Nakanganga ito at di makapaniwala habang nakatingin sa kanya. “Bakit?”
“At bakit naman hindi?” tanong niya at inilapag sa mesa ang nailuto nang omelet kasama ng iba pang nauna na niyang nailuto. “Bisita siya dito kaya natural lang na ipaghanda ko rin siya ng pagkain.”
“Ibig sabihin di ka na galit sa kanya kahit na halos isumpa mo siya at muntik nang gamitin ang authentic voodoo doll sa collection mo dahil nasayang ang lahat ng pagkaing ihinanda mo para sa kanya? Na nasayang lang ang lahat ng pinaghirapan mong ihanda buong maghapon.”
Iritado siya kay Deive nang nakaraang gabi. Nagmukha siyang tanga. Sabi ng Lolo Tomasino niya ay on time daw ito kung dumating. Masyado nga itong maaga para kinabukasan. Ang alas otso nilang usapan ay inabot na ng alas onse ng gabi. Alas diyes pa lang ay ipinaligpit na niya ang mesa.
Tiyak na magagalit ang Lolo Tomasino niya oras na malaman kung paano itong di nagpakita sa dinner. Ayaw niyang magkaroon ng lamat sa relasyon ni lolo niya at ang lolo ni Deive dahil sa kapalpakan nito kaya di siya nagsumbong.
“Dumating naman siya, hindi ba?”
Siya pa nga ang babawi dito. Hindi niya inaasahan na magigising si Deive sa tunog ng grandfather’s clock at sa pagtugtog niya sa piano. Hinahanap niya si Luna sa garden nang bigla na lang itong sumulpot. Kung gaano siya kagulat na makita ito sa malapitan, mukhang na-shock ito na makita siya sa white lady costume niya.
At ang malala pa ay sinugod ito ni Luna na galit sa mga lalaking noon lang nito nakita. Naging biktima tuloy nito si Deive. At sa kauurong ni Deive ay nalaglag ito sa pool.
Sinamantala niya ang pagkakataon para bumalik ng bahay. Nagi-guilty siya dahil di niya ito natulungan. Di rin niya pwedeng aminin na siya si Callea. Tiyak na magtatatakbo ito palabas ng mansion kahit pa disoras ng gabi. Who would take a bride like her? At oras na umurong ito sa pagpapakasal sa kanya, mawawalan siya ng pagkakataon na makuha ang Villa Celesta. Kaya bilang peace offering ay ipagluluto na lang niya ito.
“At saan mo nakuha ang damit mo?” tukoy nito sa peach dress na suot niya. “Nakakasilaw. Masyadong mapusyaw.”
“Sa baul.” Regalo iyon ng pinsan niyang si Lee nang nakaraang birthday niya. Gusto ng mga kamag-anak niya na magsuot siya ng mga pastel colors na damit para lumutang ang ganda niya. But instead, she preferred to wear dark colored clothes that gave her a gloomy image.
Well, she loved the gloomy atmosphere. Doon siya nabubuhay.
Pero para kay Deive, isasantabi muna niya ang imaheng iyon kahit na ilang araw. Ito naman ang susi para mapasakamay niya ang mansion.
“Hindi ka nangangati?” tanong nito.
“Nato-tolerate ko pa.” Malulusaw kasi siya kapag lumagpas ng dalawang oras ang pagsusuot niya ng damit na may masasayang kulay.
“Tiyak na magagandahan sa iyo si Deive kapag nakita ka. Hindi kasi natatabingan ng buhok ang mukha mo. Bagay na bagay kayong dalawa.”
Pasimple niyang hinawi ang bangs para takpan ang isang parte ng mukha niya. “Huwag mong sasabihing maganda ako! Ayoko!”
Namutla si Marina. Nagulat ito dahil madalang siyang magtaas ng boses. “P-Pasensiya na. Titingnan ko kung gising si Señorito Deive.”
Mariing magkadikit ang labi niya nang iwan siyang mag-isa ni Marina. Inayos na lang niya ang mesa para sa agahan na pagsasaluhan nila ni Deive.
Ayaw niyang maging maganda. Ayaw niyang matawag na maganda.
Dapat niyang kalmahin ang sarili niya. Di siya dapat magpaapekto. Kung haharap siya kay Deive, kailangan niyang maging tulad ng normal na babae.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik si Marina. “Susunod na daw siya. Pero sa palagay ko masama ang pakiramdam niya. Nang pagbuksan niya ako ng pinto, bahing siya nang bahing. Namumula pa ang mata at ilong. Di maayos ang tulog niya. Dadalhan ko na lang siya ng pagkain,” anito at kinuha ang tray para lagyan ng pagkain ni Deive.
“May sakit siya?” mahina niyang usal.
Nalaglag sa pool si Deive nang nakaraang gabi. Nabasa ito sa malamig na tubig, nahanginan at parang basing sisiw na naglakad sa garden pabalik sa mansion nang suot lang ang pajamas. Kasalanan niya at ni Luna pero kailangan niyang akuin ang responsibilidad.
Kumuha siya ng gamot sa medicine cabinet at inilagay sa tray ng pagkain saka niya binitbit. “Ako na ang magdadala sa kanya.”
Napanganga na lang si Marina habang sinusundan siya ng tingin. “Ikaw ang magdadala sa kanya? Akala mo ba ayaw mo siyang makita?”
“It is about time na magkita na kami.”
PASIMPLENG sinulyapan ni Callea ang sarili niya sa malaking salamin sa bungad ng hallway sa second floor. Maaliwalas ang mukha niya. Her hair was in place. Walang naliligaw sa mukha niya. Maging ang dress na suot niya ay simple lang pero disente naman. Wala na ang bakas ng white lady na nakita ni Deive nang nagdaang gabi. Maari na nga siyang humarap dito.
Marahan siyang kumatok ng tatlong beses. “Deive!” tawag niya dito.
Inipit niya ang buhok sa likuran ng tainga niya. Hindi niya alam kung naaninag ni Deive ang mukha niya. Sana ay di siya nito makilala. Ayaw niyang katakutan siya nito. Tiyak na palalayasin siya ng Lolo Tomasino niya sa mansion oras na malaman nitong tinakot niya si Deive.
Walang sagot mula sa loob. Baka bumalik ito sa pagtulog dahil sa masamang pakiramdam. Pinihit niya ang antique na seradura ng pinto. Hindi iyon naka-lock. Baka tulog pa ito kaya di siya narinig.
Binuksan niya ang pinto at pumasok. Kailangan niya itong gisingin para makakain na at makainom ng gamot. Ayaw niyang lumala pa ang kondisyon nito. Madadagdagan pa ang pasanin niya sa konsensiya niya.
Walang tao sa kama. Saktong lumabas si Deive ng banyo nang robe lang ang suot pero bumubuka naman ang lapel. Natulala siya sa maganda nitong katawan. Artist siya at masasabi niyang perpekto ang katawan nito.
Bumagsak ang ilang hibla ng buhok nito sa noo at tumulo ang tubig pababa sa matipuno nitong dibdib at tiyan nitong di na naitago ng roba. He was a sensual demi-god. Parang nilikha talaga ito upang akitin ang mga babae.
He was already sensual enough the other night. Di nga mawala sa isip niya ang imahe ng katawan nito nang nakaraang gabi. Pajama lang ang suot nito at nasisinagan ng buwan ang balat nito. As if moonlight was glorying his skin.