(Ayesha)
Ilang segundong pinaulit-ulit ko lang sa isip ko ang mga sinabi ni mama. Lumunok ako. “T-totoong may diyosa ng buwan?”
Umangat ang gilid ng mga labi niya. “Totoo. At hindi siya nag-iisa, Ayesha. Totoo ang mga diyosa at diyos. Totoo si Bathala. Iba-iba man ang tawag sa kaniya ng iba’t ibang relihiyon at ng iba’t ibang lahi, totoo siya. Sino sa tingin mo ang may gawa sa ating mga tao? Sa kalikasan? Sino ang namamahala sa lahat ng may buhay sa mundong ito? Sino ang nagpapatakbo ng oras, ng panahon, ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap? Why is the world and the universe so vast and complicated that scientists can’t decipher it yet? The world is not just black and white. Hindi lang binubuo ng kung ano lang ang nakikita natin o kung ano lang ang pinaniniwalaan ng karamihan. Lingid sa kaalaman natin, may mga bagay na nagaganap at may mga nilalang na nabubuhay. Higit sa lahat mayroong mas makapangyarihan kaysa sa mga tao. Pinagmamasdan lang tayo. Ginagabayan. Nakikiramdam kung kailan kailangan ang tulong nila.”
Hindi ko maipaliwanag kung bakit, pero bumilis ang puso ko sa mga sinabi niya. Bigla lalong lumawak ang mundo para sa akin. Biglang mas naging komplikado. Kumbaga sa isang painting, hindi na lang one dimension kung hindi naging 3D. Lumunok ako at huminga ng malalim para kalmahin ang mabilis na tibok ng puso ko.
“Ang diyosa ng buwan din ba ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga Alpuerto?”
Umiling si mama. “Hindi. Iba ang nagbigay niyon sa kanila. Si Mayari, siya lang ang nag-bind sa pamilya natin at sa mga Alpuerto. Hindi ko alam ang tunay na kuwento dahil…” Bumakas ang guilt sa mukha niya. “Tumakas na ako bago pa man ako mapatawag ng Forseer para ipaliwanag sa akin ang lahat.”
“Forseer?”
“Siya ang matatawag na leader ng pamilya natin. May kapangyarihan siyang makita ang nakaraan at ang hinaharap. Siya rin ang direktang nakikipag-usap kay Mayari. Siya ang koneksiyon natin sa mga diyos at diyosa. Sa pagkakaalam ko walang ganoon sa pamilya Alpuerto. Umaasa lang din sila sa forseer ng pamilya natin.”
Wow. Na-curious ako sa forseer. Napukaw na ang interes ko sa pamilya ni mama. Sa pamilya ko na ngayon ko lang nakikilala. “May posibilidad kayang makaharap ko ang forseer?”
Natigilan si mama at gulat na napatitig sa akin. Umiling siya. “Ayoko.”
“Pero bakit po?”
Mariin niyang pinaglapat ang mga labi niya bago nagsalita. “Dahil gusto kong mabuhay ka na normal, Ayesha. Malayo sa kanila. Malayo sa mga Alpuerto. Gusto kong maging katulad ka ng karamihan. Ayokong pasukin mo ang mundong iniwan ko. Hanggang kaya ko ilalayo kita sa kanila. Nangako ako sa papa mo na poprotektahan kita, anak.”
Nanginig ang boses niya. Kumirot ang puso ko para kay mama. Inabot ko ang mga kamay niya, ginagap ang mga ‘yon at pinisil. “Mama, kung tatakbo ako at magtatago, hindi na ‘yon matatapos. Habambuhay na lang ba tayong tatakbo? Makapangyarihan sila hindi ba? Kahit anong gawin natin, matatagpuan din nila tayo. Katulad ngayon. A-ayokong takbuhan sila, mama. Ayokong buong buhay natin, palagi tayong natatakot na baka nasundan na nila tayo. Ayokong wala tayong lugar na masasabi nating tahanan natin dahil palipat-lipat tayo. Ayokong maging duwag, mama.”
Gumanti siya ng pisil. “Pero anak, once na ma-involve ka sa kanila, mahirap na lumayo. Ayokong matali ka sa kanila. Hindi masayang maging kabilang sa pamilya Alpuerto. Mukha silang perpekto sa panlabas pero hindi natin alam kung ano ang sikretong itinatago nila.”
“Alam ko mama.” Pero hindi ko na mapigilan ang kuryosidad ko. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko nalalaman ang lahat ng tungkol sa kanila. Hangga’t hindi ko nakikita ang katapusan ng gulo na nagsimula pa noong kabataan ni mama. O baka nga nagsimula pa bago ipanganak ang aking ina.
Mukhang hindi ko na kailangan magsalita dahil nakita ko sa mukha niyang naintindihan niya ako. “Ayokong magpakasal ka na hindi naranasan umibig, anak. Ayokong kung kailan huli na ang lahat, kung kailan nakatali ka na sa kanila, saka mo makilala ang lalaking nakatakda mong mahalin. Tandaan mo, isang tao lang ang mamahalin natin buong buhay natin, Ayesha. Ayokong mabuhay ka na puno ng pagsisisi.”
Lumunok ako. “Ayoko ring mabuhay na tumatakbo at puno ng katanungan ang isip, mama. Hindi ako matatahimik,” mahinang sabi ko. Saka ko na iisipin ang sitwasyong sinasabi niya kapag naroon na ako. Sa ngayon, hindi ko pa nakikita ang sarili kong umiibig sa isang lalaki.
Matagal na naglaban ang mga paningin namin ni mama. Sa huli nalaglag ang mga balikat niya, mariing pumikit at nang dumilat bigla akong niyakap ng mahigpit. “Manang-mana ka talaga sa tatay mo. Matigas ang ulo at hindi mapigilan ang kuryosidad. Sumisige kahit na mapanganib.”
Pasermon ang pagkakasabi ni mama pero napangiti na ako. Kapag kinokompara na niya ako kay papa, ibig sabihin hinahayaan na niya akong gawin ang gusto ko. Gumanti ako ng yakap. “Siguro tinaboy mo rin si papa noon ‘no? Pero dahil matigas ang ulo niya at usyusero katulad ko, kinulit ka niya hanggang mapalambot ang puso mo,” biro ko.
Natawa si mama. “Tama ka.” Nang magkalas kami sa pagkakayakap sa isa’t isa nakita kong namamasa na ang mga mata niya. Siguro dahil naalala niya si papa. Huminga siya ng malalim na parang kinakalma ang sarili. Maya-maya naging seryoso na ulit siya. “Mag-isip ka ng mabuti, Ayesha. Kung talagang nakapagdesisyon kang harapin ang mga Alpuerto at ang mga Malyari, masakit man para sa aking sabihin pero magkakaroon ng maraming pagkakataon na hindi kita mapoprotektahan, anak. At kung gusto mo talagang makaharap ang forseer, dadalhin kita sa kaniya. Hindi ko lang alam kung tatanggapin pa ako ng pamilya ko pagkatapos ng mahabang panahon.”
Ako naman ang huminga ng malalim saka ngumiti. “Sige po mama.”
Pagkatapos ‘non magkasama kaming naghanda ng almusal. Pareho naming sinusubukang umakto na para bang normal na umaga lang ‘yon para sa aming dalawa. Pero alam ko na hindi na pwede ‘yon. Marami na akong alam. That alone made a huge difference. Para bang dati may tabing ang mga mata ko na ngayon natanggal na.
Pagsapit ng alas sais naligo na ako dahil may pasok ako sa school. Nang lumabas ako ng banyo, bukas na ang telebisyon. Nagtaka ako. Hindi naman dati nanonood ng morning news si mama. Sa aming dalawa, ako ang mas mahilig mag-abang ng balita.
“Mama? May inaabangan ka ba at nanonood ka ng morning news?” tanong ko sa kaniya.
Napalingon siya sa akin. “May nabalitaan kasi akong bumagabag sa akin kaya napauwi ako bigla kahit hindi pa tapos ang seminar namin. Teka, ito na.” Ibinalik ni mama ang tingin sa telebisyon. Napalapit na rin tuloy ako para manood.
“Isa na namang babae ang inireport sa pulisya na nawawala. Ito na ang ika-limang kaso ng biglang pagkawala. Hinihinala ng pamilya ng mga biktima na serial kidnapping ang nangyayari. Ang ipinagtataka naman ng pulisya ay walang natatanggap na tawag ang mga pamilya para humingi ng ransom. Galing din sa simpleng pamilya ang mga babaeng nawawala. Ang pagkakapareho lang ay pare-parehong nasa edad disisyete ang mga babae at mga estudyante sa kolehiyo. Kahapon lang ay lumitaw ang unang babaeng napaulat na nawala na tila wala sa sarili at hindi na makausap ng maayos. Ayon sa medico legal na isinagawa ay wala namang mali sa babae. Ni walang bakas ng kahit anong ipinagbabawal na gamot ang blood tests niya…”
Natigilan ako. Pagkatapos napatingin ako kay mama na ngayon nakatingin na rin sa akin. “Iniisip niyo po ba na…”
Tumango siya. “Oo. Na kung sino man ang nangunguha ng mga babaeng iyan may hinahanap siya. At napansin ko na lahat ng mga babaeng nawawala ka-edad mo, Ayesha.”
Iyon din ang naisip ko. “Kahit ang motibo sa pagkawala nila hindi rin matukoy. At ang biktima na bumalik na wala sa sarili pero wala namang makitang mali ang mga doktor.” Huminga ako ng malalim. “Sino ang pwedeng gumawa ‘non?”
Hindi kumibo si mama pero nakikita ko ang sagot sa mga mata niya.
“Ang mga Alpuerto?” tanong ko sa kaniya.
“Pwede.”
“Pero para saan? Alam na nila kung nasaan ako.”
“Hindi ko alam, Ayesha. Masyadong mautak ang mga Alpuerto. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa mga isip nila. Posible ring hindi Alpuerto kung hindi isa sa mga kaaway nila ang naghahanap sa iyo. Ang punto, kailangan mo mag-ingat anak.”
“Opo mama,” sabi ko na lang kahit sa loob ko siyempre may takot ako sa mga pwedeng mangyari. Lalo at sa kung anong dahilan biglang sumagi sa isip ko ang anino sa dilim at ang lalaking nakaitim na may motor na ilang beses kong nahuli na nagmamatyag sa akin.
Pero ayokong ipakita kay mama ang takot ko. Masyado na siya nag-aalala para dagdagan ko pa. Isa pa nakapagdesisyon na akong magiging matapang sa abot ng aking makakaya. Tutuklasin ko ang mga lihim ng pamilya Alpuerto. Hindi ko tatakasan ang tadhana ko. At kung sakali mang hindi ang itinakda ang gusto kong maging hinaharap ko, babaguhin ko ‘yon gamit ang sarili kong mga kamay at hindi sa pamamagitan ng pagtakas.