Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 19

Nailang si Callea sa titig ni Deive. Tuwing sinasabi nitong maganda siya, parang gusto na rin siya nitong tunawin. Kahit yata ilagay niya sa Konstitusyon ng Pilipinas na bawal siyang sabihan na maganda ay di pa rin ito mapipigil sa pagsasabing maganda siya.

Tinungga niya ang gatas at naubos agad iyon. “Hindi ka pa ba inaantok? Maghapon ka nang naglinis nitong mansion.”

“Hindi pa ako tapos. Marami pang parte nitong mansion ang di pa nalilinis.” Nilingon siya nito. “Sana okay lang sa iyo na maglinis ako. Dito ka nakatira. At kapag mag-asawa na tayo, dito rin ako titira. Dapat lang siguro na pagmalasakitan ko itong Villa Celesta. Baka multuhin pa ako ng Lola mo.”

Natawa na lang siya. “Matutuwa pa nga siya sa iyo.”

Pinagmasdan nito ang mga sketches at drawing niya na nakasabit sa dingding. Pinalantsa ng palad nito ang ilan. “I am sorry. Nalukot yata ang mga sketches mo dahil sa akin.” Napakamot ito. “OA kasi ako.”

“It’s okay. In a way, kasalanan ko rin naman. Saka hindi naman iyan ang mga sketches na ipapasa ko sa boss ko. So walang problema doon.”

“Ano nga pala ang bagong ginagawa mong istorya?” Nakita nito ang sketch niya sa ibabaw ng drawing table. “Iyan ba?”

Nanlaki ang mata niya nang maalalang iyon ang sketch niya kay Deive. At hindi mukhang pang-horror ang sketch niya dito. It was a very sensual one.

Dadamputin na nito ang sketch niya nang agapan niya. Tinakbo niya ang drawing table at kinuha ang sketch. “Hindi! Hindi ito!”

“Ano bang problema? Titingnan ko lang naman. Hindi ko naman ako magiging spoiler sa mga fans mo. Gusto ko lang makita.”

Umiling siya at itinago sa likuran niya ang papel. “No!”

Ano na lang ang iisipin ni Deive oras na makita ang sketch niya? Baka isipin nito na pinagnanasaan niya ito. Nakakahiya. Wala siyang mukhang ihaharap dito.

“Ang damot mo naman. Titingnan ko lang.” At pilit na inaagaw ang papel sa kanya. “Ano ba ang itinatago mo diyan na di ko rin mababasa kapag na-publish na? Sige na. Parang di naman tayo magsasama habambuhay.”

Umiwas pa rin siya dito. “Hintayin mo na lang kasing lumabas sa bookstore. Hindi ko talaga ito ipapakita sa iyo!”

Nahigit niya ang hininga nang mapaupo siya sa upuan kaiiwas niya dito. Ngumisi ito at idiniin ang kamay sa magkabilang arm ng wooden chair. “Ano ba ang kailangan kong gawin para ipakita mo sa akin iyan?” nanunukso nitong tanong at unti-unting inilapit ang mukha sa kanya.

She could feel his warm and minty breath fanning her face. Napapikit siya. His proximity was starting to make her nervous. Paano pa kaya kapag mas inilapit pa nito ang mukha sa kanya at naglapat ang mga labi nila. Not the chaste kiss that he gave her. What if it was a hot, steamy kiss?

Nakahinga nang maluwag nang malamig na hangin ang dumampi sa balat niya. Nang dumilat siya ay nakatayo na ito ng tuwid at malayo na sa kanya.

“Magpapahinga na ako. Ayoko nang abalahin ka pa sa trabaho mo.”

“Okay,” mahina niya usal at nakayukong ihinatid ito sa pinto.

“Goodnight.” Hinawakan nito ang batok niya at inangkin ang labi niya. Napahawak siya sa balikat nito sa sobrang pagkagulat. It was heaven. Parang umangat ang paa niya sa lupa. So this was what the real kiss was like.

Before he knew it, he pulled back right away. Saka nakangiting lumabas ng kuwarto. Ilang Segundo siyang nakatulala at napaupo sa kama.

Kumalma ka lang, Callea. Kalma. Natural na ang halik na iyon kay Deive. Dapat na siyang masanay. Dapat na din ba siyang masanay na manginig ang bawat himaymay ng laman at mawala sa sarili tuwing hinahalikan nito?

That would be dangerous for her health. She couldn’t risk it.

PASULYAP-SULYAP sa antique Victorian watch niya si Callea. Ala una ng hapon ang usapan nila ng designer niyang si Pipay. Ito ang gumagawa ng mga damit na isinusuot niya tuwing nagsusulat siya. Masasabi nga niyang si Pipay ang tumutulong sa kanya na bumuo ng mga istorya. Ang mga damit kasi na ginagawa nito ay may istorya na. Parang nilikha lang para sa mga characters na ginagawa niya. At dahil sikat ang graphic novels na ginagawa niya, napagkakatuwaan ng mga fans niya na isuot ang mga iyon sa mga costume plays. Dahil may recognition din si Pipay sa mga costume designs ng characters niya, ito ang dinadayo ng mga fans niya. Kaya nagkakatulungan silang dalawa ni Pipay sa trabaho nila.

“Alas dos na, wala pa rin siya.” Dinampot niya ang extension phone na nasa tabi ng kama niya at tinawagan si Pipay sa cellphone nito. “Pipay, nasaan ka na? Gusto ko nang makita ang mga bagong creations mo!” Gusto niya ng bagong mga concepts para sa istorya niya dahil katatapos lang niya ng huling istorya niya.

“Ha? Pabalik na ako ng Manila.”

“Saan ka galing?”

“Diyan sa inyo.”

“Paano nangyari iyon?” Hindi siya tinawag ni Marina para sabihing dumating na ito. “Nagka-problema ba kaya pabalik ka na?”

“Hindi ba sinabi ng jowa mo na gusto mo naman ng mas bagong designs.”

“Ha? Jowa ko?”

“Oo. Si Fafa Deive! Ang guwapo talaga ng jowa mo. Iyong mas masasaya ang kulay at hindi masyadong dark.”

“Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko na magpalit ng genre o mahilig sa mga light colors. At bakit sasabihin ni Deive iyon? Tapos naniwala ka naman!”

“Naiisip ko na baka gusto mo nang mag-iba ng genre dahil sa pag-ibig. You know. Makulay ang buhay dahil may fafa kang tunay.”

Kumulo ang dugo niya. Ano bang pakialam ni Deive sa gusto niyang isuot? Malinaw dito kung anong klase ang trabaho niya at ang inspirasyon ang nakukuha niya sa mga costumes niya.

At higit sa lahat, hindi siya in love sa impaktong iyon. “Wala siyang pakialam sa mga costumes ko o sa trabaho ko. Ibalik mo ang mga iyan!”

“Naku! Baka magtampo sa akin si Fafa Deive. Nangako ako sa kanya na pagbalik ko, gagawan kita ng mas bonggang damit. Next time na lang.”

Ayos! Akala niya ay mga kasambahay lang niya sa mansion ang nakuha ni Deive ang loob. Pati si Pipay ay nagustuhan na rin si Deive. Sabagay, pagdating sa pagkakaibigan nila ni Pipay at sa kahit sinong guwapo sa mundo, mas pipiliin nito ang kaguwapuhang mga lalaki. Naku! Sa susunod na istorya niya, malamang ay may isang bading siyang ipapa-rape sa isang dosenang nymphomiac.

“E, kung bonggahin ko kaya kayong dalawa ni Deive? Ako ang kaibigan mo. We are partners. Trabaho natin ‘to. Bakit hinayaan mo ng pangunahan tayo ng lalaking iyon? This is just between you and me, Pipay!”

“Ang guwapo kasi niya. Nawala na ako sa sarili ko.”

She let out a curse. Talagang nawala na sa sarili ang kaibigan niya. Nawawala din naman siya sa sarili minsan dahil kay Deive pero di kasing hibang nito.

“Maghintay ka lang diyan, ha? Babalikan kita!”

Inangat niya ang laylayan ng kimono na ginagamit na ginagamit ng mga courtesans at prinsesa sa Japan noong unang panahon. Dinalawang hakbang niya ang hagdan. Ang alam niya ay nasa attic ngayon si Deive at naglilinis. Hindi na maganda ang kutob niya sa mga pagbabagong ginagawa nito ngayon.

“Señorito, huwag po!” pakiusap ni Marina. “Magagalit si señorita.”

“Hindi! Hindi ko na matatagalan ito.”

Sumasal ang kaba sa dibdib niya. Anong nangyayari sa attic? Ubod ng lakas niyang itinulak ang pinto at bumalaga sa kanya sina Deive at Marina na nag-aagawan sa walis tingting na may mahabang tangkay.

“Anong nangyayari dito?” nakapamaywang niyang tanong.

“Señorita, gusto po niyang palayasin ang mga paniki,” sumbong ni Marina.

“Dapat lang naman. Maliban kay Batman at kay Dracula, may iba ka pa bang kilala na nagpapatira ng paniki sa mga bahay nila? No wonder mukhang haunted house itong bahay mo. Nagbi-breed ka ng mga paniki.” Iniumang nito ang walis sa kisame sa bubong sa bintana ng attic kung saan nagkakampo ang mga paniki. “Dapat sa kanila mawala na dito.”

Pinigilan niya ang braso ni Deive. “Those bats are my friends!”

Tinutulungan siya ng mga ito sa mga isinusulat niya. Kapag binulabog ang mga ito, saan na titira ang mga ito? Di niya mapapalayas ang mga kaibigan niya.

Natigagal ito. “Pangarap mo bang maging si Batgirl? Gagawin mong Bat Cave itong mansion mo? Paano kung magkasakit ka dahil sa kanila? O kaya sipsipin na lang nila ang dugo mo habang natutulog ka.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.