Weeks Later…
“TAMA na `yang pagmumukmok mo diyan. Basta hindi ka lalabas ng hindi ako kasama.”
Napaismid si Red sa nakahalukipkip pang kapatid niya. “Ang OA mo, Kuya.”
“I’m just protective. Ayoko na lang maulit ang mga nangyari noon. Kung alam mo lang kung ano ang nangyari habang wala ka pa. Feeling ko ay mababaliw na ako.”
Bumuntong-hininga si Red. “Hindi naman ako sinaktan ni Wulfric. In fact, gusto ko ulit siyang makita.”
“Hindi puwede!”
“Kuya naman. Parang kaibigan ko na rin si Wulfric, okay? May mga pinagsamahan kami sa isla. Na-miss ko na siya…”
Ilang linggo na ang nakalipas nang makaalis sina Red at Wulfric sa isla. Nakabalik na siya sa pamilya. Normal na ulit ang buhay niya.
But Red felt there’s a big part of her missing. Nasanay na yata siya sa buhay niya sa isla. Gusto ulit niyang makasama si Wulfric.
Matamang tinitigan siya ng Kuya niya. “Tell me, ano ba talagang ginawa sa `yo ng Wulfric na `yun? Kinulam ka ba niya? Para kang baliw para hanapin at gusto pa ulit na makasama ang taong nandukot sa `yo.”
“Baliw naman talaga ako `di ba?”
“Tumigil ka nga, Red. Magaling ka na. At patunayan mo iyon sa akin. `Wag mo na ulit hanapin ang lalaking iyon…”
Napabuntong-hininga ulit si Red. Pang-ilang pag-uusap na nila ng Kuya niya tungkol sa bagay na iyon. Pero matigas pa rin ang Kuya niya. Ayaw pa rin nitong makipag-communicate siya kay Wulfric.
At mukhang ayaw na rin naman ng lalaki. Pagkatapos nilang umalis sa isla ay wala na ulit siyang balita rito. Hindi man lang ito nag-effort na makausap siya. Siguro nga ay tama ang Kuya niya.
Tinabihan si Red ng Kuya Blue niya sa pagkakaupo sa sofa. Niyakap siya nito. Hinalikan nito ang ulo niya. “I almost lose you twice. I’m not going to lose you again. Pinoprotektahan lang kita. Don’t associate yourself with a Rodriguez again. Masasaktan ka lang…”
Isinandig lang ni Red ang ulo sa kapatid. Gusto niyang maiyak. Kahit hindi niya i-associate ang puso niya sa isang Rodriguez ay nasasaktan pa rin siya. Gusto niya kasing makasama si Wulfric. Pero wala siyang paraan. At mukhang hindi na rin naman gusto ni Wulfric na makita siya ulit.
Makikita pa ba niya ito? Missed na missed niya na ito. Nahulog na nga yata talaga ang loob niya rito sa kabila ng sitwasyon nila.
“WELCOME back, Miss Sandoval. I hope you’ll enjoy your stay and journey again at this university…”
Malaki ang ngiti na nagpasalamat si Red sa sinabi ng college dean nila. Part ng process of enrolment ang pagkausap sa college dean. Iyon ang huling proseso. It was to welcome the student.
“Thank you po. I’m sure I will enjoy. It’s good to be back.”
“Masaya rin kami na nakabalik at maayos ka na, hija.” Kinamayan pa si Red ng dean. Nagpaalam na ito pagkatapos.
Estudyante na ulit si Red. Nag-enroll siya ngayong araw. Sa isang linggo na ang start ng klase niya.
Red felt like her life is back on track again. Ito na ang bagong chance niya para sa buhay. Magiging busy na siya ulit.
Pero mas nakadagdag ng saya kay Red ngayon ay dahil wala siyang bantay ngayon. Hinatid siya ng Kuya niya sa university. Pero iniwan rin siya nito pagkatapos. May importante kasi itong lakad na hindi puwedeng tanggihan. Pero kabilin-bilinan nito sa kanya na umuwi na pagkatapos. Mag-taxi na lang daw siya para hindi hassle at hindi rin ganoon kadelikado.
Mabait naman si Red. Masunurin siya. Pagkatapos niyang makausap ang dean ay nagpunta lang siya sa CR. Balak niyang umuwi na pagkatapos noon.
Kaya lang, biglang sumama ang pakiramdam niya nang may isang babae siyang nakasabay sa CR. Nagpabango ito roon.
“A-anong klaseng pabango `yan? Ang sama ng amoy…” Nakaramdam ng matinding pagkahilo si Red nang maamoy ang pabango. Napaka-asbag noon. Tinakpan niya ang ilong niya…at pati na rin ang bibig niya.
Nasusuka siya.
Namutla rin si Red. Dinaluhan siya ng babae. “Okay ka lang, Miss?”
Hindi nasagot ni Red ang babae. Pumunta na siya sa sink at doon ay nagsuka.
“Gusto mo bang dalhin kita sa clinic? Mukhang masama ang pakiramdam mo…”
“J-just get out. I’m sorry. Hindi ko lang talaga siguro talaga gusto ang amoy ng pabango mo…”
Tinitigan siya nang babae. Pero maya-maya ay umalis na ito.
Nakahinga nang maluwag si Red. Bahagyang gumaan ang pakiramdam niya nang makaalis ito.
Tumingin si Red sa salamin. Namumutla siya. Ilang araw ng sumasama ang pakiramdam niya.
May hinala na siya kung bakit. Pero ayaw niyang alamin. Natatakot siya.
Pero kung papatagalin pa ni Red ang lahat ay mas lalo lang siyang mahihirapan. Mas mabuti nang malaman niya ang lahat para mawala na rin ang takot niya at maging tahimik na ang isip niya After all, wala rin namang sikretong hindi nabubunyag.
Sa halip na umuwi ng bahay, dumiretso si Red sa ospital.
SINULIT na ni Red ang araw na hindi niya kasama ang Kuya niya. Pagkatapos niyang pumunta sa ospital ay hinanap niya si Wulfric. Nagbaka-sakali siyang makikita ito sa dating bahay nina Wilfred. Hindi naman siya nagkamali. Mabilis na pinagbuksan siya nito ng pinto nang kumatok siya.
“Anong ginagawa mo rito?” Kunot na kunot ang noo nito nang makita siya.
Napakunot rin si Red. “Anong nangyari sa `yo?”
Mas magulo pa kaysa sa dating itsura nito si Wulfric. Parang ilang araw na itong hindi naliligo. Magulo ang buhok nito at mas malago kaysa sa dati ang balbas ng mukha nito. Groggy rin ang mata nito. Mukhang puyat ito.
Pinabayaan ni Wulfric ang sarili nito.
“Ako ang unang nagtanong. Dapat ay sinasagot mo ako.” Mukhang galit pa ang lalaki.
Bumuntong-hininga si Red. May point ito. Gusto niyang kumustahin ang lalaki. Pero naalala niyang hindi iyon ang purpose ng paglalakas loob niya na puntahan ito.
“Puwede ba tayong mag-usap? Can I come inside?”
Hindi naman naging brusko si Wulfric. Pinagbuksan siya nito. Pinaupo rin siya nito sa magulo na sala. May mga bote ng alak na nagkalat roon.
“May problema ka ba?”
“Mukhang ikaw ang may kailangan sa akin kaya `wag mo akong tanungin. `Wag mong pansinin ang paligid mo…” Kinuha ni Wulfric ang mga bote. Itinago nito iyon.
Umupo si Wulfric sa harap niya. Sinuyod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa.
“So bakit ka napadalaw? Na-miss mo ako?”
“Yes.”
Napaubo si Wulfric. Naglihis ito ng tingin. “Kalimutan mo na ako.”
“Sana nga ay ganoon lang kadali iyon…” Napayuko si Red.
Tumayo si Wulfric. “Kung ang tungkol sa naging relasyon natin sa isla ang pag-uusapan natin, mabuti pang umalis ka. Kinalimutan ko na ang lahat ng iyon.”
Ouch. Nasaktan si Red. Bakit parang ang bilis naman na naka-move on nito? Samantalang siya ay araw-araw na nami-miss ito.
“G-gusto ko lang naman na malaman mo ang kondisyon ko…”
“Anong kondisyon? Maayos ka na `di ba? Naibalik ka na sa pamilya mo. Hindi na rin kita ginugulo. Masaya ka na dapat sa buhay mo.”
“Kanina ay nagkaroon ako ng matinding pagkahilo. Nagsuka rin ako. Ilang araw ko na rin na nararamdaman iyon.”
“At ano namang kinalaman ko roon? Nasabi mo na sa akin na normal lang sa sitwasyon mo ang mga sakit na iyon.”
“Pero hindi ang pagsusuka. Hindi rin dapat araw-araw iyon…”
Matamang tinignan siya ni Wulfric. “Anong ibig mong sabihin? At bakit mo sinasabi sa akin ang lahat ng ito? May kinalaman ba ako kung nagkakasakit ka?”
Kinuha ni Red ang reseta na binigay sa kanya ng Doctor. Ibinigay niya iyon kay Wulfric.
“Vitamins? Ano ito? Gusto mo ba itong ipabili sa akin? Wala ka bang pera?”
“H-hindi naman. But that’s a proof of my condition.”
Umiling si Wulfric. Magulo ang mukha nito. “Diretsahin mo na ako. Ang gulo mo. Ang gulo na nga ng buhay ko ay dadagdagan mo pa…”
Tumango si Red. Pero bago iyon ay humugot muna siya nang malalim na hininga. Kailangan niya pa nang mas matinding lakas ng loob.
It was big and shocking news. Natatakot siya kung ano ang magiging reaksyon ni Wulfric.
Sinalubong ni Red ang mga mata ni Wulfric nang maging handa na nga siya. “I’m pregnant. You got me pregnant…”
“NILOLOKO mo ako…” Nanghina si Wulfric sa narinig na balita kay Red. Parang may nagbato ng bomba sa harap niya. Nabalot ng takot ang katawan niya.
“It’s the truth. Ilang araw ko ng nararamdaman ang mga sintomas. At ngayong nagkaroon ako ng pagkakataon na makapagpatingin sa Doctor ay ginawa ko na.” Yumuko si Red. “I wish I was just joking, too. Pero confirmed na ang lahat. It was positive. Buntis ako. Nabuntis mo ako…”
Napatiim-bagang si Wulfric. “Hindi puwedeng mangyari ito. I am just dreaming…”
“I wish I was, too.”
“So hindi mo rin gusto ito?” Naningkit ang mata niya. Nakaramdam naman siya ngayon ng pagkainis.
Hindi gusto ni Wulfric na mangyari ito. Galit siya kay Red `di ba? Kahit naging mabait ito sa kanya at hindi siya hinayaang makulong pagkatapos ng ginawa niya rito ay hindi pa rin nawawala ang sama ng loob niya rito.
Kahit kailan ay hindi maalis ang katotohanan na sinira ng babae ang pamilya niya. Hindi niya ito gustong patawarin.
Wulfric got his enemy pregnant. Pero hindi lang niya basta enemy si Red. Ito rin ang babaeng gumugulo sa isip niya sa mga nakalipas na normal.
Hindi makabalik sa normal si Wulfric. Kahit nakauwi na sa sibilasasyon ay parang nasa isla pa rin ang isip niya. Nami-miss niya si Red. Gusto niya ulit itong makasama.
Kahit hindi puwede. Alam niyang delikado siya sa Kuya nito. Natuto na rin siya. Masamang maghiganti sa kaaway.
Pero mas masamang magkagusto sa kaaway. At sa tingin niya, iyon ang nangyari sa kanya. Hindi niya matanggap iyon. Kaya iyon siya, halos ikulong lang niya sa bahay ang sarili. Nag-inom rin siya. Gusto niyang kalimutan ang nararamdaman niya. Gusto niyang kalimutan si Red.
Pero sa sitwasyon nila ngayon, mukhang hindi talaga siya binibigyan ng dahilan para kalimutan ito.
Magiging parte si Red ng buhay niya sa ayaw niya at sa gusto.
Kung gugustuhin nga ni Red na ipagpatuloy ang sitwasyon nito. Mukhang ayaw nito dahil malungkot ang mukha nito.
Ayaw niya ng sitwasyon. Pero parang ayaw rin naman niyang mawala iyon. Si Wulfric na yata ang pinakamagulong tao sa buong mundo ngayon.
Huminga ulit nang malalim si Red. “Hindi naman sa ganoon. Ayoko lang kasi ng komplikadong sitwasyon. Kapag nalaman ni Kuya na nabuntis mo ako, siguradong magiging malaking gulo iyon. He hates you.”
“And I hate you and your family, too. Damn it!”
Tumayo si Wulfric. Sa gulo ng nararamdaman, kayang-kaya niya sigurong lumagok ng tuloy-tuloy ng isang bote ng alak. He paced on the floor.
Maya-maya ay tumayo rin naman si Red. Pumunta ito sa pinto.
“Saan ka pupunta?”
“Uuwi na ako.”
“Ano? Kailangan nating mag-usap pa.”
“Pagod na ako. Siguradong hinahanap rin ako ni Kuya. Kailangan ko ng umuwi.”
“So ano ito? Ipinaalam mo lang sa akin ang lahat at wala na? Anong plano mo? Itutuloy mo ba ang pagbubuntis?”
Mukhang nagpanting ang tainga ni Red sa huling tanong niya. “I am not the woman you think, Wulfric. Oo, napatay ko ang Lola at kapatid mo. Pero hindi ko sinasadya ang lahat ng iyon. Hindi ko na rin kakayanin kung papatay pa ako ng isa, lalo na at dugo at laman ko rin iyon!”
“I’m sorry. Nabigla lang ako.” Napahiya si Wulfric. “Naguguluhan lang talaga ako sa sitwasyon.”
“All right. Naiintindihan ko.” Bumuntong-hininga si Red. “Naguguluhan rin ako. Sa tingin ko ay kailangan ko pa rin ng oras para mag-isip kung ano ang dapat gawin sa sitwasyon na ito. Nagpunta lang talaga ako ngayon para sabihin sa `yo ang lahat.”
“Babalik ka pa naman `di ba? Makakapag-usap pa tayo.”
Tumango si Red. “Bibigyan lang rin kita ng panahon para mag-isip.”
Parang may bumara sa lalamunan ni Wulfric. How could Red be this good? Kung ang ibang babae siguro ay magpa-panic na at pipilitin siyang panagutan ito.
Pero hindi si Red. Inintindi nito na naguguluhan rin siya. Kailangan niya ng panahon para mag-isip.
Kung kaaway niya si Red, bakit ang bait-bait nito sa kanya?
“GISING na. Late ka na. First day of school mo pa naman. Akala ko ba ay excited ka?” Sunod-sunod na litanya kay Red ng Kuya Blue niya.
Humikab si Red. Pinilit niyang bumangon na nga ng kama. Tumingin siya sa orasan sa kuwarto niya. Late na nga siya. Pero wala man lang siyang panic na naramdaman.
Gusto pang humiga ni Red. Mas malakas ang puwersa ng kama kaysa sa excitement niya sa unang araw ng pasok niya sa university.
Inilagay ng Kuya niya ang kamay sa leeg niya. “May sakit ka ba?”
Doon lang nabuhay ang diwa niya. Hindi pa puwedeng malaman ng Kuya niya ang totoong dahilan kung bakit inaantok pa siya. Umalis na siya ng kama.
“I’m good. Nasanay na lang yata ako na tanghali ng gumising. Nanibago ako…”
Tinaasan siya ng isang kilay ng Kuya niya. “Sigurado ka ba? I won’t be there for you the whole day. Ihahatid lang kita ngayong araw. Kung masama ang pakiramdam mo, hindi ka kaagad madadala ni Kuya sa clinic.”
Napangiti si Red. “Si Kuya talaga, overly-concerned. Okay lang ako. Naninibago nga lang ako…”
“O siya, siya. Bumaba ka na. Nagluto pa naman ako ng masarap na breakfast para sa `yo. Kung maaga kang nagising, na-enjoy mo sana.”
Kinindatan niya ito. “Puwede ko namang baunin iyon `di ba?”
“Hmmm… may point.”
Nauna ng bumaba ang Kuya niya. Nagpunta naman siya sa banyo. Sandaling nagduwal pa siya. It was almost a normal routine---parte ng paglilihi niya. Kaya rin siya late na nagigising ay dahil rin sa kondisyon niya.
Na hindi pa rin niya nasasabi sa kapatid.
Natatakot si Red. Hindi rin siya makahanap ng tiyempo sa Kuya niya.
Naguguluhan pa rin si Red sa sitwasyon niya. Sigurado siya na gusto niya ang dinadala niya. Itutuloy niya iyon. Itutuloy rin niya ang pag-aaral niya sa kabila ng sitwasyon. Nahihirapan lang talaga siya na aminin sa Kuya niya ang lahat. Siguradong magagalit ito.
Lalo lang rin na nahihirapan si Red dahil wala man lang siyang naririnig mula kay Wulfric. Ni anino nito ay hindi na ulit niya nakita pagkatapos niyang puntahan ito sa bahay nito.
Nakapagdesisyon na kaya ito? Anong desisyon nito? Ang pabayaan na lang siya?
Well, kung gusto pa rin na maghiganti sa kanya ni Wulfric sa paraang iyon, tagumpay ito. Masasaktan nga talaga siya kung hindi man lang siya nito panagutan.
Wala ng magulang si Red. Alam niya kung gaano kahirap. Ayaw niyang lumaki ang anak niya na wala na ngang ama ay hindi pa nito nakilala.
Pero alam ni Red na wala siyang magagawa kung iyon ang desisyon ni Wulfric. Kailangan niyang ituloy pa rin ang buhay. Malungkot pero kakayanin niya. May anak na siya ngayon. Kailangang mas maging responsible siya.
Nang bumaba si Red at nag-asikaso sa pagpasok, pinilit niyang huwag ipahalata sa kapatid na masama ang gising niya. Alam niya na nagdududa na rin ito sa kanya. Ilang beses nitong tinatanong kung may sakit ba siya. Mahirap itago ang paglilihi niya.
Pero luckily, wala pa naman sa pagduda ng Kuya niya na buntis siya. Ang akala nito, dala pa rin ng nangyari sa kanya sa nakalipas na taon ang dahilan kung bakit sumasama ang pakiramdam niya sa mga nakalipas na araw.
Mukhang natatakot man sa lagay niya, natuloy pa rin ang plano na pumasok ni Red sa university ngayong araw. Hinatid rin siya ng Kuya niya.
Hinalikan ng kapatid ang noo ni Red. “Study hard, okay? At mag-iingat ka. Kapag sumama ang pakiramdam mo, tawagan mo lang kaagad ako. I’ll be here as soon as possible.”
“Oo na. Baka mamaya bantayan mo pa ako niyan na parang kinder student, ha.”
“Hmmm… don’t give me ideas and blame me in the end…” Natatawang wika ng Kuya niya.
“OA. Sige na. Bye na. Male-late na talaga ako.” Hinalikan niya ang Kuya sa pisngi.
Hinayaan na nga siya ng Kuya niya. Sumakay na ito ng sasakyan nito at umalis na.
Papasok na rin sana si Red sa university pero may isang kamay ang humawak sa braso niya. Masakit ang pagkakahawak nito. Napalingon siya.
“What do you think you are doing?!” Kunot na kunot ang noo at mukhang galit na pigil sa kanya ni Wulfric.
INIP na inip na si Wulfric. Hindi siya sanay na maghintay. Ayaw rin niya ng naghihintay. It’s a waste of time. Pero kung hahayaan niyang makaalis si Red ng university nito nang hindi sila nakakapag-usap ay mas tatagal lang ang pag-aaksaya niya ng oras.
Maghapon na siyang naghihintay sa paglabas ni Red sa university. Inaabangan niya ito dahil hindi niya ito nakausap nang maayos kanina. Late na raw ito para sa unang klase nito. Hindi naman siya pinapasok ng guard para sundan ito dahil hindi raw siya estudyante.
No choice si Wulfric kundi ang maghintay. Wala rin naman kasi siyang magagawa. Hindi niya nakuha ang number ni Red kaya wala siyang means para makausap ito kahit handa na siya. Ang tanging nalaman lang niya ay ang address ng bahay nito. Ilang beses na siyang nagpunta roon pero hanggang labas lang. Madalas kasing natitiyempuhan niya na nasa bahay ang Kuya Blue nito. Palagi niyang nakikita ang kotse.
Gusto nang makausap ni Wulfric si Red. Nakapagdesisyon na siya. Kaya nga lang, hindi niya masasabi na buo pa ang lahat. Natatakot pa siyang makausap ang Kuya nito. Kaya minabuti na lang niya na hintayin ang araw na makakausap niya si Red. Kailangan muna nilang mag-usap nang masinsinan.
Nakakatampo nga lang na mukhang ayaw ni Red. Oo, alam naman niyang importante ang edukasyon. Pero mas importante ang kalusugan nito.
Buntis ito. Dapat ay nagpapahinga na lang ito at iniingatan ang sarili. Dapat ay hindi na nito tinuloy ang pagpasok sa university. Inis na inis siya roon.
Kailangan niyang kumbinsihin si Red na ingatan ang sarili. At sa maghapon na paghihintay niya sa paglabas nito, nakabuo na talaga ng desisyon si Wulfric. Kung ayaw ni Red, siya ang bahala rito. Siya ang mag-aalaga rito ngayong nasa maselan itong kalagayan.
Nakahinga nang maluwag si Wulfric nang sa wakas ay matapos rin ang maghapon niyang paghihintay. Nakita niyang lumabas si Red. Kaagad na nilapitan niya ito. Pero mas masama pa kaysa sa kanina ang pakiramdam niya nang makita ang itsura nito.
Red looks so tired. Bagsak ang balikat nito habang naglalakad. It must have been one heavy day for her.
“I’ve told you. Hindi tama itong ginagawa mong pagpasok,” sa halip na bati ay pinagalitan niya ito.
Napatingala sa kanya si Red. Kahit ang mga mata nito na parang palaging may ilaw ay iba rin. Mukhang pagod ang mata nito. “Bakit nandito ka? Hinintay mo ba ako?”
Hindi niya sinagot si Red. Kinuha niya ang bag nito.
Umiling si Red. “Kaya ko naman.”
“Nakalimutan mo na ba? Kailangan pa nating mag-usap.” Napatingin si Wulfric sa pipis pang tiyan ni Red. “O wait, wala na ba tayong dapat pag-usapan?”
Pinandilatan siya ni Red. “I’m still pregnant.”
“Just making sure.” Inalalayan niya ito sa paglalakad ng kotse. Binuksan niya ang pinto. “Get in.”
Sinunod naman siya ni Red. Inayos niya ang seatbelt nito. “Mabilis lang tayo na mag-uusap, ha? Hindi ako masusundo ni Kuya pero kailangan ko pa rin na umuwi nang maaga.”
“Pero marami tayong dapat na pag-usapan. Nakapagdesisyon na ako.”
Tumingin sa kanya si Red. “A-and what is it?”
“I want the baby.”
“I want it, too.”
“Good.” Pinaandar na ni Wulfric ang sasakyan.
Huminga nang malalim si Red. “Hindi ko pa nasasabi kay Kuya ang kondisyon ko…”
“Kailan mo balak?” Sandaling sinilip niya ang reaksyon ni Red.
Kinagat ni Red ang ibabang labi. “Hindi ko pa alam. Natatakot ako…”
Napatiim-bagang si Wulfric. So pareho pala sila ng nararamdaman nito. Paano na? Lagot na.
Ganoon pa man, may isang dapat pa rin na kumilos. At sa tingin ni Wulfric ay siya iyon.
Kasalanan niya kung bakit nabuntis si Red. Inakit niya ito. Hindi rin siya gumamit ng proteksyon nang una niya itong makuha.
“A-alam ko naman na tatanggapin pa rin ako ni Kuya pagkatapos ng lahat. Pero mag-iiba sigurado ang pakikitungo niya sa akin.” May lungkot sa boses ni Red.
Matagal-tagal na hindi rin nakapagsalita si Wulfric. Sa tagal ng paghihintay niya kay Red ay nakapag-isip-isip na rin naman siya.
Kung gusto talaga niyang ingatan si Red, kailangan niyang makausap ang tao rin na nag-iingat rito.
“Nasa bahay ba ang Kuya mo?”
“Hindi ko lang sure. Baka wala. Kasi kung hindi `yun busy, I’m sure masusundo ako noon…”
“All right.” Tumahimik na si Wulfric. Natahimik rin naman si Red. Nang tignan niya ito ay nakatulog na pala ito. Hinayaan na niya ito. Ginising na lang niya ito nang makarating na siya sa bahay ng mga ito.
“H-hinatid mo ako sa bahay…” Ilang beses na napakurap si Red.
“At gusto ko rin na kausapin ang Kuya mo.” Bumaba na si Wulfric ng kotse. Pinagbuksan niya ng pinto si Red.
Bumaba si Red pero may pag-aalinlangan ang mata nito. Ilang beses itong nagpapalit ng tingin sa bahay at sa kanya. “S-sigurado ka ba?”
Tumango si Wulfric. Matapang siya. Kakayanin niya ito.
“Sige.” Nag-door bell na si Red ng bahay. Ang Kuya Blue nito ang lumabas. Maganda ang ngiti nito nang makita si Red. Pero nang makita siya ay nagdilim ang mukha nito. Galit na pinapasok nito si Red sa bahay.
Parang naumid naman ang dila ni Wulfric. Umahon na naman ang takot sa katawan niya.
“Anong ginagawa mo rito? Teka, Hinatid mo ba si Red?” Tumingin ito kay Red. Naging matalim ang mata nito sa kapatid. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na nakikipagkita pala sa `yo ang lalaking ito? Hindi ba at bilin ko sa `yo na kapag nasa kapahamakan ka ay tatawagan mo kaagad ako?”
“Kuya, Wulfric is not dangerous. Ligtas na ako sa kanya.”
“No. Para sa akin ay hindi. Pumasok ka na nga sa loob. Mag-uusap kami ng lalaking ito.”
“Gusto kong makisali sa pag-uusap. After all, may mga kailangan talaga tayong pag-usapan na tatlo…”
“At ano iyon?!”
Tumingin si Red sa kanya. Wulfric knew it was an indication that she wanted him to tell everything.
Sinalubong ni Wulfric ang galit pa rin na mata ni Blue Sandoval. “I want Red to live with me…”
“Gago ka pala, eh!” Galit na wika ni Blue Sandoval. Sa pangalawang pagkakataon, nakatikim ulit si Wulfric nang malakas na suntok sa lalaki.
“I CAN’T believe na gagawin natin ito. I can’t believe na pumayag ako sa `yo…” Iiling-iling na wika ni Peter. Isinama niya ito, si Warren at si Andy papunta sa bahay nina Red.
Hindi pumayag si Blue Sandoval na tumira sa kanya si Red. Nagalit ito sa kanya. Ang kapal daw ng mukha niya para kuhanin niya ulit ang kapatid nito.
Nalaman na rin ni Blue ang tungkol sa kalagayan ni Red. Mas lalo itong nagalit. Pero naintindihan naman nito ang dahilan niya. Kaya lang, kung gusto daw talaga niyang makasama ang kapatid, kailangan niya itong panagutan.
Hindi puwede ang brusko niyang ugali sa lalaki. Mukhang kailangan niya munang dumaan sa butas ng karayom para kay Red. Paano, kung gusto rin daw niyang panagutan si Red, kailangan muna daw niyang ligawan ito. Pero bago si Red, kailangang si Blue muna ang mapa-“oo” niya.
Hindi marunong manligaw si Wulfric. Pero may ideya siya. At ito nga ay ginagawa na niya. Isinama niya ang mga kaibigan niya sa bahay nina Red. Dadalaw siya sa babae at sa kapatid na rin nitong pagka-arte-arte.
Wala ng pamilya si Wulfric. Ang mga kaibigan lang niya ang makakasama niya. After all, ang dalawa na rin lang naman ang tinuturing niyang pamilya.
“Shut up, Peter. Malapit na tayo sa bahay nina Red. Pumayag ka na rin.”
“Hindi rin ako makapaniwala.” Maasim ang mukha ni Warren. Panay ang ngiwi nito. “Kung hindi lang talaga ako naasar sa mga pamangkin ko, hinding-hindi ako sasama dito. Kailangan ko lang talaga ng escape.”
“Puwede pa naman tayong bumalik `di ba? Hindi pa huli ang lahat.” Wika ni Andy.
Kumunot ang noo ni Wulfric. Naiintindihan niya pa ang pag-iinarte ni Peter. Dahil playboy ito, hindi rin ito marunong manligaw. Hindi ito nakakaranas na manligaw dahil ito mismo ang nililigawan. Ganoon rin naman kay Warren. Simula nang maging bitter sa mundo, naging maarte ito.
Pero hindi naiintindihan ni Wulfric si Andy.
Andy is a romantic person. Akala nga niya ay matutuwa pa siya sa ideya na liligawan niya si Red at ang pamilya nito.
“Anong problema mo?” Muntik ng itigil ni Wulfric ang kotse sa gulat.
Bumuntong-hininga si Andy. “Na-realize ko lang na mali ang ginagawa mo, Wulfric. Nililigawan mo nga si Red pero hindi mo naman siya mahal.”
“Tama ka. Pero hindi ko naman siya basta puwedeng pabayaan. Buntis siya. Gusto ko na panagutan siya.”
“Hindi dahil nabuntis mo siya, kailangan mo na siyang pakasalan.” Umiling-iling-iling si Andy. “Ginagaya mo lang ang pagkakamali mo dati.”
“What do you mean---oh! Oo nga ano. Parang ginawa mo rin kay Emma noon. Niyaya mo siyang magpakasal nang malaman mo na nabuntis mo siya.” Sabat ni Peter.
“Mahal ko si Emma kaya ginusto kong pakasalan siya.”
First girlfriend ni Wulfric si Emma. Ito rin ang first love niya. Kagaya nina Andy at Peter, magkakalapit lang ang bahay nila sa America. Nasa iisa silang community.
Emma is a nice girl. Minahal niya ito. Handa na sana siyang pakasalan ito pero sinaktan siya nito.
“At sa tingin ko ay mahal mo pa rin siya hanggang ngayon. Kaya hindi ka rin nagseseryoso sa mga babae ay dahil sa kanya.”
“That’s not true.”
“Naging bitter ka sa pag-ibig dahil sa kanya.”
“I’m not. Naging maingat lang ako. Na-realize ko lang rin na hindi totoo ang pag-ibig. Isa pa, kung totoong minahal ko si Emma, tatanggapin ko dapat siya sa kabila ng mga naging kasalanan niya sa akin.”
“Pero masakit ang ginawa sa `yo ni Emma.” Wika ni Peter. “Nabuntis mo siya at pinalaglag niya ang anak niyo.”
“Let’s not talk about Emma. Matagal na kaming tapos.” Pag-iiwas ni Wulfric sa usapan. Ayaw na rin naman talaga niyang balikan ang nakaraan na iyon.
Teenager pa lang sila ni Emma nang maging magkaroon sila ng relasyon. Aksidenteng na nabuntis niya ito. Niyaya niya itong magpakasal pero hindi ito pumayag. Sa halip, pinalaglag rin nito ang anak nila. Hindi pa daw nito kaya ang responsibilidad ng pagiging isang ina. Nakipag-break siya rito pagkatapos.
“Hmmm… Pero bigla akong may naisip. Sabi mo hindi mo mahal si Emma dahil hindi mo siya tinanggap nang saktan ka niya. Sinaktan ka rin naman ni Red `di ba? Pinatay niya ang dalawa sa pamilya mo. At ngayon ay gusto mo na rin siyang pakasalan. Kung hindi pa ito pag-ibig, ewan ko na lang…”
“Hindi ko rin mahal si Red.” Sagot ni Wulfric kay Peter.
“Pero hindi iyon ang nakikita ko sa sitwasyon.” Naging mapanukso ang ngiti ni Peter.
“I can’t love an enemy, Peter. Just shut up,” Nakaangil na wika ni Wulfric. Hindi niya matanggap na point ang makulit na kaibigan.
“Ako na lang ang magsasalita.” Wika ni Andy. “Ayokong magpadalos-dalos ka, Wulfric. Napag-isipan mo na ba ang lahat? Marriage is a big word. At sinabi mo nga na kaaway mo siya. Bakit ka magpapakasal sa isang taong kaaway mo? Sisirain mo lang ang buhay niyong dalawa. Puwede naman kayong mag-arrange ng custody na lang sa bata. Uso na naman iyon ngayon.”
Pero gusto ko rin naman siya. Sa isip na lang sinagot ni Wulfric ang litanya ni Andy. Naisip na rin naman niya ang tungkol sa pag-aayos na lang ng custody. Pero sa kabila ng masamang katauhan ni Red, gusto niya rin itong makasama. He still wanted her. He aches to touch her.
Gusto rin ni Wulfric na magkapamilya. Galit siya kay Red pero puwede naman niyang itago ang lahat sa anak niya. Gusto niyang maranasan nito ang bagay na wala siya ngayon---isang kompletong pamilya.
Wala mang pagmamahal sa pagitan nila ni Red, mayroon siyang pagmamahal sa hindi pa sinisilang na anak nila. It will be the one he will nurture in able to have a happy family again.
May mga sinabi pa si Andy pero hindi na lang pinansin ni Wulfric. Buo na ang isip niya. Nang makarating sila sa bahay ni Red ay natahimik na rin naman ito. Kahit ayaw ng tatlo na samahan siya, wala na rin na naggawa ang mga ito.
Pero mukhang umayon sa kagustuhan ng dalawa ang sitwasyon. Nang dumating sila sa bahay nina Red, tanging kasambahay lang ang sumalubong sa kanila. May dala itong hindi kaaya-ayang balita.
Wala daw sina Red at Blue sa bahay.
“Ang sabi ni Blue ay narito sila ngayon. Kung gusto ko daw magsimula na manligaw, pumunta daw ako ngayong araw.”
“Ay sorry, Sir. Umalis po ang magkapatid kasama si Ma’am Odette. Hindi ko po alam kung saan pupunta pero bukas pa daw po sila makakabalik.”
Napanganga si Wulfric. Mukhang pahihirapan nga siya ni Blue Sandoval para makuha niya ang matamis nitong “oo”.