MOON BRIDE (Filipino) Chapter 24

(Ayesha)

TENSIYONADONG katahimikan ang bumalot sa bahay namin simula pa ng umalis si sir Angus kagabi. Hindi mawala sa isip ko ang ekspresyon ng professor ko nang hindi tulad niya ay halatang hindi natuwa si mama na makita siya. Para siyang sinuntok sa sikmura at tinakasan ng kulay ang mukha.

Katunayan, himbis na ngitian mahigpit akong niyakap ni mama palayo kay sir, naging seryoso ang ekspresyon at sa nanginginig pero determinadong tinig sinabi niyang, “Umalis ka na. Huwag niyong guluhin ang anak ko.” At bago pa makasagot si sir Angus hinatak na ako ni mama papasok sa bahay at mabilis na isinara ang pinto. Ilang minuto ang lumipas bago ko narinig ang tunog ng papalayong sasakyan ni sir.

Tinangka kong tanungin si mama pero parang galit ang ekspresyon niya habang nakatitig sa nakasarang pinto. Maya-maya inutusan niya akong pumasok na sa kuwarto ko. “Bukas na tayo mag-usap. Please Ayesha.” May desperasyon sa boses niya nang sabihin ‘yon. Hinawakan pa niya ang magkabilang sentido na parang sumakit ang ulo. Napansin ko rin na nanginginig ang buo niyang katawan. Nilapitan ko siya at tinangkang aluin pero umiling siya at inulit ang pakiusap niya. Kaya wala akong nagawa kung hindi ang sumunod.

Pero halos hindi ako nakatulog sa kuwarto ko. Nakatitig lang ako sa kisame, binabalikan ang mga nangyari sa birthday party ni Martha Alpuerto. Pinapakiramdaman si mama sa kabilang kuwarto. Pinagtatagpi-tagpi ang mga impormasyong nalaman ko sa nakaraang mga araw. Inaalala ang mga babala at pangaral sa akin ni mama noong bata pa ako. Tungkol sa huwag balewalain ang mga kakaibang bagay. Tungkol sa mga kuwentong akala ng lahat kathang-isip pero may katotohanan.

Ngayon ko lang narealize na may pinaghuhugutang katotohanan ang mga pangaral ni mama sa akin noon. Kung hindi niya ako na-orient tungkol doon, baka nag-panic ako at hindi agad natanggap ang mga kakaibang nangyayari. Baka tinawanan at sinabihan kong nababaliw ang mga lalaking nagpakilala sa akin na fiancée ko. Para bang hinahanda ako ni mama mula pa pagkabata. Hinahanda at pinoprotektahan.

Tumilaok ang manok sa labas at napatingin ako sa alarm clock na nakapatong sa bed side table ko. Alas singko na pala ng umaga. Maya-maya may narinig akong kaluskos sa kabilang kuwarto, kasunod ng langitngit ng dahan-dahang pagbubukas ng pinto, at ang mahinang yabag ng mga paa ni mama. Bumangon ako sa kama pero naghintay pa ng dalawampung minuto bago lumabas ng kuwarto ko.

Naabutan ko siya sa kusina, nakaupo sa isang silya sa dining table at may tasa ng umuusok na kape sa harapan. Nakatitig siya sa kawalan at para bang tumanda ng ilang taon sa buong magdamag.

Humugot ako ng malalim na paghinga bago lumapit sa kaniya. “Mama.”

Nilingon niya ako. Sandaling nagtama lang ang mga tingin namin bago siya humugot din ng malalim na paghinga at hinatak ang katabi niyang silya. “Umupo ka, Ayesha.”

Tumalima ako. Ilang segundo ang lumipas bago siya huminga ulit ng malalim. “Kailan ka pa may koneksiyon sa kaniya?” tanong niya.

“Professor ko sa Ecology si sir Angus, mama. Ngayong semester lang siya naging prof sa Abba College.” Sandali akong nag-alangan bago sinabi na rin ang totoo. “At hindi lang siya ang nakilala ko, mama. Nakilala ko si Cain, si Chance at ang iba pang miyembro ng pamilya Alpuerto. Birthday party ng tita nila sir Angus ang pinuntahan ko kagabi.”

Nanlaki ang mga mata ni mama, umawang ang mga labi at namutla. “Bakit mo ginawa iyon, Ayesha?!”

Nagulat ako sa pagtataas ni mama ng boses. Lalo na sa pagkataranta at takot na narinig ko sa tinig niya. Nitong nakaraan palagi na lang siyang takot at hindi mapakali.

“Mama, ano ba talaga ang nangyayari? Kailangan mong sabihin sa akin. Bakit tinatawag nila akong moon bride? Bakit gusto nila akong maging bahagi ng pamilya nila kahit napakayaman at napaka-powerful ng impluwensiya nila? Bakit… bakit nararamdaman ko na hindi sila normal na mga tao? Ayoko ng manghula pa. Mama, sino ba talaga sila? Sino ba talaga tayo?”

Naging seryoso ang ekspresyon niya, sandaling napatitig sa kawalan bago sumagot, “Malyari ang tunay kong apelyido. Itinago ko iyon para protektahan ka. Matagal ko na tinalikuran ang pamilya ko. Mula noong hindi nila ako pinakinggan at pinilit akong gawin ang isang bagay na hindi ko gusto at makakasama sa akin.” Saka siya sumulyap sa akin, may bakas ng pait ang mga mata. “Ayokong matulad ka sa akin, Ayesha. Ayokong maging sakripisyo ka para matupad lang ang isang tradisyon.”

“Tradisyon?”

Tumango si mama. “Sinaunang pamilya ang mga Alpuerto. Bago pa man dumating ang mga dayuhan, makapangyarihang pamilya na sila. At sinasabi ko ito ng literal, Ayesha. Hindi pangkaraniwang pamilya ang Alpuerto. Hindi sila normal. Bawat lalaki sa pamilya nila may taglay na supernatural power.”

Bigla kong naalala nang unang beses na hawakan ako ni Cain at napaso ako. “Anong klaseng kapangyarihan, mama?”

“Iba-iba. Ang sabi ng mga magulang ko, depende daw sa araw ng kapanganakan ang nagiging kapangyarihan ng isang lalaki sa pamilya nila. Hindi sila sigurado dahil malihim ang mga Alpuerto. Marami silang hindi sinasabi sa mga Malyari. At ganoon din kami. May mga alam kami na mas gusto naming ilihim sa kanila.”

“Mayaman at makapangyarihan din ba ang mga Malyari?” tanong ko.

Umiling si mama. “Mas makaluma ang mga Malyari at walang ambisyon. Hindi katulad ng mga Alpuerto na may taglay na kapangyarihan at likas na kagustuhang mag-survive at umangat ang estado, mas pinili ng angkan natin ang tahimik na buhay. Mas pinili ng mga Malyari ang panatilihin ang makalumang paniniwala kaysa makisabay sa nagbabagong panahon na katulad ng mga Alpuerto. Pero kahit magkasalungat sa maraming bagay ang mga pamilya matibay pa rin ang koneksiyon ng dalawa. Dahil iyon sa ritwal ng pag-iisa.”

“Ritwal Ng Pag-iisa?” litong tanong ko.

Huminga ng malalim si mama at sinalubong ng tingin ang aking mga mata. “The wedding night. Ng babaeng Malyari at ng lalaking Alpuerto. Iyon daw ang utos ng diyosa ng buwan na siyang nagbuklod sa dalawang pamilya. ‘Isang babaeng ipinanganak na bilog ang buwan ang susi sa pagpapanatili sa kapangyarihang ipinagkaloob sa mga anak ng Baylan. Ang kanilang pag-iisa ang magpapatuloy sa buhay ng dalawang angkan,’ iyon ang kasulatang iniingatan ng leader ng pamilya Malyari. Isinulat ng ninuno natin. Isa iyong utos na hindi maaaring sirain dahil kung gagawin iyon may masamang kapalit. At least, iyon ang sabi sa akin ng mga nakatatanda sa pamilya noong ako ang nakatalagang maging moon bride.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.