“Bilang kampon ng kadiliman, asset ko ang buhok ko. Malay mo balang-araw kunin pa akong model ng Stallion Shampoo and Conditioner, di ba? At least may lamang ako kay Sadako. Di siya pwedeng model ng shampoo.”
“Ano bang gusto ninyong hair style, Ma’am?”
Nilingon niya si Jocelyn. “Mas nakakatakot, mas maganda. Iyong buhok ko pa lang, tatayo na ang balahibo nila.”
Napangisi na lang si Jocelyn. “Hehe! Mahirap po yata iniisip ninyo. Hindi iyan ang forte mo.” Pumalakpak ito at muling sumigla nang suklayin ang buhok niya. “Gusto mo lagyan natin ng bangs. Side bangs kaya. Uso iyon para makita pa rin ang kagandahan mo, Ma’am.”
Sinuklay nito ang buhok niya sa harapan at inipit ng daliri kung hanggang saan ang puputulin sa buhok niya. “Gusto ko natatakpan ang mata ko.”
Itinapat nito ang mukha sa kanya. “Masyado naman yatang mahaba iyon.”
“Hindi. Gusto ko talaga ganoon para kapag hinawi ang buhok ko.”
Hinawi niya ang buhok. Saka niya biglang itinirik ang mata at humalakhak. Nagtitili si Jocelyn at nagtatakbo papunta sa likuran ni Deive. Parang aatakihin na ito sa puso. Nginisihan naman niya si Deive na pinanlalakihan siya ng mata.
“Anong ginawa mo?” tanong nito.
“Ipinakita ko lang sa kanya ang gusto kong style. Magawa nga sa bagong novel ko. Maganda ang buhok ng babae. Akala ng maniac na lasing maganda rin. Iyon pala multo. O kaya lagyan ko rin ng dugo-dugo para mas masaya,” bulong niya habang iniisip ang mga gagawin niyang eksena. Mukhang masaya iyon.
Mula sa salamin ay nakita niya nang kabalitin ni Jocelyn si Deive. “Sir, pang-Regal Shocker ata itong girlfriend ninyo. Di kaya laklakin niya ang dugo ko? Isa akong alagad ng ganda. Di ako nagpapapangit ng tao. Saang haunted house ba ninyo iyan napulot?” Mukhang nangingilabot na ito sa kanya.
“Sa Nagcarlan. Ipagtanong mo lang doon sa mga tao, tiyak na ituturo ka sa amin. Sikat ako doon.”
Nagpapadyak si Jocelyn. “Ayoko na, Sir. Nakakatakot talaga.”
“Bibigyan kita ng malaking tip kapag napaganda mo siya.”
“Kahit ibigay mo ang katawan mo sa akin, di ko aayusan ang girlfriend mo, Sir. Naku!” Humalukipkip pa si Jocelyn. “Mahal ko pa ang buhay ko.”
“Umalis na lang tayo, Deive. Di naman pala customer is always right dito.”
Akmang tatayo siya nang iharang nito ang kamay sa magkabilang arm ng swivel chair at iniumang ang mukha sa kanya. Naghahamon. “Diyan ka lang! Di tayo lalabas dito nang ganyan pa rin ang itsura mo.”
“At kung magpilit ako?”
“Hahalikan kita dito sa harap ng maraming mga tao.”
Namutla siya nang makita kung gaano kaseryoso ang itsura nito. Tototohanin ba siya nitong halikan? “Subukan mo lang. Kundi…”
“Ano?” Nanunukso itong ngumiti at dahan-dahang inilapit ang mukha sa kanya. “Kukulamin mo ako? Gagayumahin? Di ako natatakot sa iyo.”
Siya naman ang nataakot dito. Baka mabaliw siya nang tuluyan. Mas lalo itong mahihirapan na gawin siyang normal. Malamang ay bangungutin din siya noon. Siyempre hindi niya sasabihin dito na naaapektuhan nito ang sistema niya. Baka mas lalo nitong alam kung paanong paglalaruan ang emosyon niya. Siya ang talo.
Hindi. Hindi siya nito pwedeng halikan o I-intimidate sa kahit anong paraan. Di siya papayag na tuluyang maging diyosa. May paraan pang iba.
Ihinarang niya ang palad sa mukha nito nang ilang pulgada na lang ang layo nito sa kanya. “Sandali! Daanin natin ito sa mabuting usapan. Hindi mo kailangang gumastos para pagandahin ako. Pwede akong maging maganda sa harap ng mga Lolo natin.”
“You mean pretend like you did before?”
Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi niya. “Yes! Hindi mo nahalata noong unang beses tayong nagkita, di ba?”
Tumango-tango ito. “Oo nga, no?”
“Mas tipid pa. Di mo kailangang I-make over pa ako. Matitiis ko na ilang araw na maging normal. I won’t do weird stuffs. Ilang araw akong hindi magsusulat para lang tiyakin na wala akong ka-weird-uhan na gagawin.”
“At pagkatapos babalik ka sa normal? Magkukulong ka ulit sa kuwarto mo?”
“Oo. Basta huwag mo lang akong habambuhay na pagdusahin.” Pinagsalikop niya ang palad. “Maganda naman ang idea ko, di ba?”
Matamis itong ngumiti. “Yes. It’s a brilliant idea.”
“Pumapayag ka na?”
Nawala ang ngiti sa labi nito. “No! I won’t risk it. Horror writer ka lang, Callea. Hindi mo kailangang maging walking horror book. Kung gusto mong mag-costume play kapag nagsusulat ka, doon lang sa kuwarto mo. Kapag nagtatrabaho ka lang dapat. Di kailangang buong buhay mo ganyan ka.”
Umiling siya. “Ayoko! Gusto kong maging ganito.”
“Then you will lose Villa Celesta. My grandfather is a good judge of character. Malalaman niya na may kakaiba sa iyo. I don’t want to risk it. Pwede niya akong ihanap ng ibang babaeng pakakasalan. But how about you? Do you think your grandfather would be easy on you once? You can’t live in the shadows forever.”
Malupit ang mundo. Gusto lang niya ng katahimikan sa buhay. Iyong di siya guguluhin ng kahit na sino. At ligtas siya sa aninong kinakanlungan niya. Ngayon ay kailangan niyang lumabas sa anino niya.
Mahigpit siyang humawak sa arm ng swivel chair. Ano ba ang handa niyang isugal para makuha ang Villa Celesta? Natatakot siya na lumabas sa anino niya. She felt exposed. Naked. Vulnerable.
Pero tama si Deive. Kapag sumugal siya kasama ito, tiyak na mapupunta sa kanya ang Villa Celesta. Tinutulungan lang siya nito.
“Magpapa-trim ako ng buhok. Pwede rin akong magpa-bangs pero pwede bang tabingan ang mata ko? Hahawiin ko na lang kapag kailangan.”
“Sure!” Tinawag nito ang stylist na si Jocelyn. “She’s ready.”
Napirmi siya nang nilalagyan siya ni Jocelyn ng hair spa formula. Ang totoo ay natatakot pa rin siyang baguhin ang sarili niya. Ayaw niyang maging maganda.
Ginagap ni Deive ang kamay niya. “Don’t worry. You will be fine after this. Isipin mo na lang na nagre-relax ka after ng mahabang trabaho.”
Hindi niya alam kung makakapag-relax siya habang hawak nito ang kamay niya. But it made the whole ordeal bearable at least.
What’s not bearable was the unsteady beat of her heart. Dahan-dahan siyang nagpakawala ng hangin sa baga niya. Kailangan na niyang masanay. Masanay sa paghawak ng kamay nito at pagtitig nito.
Mariin siyang pumikit. Kaya kong tiisin ito. Kaya ko!