huminto siya sa pagsasalita nang mapasadahan ako ng tingin. Siguro natigilan siya kasi nakasuot pa rin ako ng formal dress.

Sinamantala ko ‘yon. Mabilis akong lumapit sa kaniya. “Mama, akala ko ba isang linggo ka mawawala?”

“Hindi ako mapakali na iwan kang mag-isa dito kaya umuwi ako. Mas mahalaga ka sa akin kaysa sa promotion ko sa trabaho, Ayesha. Pero pagdating ko wala ka at hindi mo sinasagot ang tawag ko. Sobra akong nag-alala kung ano na ang nangyari sa iyo at hindi ka pa umuuwi. Bakit ganiyan ang ayos mo? Sino ang kasama mo?”

“Ah…” Sumulyap ako kay sir Angus na naglalakad na palapit sa aming mag-ina.

May bumara sa lalamunan ko nang makitang kay mama nakatingin si sir Angus. Lumambot ang ekspresyon sa mukha niya, bumata ng ilang taon at may kislap ng nostalgia ang mga mata. Nang makalapit si sir Angus ilang sandaling nanatili lang siyang nakatayo sa harapan namin bago nagsalita, “Rebecca, kumalma ka. Ligtas ang anak mo.”

Natigilan si mama at napatitig ng husto sa mukha ni sir Angus. Maya-maya namilog ang mga mata ni mama, bumakas ang rekognisyon sa mukha niya at suminghap.

“Angus? Ikaw na ba iyan?”

Ngumiti si sir Angus. “Yes, it’s me Becky.”

Ako naman ang napasinghap. Magkakilala si mama at si sir Angus!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.