“BAWAL kang lumabas, ha. Dito ka lang sa kuwarto,” bilin ng Kuya Blue niya nang makaalis ang kasambahay. Nasabihan sila na nasa gate si Wulfric. Kasa-kasama nito ang mga kaibigan nito at may dala daw mga gitara. Balak raw mangharana ng mga ito.
Lumabi si Red. “Ang daya-daya mo, Kuya! Ako ang babae. Ako dapat ang nililigawan.”
Humalukipkip ang Kuya niya. “Mas madaya kapag nauna ka. Alam ko naman na kung ano ang sagot mo. Oo ka kaagad sa Wulfric na iyon.”
“Eh hindi kasi ako pabebe. Gusto ko naman siya. Bakit ko pa siya pahihirapan?”
“Pero pinahirapan niya ako sa pag-aalala sa `yo nang dinukot ka niya. Kailangan ko muna siyang i-test. Basta dito ka lang sa kuwarto. Kung gusto mong manood, diyan ka lang sa bintana. Baka hamugin ka at makasama pa iyon sa lagay mo.”
“Hindi na naman sumasama ang pakiramdam ko. Okay na ako.”
Kahit dalawang buwan pa lang ang pinagbubuntis ni Red ay hindi na niya nararamdaman ang sintomas ng paglilihi niya. Kahit morning sickness ay wala na siya. Maayos na nakakapasok na rin siya ng university kahit alam niyang tutol roon si Wulfric. Ang gusto nito ay magpahinga lang siya. Ang katwiran naman niya ay kaya niya. Isa pa, ayaw na niyang tumigil. Mas lalo siyang mahihirapan na makapasok kapag naipanganak na niya ang anak nila.
“Kahit na. Maigi na ang maingat. Gumawa ka na lang ng assignment mo.”
“Tapos na rin. Gusto kong manood.” Giit pa rin ni Red.
“Hindi. Kung gusto mong manood, makontento ka lang diyan sa bintana. Kapag sinuway mo ako, magagalit ako.”
Iniwan na si Red ng kapatid. Wala na siyang naggawa kundi ang sundin ang utos nito. Ayaw niyang magalit ito.
Kaya nga lang, kahit nasa bintana ay hindi naman ganoong feel ni Red ang panghaharana. Glass window iyon. Nakikita niya ang nasa labas pero hindi siya nakikita ng mga ito. Malayo rin iyon sa gate.
Bahagya lang na naririnig ni Red ang kanta ni Wulfric. But even though, she was touch. Hindi niya inaasahan iyon kay Wulfric. Masama ang loob nito sa kanya. Pero ito ang lalaki, ang laki ng effort na ginagawa para lang makasama niya.
O ang anak nila.
Ginagawa lang ni Wulfric ang lahat ng iyon para sa bata. Masuwerte ang anak nila. Pero hindi pala siya.
Ganoon pa man, masaya na rin si Red. At least, he knew Wulfric will be a great father someday. Marami itong sinakripisyo para sa anak nila. At kaya niyang i-consider na malalaking sakripisyo iyon. Masyado itong pinapahirapan ng Kuya niya.
Sa unang araw pa lang ng panliligaw ni Wulfric ay pinaasa ito ng Kuya niya. Niyaya siyang umalis ng Kuya niya kaya nabalewala ang paghahanda nito. Isinama pa nito ang mga kaibigan nito kaya nakakahiya. Lahat rin ng mga pinapadalang regalo ni Wulfric ay hindi pinapansin ng Kuya niya. Diretso rin sa basurahan ang mga bulaklak. Kahit siya ay hindi man lang ma-appreciate tuloy iyon.
Masuwerte na rin si Red na kahit papaano ay na-appreciate niya ngayon ang ginagawa ni Wulfric. Kahit pakiramdam niya ay medyo sablay.
Mahina lang ang boses ni Wulfric. Parang malamya rin iyon. Parang sinisipon pa nga ito base sa expression ng mukha nito. Mukhang may sakit ito. Pero hindi pa rin ito pinalampas ng Kuya niya.
Naka-tatlong kanta ang lalaki pero ni hindi man lang pinapasok ng Kuya niya. Pinalayas na ito ng Kuya niya. Sigaw pa ang pagkakasabi nito.
Tawang-tawa ang Kuya niya nang makapasok sa bahay. Sinalubong niya ito sa sala. Nakasimangot siya.
“Ang sama-sama mo…”
Ginulo ng kapatid ang buhok ni Red. “I just want a worthy-man for my one and only sister…”
Somehow ay naiintindihan niya ang kapatid niya. Pero worth it ba ang paghihirap ni Wulfric para sa kanya? Worth it ba siya kay Wulfric samantalang siya ang sanhi ng masamang trahedya sa pamilya nito?
ILANG araw ng masama ang pakiramdam ni Wulfric. Tuwing umaga ay nahihilo siya, walang gana at minsan pa nga ay nagsusuka. Parang sa maghapon ay ang bigat-bigat rin ng pakiramdam niya. Pero kahit isa ang mga araw na ito na masama ang pakiramdam niya, pinilit pa rin niyang bumangon.
Niyaya siya ni Blue na maglaro ng Basketball. Dahil nasa panliligaw stage pa rin, hindi siya nakatanggi. Kailangan niya ng good points sa lalaki kahit kulang na lang yata ay lumuhod siya rito para makita ulit niya si Red. Napakahigpit nito.
Nagpunta siya sa basketball court ng village ng mga ito. This time, hindi naman siya in-indian ng lalaki. Naroroon ito at ang isang babae na nakilala niyang ang girlfriend nitong si Odette. Naikuwento na ito sa kanya ni Red noon. Best friend daw nito ang babae.
“Hi. Good morning…” Pinilit ni Wulfric na magpakabait kahit masama ang pakiramdam niya at naasar na rin kay Blue. Binati rin niya si Odette.
“Good morning rin. Pero bakit parang hindi yata good ang morning sa `yo? Mukhang puyat ka.” May pag-aalala sa mukha ni Odette.
“Okay lang ako.” Nagsinungaling si Wulfric.
Tinitigan siya ni Blue. “Sigurado ka?”
“Oo naman, bro…” Inilagay ni Wulfric ang kamay sa balikat ni Blue.
Inangilan siya ng lalaki. “`Wag mo akong tawaging bro. Hindi pa ako pumapayag na ligawan mo ang kapatid ko.”
Napakamot ng ulo si Wulfric. “Sorry.”
Tumingin sa paligid si Wulfric. Hinanap niya si Red. Wala ito, pero para makasigurado, sinubukan niyang magtanong kay Odette. Mukha naman itong mabait. “Nasaan si Red? Wala siyang pasok ngayon `di ba?”
Alam niya ang schedule ni Red. Nagkakausap naman sila sa cell phone pero kulang pa rin iyon. Mas gusto niya itong makasama personally.
Nalungkot ang mukha ni Odette. “Hindi siya pinasama ni Blue.”
“Ah, okay…” Mas nawalan tuloy ng energy si Wulfric.
Ang daya. Si Blue ay may inspiration samantalang siya ay wala?
Nag-umpisa na ang laro. Pero sampung minuto pa lang ay naka-sampung dapa rin yata si Wulfric. Panay ang balya sa kanya ng lalaki.
“Ang lampa mo naman.”
Napakamot ng ulo si Wulfric. “Ang galing mo kasi masyado.”
Hindi sigurado si Wulfric pero may feeling siya na basketball player si Blue. Magaling ang kilos nito. Alam na alam rin nito kung paano ang maglaro.
“Hindi ka naman yata naglalaro ng basketball.”
“Hindi masyado.”
Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Eh bakit ka pumayag na makipaglaro sa akin?”
“Nililigawan kita para kay Red. Ayokong i-turn down ka at baka lalo ka lang ma-off sa---“ Natigilan si Wulfric nang makaramdam nang matinding pagkahilo. Napahawak siya sa ulo niya. Napapikit siya.
Pinilit na pakalmahin ni Wulfric ang sarili. Pero saka lang umayos ang pakiramdam niya nang umalis siya ng court at mailabas ang laman ng tiyan niya.
Sinundan siya ni Blue.
“Masama ang pakiramdam mo tapos ay pumayag ka pa na makipaglaro sa akin?” Iiling-iling na wika nito habang hinagod-hagod ang likod niya. Parang nakokonsensya ang boses nito.
“I-I’m sorry. I just want to please you.”
Tumango si Blue. Naglihis ito ng tingin. “I’m sorry, too. Magkita na lang tayo sa susunod na araw. Mabuti pang magpahinga ka na.”
“Sigurado ka rin ba? Nakakahiya sa `yo.”
“Mas mahalaga ang kalagayan mo kaysa ang ma-please ako.”
Tumango si Wulfric. Sana nga lang ay ma-realize rin ni Blue na mahalaga rin sa kanya si Red. Gagawin niya ang lahat para maingatan ito ngayong dinadala na nito ang anak nila.
CHECK up ni Red ngayong araw sa OB-Gyne niya. Mukhang may anghel na sumanib ngayon sa Kuya niya dahil sa halip na ito, hinayaan na nito si Wulfric na samahan siya. Mukhang pasado na si Wulfric sa kapatid niya. Kaya nga lang, mukhang bad timing iyon.
“Okay ka lang ba? Kaya ko naman na magpunta ng mag-isa kung hindi mo kaya…”
Sinundo siya ni Wulfric sa bahay. Pero kahit magkasama na sila ngayon ay wala itong kasigla-sigla. Parang mabigat ang katawan nito. Halatang masama ang pakiramdam nito.
Kinuha ni Wulfric ang kamay niya. Pinisil nito iyon. “Okay lang ako. I’m just feeling a bit squeezy every morning but I’m fine. Mawawala rin ito mamaya. I want to be with you.”
Nagduda man ay hinayaan na ito ni Red. Naisip na lang niya na kung masama pa rin ang pakiramdam ni Wulfric mamaya ay sasamahan na rin niya itong magpa-check up. Nasa ospital na rin naman sila at wala naman siyang pasok ngayong araw. Isa pa, naikuwento rin sa kanya ng Kuya niya na mukhang palaging masama raw ang pakiramdam ng lalaki kapag nagkikita ang mga ito.
Pero kahit masama ang pakiramdam, marami pa rin na tanong si Wulfric. Interesado rin ito sa mga sinasabi ng Doctora. Kumuha pa nga ito ng notebook at ballpen para ilista ang mga bilin nito.
“Mukhang excited ang Daddy, ah.” Mukhang natuwa naman ang Doctora kay Wulfric.
“I want the best for my girl and my baby…” Pinilit na ngumiti ni Wulfric kahit namumutla.
“And how about you? Mukhang may sakit ka.” Tumingin ang Doctora kay Wulfric.
“I’m okay, Doc. Madalas lang talaga akong matamlay tuwing umaga but I’m going to be fine.”
Tumingin ang Doctora kay Red. “How about you? Nagkaka-morning sickness ka pa rin ba?”
Umiling si Red. “I’m done with that, I think. I’m back to normal na po.”
“Good. Normally, it lasts up to three months. Two months pa lang ang pinagbubuntis. Pero baka kaya ganoon ay dahil nalipat yata dito sa partner mo ang paglilihi mo…”
Kumunot ang noo ni Wulfric. “Anong sinasabi niyo? Puwede ba `yun?”
“Yes. It is what you called Couvade Syndrome. Puwedeng maapektuhan noon ang eighty percent ng mga expectant fathers. Tuwing umaga lang ba sumasama ang pakiramdam mo?” Tumingin ang Doctora kay Wulfric.
Tumango si Wulfric. “Madalas po. Nagsusuka rin po ako minsan kapag umaga at madalas na nahihilo.”
“Oh…” Naawa naman si Red sa lalaki. Nakuha pa pala nito ang paglilihi niya pagkatapos ay pinahihirapan pa ito ng Kuya niya sa mga nakalipas na araw.
“It’s hard to deal with it. But you’re going to be fine. Normal lang ang lahat ng iyon…”
Hindi nagtagal ay umalis na rin sila sa ospital. Nagyaya si Wulfric na magpunta sila sa mall. Gusto raw nitong kumain ng halo-halo at ang pinakamalapit na restaurant lang na mayroon noon ay sa mall.
Nang makakain ng halo-halo ay nagkaroon na ng kulay ang mukha ni Wulfric.
“Mukhang napunta nga sa `yo ang paglilihi ko. Mukhang sarap na sarap ka diyan sa halo-halo…”
“I really think so. Ang sarap ng halo-halo. Ilang araw na akong nagke-crave nito…”
Napangiti si Red. “So how was the experience?”
“Sa paglilihi? Okay lang. Mahirap pero kinakaya.”
“I’m sorry about it.”
Kumunot ang noo nito. “Bakit naman?”
“Nahihirapan ka, eh. Ayoko ng nahihirapan ka. Isa pa, ako dapat ang naglilihi, hindi ikaw.”
Hinaplos ni Wulfric ang pisngi niya. “Hey, it’s okay. It’s nature’s fault, not yours. Isa pa, I want this pregnancy so I have to bear with the consequences.”
Niyaya na siyang umalis ni Wulfric ng restaurant. Hinawakan nito ang kamay niya. “Uuwi na ba tayo?”
“Maaga pa naman. Ayoko pang umuwi. Na-miss kita. Matagal-tagal ka rin na ipinagkait sa akin ng Kuya mo.” Pinisil ni Wulfric ang kamay niya. Hinalikan rin siya nito.
Kinilig si Red, lalo na at nakita niya ang ningning sa mga mata ni Wulfric. He was sincere to his words. Na-miss rin niya ito.
“So it’s a date?”
“Yes,” ang laki ng ngiti ni Wulfric. “Saka wala ka namang pasok `di ba? I think it’s perfect time to shop.”
“Ha? Para saan?”
“Para sa `yo at sa baby.”
“Ha? Bakit? Napakaaga pang mamili para sa baby. At ano naman ang bibilhin mo para sa akin?”
“Maternity dresses? Months from now, lalaki na ang tiyan mo. You will need a lot of those.”
Lumabi si Red. “Yeah. Pero kailangan ko pa rin na magsuot ng uniform kapag pumapasok sa university…”
Bahagyang dumilim ang mukha ni Wulfric. “I don’t approve of it.”
Bumuntong-hininga si Red. “Isang sem lang naman. After this sem, I will stop and take care of the pregnancy and the baby. Hanggang maka-adjust ako.”
“I’m a rich man. May business ako sa America. Hindi mo na kailangang mag-aral at magtrabaho. Kaya kitang buhayin at ang anak natin. Kaya ko kayong bigyan ng magandang buhay.”
“Maybe. Pero gusto kong makapagtapos ng college. It’s a dream.”
Tinitigan siya ni Wulfric. Masama pa rin ang mukha nito.
“Please?”
Wulfric snorted. “Fine.”
Nahalikan niya ito sa tuwa. “Thank you.”
“I just want the best for you and our baby.”
“You’re going to be a good father.”
“Gusto ko.” Ngumiti si Wulfric. Yumuko ito. Hinalikan nito ang pipis niyang tiyan. “I’m so excited to see you…”
Natunaw ang puso ni Red. Inakbayan siya ni Wulfric habang pumupunta sa department store. Pumayag na siyang ipamili nito.
Pero habang naglalakad, sandaling natigilan si Wulfric. May nilingon ito. Napansin niyang namutla ang mukha nito sa nakita.
“May problema ba?”
“Ha? Wala naman. May nakita lang akong kakilala. Well, I think so. Pamilyar lang ang mukha. Pero baka nagkamali lang ako.”
“Puntahan natin para masigurado. Is it a friend?”
“Yeah. Pero okay lang. Hindi naman siya ganoon ka-importante.”
“Hmmm…”
Inakbayan ulit siya ni Wulfric. Pero sa isip-isip niya, gusto niyang makilala ang babaeng mukhang kakilala nito.
Hindi lang gusto ni Red na maging bahagi si Wulfric ng buhay niya at ng anak niya. Gusto niyang maging bahagi rin siya ng buhay nito. Gusto niyang makilala ang lahat ng taong naging bahagi ng buhay nito.
Gusto ni Red na maging mahalaga para rito sa paraang hindi dahil responsibilidad lang siya nito.
Gusto niyang pahalagahan nito bilang babae. Gusto niyang mahalin nito.
Kahit imposible. Kaya lang siya pinakikisamahan nito ngayon ay dahil sa anak nila. Kung wala ang anak nila, baka patuloy pa rin siyang sinusumpa nito.
“PARE, I have some news for you…” wika ni Peter. Tinawagan siya nito. Perfect timing naman iyon dahil naghihintay lang siya. Wala siyang ginagawa. Sinusundo niya ngayon si Red sa klase nito. Ang sabi nito ay maya-maya pa raw ito makakalabas.
“Ano iyon?”
“Nasa Pilipinas si Emma. Nakasama ko siya kagabing gumimik sa bar.”
Sandaling natigilan si Wulfric. Naalala niya ang araw na nag-shopping sila ni Red. He thought he saw his ex-girlfriend there. So hindi pala siya nagkamali. Hindi lang pamilyar sa kanya ang babae. Mukhang si Emma nga ang babaeng nakasalubong nila ni Red si mall.
“So what? Matagal na naman kaming tapos. Wala na akong pakialam sa kanya.”
“We’re going out tomorrow. Okay lang?”
“You’re dating her? Agad-agad?” Nagulat si Wulfric. Pero naalala naman niya ang reputasyon ni Peter sa mga babae. Linggo-linggo yata ito kung magpalit ng girlfriend.
“No, hindi naman siya. I’m dating another girl. Pero friend ng ka-date ko si Emma. Niyaya niya for a group date. So makakasama ko siya.”
“Go on then.”
“Ayoko lang na magka-misunderstanding tayo. After all, napag-usapan natin siya noong nakaraan. I’m just trying to make sure of your feelings for her.”
“Wala na akong feelings sa kanya.” Balewalang wika lang ni Wulfric.
“All right. Fine.” Pinatay na ni Peter ang tawag. Hindi naman niya masyadong pinansin ang tawag nito.
Matagal na silang walang communication ni Emma. Hindi na rin naman niya ito gustong makita, lalo na ngayon. Ayaw niya ng taong gugulo sa nagulo na nga niyang buhay.
Ang kailangan na lang na bigyang pansin ni Wulfric ngayon ay si Red at ang bubuuin nilang pamilya. She was his present and also his future. Wala ng space para sa past niya.
Tamang-tama naman at ilang sandali pagkatapos ng tawag ay nakita niya si Red palabas ng gate. Lumabas siya ng kotse niya. Nilapitan niya ito pero natigilan rin siya nang makitang may kasama itong lalaki. Hawak-hawak pa nito ang gamit ni Red.
Mukhang hinatid si Red ng lalaki.
Nagdilim ang mukha ni Wulfric. May nagkakagusto ba kay Red sa university nito?
Sabi na nga ba at bad idea na hayaan niyang pumasok pa rin si Red sa university. Bukod sa ma-stress ito, may makakaribal pa pala yata siya rito.
Mukhang balewala lang naman kay Red ang lahat. Nang makita siya nito ay matamis na nginitian siya nito. Isinama pa nito ang lalaki.
“Hey, kanina ka pa ba? Sorry at pinaghintay kita, ha. Late kasi kaming pinalabas ng professor, eh.” Tumingin ito sa kasamang lalaki. “Nga pala, si Tristan, classmate ko.”
Inilahad ng lalaki ang kamay nito sa kanya. “Hello. It’s nice to meet you.”
Matagal na tinitigan lang niya ang kamay ng lalaki. Nang magdesisyon siya na tanggapin iyon, sinadya niyang higpitan ang pakikipagkamay.
“Thanks. I’m Red’s fiancé.”
“Ouch! Fiance?” Mukhang hindi naman makapaniwala ang lalaki nang tignan si Red. “Ni boyfriend eh wala ka man lang naikuwento sa akin.”
Naging alinlangan ang ngiti ni Red. “Well…”
“So back off…” Hinayaan na ni Wulfric na lumabas ang brusko niyang ugali. Gusto niyang malaman ng Tristan na ito na ayaw niyang inaaligid-aligidadan nito si Red. Nagseselos siya.
Umalis na nga ang lalaki. Pinasakay niya si Red sa kotse.
“What was that?” wika ni Red nang makasakay sila sa kotse.
“You are the mother of my child. At alam mo naman na intensyon ko rin na pakasalan ka…”
“Pero hindi pa naman official ang lahat `di ba?”
Tumiim ang bagang ni Wulfric. So hindi siya nito kino-consider na karelasyon man lang nito?
Gustong magmura ni Wulfric sa inis. Was she challenging her? Well then, papatunayan niya rito na matapang siya.
Challenge accepted!
KINABUKASAN rin ay naghanap si Wulfric ng singsing. Gagawin na niyang official ang lahat sa kanila ni Red. Pumunta siya sa isang jewelry store sa isang malaki at pang-mayaman na mall sa Quezon City.
Pero nasorpresa si Wulfric nang makita ang nasa store. Sinalubong siya ng manager na walang iba kundi si Emma.
Na-sorpresa rin naman ito nang makita siya. Namutla pa ito nang malaman kung bakit siya nasa store.
“You’re getting married. I can’t believe it….” Parang nanghihinayang ang boses nito.
“I can’t believe it either that I saw you here.”
“Well, I’m the country’s brand manager of this store. Sakto namang chine-check ko ang branch na ito ngayong dumating ka. Maybe destiny wants us to really meet again.” Napakaganda ng ngiti ni Emma.
Tinaasan niya ito ng kilay.
“Anyway, nagkuwentuhan kami ni Peter tungkol sa `yo. Nasabi nga niya na may bagong babae na sa buhay mo pero hindi ko alam na may balak ka na rin palang pakasalan siya.”
Hindi sinagot ni Wulfric ang babae. “I don’t want to waste time. Kailangan ko na ng singsing. Pakihanap ako ng puwedeng mag-assist sa akin.”
“Bakit ka pa maghahanap ng iba? I can assist you. Kilala mo na naman ako. Magaling ako sa alahas. I can give you the best ring for your girl here.”
Sandaling nagduda pa si Wulfric. Tama ba talaga na makipag-usap pa siya sa ex-girlfriend niya?
Pero naisip rin naman ni Wulfric na wala siyang alam sa mga singsing. Sa totoo lang ay kinausap niya ang mga kaibigan na samahan siya sa pagpili ng singsing. Pero walang kahit sino sa mga ito ang available kaya mag-isa lang siya.
Emma is good in jewelries. Marami itong collection ng mga alahas.
Sa huli, hinayaan ni Wulfric ang ex-girlfriend na i-assist siya. After all, nakapag-move on na rin naman siya rito. Walang dapat ipag-alala.
“I want something that symbolizes her name.”
“Ano bang pangalan niya?”
“Red.”
Kumunot ang noo ni Emma. “She sounds familiar. Teka, kapangalan niya iyong pumatay sa kapatid at Lola mo `di ba?”
Nagtagis ang bagang ni Wulfric. Pinipilit na niyang kalimutan ang nangyari. At sa tingin niya ay nagtatagumpay na siya.
Sa bawat araw na nakakasama niya si Red ay nawawala ang galit niya. Gusto ng makaintindi ng puso niya. Nakakaya na niyang i-convince ang sarili na mabait na tao si Red. Pinagtanggol lang nito ang sarili sa mga taong gustong pumatay rito.
Hindi rin naman mahirap paniwalaan ang mga testimony ni Red. Ang sabi ng Daddy niya ay napapansin raw ng mga ito na masyadong obsess ang Lola niya sa bunsong kapatid niya na si Wilfred. Palagi raw ito ang bukang bibig ng matanda. Parang may sakit nga ito.
At siguro nga ay totoo dahil sa nangyari kay Red. Sa sobrang obsess nito sa kanyang kapatid, sinaktan nito ang mga taong sinaktan si Wilfred. Mahal na mahal rin ng kapatid niya ang Lola nila kaya nagdilim ang paningin nito at pinagtangkaan rin na saktan si Red.
May mga ebidensya rin na totoo nga ang testimony ni Red. Nanalo ang kaso. Pero dahil sa sakit ng nangyari, hindi iyon natanggap ni Wulfric. Hindi lang kasi ang kapatid at Lola ang kinuha sa kanya ng trahedya. Ganoon rin ang mga magulang niya.
Dahil sa trahedya, na-depress ang mga magulang niya. Nagkaroon ng iba’t ibang sakit ang mga ito na dala noon. It leads to their death. Pakiramdam ni Wulfric ay nag-iisa na siya sa mundo. At kasalanan iyon lahat ni Red.
Pero wala na dapat ikagalit si Wulfric kay Red ngayon. Magkakaroon na siya ng bagong buhay ngayon dahil rito. Kinuha ng trahedya na ito ang may gawa ang pamilya niya pero binigyan naman siya nito ng bagong pamilya.
Wulfric knew in his heart that he was starting to forgive Red.
Nanlaki ang mata ni Emma. “Pakakasalan mo ang taong sumira sa pamilya mo?”
“I got her pregnant.”
“What? You can’t do that, Wulfric!”
“You’re my ex-girlfriend, Emma. I don’t care about your feelings about my girl. Buhay ko ito. Wala ka ng pakialam roon.”
“But what if I told you I still care for you?”
Kumunot ang noo ni Wulfric. “What do you mean?”
Tinitigan siya nang babae. “Sinadya ko na magpa-assign sa Pilipinas dahil nalaman ko na umuwi ka raw dito. Gusto kong makasama ka.”
“At sino ang niloko mo? Matagal na tayong tapos.”
“But I still want you. Hindi ko lang mahanapan ng tiyempo kung paano kita dadalawin at pupuntahan. Kakaalam ko lang rin mula kay Peter ang address mo dito sa Pilipinas. Gusto kong kausapin ka. But now, destiny led me to you. Ikaw pa mismo ang nakahanap sa akin. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. I want us to get back together.”
“No.”
“Wulfric, ikaw lang ang lalaking minahal ko. Ikaw lang rin yata ang kaya kong mahalin. It’s too late to realize, I know. But I still did. Until now, I can’t learn to love any man. Walang kahit sino ang humihigit kaysa sa nararamdaman ko sa `yo.”
Napailing-iling si Wulfric. “It is really my bad to hop on this store. Wala ka talagang maidudulot na maganda sa buhay ko. Ginugulo mo lang ako.”
Tumalikod na si Wulfric. Mas maganda pang umalis siya ng shop kaysa ang i-associate ang sarili sa babae. May pagka-bitch rin kasi ang ugali nito.
“Mas karapat-dapat naman ako kaysa mamatay tao na gusto mong pakasalan!”
Napalingon si Wulfric. Pinaningkitan niya ito ng mata at dinuro. “`Wag na `wag mong pagsasabihan ng masama si Red. Kung may mas mamatay tao man dito, ikaw iyon. Pinatay mo ang anak natin!”
Hindi na nakapagsalita si Emma. Tuluyan nang lumabas ng jewelry store si Wulfric.
ILANG beses na napapatingin si Red sa relo niya. Kanina pa siya naghihintay ng taxi na masasakyan pag-uwi. Wala kasing puwedeng sumundo sa kanya ngayong araw. May inaasikaso ang Kuya niya at mukhang ganoon rin si Wulfric. Hindi raw siya nito masusundo ngayong araw. Pero gusto pa rin daw siyang makita nito. Niyaya siya nitong mag-dinner pero sa restaurant na lang daw sila magkita.
Alas singko ng hapon at hindi lang uwian ng mga estudyante, ganoon rin ang mga nasa trabaho kaya mahirap sumakay. Naiinip si Red sa paghihintay. Idagdag pa roon na pakiramdam niya ay kanina pa may tumitingin sa kanya. Hindi tuloy siya mapakali.
Marami namang tao sa lugar kung nasaan si Red. Maliit lang ang chance na may mangyaring masama sa kanya. Kung may magtangka man na magnakaw sa kanya, marami ang puwedeng tumulong. Mahirap rin na gumawa nang masama dahil marami ang makakita. Sadya lang talaga siyang naiilang sa tingin na binibigay sa kanya ng isang babae.
Ilang beses na rin niyang tinitignan ang babae. Pakiramdam niya ay pamilyar ito pero hindi niya lang maalala. Hindi rin naman nagtagal ay mukhang hindi na ito nakatiis na bigyan lang siya ng tingin. Nilapitan na siya nito.
“Ikaw si Red Sandoval `di ba?”
Don’t talk to strangers, wika ng isang bahagi ng isip ni Red. Pero nanaig ang curiousity niya. “Yes. Sino ka?”
“I’m Emma, Wulfric’s ex-girlfriend.”
“Oh, okay.” Red can sense danger. Mukhang bitter kasi ang boses ng babae.
“Gusto kitang makausap. Actually, kanina pa ako nandito. Naghahanap lang ako ng tiyempo na lapitan ka. Can we talk somewhere?”
Tumingin si Red sa paligid. “We can talk it here. Okay lang sa akin.”
Emma snorted. “Sigurado ka ba? Ang daming tao dito. Hindi tayo makakapag-usap dito.”
“I prefer it here.”
Natatakot si Red. Pero mas natatakot siya kung aalis pa sila ng lugar.
Hindi gustong makipag-usap ni Red sa lugar kung saan may kakaunting tao. Nadala na siya. Nang huli siyang mag-isa sa sementeryo ay dinukot siya ni Wulfric. May pakiramdam rin siya na may masamang intensyon ang babae sa kanya kaya mahirap nang sumama siya basta-basta rito.
“Fine.” Inikot pa ng babae ang mata. Mukhang napilitan lang ito. “Nakapag-usap kami ni Wulfric. Nasabi niya sa akin na pakakasalan ka daw niya. And that’s because you are pregnant…”
“At?”
“Gusto mo ba iyon? Ang pakasalan ka lang niya dahil buntis ka?”
“Hindi kita kilala. Hindi ko kailangan ng opinyon mo.”
“Pero puwede kang maapektuhan,” nang-aasar na wika ng babae. “Niyaya rin akong magpakasal ni Wulfric noon. But I turn him down.”
“Hindi ko hinihingi ang kuwento mo.” Pinilit ni Red na maging matapang. Nararamdaman na niya ang kapupuntahan ng eksena nila. Hindi na bago ang character nito sa mga kuwento at pelikula. Madalas na mga ex-girlfriend ang dumadating at gustong magbigay ng problema sa mga bida. Mas matatalo siya kung pipiliin niyang makinig sa babaeng ito.
“Matapang ka, ha. Well, bakit pa ba ako magtataka? Ganoon naman talaga ang mga mamamatay tao `di ba?”
Doon nabahag ang buntot ni Red. Namutla siya.
Ngumisi ang babae. “How ironic is it? Ang babaeng kinagagalitan ni Wulfric ay siyang babaeng pakakasalan niya. Oh, wait! Hindi naman pala ganoon kasama. Pakakasalan lang niya ang babaeng pumatay sa pamilya niya dahil nabuntis niya ito.”
“Gusto mo pa rin ba si Wulfric kaya ka nangugulo?”
“Yes. I realized that I still love him. Wala na akong boyfriend na nagtagal simula nang iwanan niya ako. Pero okay lang rin naman kung ayaw niya sa akin. Naiintindihan ko. Sinaktan ko siya. Ikaw lang ang gusto kong pagbantaan. Wulfric is a responsible man. Kaya ka lang niya pinakikisamahan at pananagutan dahil nabuntis ka niya.”
“Alam ko naman iyon.” Masakit pero pinipilit ni Red na iparamdam sa sarili na ayos lang.
Sa loob ni Red, ayaw niyang basta panagutan lang siya ni Wulfric dahil dinadala niya ang anak nito. Gusto niyang mahalin siya nito. Pakiramdam kasi niya ay mahal na rin niya ito.
“At okay lang sa `yo?”
Hindi sumagot si Red. Bakit ganoon? Alam na niyang nandito ang babae para sirain sila ni Wulfric. Hindi dapat siya magpaapekto.
Pero hindi pa rin naiwasan ni Red.
“Modernong panahon na ngayon. Hindi na dapat nagpapakasal dahil nabuntis lang. And knowing Wulfric, he’s just being responsible. Dahil namatayan rin siya ng anak noon, gagawin niya ang lahat para hindi na maulit iyon.”
“Namatayan ng anak? What do you mean?”
Kinuwento ni Emma ang dahilan kung bakit niyaya itong pakasalan ni Wulfric at bakit nakipaghiwalay ang lalaki rito.
Kinilabutan siya sa nalaman.
“A-ang sama mo.”
“I accept. Pero mas masama ka, Red. Dahil buong pamilya ni Wulfric ang pinatay mo!”
Umiling si Red. “B-buhay pa naman ang magulang niya---“
Umiling si Emma. “Mukhang hindi mo siya ganoong kilala. Namatay ang mga magulang ni Wulfric dahil sa depression ng trahedya na ikaw mismo ang gumawa, Red…”
“No…”
“You don’t deserve him. He doesn’t deserve you. Alam ko na gusto ka niyang pakasalan. Pero maawa ka naman kay Wulfric. Spare him a life of misery with a murderer like you!”
“T-tama na…” Naiyak na si Red sa sunod-sunod na pasabog ng babae.
Hindi lang si Wilfred at ang Lola nito ang pinatay ni Red. Halos siya rin pala ang may dala ng kamatayan ng magulang ni Wulfric. Kaya pala ganoon na lang talaga ang galit nito sa kanya.
“All right. Ito na ang magiging huling litanya ko sa `yo. Ginagawa ko ang lahat ng ito para kay Wulfric. Gusto kong patunayan sa kanya na pinapahalagahan ko pa rin siya. I want the best for him. At hindi ikaw iyon. Masama kang babae. Sinira mo ang pamilya niya.
“And let’s say na pinapapahalagahan rin kita, Red. Kung ako sa `yo, wag mo ng piliin na pakasalan si Wulfric. Sasaktan ka lang rin naman niya. Hindi ka niya mahal. At hindi ka niya kayang mahalin. Hindi siya ganoon katanga para mahalin ang isang taong kagaya mo…”
Umalis na nga ang babae. Pero ang luha ni Red ay hindi pa rin maawat-awat sa pag-agos.
Gaano man niya kumbinsihin ang sarili na si Emma ang masama dahil ginugulo siya nito, lumalabas pa rin na siya ang mali. Siya ang masama. She felt really horrible.
Mahal na niya si Wulfric. Pero isang malaking pagkakamali ang lahat ng iyon. Hindi siya nito kayang mahalin at hindi rin siya nito dapat mahalin.