NAGDADABOG na umakyat ng grand staircase si Deive. Wala siyang pakialam kung mabasa man ang carpet pati na rin ang makintab na sahig na kahoy na nadadaanan niya. He was pissed off… big time!
Mukha siyang istupido na nag-swimming sa pool sa malamig na gabi. Basa ang pajama niya at nakakapit sa katawan niya. At nangangaligkig siya dahil wala siyang pang-itaas na damit. He had never been so humiliated in his life! At dahil lang sa isang duguang white lady at sa pangit nitong pusa.
Nang pumasok siya ng bahay ay walang senyales na may ibang tao doon. Patay na ang higanteng chandelier. Sarado na ang pinto papunta sa garden. Nakabalik na rin ang piano at ang piano bench sa ayos. The place was really haunted.
“Is that really fair? Kinalmot ako ng pangit na pusang iyon. Paano kung mukha ko ang nakalmot?” sintir niya habang mabibigat ang hakbang na naglalakad sa hallway ng mansion sa ikalawang palapag. Sana lang ay walang makakita sa kanya dahil kahiya-hiya ang labas niya kina Marina at Callea.
Ano na lang ang sasabihin ng mga ito? Na natatakot siya sa multo lang… LANG! He didn’t deserve to be humiliated like this!
Balang-araw ay magiging parte na rin siya ng pamilya Lopez. Dapat kilalanin siya ng multong iyon dahil magiging kapamilya na siya ng may-ari ng mansion na may hawak ng titulo kung saan naninirahan ang mga ito. Habang squatter’s lang naman ang mga ito doon.
Matalim ang mata niyang luminga-linga sa paligid. Nag-aabang kung may pusang pangit na lalabas. Kung may ibang pusa man sa bahay na iyon, titiyakin niyang sa kalye matutulog ang mga ito habang naroon siya. Kailangang malayo ang mga ito sa kanyang paningin.
Palabag niyang isinara ang pinto ng kuwarto sa sobrang inis pagpasok niya. Tumuloy agad siya sa shower room. At least they have a hot and cold shower. Naipagpasalamat niya nang husto nang dumaloy ang mainit na tubig sa katawan niya. Kahit paano ay naramdaman niya ang muling pagdaloy ng dugo sa katawan niya na nagyelo yata nang makita niya ang babae.
“Hindi! Hindi ako takot sa multo! Walang multo!” paulit-ulit niyang usal sa sarili. Imahinasyon lang ang nakita niya kanina. Masamang panaginip.
Kinaskas niya ang katawan ng tuwalya paglabas ng banyo at ibinalot ang sarili sa toweling robe. Nang humarap siya sa salamin ay di maitatago ang mga kalmot ng pusa. Ramdam pa rin niya hanggang ngayon.
Hindi siya takot. Noon lang siya nakakita ng ganoong nilalang. Sino ba naman ang hindi magugulat? Di naman siya natakot. Nagulat lang siya. What he hated about the whole experience was the cat. Panggulo sa buhay ang pusang iyon.
Napapitlag siya nang may kumatok ng tatlong beses. Di agad siya nakakibo. Hindi pa ba tapos ang horror niya sa gabing iyon?
“Deive? Deive, gising ka pa ba?”
Lumayo siya sa pinto nang marinig ang boses ng babae sa labas ng kuwarto niya. Iyon ang boses ng duguang white lady kanina. Umupo siya sa kama at dinaklot ang bedcover. “Sino ka? Anong kailangan mo?”
Alam na rin nito pati ang pangalan niya. That was dangerous. Napausal siya ng dasal sa sarili. He had never prayed so hard in his life. He could handle the white lady. Kahit pa masamang ispiritu, naniniwala siya na kaya pa rin niyang I-charm. Pare-pareho lang naman ang mga babae. Of course he could allure her not to take his soul with her to the after life.
“This is Callea.”
Nagsalubong ang kilay niya. Maniniwala ba siya dito? At nagawa pa nitong magpanggap na babaeng pakakasalan niya. “Really?”
He heard a sexy laugh. “What really? May problema ba? Narinig ko kasi na may lumagabog dito sa kuwarto mo. May basa din dito sa sahig. Kaya nag-decide akong I-check kung okay ka lang.”
Bahagyang nabawasan ang kaba niya kaya lumapit siya at idinikit ang mukha sa kahoy na pinto. Kung ganoon ay pati boses ni Callea ay ginaya ng multo para akitin siya. Kung sa boses at boses lang, baka pakasalan agad niya si Callea.
“N-Nag-swimming ako kanina sa pool. Maalinsangan kasi.” Huminga siya nang malalim at bumahing. Saka niya naalala na muntik na siyang magka-hypothermia dahil di siya agad nakapasok ng bahay kanina.
“Malamig sa labas. Hindi ka dapat nagsu-swimming,” natatawa nitong wika. “Pwede bang pumasok? I want to check if you are okay.”
“N-No! I am not decent at the moment.”
Kung ibang babae siguro ang nag-aanyaya, di niya palalagpasin ang pagkakataon. But he was not in a tiptop shape. Ayaw niyang humarap sa kahit sinong babae dahil mababa ang morale niya. May mukha ba siyang ihaharap sa babaeng pakakasalan? Sa multo at pusang multo ay di siya nakaporma kanina.
“Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape o tsaa?”
“Thank you. Don’t worry. I am fine. I will be okay tomorrow morning. Sanay akong mag-night swimming.” Di lang siya sanay sa impromptu swimming ng naka-pajamas at may mga multo sa paligid.
“Matulog ka na rin.” Kailangan din niyang protektahan si Callea.
“Okay. Goodnight,” malambing nitong sabi.
Nabuo ang ngiti sa labi niya. Her lovely voice kept on ringing in his ears. Kung ganoon kaganda ang boses na maririnig niya araw-araw, maganda ang magiging future nila. Naglaho ang ngiti sa labi niya. Ang boses din na iyon ang pag-aari ng white lady. Dapat ba niyang sabihin kay Callea ang narasanan niya?
“NO!” mariin niyang usal at ipinikit ang mata. Masamang panaginip lang ang lahat. Kung may multo pang magpapakita sa kanya, nakahanda na siya. Wala nang anuman o kahit sino na maaring sumindak sa kanya!
Pakanta-kanta pa si Callea habang nagluluto sa kusina. Ginadgaran niya ng keso ang ham and chicken omelet. Sinulyapan niya ang sariwang prutas sa mesa. Ano kaya ang gusto ni Deive? Mandarin orange o mango shake?
Nagulat pa si Marina na pupungas-pungas pa pagpasok ng kusina. “O! Bakit ikaw ang nagluluto? Hindi ba sabi ko ako ang magluluto para sa iyo.”
Tipid lang siyang ngumiti at itinupi ng siyansye ang omelet. “Napagod ka na kahapon sa pagtulong sa akin. Kaya okay lang kung babalik ka muna sa higaan. Ako na ang bahala dito.”
“Ako na ang bahala diyan. Ipagluluto ko pa iyong bisita mong pogi.” At ngumuso paitaas para tukuyin si Deive na natutulog pa sa itaas. “Srtistahin ang mapapangasawa mo! Na-traffic daw siya kaya di nakarating agad.”
Tumaas ang kilay niya. “Talaga? Traffic lang?”
Subalit di niya maiwasang mangiti. Halatang kinikilig si Marina. Akala niya ay di na ito nakaka-appreciate ng guwapo. Nasaktan ito noon, pinandidirihan ng mga tao, iniiwasan at tinatawag na salot. Kung ganoon ay naging maganda ang pagtrato ni Deive dito. At mukhang masakit ang loob nito kung hindi niya naipagluto si Deive. Isang gabi lang ay bumaligtad na ang tapat niyang alagad.
“Señorita Callea, huwag kayong magagalit sa akin. Alam ko galit kayo sa kanya dahil pakiramdam ninyo nabalewala kayo. Na ayaw niya kayong makita. Pero nararamdaman ko na mabuti siyang tao,” depensa nito kay Deive. “Kaya kung ayaw ninyo siyang ipagluto, ako na lang. Kawawa naman.”
Lihim siyang ngumiti at iniahon ang omelet sa pan. “Huwag kang mag-alala. Ipinagluto ko si Deive.”