TINULOY ni Red ang planong dinner kay Wulfric sa kabila ng masamang kondisyon niya. Mas mabuti pang `wag na niyang patagalin ang paghihirap. Aaminin na niya kay Wulfric ang nararamdaman niya. Kailangan rin niya na ipamukha rito na hindi tama ang ginagawa nila. Na-realize na niya ang lahat.
Pero pakiramdam ni Red ay mas lalo pa siyang naghirap nang makita si Wulfric at ang restaurant kung saan siya nito dinala.
Sila lang ang tao sa restaurant. Mukhang pina-reserve rin iyon. Napakaganda ng ayos sa restaurant. Maraming flowers at magaganda ang ilaw. May mga musikero rin siyang nakikita sa tabi. Iisa lang rin ang lamesa na makikita sa restaurant at sa gitna pa.
Everything looks special. At may pakiramdam si Red na may espesyal na mangyayari ngayong gabi.
“You are the mother of my child. At alam mo naman na intensyon ko rin na pakasalan ka…”
“Alam ko na gusto ka niyang pakasalan.”
Nagkaroon ng hinala si Red sa gagawin ni Wulfric. Pero hindi niya pa rin naiwasan na magtanong.
“A-ano ito?” wika niya nang makalapit kay Wulfric. Napakaguwapo rin nito sa ayos nito. Nag-ahit ito, nag-ayos ng buhok at pormal ang suot. Naka-pulang long sleeves ito at slacks. He looks dashing.
He is a prince charming. Too bad, she’s not a princess. She’s not a woman that deserved someone so good like him.
Kumunot ang noo ni Wulfric. “Anong nangyari sa `yo? Bakit mapula ang mga mata mo?”
Hindi na nag-abala pa si Red na itago ang nararamdaman niya. Tumingin siya sa paligid. “Ayoko nito.”
“What do you mean?” Tumingin rin si Wulfric sa paligid. “It’s romantic. And you are a girl. Nature niyong mga babae ang magustuhan ang mga sweet na bagay `di ba?”
“Ayoko kung ikaw ang gagawa sa akin.”
“At bakit naman? Wait, is this the way of telling me that you don’t like me, too?”
Diretsong tinignan ni Red si Wulfric sa mata. “Yes.”
Tumiim ang bagang ni Wulfric. “No.”
“Ano bang plano mo, Wulfric? Kaya ka ba naghanda ng ganito ay dahil balak mong mag-propose sa akin?”
“Oo. And I expect you to say “yes” to me.”
Gustong maiyak ulit ni Red. She wanted to say yes. Pero hindi tama ang lahat.
Hindi siya dapat pakasalan ni Wulfric. Kaaway siya. Hindi rin dapat niya pakasalan ito. Alam niyang hindi siya nito mahal at hindi siya nito magagawang mahalin.
“You’re only going to marry me because of the baby. Na-realize ko na hindi ko dapat kinukunsinti iyon. Mali iyon.”
“Pero mas mali kung hahayaan ko ang anak ko na lumaki nang walang maayos na pamilya. Magiging maayos lang ang lahat kung magsasama at magpapakasal lang ang magulang niya. Ayokong dumating ang araw na magsumbong siya at asarin ng mga kaibigan niya na isa siyang bastardo.”
“Someday, he or she will understand. Ipapaintindi natin sa kanya.” Bumuntong-hininga si Red. Tumingin ulit siya sa paligid. “Everything is so beautiful. I appreciate it. Thank you. But I’m so sorry. Hindi ko matatanggap ang kasal na gusto mo.”
“No. This is not happening!” Pulang-pula ang mukha ni Wulfric. Galit na ito. “Kailangan ko ng isang pamilya, Red. Kailangan ko kayo ng anak natin!”
Hinawakan niya ang balikat nito. “Hindi ko naman siya ilalayo sa `yo. Pipilitin ko rin ang sarili na huwag siyang masyadong mahalin para madali ko kaagad na matanggap na hindi siya para sa akin. Siguro ay kailangan ko siyang ibigay sa `yo.”
“W-what are you talking about? Ibibigay mo ang anak natin sa akin? Hahayaan mo ako na palakihin siya nang hindi ka kasama?”
Tumango si Red. Umagos ulit ang mga mainit na luha sa mga mata niya. Parang binibiyak ang puso niya. “Puwedeng ikamatay ko ang pamimilit ko sa sarili ko na ibigay siya sa `yo. Pero iyon ang tamang gawin. Mas kailangan mo siya kaysa sa akin. Gusto kong maging masaya ka. Mas mahihirapan ka kung aagawin ko sa `yo ang anak natin `di ba?”
“I don’t want that. Kaya nga gusto kong pakasalan ka para hindi na tayo mahirapan.”
“Pero hindi mo nga ako mahal, Wulfric. Ayokong magpakasal dahil lang sa may anak tayo.”
“At masasaktan ka kung kukuhanin ko siya sa `yo. P-parang ayaw ko rin naman noon. Ayokong masaktan ka.”
“And what change your mind? I’m still the one who murdered your family. At nalaman ko rin na halos ako rin pala ang dahilan kung bakit namatay ang parents mo…”
Napakunot-noo si Wulfric. “P-paano mo ang nalaman ang tungkol sa parents ko?”
Ikinuwento niya kay Wulfric ang pag-uusap nila ni Emma.
“That bitch. She threatened you.” Parang nagkaroon ng apoy ang mga mata ni Wulfric.
“Not really. She just made me realized what is the right thing for both of us. Hindi ako karapat-dapat sa `yo. I’m a murderer---“
“Stop it. Ayoko ng marinig `yan.”
“Pero kahit anong gawin natin, hindi maalis ang katotohanan na iyon. Pinatay ko ang halos buong pamilya mo. Maling-mali na pakasalan mo ako.”
“Stop that. You’re self-pitying. Bakit ba pinipigilan mo ako na pakasalan ka? Hindi ka pa dapat matuwa na tinanggap kita sa kabila ng mga naging kasalanan mo sa akin at sa pamilya ko?”
Dahil hindi ko nga iyon deserved. Hindi kita deserved.
Tama si Wulfric. Nagse-self pity nga siya. Pakiramdam rin niya ay mali siya. Ginaya niya ang Kuya Blue niya noon nang hiwalayan nito si Odette. Sinasabi rin niya ngayon na hindi siya deserve ng lalaking mahal niya.
Pero mas malaki naman ang pagkakamaling ginawa niya kaysa sa Kuya Blue niya. At lahat pa ng iyon ay kasalanan niya kay Wulfric, hindi sa ibang tao. Hindi lang rin naman iyon ang dahilan kung bakit gusto niyang putulin ang lahat. Hindi siya nito mahal. Hindi siya nito kailanman mamahalin.
Mali na magpakasal sila. Gusto man niya ay hindi naman talaga dapat na magpakasal dahil lang sa bata. Dapat ay mahal rin siya ni Wulfric.
Pero tama si Emma. Hindi tanga si Wulfric para mahalin ang babaeng sumira sa pamilya nito.
“Pero gusto kong magpakasal sa taong mahal ako at mahal ko rin…”
“At hindi mo ako mahal.” Nagngingit ang ngipin ni Wulfric. Hinampas nito ang lamesa. “Fine! Kung ayaw mo talaga, umalis ka na.”
“Pero magkikita pa rin naman tayo `di ba?”
“Kukunin ko pa sa `yo ang anak natin `di ba?”
“Y-yeah.” So iyon na nga lang talaga.
Ang tanging nag-uugnay sa kanila ni Wulfric ay ang anak nila. At kapag ipinanganak niya iyon, wala na.
Pakiramdam ni Red ay mawawalan na rin siya ng buhay.
Kukunin na naman kay Red ang taong mahal niya. At hindi lang iyon isa ngayon. Dalawa na.
Siguro nga ay puwedeng ikamatay lahat ni Red ang sakit na mangyayari sa hinaharap. Pero `di ba’t siya rin naman ang nagsabi noon sa sarili niya na hindi niya deserved na mabuhay? Dapat ay siya ang mamatay.
Sana nga lang, kung mamatay rin naman siya, hindi na sana siya pinahirapan ng ganito.
“MAGPATURO ka sa Kuya Drake mo. Bakit ba sa akin mo pa iaasa ang lahat ng `yan?” Galit na galit na wika ni Warren. Kasalukuyan silang magkakasamang magkakaibigan sa bahay. Niyaya ang mga ito na makipag-inuman para ma-divert man lang ang isip niya sa problema niya kay Red.
Pero mukhang mas may dinadamdam pa ang dakilang Tito ng taon kaysa sa kanya. Kanina pa tawag nang tawag rito ang mga pamangkin nito.
“Hindi ako uuwi. Matulog na kayo,” Ibinaba na ni Warren ang cell phone. Kinuha nito ang baso nito ng alak. Dire-diretsong nilagok nito iyon. “Spoiled kids.”
“Gusto mo rin bang pag-usapan? Mukhang mapapadami ang usapan natin, ah.” Wika ni Peter.
Umiling si Warren. “`Wag na. masakit na ang ulo ko. Kaya nga rin ako sumama dito `di ba? Para makaiwas sa mga peste na `yun.”
“Kailangan rin natin ng ibang pag-uusapan. Pagod na pagod na ako sa kakaisip ko sa problema ko.”
Gustong maiyak ni Wulfric. Hindi niya matanggap ang pagkatalo niya.
Red turned his proposal down. Ni hindi pa nga sila nakakain at hindi niya pa rito naipapakita na puwede rin siyang maging sweet.
Masyadong ginalingan ni Red sa subject ng pananakit. Perfect score ito sa pamilya niya, lalo na sa kanya.
Tinapik ni Andy ang likod niya. “Aminin mo na lang kasi na mahal mo si Red.”
Binigyan ni Wulfric nang matalim na tingin ang kaibigan.
Bumuntong-hininga si Andy. “It’s so obvious, Wulfric. Kaya ka nasasaktan ay dahil mahal mo siya.”
“Puwede naman na masaktan si Wulfric dahil sa ego niya `di ba?” wika ni Warren.
Binatukan ito ni Peter. “Bawal ang bitter dito. Lalong hindi nakakatulong. Balik ka na nga sa bahay niyo.”
Umingos si Warren. “Mananahimik na lang ako rito.”
Tumingin si Peter sa kanya. “But seriously, Wulfric. Sa tingin ko ay mahal mo talaga si Red. Mas matindi pa nga kaysa sa pagmamahal na nararadaman mo kay Emma. Dahil si Red, tinanggap mo siya kahit dalawang tao sa buhay mo ang pinatay niya. Kahit sinira niya ang pamilya, ginusto mo pa rin na makasama siya.”
“Puwede rin naman na dahil lang `yun sa anak ko.” Pinili pa rin ni Wulfric na maging in denial kahit may point si Peter.
“Kung anak mo nga lang ang pinahahalagahan mo, bakit bitter ka pa rin ngayon? Willing na nga si Red na ibigay sa `yo ang anak niyo, ah.”
“At para ano? Para lang lalo akong makonsensya. Masasaktan siya. Walang ina ang gustong malayo sa anak niya. Ramdam kong ayaw rin naman niya. But she felt that she had to pay for her guilt. At ayoko noon. Ayoko na masaktan siya. God, I hate it! Ayoko rin na lumayo siya sa akin.”
“Mahal mo na nga talaga siya.” Itinaas ni Peter ang baso. “Tapos na ang problema. Uwian na!”
“Teka, wala pang nanalo, ah? Hindi pa ginagalingan. In denial kasi.” Iiling-iling na wika ni Andy. “Ano ba kasing kinakatakot mo?”
Humugot nang malalim na hininga si Wulfric. “S-she’s an enemy. Puwede ko ba siyang mahalin?”
“Wala namang batas ang pagmamahal, ah.”
“Oo nga. Pero pakiramdam ko ay ang tanga-tanga ko kapag minahal ko ang isang kagaya niya. Sinira niya ang pamilya ko.”
“At alam mo na hindi niya iyon sinasadya. Mabuting tao si Red. Kung talagang mamamatay tao siya, sana ay matagal ka ng patay, lalo na at marami ka rin namang masamang ginawa sa kanya.” Hinagod ni Andy ang likod niya. “Biktima lang rin si Red ng lahat ng trahedya. Kahit siya ay nahihirapan. Ikaw na nga ang nagsabi na ayaw mo siyang masaktan. Ibig sabihin lang noon, lahat nang napag-usapan niyo sa restaurant kanina, alam mo na nasasaktan siya.”
“Sige na. Mahal ko na nga siya. Pero hindi naman niya ako mahal. Wala rin na saysay ang lahat,”
May masarap na pakiramdam si Wulfric sa pag-amin. Para siyang nakalaya. Pero hindi pa rin iyon ganoon kasaya dahil alam niyang hindi siya mahal ni Red.
“Natanong mo na ba siya?” tanong ni Andy.
“Sinabi niya sa akin na hindi kami dapat magpakasal dahil hindi naman namin mahal ang isa’t isa. Iisa lang ang ibig sabihin noon `di ba? Hindi niya ako mahal.”
“Pero pinagtanggol ka niya sa Kuya niya `di ba? Ayaw rin niya ng nasasaktan ka. Tanungin mo na kasi siya ng diretso. Paano kung kagaya mo ay natatakot lang pala siya?”
Gusto rin na maniwala ni Wulfric na mahal siya ni Red. Nararamdaman niya. Maganda ang ngiti nito kapag kasama siya. Hindi rin ito tumatanggi sa mga hawak at halik niya. Ramdam niyang gusto rin nito iyon.
“I’m scared. Damn it! What am I going to do?”
“Pumunta ka na sa kanila ngayon.” Suggestion ni Peter. “`Wag ka ng mag-aksaya ng oras.”
“Tulog na `yun,” sabat ni Warren.
Tinaasan ni Peter ng isang kilay si Warren. “Mr. Bitter, akala ko ba `di ka na magsasalita? Umuwi ka na at mag-alaga ng mga bata.”
Inungusan lang ni Warren si Peter.
Napabuntong-hininga si Wulfric. “Seriously, what am I going to do?”
Hindi na pinansin ni Wulfric si Warren. Pinaglipat-lipat na lang niya ang tingin sa pagitan nina Andy at Peter. He wanted to be like the two of them. Kung ano kasi ang future nila ni Red, gusto rin niyang maging kagaya ng ugali ng mga ito: Positive.
Ngumiti si Andy. “Just love. Don’t be afraid to fall in love. It’s a beautiful thing. It’s enduring and forgiving.”
Unti-unting napangiti si Wulfric sa sagot ni Andy. Tama ito. Tinanggap niya si Red sa kabila ng lahat. Pinatawad niya ito. Nagsakripisyo siya para rito.
Wulfric was really in love with Red.