“WOW Ate Snow! Ang ganda-ganda mo!” Nagniningning ang mga mata ni Dianne habang nakatingin kay Snow. Suot niya ngayon ang damit na binili ni Warren kahapon. Iyon raw ang gamitin niya mamaya sa pag-attend nila ng kasal nina Wulfric at Red.
Mas excited pa ang mga bata kaysa kay Snow. Lahat ng mga ito ay sabik na makita ang itsura niya. Kaya pagkatapos niyang magbihis ay nagpuntahan kaagad ang mga ito sa kuwarto.
Namula si Snow. Niyakap niya ang sarili. “H-hindi ba parang mababastos yata ako dito? Ang ikli ng sleeves, maikli rin ang tabas ng ilalim. Nakakahiya…”
Inikutan siya ng mata ni Dixie. “Ate, kung kasing-kinis at kasing puti mo ako, baka mas maiikli pa diyan ang isusuot ko. Ang ganda-ganda mo kaya! Hindi dapat tinatago ang ganyang ganda.”
“Pero hindi ako sanay…”
Hindi nagsusuot si Snow ng damit na ganoon kaikli ang sleeves at laylayan. Hindi rin ganoon kaiiksi ang mga damit na pinahiram sa kanya ni Manang Celia. Conservative itong manamit kaya okay lang sa kanya. Ganoon rin kasi siya sa bahay nila.
Ngumiti si Dixie. “Kung inaalala mo na mababastos ka dahil sa suot mo, ano pa at makakasama mo si Tito Warren? Hindi ka niya pababayaan.”
Ngumiti si Snow. May punto rin si Dixie. Nagpresinta ito na ayusan siya. Saktong natapos ito sa pag-aayos nang pumasok si Warren sa kuwarto.
Natulala si Warren nang makita siya. Namula si Snow.
“Tito Warren, baka pasukan ka na po ng langaw sa bibig!” Tatawa-tawang komento ni Daisy. Nakanganga rin kasi si Warren.
“You are so beautiful…” Nakakatunaw ang tingin na ibinigay sa kanya ni Warren.
“Ayiee!” Tukso nina Daisy, Dixie at Dianne. Samantalang sina Darwin at Drake naman ay sumipol. Pumalakpak naman si Dennis.
“Thank you. So tara na?”
“Hmmm…excited?”
“Nininerbiyos lang ako…”
Tumawa si Warren. Binulungan siya nito. “Relax. I won’t bite you even if I want to…”
Lalo tuloy nag-init ang pisngi ni Snow. Tinampal niya ang braso ni Warren. Tumawa lang ito.
Nagpaalam na sila sa mga bata.
“Be back until midnight, okay?” Bilin ni Dianne.
Pinindot ni Warren ang ilong ng bata. “She’s not Cinderella. Wala siyang curfew. She’s Snow White.”
“And we are the seven dwarfs,” humagikgik si Dianne.
Kumindat si Warren sa mga bata. “And I am her prince. Anong masasabi niyo?”
Nakipag-apir sina Dianne, Dennis, Daisy, Darwin at Drake kay Warren.
“Haay, na-excite tuloy ako sa date namin ni Julian sa Sabado. Nainggit ako sa inyong dalawa,” Nangangarap naman wika ni Dixie.
Nginitian ni Snow ang mga bata. Tuluyan na silang nagpaalam ni Warren. Nagpaalam rin sila kay Manang Celia. Ito ang mag-aalaga sa mga bata.
Habang nasa sasakyan ay panay ang tingin sa kanya ni Warren. Lalo tuloy siyang hindi mapakali.
“B-baka naman matunaw na ako niyan, ha? O `di kaya ay mabangga na tayo. Tigilan mo na `yan.”
“Bakit kasi ang ganda-ganda mo?”
“Sinasabi mo lang ba `yan para purihin kita? Oo na. Guwapo ka na rin…”
Tumawa si Warren. “I don’t need any praises. Alam ko na sa sarili ko na guwapo ako.”
Gustong pandilatan ni Snow si Warren. He’s arrogant. Pero hindi rin naman niya nasabi. Mali rin naman siya.
Nagsasabi ng totoo si Warren. Guwapo naman talaga ito. Mas gumuwapo rin ito ngayong gabi. He was wearing a dark blue suit and tie. Maganda ang lapat noon sa lalaki at bumagay rin sa kulay ng balat nito ang kulay. Ayon rito, abay ito sa kasal. Ganoon rin sina Peter, Andy at ang isa pang business partner ng mga ito na si Rumple. Umuwi pa raw sa bansa ang huli.
Kinuha ni Warren ang kamay ni Snow. Sandaling hinalikan nito iyon. “I just couldn’t believe my luck that I could meet someone like you. Lalo na ang maging date ka pa.”
“Hindi ko rin naisip na mangyayari sa akin ang lahat ng ito…”
Naalala ni Snow ang mga pangyayari. Napakabilis ng lahat. Dati ay prinsesa siya at ngayon ay naging kasambahay.
Isang espesyal na kasambahay.
Wala namang problema kay Snow na maging isang kasambahay. Gusto rin niya ang ginagawa niya. Gusto niya ang pamilya na napuntahan niya. Pakiramdam rin niya, sa piling ni Warren ay isa siyang prinsesa. Well, with what Warren did for the past few days. Ganoon rin ang pakiramdam na ibinibigay nito sa kanya.
“But maybe, it’s destiny…”
Napakurap si Snow. Everything happens for a reason, ika nga. Sa dami-dami ng lugar kung saan siya puwedeng mapadpad, bakit nga sa bahay pa siya ng mga Sevillo napadpad?
Destiny.
Napakasarap isipin na totoo nga ang sinabi ni Warren. Napangiti siya. Nang makarating sila sa venue ng kasal at hanggang matapos iyon ay ganoon pa rin ang aura niya.
Ipinakilala ulit siya ni Warren sa mga kaibigan nito pagkatapos ng ceremony. Magkakatabi sila sa reception.
“She’s off-limits, Peter.” Binantaan kaagad ni Warren ang playboy daw talaga na kaibigan nito.
“I know, okay? `Wag kang mag-alala, Pare. Hindi ako mang-aagaw. I’ve already learned my lesson on that.”
“Hmmm…”
Nanigurado na si Peter pero parang hindi pa rin kumbinsado si Warren.
“Seloso ka pala.” Wika ni Rumple. Medyo nagulat pa siya. Mukhang ito ang pinaka-suplado sa mga kaibigan ni Warren. Kanina pa nila ito kasama pero hindi niya pa ito naririnig na magsalita.
“That’s just what love can do to a person…” ngising-ngisi si Andy.
“Dumali ka na naman ng mga love notes mo…” Iiling-iling na wika naman ni Peter rito.
“I’m romantic and I’m proud of that,” wika ni Andy.
Naikuwento na ni Warren sa kanya na sadyang romantic nga daw talaga si Andy. Kaya hindi pa daw ito nagkaka-girlfriend hanggang ngayon ay dahi hinihintay pa nito ang tamang babae para rito.
Tumugtog ang isang sweet song sa reception. Sumayaw ang newly weds. Inanyayahan rin ang mga bisita na maghanap ng partner at sumayaw.
Hindi pinalagpas ni Warren ang pagkakataon. Niyaya siya nito. Nag-alinlangan naman siya kung papayag.
“I-I’m not good in dancing. Baka matapakan ko lang ang paa mo…”
“It’s okay. Kaya ko rin na remedyuhan `yan.” Kinindatan pa siya ni Warren.
Pumayag rin sa huli si Snow. Nang nasa dance floor na sila, pinatapak siya ni Warren sa sapatos nito.
“Ano? Bakit?”
“You are afraid to step on my feet. Para hindi na tayo magkagulo, tumapak ka na sa paa ko. I will guide you and we will dance better together…”
Sinunod ni Snow si Warren. Tumapak nga siya sa paa nito. He didn’t even finch. Instead, he smiled wildly.
They feel so close together. Natatakot si Snow na baka marinig ni Warren ang malakas na tibok ng puso niya. Pero naisip rin naman niya bakit ba siya matatakot?
Kapag tinanong ni Warren kung bakit, gusto na niyang umamin. Gusto niya ito.
Kahit mali.
Bahala na ulit, naisip ni Snow. Snow promised himself to another man. Pero paano nga kung kaya siya dinala sa pamilya nila Warren ay dahil sila talaga ang nakatadhana? Baka kaya talaga sila pinaglayo ay dahil may nakalaan na iba para sa kanya.
Warren moved. They looked like they were really dancing. Maya-maya, hindi na lang rin ang katawan nila ang magkalapit. Ganoon rin ang mukha nila.
Inilapit ni Warren ang labi nito sa labi niya. For a while, hindi nakagalaw si Snow. Natulala lang siya.
“Hinalikan mo ako…”
“I want to know more about you…”
“A-at anong nalaman mo sa ginawa mong iyon?”
“That I like you, Snow…”
Napakurap si Snow. She was feeling it already. Hindi na dapat siya magulat. Pero pakiramdam niya ay dream come true pa rin ang lahat.
Hinawakan ni Warren ang pisngi niya. “Gusto mo rin naman ako `di ba?”
“Yes…”
Hinalikan ulit siya ni Warren. Mukhang masayang-masaya ito. Masaya rin naman si Snow. Pero hindi pa rin niya maiwasan na makonsensya.
Naisip ni Snow ang nakaraan niya. Naglihis siya ng tingin kay Warren.
“What’s wrong?”
“Hindi pa natin ganoon kakilala ang isa’t isa. Ano ba itong ginagawa natin? Ano ba itong nararamdaman natin?”
“We have forever to know each other.” Mukhang seryosong wika ni Warren. “Isa pa, ano naman kung kakilala lang natin? On fairy tales, it’s only a night when Prince Charming fell in love with Cinderella. Kahit ang Prince Charming ni Snow White ay mabilis rin na na-in love sa kanya…”
“At naniniwala ka roon?”
“I’m starting…again.”
Kumurap-kurap si Snow. “What do you mean, again?”
Bumuntong-hininga si Warren. “I was once in love, Snow.”
“S-si Tricia?” Lumakas ang tibok ng puso ni Snow nang sabihin ang pangalan ng babaeng ilang araw rin niyang naisip.
“Paano mo nakilala si Tricia?” Nanlaki ang mata na tanong ni Warren.
Inamin na ni Snow ang nangyari nang gabing umuwi ng lasing si Warren.
“Tricia is a part of my past. Patau na rin siya. May masama kami na break-up. Siya rin ang dahilan kung bakit nagbago ang ugali ko, kung bakit nagkaroon ako ng sama ng loob sa pamilya ko…”
Warren tried to explain his rude actions before. Mabilis na naintindihan naman iyon ni Snow. Masakit nga talaga ang ginawa rito ng Kuya Warrick nito.
“You called her that night. N-nalungkot ako. Nasaktan ako…”
Hinaplos ulit ni Warren ang pisngi niya. “Don’t be. Nakaraan na siya. I don’t know why I did call her name. Naalala ko nga na nanaginip ako na may nag-aalaga sa akin at niyakap ko siya. But on my dreams, it was you, Snow. You are the one that I need. You are my present. And I can see my future with you…”
Parang nagliwanag ang buong paligid ni Snow sa sinabi ni Warren. The thought of her as part of Warren’s future melt her heart. Gusto rin niyang makasama ito. Ganoon rin ang pamilya nito.
Pero sabi nga nila, walang nakakarating sa paroroonanan ng hindi lumilingon sa nakaraan…
“I-I feel it, too. Pero hindi pa puwede sa ngayon, Warren. Hindi mo pa ako ganoon kakilala `di ba?”
“Yeah, but as I said we have forever to know each other. Gusto ko rin na magtiwala sa `yo. Mabait ka sa mga bata. Mabait ka rin sa akin. And I have a beautiful feeling when I am with you. I was just too stupid not to recognize it at first…”
“I-I have a past. Hindi rin ako ang babaeng akala mo ay kilala mo na ngayon. I have secrets. At natatakot akong hindi mo ako matanggap kapag sinabi ko na ang lahat ng iyon sa `yo…”
Kumunot lang ang noo ni Warren.
Napabuntong-hininga si Snow. Kumalas siya kay Warren. Bumaba siya sa paa nito.
“Let’s talk somewhere…”
“NOT here…”
Tumaas ang isang kilay ni Warren sa sinabi ni Snow. Sinunod niya ang gusto ng babae---ang mag-usap sila. Umalis na sila ng kasal ng kaibigang si Wulfric at Red.
Dinala ni Warren si Snow sa isang park. Maraming tao roon kahit gabi na. Sikat ang park na iyon.
“Bakit?”
“I-I want somewhere private. Delikado rito…”
“Nandito naman ako para protektahan ka.”
“Well, yes. Pero mabuti ng makasigurado.” Bumuntong-hininga si Snow. “Hindi ako puwedeng makilala in public, Warren. Natatakot ako na may makakilala sa akin. That’s also the reason kung bakit nang magpunta tayo sa amusement park, I tried to wear sunglasses.”
“So you really had big secrets…”
Napatiim-bagang si Warren. May masama siyang pakiramdam sa mga sasabihin sa kanya ni Snow ngayon.
Nag-uumpisa ng magtiwala si Warren kay Snow. At natatakot siya na baka mawala ang tiwala na iyon kapag nalaman niya ang mga sikreto ni Snow.
Nagkamali siya ng akala. Ang alam niya ay mabait si Snow. Pero bakit kailangan nitong magtago ng sikreto sa kanya? Paano siya maapektuhan at ang pamilya niya ng sikreto na iyon?
Sa huli, pinagbigyan rin ni Warren si Snow. Dinala niya ito sa isang hindi mataong coffee shop. Ibinigay rin niya ang jacket niya rito. Isinuot rin niya ang hood.
“Para mas lalong hindi ka makilala kung natatakot ka…”
“Thanks…”
Warren held Snow. Naramdaman niyang nanginginig ito. Parang gusto rin tuloy niyang mahawa. Natatakot siya.
Paano kung magsisimula na naman na magbago ang buhay nila? Paano kung mawala si Snow?
Ayaw niya.
“So…?” Nang maka-order ng kape ay pinagsimula na niyang magkuwento si Snow.
“I’m a princess, Warren.”
“What do you mean?”
“Minsan na tinanong mo ako kung bakit nakakapagsalita ako ng English at magaling ako roon. It was not because I was once a maid in a rich family. I am also a part of a rich family…”
Kumunot ang noo ni Warren. “Hindi ko maintindihan. Bakit ka nag-apply bilang kasambahay kung ganoon?”
“Kailangan ko ng pagtataguan. My stepmother wants me to be killed…”
Napakurap si Warren. “Your life is in danger.”
“Not really. I’m not sure. I don’t know. Sa tingin ko naman ay pinagtakpan ako ni Hunter---ang kanang kamay niya at siya rin na inutusan kong patayin ako. Sinabi niya na gagawa siya ng paraan para maging maayos ang lahat. Hindi niya ako kayang patayin kaya pinalaya niya ako.”
“Like Snow White in her fairy tale story.” Manghang-mangha si Warren.
“Parang ganoon na nga…” Bumuntong-hininga hininga si Snow. “Pero hindi lang iyon, Warren. Hunter is not just what I told you. He is a friend. Mahal rin niya ako kaya iniligtas niya ako…”
“Then good.” Humugot nang malalim na hininga si Warren. “That was a big revelation. But it’s okay. Siguro nga ay nasa panganib ang buhay mo. But I will give everything to protect you…”
Hindi hahayaan ni Warren na may mangyaring masama kay Snow. Hindi niya gustong mawala ito.
Gagawin ni Warren ang lahat para maging maayos ang lagay ni Snow. Naging mahalagang bahagi na ito ng buhay niya at ng mga bata. Hindi niya na ulit gustong masaktan ang mga ito.
Marami ang nangyari kay Warren sa pagdating ni Snow. Bihira na niyang pagtaasan ng boses ang mga pamangkin niya. Palagi kasi niyang naiisip na siguradong ikakalungkot ni Snow kapag nagalit siya sa mga bata. Ayaw niya noon.
Unti-unti ng nagbabago si Warren dahil kay Snow.
Hindi na rin naiisip ni Warren si Tricia. Feeling niya ay nakaka-move on na rin siya.
Nawala ang galit sa puso niya dahil may bagong babae na sa puso niya. Gusto na niyang maniwala sa sinasabi ng mga kaibigan niya: love nga itong nararamdaman niya.
And it feels good that Snow feels the same, too.
Kaya tama lang na tanggapin niya ito sa kabila ng lahat. Kung sa tingin niya ay may magagawa rin siya, aayusin niya ang tila komplikado na buhay nito. He wanted the best for her.
“I-I appreciate that. I’m grateful for that. Pero hindi pa ako tapos, Warren…”
“Ano pa ba ang dapat mo na ipaliwanag? Na komplikado ang buhay mo? It’s okay, Snow. Mahalaga ka na sa akin. Tatanggapin ko ang nakaraan mo…”
Hinawakan pa ni Warren ang babae. He wanted to make her feel that he was serious. He will always be with her.
Kinagat muna ni Snow ang ibabang labi. “Kahit naipangako ko na ang sarili ko sa iba?”
Napakurap si Warren. Nabitawan rin niya si Snow.
“Hunter is waiting for me. I’ve told him that I love him…”
Tumigas ang anyo ni Warren. The magical feeling he felt since he tried to be nice and opened her heart was now gone. Sinaktan siya ni Snow.
Hindi puwedeng maging sila. May mahal na itong iba.
Hindi nga totoo ang fairy tales at magic. Or maybe, magic really comes with a price. And the price of that magic hit Warren hard and fast.