Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 23

“Ayan! Ang ganda-ganda mo na!” tili ni Jocelyn nang matapos lagyan ng hair shine ang buhok niya bilang finishing touch.

Matapos ang mahigit na isang oras na pakikipagbuno ni Callea sa hair spa treatment cream, sa steamer at sa maya’t mayang salitan ng blow dry at suklay pati na rin paggarutay sa buhok niya, sa wakas ay tapos na ang paghihirap niya. She had been dreading for hours. Sumakit na ang leeg at likod niya. At na-torture na rin ang utak niya kung ano ang kalalabasan ng itsura niya.

“Thank you,” mahina lang niyang usal at hinarap si Deive na magkasalubong ang kilay habang nakatingin sa kanya. “Umalis na tayo dito.”

Ayaw na niyang makita ang sarili sa salamin. Hindi nga niya alam kung paanong iwas ang gagawin para di na makita pa ang “kagandahan” niya.

Pinigilan nito ang balikat niya at isinuklay ang daliri sa bangs niya. “Bakit masyadong mahaba? Baka pwedeng bawasan ito para lalo kang gumanda.”

Tinabig niya ang kamay nito. “Tama na iyan!”

Tuwang-tuwa si Jocelyn nang bigyan ito ng malaking tip ni Deive. “Babalik kayo, Sir! Pagagandahin ko ulit si Ma’am ng bonggang bongga.”

Umangil siya at tiningnan ito ng matalim. Napaurong si Jocelyn sa takot. Ngayon pa lang ay dumudugo na ang tainga niya. Ilang beses na ba niyang narinig na maganda siya. Dumudugo na ang tainga niya.

Paglabas niya ng salon ay naramdaman agad niya ang tinginan sa kanya ng mga tao. Tingin na may kasamang paghanga. Nagagandahan ang mga ito sa kanya.

Nagtago siya sa likuran ni Deive at idinikit halos ang mukha sa likuran nito. Papaling-paling tuloy ito sa kanya. “Anong ginagawa mo sa likuran ko?”

“Pinagtitingnan nila ako.”

“Ang ganda mo tapos mukha kang sasali sa monster parade sa suot mo.”

“Umuwi na tayo! Please!” pakiusap niya. Hindi na niya matatagalan ang titig ng mga tao sa kanya. Matutunaw na siya.

“No! Kailangan pa nating mamili ng damit mo.” At ipinasok siya nito sa pinakaunang boutique na pambabaeng nakita nito.

Sinalubong agad sila ng sales lady. “Good afternoon, Sir!”

“Bigyan mo ako ng lahat ng damit na nakasuot sa mannequin ninyo.” At walang kakurap-kurap na sinabi nito ang size na kakasya sa kanya.

Maang siyang tumingin kay Deive. “Alam mo agad?”

Isang mahiwagang ngiti ang gumuhit sa labi nito. “Talent ko iyon.”

Bigla niyang pinagkrus ang braso sa ibabaw ng didbib at humakbang palayo dito. Pakiramdam tuloy niya ay tumatagos na ang mata nito sa katawan nito at kabisado na nito ang bawat himaymay ng laman niya.

“I am not a maniac, alright! Natural lang iyon dahil gusto kong ibibili ng damit ang mga naging girlfriends ko. I want them to look pretty for me.” Kinuha nito ang isang dress na may tulip design sa laylayan. “And I want you to look good for me as well. Ayokong magmukhang busabos ang magiging bride ko.”

“Sir, ito na po ang mga ipinakuha ninyo,” wika ng staff at inabot ang mga damit sa kay Deive na galing pang stock room.

Hinila siya nito sa fitting room. “Isukat mo ang mga ito.” Isinama na rin nito ang tulip dress. “If this will fit, ito ang isusuot mamaya.”

Umiling siya. “A-Ayoko. May mga damit ka pang binili sa akin, di ba? Masyadong magaganda ang mga ito.”

“That’s the point. Your dress must compliment your beauty.”

“Ayokong gumanda pa,” bagsak ang balikat niyang wika. Kung mas gaganda siya, lalo siyang pagtitingnan ng mga tao.

“Magbihis ka na!” wika ni Deive at idiniin ang magkabilang kamay sa hamba ng pinto ng fitting room. “Kung ayaw mong magbihis, ako ang magbibihis sa iyo.”

Dali-dali niya itong itinulak at isinara ang pinto. “M-Magbibihis na.”

Malakas na malakas ang kaba ng dibdib niya habang nagbibihis. Alam na nga ni Deive ang size niya. Daig pa nga siya nito pagdating sa sukat ng katawan niya. Ngayon ay gusto pa siya nitong makita nang walang damit. Masyado naman yata itong sinuswerte.

HIndi siya tumitingin dito tuwing ipinapakita niya ang bawat damit na maisukat niya. Namumula siya tuwing magfi-fit ang mga damit na napili nito para sa kanya. Tuwing sinasabi nito kung gaano siya kaganda sa damit na suot niya, nanlalambot ang tuhod niya. Hindi iyon kasing nakaka-iritang pakinggan tulad ng dati. It was actually like music to her ears.

Ipinadyak niya ang paa. Mali iyon! The word beauty itself was taboo to her. Insulto iyon para sa isang taong ayaw gumanda.

Inilapag ni Deive sa harap niya ang sandals. “Isukat mo.” Nang magkasya ay may inabot pa itong bag sa kanya. “Now you look perfect.”

“Uuwi na ba tayo?” tanong niya.

“No. Marami pa tayong boutiques na pupuntahan.”

Mariin siyang pumikit. Nasisilaw na siya sa mga ilaw. Ayaw na niyang humarap sa maraming tao. Naiilang na siya.

“Masama na ang pakiramdam ko,” usal niya. “Umuwi na tayo.”

“Isang boutique na lang. Konti lang ang pinamili natin.”

“Pagod na talaga ako.”

“Sige. Umupo ka na lang doon. Hintayin mo ako. Tapos kakain na lang tayo pagkatapos nito. ha?”

Gulat niya itong tiningala. Akala niya ay pipilitin siya nito at sasabihin na kailangan niyang lalong maging maganda. Sa halip ay bakas ang pag-aalala sa mukha nito.

“S-Sige.” Dali-dali siyang umupo sa couch. Sayang ang pagkakataong pinagbigyan siya nito. Mahirap na at baka magbago pa ang isip nito.

May libreng magazine sa boutique na pinanggalingan nila dahil marami silang pinamili ni Deive. Isinubsob niya ang sarili para lang makaiwas sa tingin ng mga tao. Napapraning kasi siya kahit na sabihin pang di siya ang tinitingnan ng mga ito. Madaanan lang siya ng mga mata ng mga ito, nagiging alerto na siya. Mas gusto talaga niya ang magmukhang nakakatakot kaysa maganda.

“Miss.” Di niya pinansin ang boses na tumawag sa kanya. Napapitlag na lang siya nang kalabitin. “Miss, ikaw ba iyon?”

Itinuturo ng may edad nang babae ang model ng boutique na nasa poster. “H-Hindi po.” Di nga niya kilala ang babaeng iyon. Kahawig ba niya? Ang layo kaya.

Magaan siyang hinampas ng ale sa braso. “Sus! Nahiya ka pa, Miss. Artista ka, di ba? Ikaw si Honey V. Ikaw iyong naeskandalong nabuntis ng isang pulitiko.”

“Po? Hindi po ako iyon!” mariin niyang tanggi. Di na nga siya nagpapapanood ng TV. Tanging mga horror movies at shows lang ang gusto niya.

“May kasama kang lalaki. Boyfriend mo bang bago iyon? Paano na iyong pulitiko na nakabuntis sa iyo? Nagpa-abort ka siguro, no? Hoy! Si Honey V andito!” anunsiyo pa ng ale.

Mukhang kilala nga ng mga tao si Honey V dahil naghangusan ang mga ito palapit sa kanya. “Oo nga!” anang mga ito at sinipat-sipat pa siya. “Siya nga. Mas gumanda nga siya ngayon.”

“Ganyan talaga. Nagpa-abort malamang,” anang isang teenager.

Itinakip niya ang magazine sa mukha. “H-Hindi po ako iyon!” Wala silang ipinagkapareho ng Honey V na iyon. Maliban siguro sa bangs at sa hugis ng mukha. “E-Excuse me po. Aalis na po ako.”

Nahigit niya ang hininga nang may umagaw sa magazine niya. “Huwag muna, Miss. Magpa-picture muna tayo.” At nagkislapan na ang mga camera pati ang mga camera sa cellphones ay sunud-sunod din ang click.

Namanhid ang pakiramdam niya. Bawat kislap ng flash ay nakakasilaw. Bawat click ay nakakabingi. Gumapang ang takot sa himaymay ng balat niya.

Ano ba ang lugar na ito na pinagdalhan sa kanya ni Deive? Gusto niyang tumakas at magpakalayo-layo. Gusto niyang bumalik na sa madilim na mansion kung saan nakakaramdam siya ng kaligtasan at kapanatagan. Ayaw na niyang makita ang mga taong ito na humahanga sa kagandahan niya.

Itinakip niya ang braso sa mukha niya. “Leave me alone!”

“Ang sungit mo naman!” anang isang lalaki at bigla siyang inakbayan. “Ang ganda mo pa naman tapos suplada ka.”

Nanindig ang balahibo niya nang makita kung gaano kalapit ang lalaki sa kanya. Nang ngumisi ito ay nag-iba ang tingin niya dito. Mistula na itong isang halimaw. Isang halimaw na gustong angkinin ang kagandahan niya. At sisirain ang kahit sino para lang makuha siya.

Ubod ng lakas niyang itinulak ang lalaki. “Ano ba? Hindi ako maganda. Hindi ako ang artistang sinabi ninyo! Layuan na ninyo ako.” Nanginginig na ang katawan niya at malayang umagos ang luha sa mata niya. Natatakot siya. Unti-unti ay nagiging halimaw ang tingin niya sa mga may hawak ng camera. Napaupo siya at humagulgol ng iyak. “Tigilan na ninyo ako! Ayoko na!”

“Ano bang gulo ito?” Nahawi ang mga tao nang maglapitan ang mga guard. “Bakit ninyo ginugulo si Ma’am?”

Kasunod ng guard ay si Deive. Mabilis siya nitong dinaluhan. “Callea, are you okay? Anong ginawa nila sa iyo?”

“Ang OA naman. Magpapa-picture lang kami kay Honey V,” wika ng isa sa mga usyoserong bading. “Ikaw na ba ang fafa niya, Pogi?”

“Gusto lang naming magpa-picture!” sigaw ng ilang kalalakihan.

“Hindi nga ako ang Honey V ninyo!” singhal niya at ginulo ang buhok niya. Tinabingan din niya ng buhok ang mukha niya para matakpan sa abot ng kanyang makakaya.

“Ano? Magkamukha pa ba kami? Hindi ako maganda. Ayoko.”

Hinaplos ni Deive ang pisngi niya. “It’s okay…”

Tinabig niya ang kamay nito. “Kasalanan mo ito! Bakit kasi pinipilit mo pa ako na maging maganda?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.