Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 24

Her beauty was a curse. Ayaw na niyang balikan ang nakaraan niya. Ayaw na niyang may masaktan pa dahil sa kagandahan niya. At habang nakikita ng lahat ang kagandahan niya, mananatili iyong isang sumpa.

Lumapit sa kanila ang manager. “Sir, gamitin na po ninyo ang isa pa naming pinto. Ang mga security na po namin ang bahalang pumigil sa mga tao.”

Niyakap siya at inalalayan ni Deive palabas ng boutique. His body was supposed to offer protection but she was numb. Wala na siyang nararamdamang init. Mula nang ibalik nito ang kagandahan niya para masilayan ng lahat, parang sinira nito ang pagkatao niya. Animo’y isa siyang bampira na ibinilad sa sikat ng araw. Ipinalasap sa kanya ni Deive ang bahagi ng bangungot na ayaw na niyang balikan.

“Bitiwan mo na ako,” aniya kay Deive sa malamig na boses.

“Pero…”

“Kaya ko na ang sarili ko.” Hinayaan niyang nakasabog ang buhok niya at ang ilang hibla ay natatabingan ang mukha niya. Naglakad siya na parang zombie. Isang buhay na patay. “Umuwi na tayo.”

“Pero gusto kailangan kitang dalhin sa clinic o ospital…”

“Gusto kong umuwi,” usal niya at patuloy sa paglalakad. Wala siyang pakialam kung may iba pa itong plano. Pero kung kinakailangan niyang maglakad pabalik ng Villa Celesta ay gagawin niya makalayo lang sa lugar na iyon.

Ginagap nito ang kamay niya. “Dito ang parking area natin.”

Tahimik siyang umiiyak nang igiya siya nito papunta sa sasakyan nito. Binuksan nito ang tabi ng driver seat pero binuksan niya ang backseat at doon umupo. Bumuntong-hininga si Deive. “I am sorry, Callea. Di ko naman alam na mapagkakamalan ka nilang artista. But you so pretty…”

Hinaplos nito ang mukha niya pero ipinilig lang niya ang ulo. “Umuwi na tayo,” usal niya habang patuloy sa pag-agos ang luha niya.

Wala silang kibuan habang pauwi sa Villa Celesta. Hinayaan lang niyang maramdaman ang takot na naranasan niya kanina habang nakatingin sa dilim ng gabi. Hindi niya kayang maging maganda para kay Deive. Kahit pa ang Villa Celesta ang nakataya, di pa siya handang harapin ang mga multo ng nakaraan niya. Ikamamatay niya at ng pagkatao niya. Lalo siyang di matatahimik.

Bumaba agad siya nang itigil ni Deive sa harap ng mansion ang kotse. Mabibilis ang hakbang niya papunta sa kuwarto niya. Nakasunod si Deive sa kanya. “Callea, nasaktan ka ba? Saan?”

Umiling siya. Nasaktan ang puso at pagkatao niya. Di niya kailangan ng kahit anong gamot. Di niya kailangan ng tulong nito.

“Baka gutom ka na. Magpapahanda ako.”

“Gusto ko nang matulog. Magpapahinga na ako,” aniya sa malamig na boses. Papasok na siya sa kuwarto niya nang harapin niya ito. “Huwag mo sana akong guluhin. Pabayaan mo na lang ako sa gusto ko.”

“Magtatago ka na naman? Di ka ba nagsasawa sa dilim? Nagkataon lang na may kamukha kang artista kaya ka pinagkaguluhan. Pero ibig ding sabihin maganda ka. And you should be proud of it.”

Mapait siyang ngumiti. “Proud? Kahit kailan hindi ko ikararangal ang ganda ko. Wala kang ideya kung gaano kamiserable ang buhay ko dahil maganda ako. At kung hindi lang kasalanan sa Diyos na sirain ang bigay Niya, matagal ko nang ginawa. If you really feel sorry for me then leave me alone.”

Pumasok siya at ibinalibag ang pinto. Dali-dali niyang ini-lock iyon. Niyakap agad niya si Luna. Napaupo siya sa sahig at humagulgol. “Luna, I am sorry. Kasalanan ko kung bakit ka namatay. Kasalanan ko. Sana hindi na lang ako naging maganda. Sana hindi na lang.”

DI PA sumisikat ang araw ay nagsisibak na ng kahoy si Deive sa likod-bahay. Naabutan siya nila Mang Lito at Aling Poling na may dalang bagong pitas na gulay mula sa farm ng mga Lopez. “Aba! Ang sipag ni Señorito. Bakit po naisipan ninyong magsibak? Si Lito na ang gagawa niyan,” anang si Aling Poling.

“Ako na po. Balita ko kasi paborito ni Callea ang bulalo. Gusto ko po sanang magluto,” aniya at ibinagsak ang palakol sa kahoy. Napakamot siya sa ulo dahil dumaplis lang ang talim sa kahoy at napingasan lang sa halip na mahati.

Natawa si Mang Lito. “Señorito, ako na ang gagawa niyan. Hindi pa nga kayo marunong magsibak ng kahoy.”

“First time po kasi. Sabi ni Callea noon, iyong kalang-lupa ang ginagamit niya sa pagluluto ng bulalo.”

“Marunong ka bang magluto ng bulalo?” tanong ni Aling Poling.

Maasim siyang ngumiti. “Magpapaturo po sana ako sa inyo.”

Napailing si Aling Poling. “Di pa rin ba lumalabas ng kuwarto si Señorita?”

Marahan siyang umiling. “Hindi pa rin po.”

Tatlong araw nang nagkukulong si Callea sa kuwarto nito pero di pa rin ito lumalabas. Ilang beses niya itong hinatiran ng pagkain pero tanging si Marina lang ang pinapayagan nitong pumasok sa loob ng bahay.

Nagi-guilty siya. Siya ang naglabas dito sa mansion. Natuwa siguro ang mga tao dahil napakaganda ni Callea. Kahit siya ay gusto itong kunan ng picture. Pero kataka-taka ang naging reaksiyon nito. Parang takot na takot ito.

Nagtataka siya kung bakit ayaw nitong maging maganda. Nang tanungin niya ang mag-asawa ay wala daw alam ang mga ito. Basta ayaw ni Callea na magpakita sa mga tao at normal lang naman daw iyon sa isang tao lalo na sa mga artist.

But he smells something fishy. May mas malalim pang dahilan si Callea.

Nilapitan siya ni Marina. “Señorito, huwag na daw kayong magsibak ng kahoy sabi ni Señorita. Ayaw din daw niyang kumain ng bulalo lalo na’t luto ninyo.”

“Hanggang ngayon ba galit pa rin siya sa akin? Lahat naman gagawin ko para makabawi sa kanya. Kung malalaman ko lang ang gusto niya at makakausap ko siya… Papasukin mo na ako sa kuwarto niya.”

Umiling si Marina. “Gusto niyang mapag-isa. Kahit nga pagtatrabaho di niya ginawa. Kung alam ko na ganito ang mangyayari, di ko na sana siya pinayagang umalis.”

“Kailan ba niya balak na lumabas?”

“Kapag daw pumangit na kayo.”

“Ano? Wala namang ganunan.”

Nafu-frustrate na siya. Lahat na ng klase ng panunuyo ay ginawa niya. Malapit na nga siyang mag-imbita ng mga aswang at bampira para lang sa ikaliligaya ni Callea. Mas pogi na nga ang mga paniki sa kanya, gusto pa nitong pumangit siya.

Iminuwestra ni Marina ang kamay para palapitin siya dito. Bumulong ito sa kanya. “Magsisimba siya sa Linggo. Samahan ninyo siya.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.