Moonlight Bride (Tagalog) Chapter 9

Sa pagkakataong ito, si Deive ay bihasa na sa kalakaran ng mundo. Sanay na itong pinagnanasaan ng mga kababaihan.

Dios mio! Virgin pa po ako!

Seryoso ba ito? Inaalay na nito ang katawan nito sa kanya?

Naestatwa siya habang nakatitig sa katawan nito. Di niya alam kung ano ang gagawin. Nanginginig na rin ang kamay niyang may hawak na bulak at Betadine. Nanlalambot siya. Inosente pa siya. Ano ang una niyang gagawin? Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.

Ano bang klaseng lalaki ang ibinigay sa kanya ng lolo niya para pakasalan siya? Wala pa silang isang oras magkasama ay bumabaligtad na ang mundo niya.

“Callea,” untag nito sa kanya.

“Yes?” Sisimulan na ba niya? Saan? Paano? Someone help her!

Lalo nitong ibinuka ang roba. “Ano pang hinihintay mo? Gamutin mo na ako.”

Muntik na niyang ingudngod ang sarili. Gamutin. Hindi gamitin. Kailan pa siya naging bingi? Malinaw naman ang pandinig niya. kasing linaw ng pandinig ng mga paniki at ang radar ng mga ito. Dapat na yata siyang magpatingin sa doktor.

Atubili siyang umupo. Dahan-dahan siyang kumuha ng cotton balls at pinatakan ng povidone iodine. Nanginginig ang kamay niya. Huminga siya nang malalim para kontrolin ang sarili.

Parang slow motion habang inilalapit niya ang bulak sa malalim na kalmot ni Luna sa dibdib nito. Sa palagay niya ay doon kumapit si Luna nang talunin ito.

“Ahhh!” sigaw agad nito.

Nataranta siya. “Masakit ba? Sorry! Sorry!”

“Heheheh!” Abot-tainga ang ngisi nito. “Practice lang.”

Nagpakawala siya ng malalim na hininga at marahang idinampi ang bulak sa balat nito. Drat this man! Tama bang pagtripan siya? Heto at nakokonsensiya na siya sa kamalasang sinapit nito. O gusto lang nitong sagarin pa ang konsensiya niya? Na di siya pwedeng magalit dahil kasalanan niya kung bakit ito nakalmot ng pusa niyang man-hater.

Ngayon ay nakikita na niya ito ng malapitan. He didn’t have an ounce of flab. Moreno ang balat nito dahil din siguro sa outdoor sports. Her pale white skin is in contrast with his dark one. And she kinda liked it. Paano kaya kapag hinaplos niya ang muscles nito?

Ipinilig niya ang ulo. Paano ba siya makakapag-contentrate sa panggagamot dito kung naghuhumiyaw ang katawan niya na maging normal na babae? Ayaw niya! Isang malaking kahangalan na pagnasaan ito.Ayaw niyang maging normal na babae.

Isang zombie na naaagnas. Iisa na lang ang mata at nakaluwa pa.

Ngumisi siya nang maisip iyon. Samahan pa ng isang tiyanak na parang kalalabas pa lang mula sa sinapupunan at naliligo sa dugo.

Nabawasan ang pagkailang niya habang ginagamot si Deive. Inisip niya ang mga susunod na eksena sa nobelang ginagawa niya. Puputulin ng white lady ang kaligayahan ng boyfriend nitong nagpa-abort sa anak nito. Naglaro din sa isip niya kung paano papatayin ang iba pang mga kalalakihan na di kayang harapin ang responsibilidad at idinadamay pa ang inosenteng sanggol na di pa naipapanganak.

Harharhar! Madugong paghihiganti ito.

Putulin ang kaligayahan!

“What’s with that sinister smile?”

Naglaho ang ngiti niya at nagtataka itong tiningnan. “Bakit?”

“Kakaiba kasi ang ngiti mo. Pakiramdam ko tuloy may masama kang balak sa akin. Galit ka pa rin ba dahil hindi ako nakarating nang maaga kagabi?”

Nagkibit-balikat siya. “It’s okay!”

Walang mangyayari kung magagalit lang siya. Tapos na ang lahat.

“No, it’s not!” tutol nito. “Kasalanan ko. Dumaan pa ako sa party ng kaibigan ko. Hindi ko naman inaasahan na mata-traffic ako sa SLEX. My bad. I should have come earlier. Sana hindi kita pinaghintay.” Ginagap nito ang kamay at inilapat sa pisngi nito. “Let me make it up with you.”

Kumislap ang mata niya. “How?”

With his gorgeous body? Tuluyan nang nawala ang lahat ng gross na ideya sa utak niya. His body was really a meal. Argh! She was still a normal woman with libido after all. She couldn’t help it. Teka, may karapatan ba siya sa katawan nito kapag naikasal na sila? Well, bakit pa kailangang magpakasal kung ang katawan na nito ang magiging pambayad-utang?

“Ipagluluto kita. Kayo ni Marina.”

Biglang naglaho ang lahat ng pantasya sa isipan niya. Pagluluto lang pala ang iaalay nito sa kanya. “Di ka marunong magluto, di ba?”

“May alam ako. Konti.”

Bumaba siya ng kama at kinuha ang tray. “Hindi na. Kami na lang ni Marina ang magluluto. Magpahinga ka na. Dito ka lang sa kuwarto at huwag kang lalabas hangga’t hindi ka pa magaling.”

“Yes, Ma’am!” sagot nito at sumaludo. Palabas na siya ng kuwarto nang habulin siya nito. “Callea, wait!”

“Bakit?”

Hinawakan nito ang balikat niya at kinintalan siya ng halik sa gilid ng labi. “Thank you for taking care of me.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “You look beautiful today. Sana ganyan lagi ang makikita ko paggising ko. See you later.”

Parang lumulutang siya palabas sa kuwarto nito. Hinalikan nito ang gilid ng labi niya. Nagpasalamat ito sa pag-aalaga niya. Hinaplos nito ang pisngi niya. Maganda daw siya. Shit! Nangangalisag ang balahibo niya.

Nakatulala siya nang makasalubong si Marina na paakyat ng hagdan. “Kumain na tayo. Gutom na ako.”

“Ikaw na lang ang kumain,” marahan niyang usal at ibinigay ang tray dito. Saka siya naglakad papunta sa kuwarto niya.

“Ano ba ang nangyayari sa iyo?” tanong ni Marina. “Ano bang ginawa sa iyo ni Deive?”

Hinalikan siya, hinaplos ang pisngi at tinawag na maganda. Iyon lang naman.

“Wala,” sagot pa rin niya sa mala-zombie na tono. Tuwid lang ang tingin niya at di man lang ito nilingon hanggang makarating sa kuwarto niya. “Huwag mo akong iistorbohin buong maghapon.” Saka marahan niyang isinara ang pinto.

Napasandal siya sa pinto at hawak ang pisnging hinaplos ni Deive. “Hinalikan niya ako, hinaplos at sinabihang maganda.”

Paulit-ulit niya iyong sinabi habang nakatulala. All she could see was Deive. All she could feel was Deive. All she could think of was Deive.

Deive. Deive. Deive.

She let out a sigh. Di siya makapaniwala na hinalikan siya nito, hinaplos ang pisngi niya at sinabihan siyang maganda.

Nawala ang ngiti niya. Saka lang pumasok sa utak niya ang mga pangyayari.

Ayaw niya ng hinahalikan siya ng lalaki. Pero pumayag siyang magpahalik kay Deive.

Ayaw niyang hinahaplos ng lalaki ang pisngi niya. Pero hinayaan niya si Deive.

At higit sa lahat, ayaw niyang tinatawag siyang maganda. Hindi ba nabulyawan pa nga niya si Marina kanina?

Pero hinayaan niyang tawaging maganda ni Deive.

“Eeee!” tili niya at kinalas ang pony ng buhok. Dali-dali niyang ginulo iyon. Nang di masiyahan ay itinakip ang buhok sa mukha niya.

Hinarap niya ang sarili sa salamin. Malayo na siya sa presentableng babae kanina. Mukha na siyang buhok na tinubuan ng tao. “Paano ka naging maganda? NI wala ka ngang make up. Binobola ka lang ng lalaking iyon!”

Pumaling-paling siya at tiningnan kung ano ang maaring magpaganda sa kanya. Kumislap ang mata niya nang makita ang pastel colored dress na suot. Dali-dali niya iyong hinubad. Hinablot niya ang lumang maid’s costume na gula-gulanit at may marka ng dugo. Saka siya tumihaya sa kama at napatitig sa kisame.

Sumilay ang tunay na ngiti sa labi niya. Sa wakas ay naramdaman niya na normal siya. Ang babae kanina na kasama ni Deive ay isang huwad. That woman didn’t exist. Not even at the outside world.

Ang babaeng magulo ang buhok at gula-gulanit ang damit ang tunay na Callea Lopez. Multo ang tingin sa kanya sa labas. Magiging multo siya araw man o gabi. Subalit sa mansion na iyon ay buhay siya.

Sa lugar na iyon lang siya magiging tunay na malaya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.