More Than A Fairy Tale (Charmtech Prince's) Chapter 9

NANINIKIP ang dibdib at lalamunan ni Red nang makita ang nag-iisang kapatid at pamilya niya. Naiiyak na niyakap niya ito.

“Totoo na nga. Okay ka na. Malaya ka na rin. Magkakasama na ulit tayo…” Nanginginig ang Kuya ni Red. Mahigpit na niyakap rin siya nito. Naramdaman rin niya na naiyak ito.

Tuluyan ng pumatak ang luha ni Red. “Missed na missed na kita, Kuya.”

“At ako rin. Ngayon ay maayos na ang lahat…” Hinawakan ng Kuya niya ang mukha niya. Maya-maya ay tumawa ito. “Bakit ba tayo umiiyak? You survived. I survived. Dapat ay maging masaya tayo…”

Ang ganda-ganda ng ngiti ng Kuya niya. Ilang beses rin nitong hinalikan ang ulo niya. She felt really cared and loved. Napakasuwerte niya.

Kahit hindi dapat.

Masaya naman si Red na pagkatapos ng halos anim na taon ay nakalabas na siya ng psychological ward. She suffered from a mental disorder due to a bad past.

Red was tortured by her boyfriend’s grandmother. Nabarog ang ulo niya. Bukod pa roon ay nakadagdag rin ang emotional pain sa naggawa rin niyang kasalanan sa dalawa: napatay niya ang boyfriend at ang Lola nito.

Malinaw kay Red na self-defense lang ang ginawa niya. Pinaniwalaan rin naman iyon ng pulis at batas. Nalitis nang maayos ang kaso niya. Hindi rin naman siya nakulong sa kulungan dahil nga nagkaroon siya ng mental disorder. She was mentally incapacitated for years.

Pero ngayon ay magaling na si Red. Naiintindihan na niya ang lahat. Kung may kailangang ibahala sa lagay niya, iyon ang paminsan-minsang pananakit ng ulo niya at occasional blackouts. Ganoon pa man, sabi naman ng mga Doctor niya ay magagamot rin iyon in time. Hindi na rin iyon dapat ikatakot. May mga kailangan rin siyang inumin na gamot para mawala ang mga iyon.

Hindi na dapat katakutan si Red. Malaya na rin siya. Masaya dapat siya. Pero hindi siya ganoon kasaya. Hindi niya nasuklian ang ngiti ng kapatid.

“What’s wrong?” Kumunot ang noo ng Kuya niya.

“Guilty pa rin ako, Kuya…” Yumuko si Red.

Kinuha ng Kuya niya ang baba niya. Itinaas nito ang ulo niya.

Naiyak lalo si Red. “Mali ako. Hindi ko dapat sila pinatay. Oo, hindi ko sinasadya iyon. But I’m still a murderer. I don’t deserve to live. I don’t deserve to be free!”

“They deserved what happened to them. Hindi ka dapat nila sinaktan!” Pulang-pula ang mukha ng Kuya niya. “`Wag ka ng ma-guilty. Isipin mo na lang na paano na ako kung wala ka? Ikaw na lang ang pamilya ko.”

“At ang dami mong isinakripisyo para sa akin. Nakagawa ka rin ng mga masasamang bagay para lang maging ligtas ako. Hindi ko deserved iyon. Sinaktan rin kita. Sinaktan mo ang sarili mo at si Odette dahil sa akin…”

Dumaan ang pamilya ni Red at Blue sa krisis nang mamatay ang Daddy nila. Apparently, baon na pala sila sa utang. Nakipagkasundo ang Kuya niya sa lawyer nila na tulungan ito. He dated the lawyer’s crazy daughter.

Ang consequence, nakipaghiwalay ito sa totoong mahal nito at best friend naman niyang si Odette. Sa tulong rin ng lawyer ay nakapagtapos ito sa pag-aaral.

Nang makabangon sa hirap ay nagsikap ang Kuya niya. Nang maging matagumpay, nakipaghiwalay na ito kay Colleen. So ang nangyari, parang ginamit lang ng Kuya niya ang pamilya ng lawyer. Nagalit ang mga ito pero hindi na pinansin ng Kuya niya. Ang mahalaga rito ay malaya na rin ito.

“`Wag mo ng isipin iyon. Tapos na ang lahat. Ang mahalaga ay nandito ka na, okay? Magiging okay tayo ang lahat. Nakabangon na ako. Ibabalik ko na ulit si Odette sa buhay natin…”

“Missed ko na rin siya, Kuya…” Doon na lang ulit napangiti si Red. Missed na missed na niya ang kaibigan. Ito ang pinakamalapit na kaibigan niya. Hindi nila ipinaalam kay Odette ang naging lagay niya kaya hindi sila nagkita sa loob ng maraming taon.

“Lalo na ako. I promised everything will be okay…”

“Imbitahan natin siya sa re-opening ng Dine and Dance…” tukoy ni Red sa restaurant na pagmamay-ari ng pamilya. It’s a popular restaurant in Manila. Pero dahil sa pagkamatay ng ama, pati iyon ay naapektuhan. Isinara iyon. Pero ngayong maayos na ang lahat at nakapag-ipon na ang Kuya niya, nagdesisyon itong buksan iyon.

Alam na ni Red ang mga desisyon ng Kuya niya. Bago ang tuluyan niyang paglaya ay ilang beses na binisita niya ang Kuya niya. Sa nangyaring trahedya ay hindi naman ganoong naapektuhan ang pang-intindi niya. Sadya lang talagang maraming pagkakataon na nagiging marahas siya at basta-basta na lang sumisigaw noon dala nang trahedya. Kailangan ng mga medical staffs para pakalmahin siya. Madalas rin siyang nagkaka-blackouts.

Nakakaintindi si Red. Alam niya ang mga nangyayari sa kanya at sa paligid niya. Nawalan lang talaga siya ng kontrol sa sarili kaya dinala siya sa psychological ward.

Tumango ang Kuya. “That’s the plan. Kaya `wag ka ng maging malungkot, okay? We’ve been through a lot. Hindi na dapat natin pinapapasok pa ang mga negative sa buhay natin. Maging masaya na lang tayo dahil nagkaroon ulit ng liwanag ang buhay natin. We have a good second chance…”

Sa huli ay napatango na rin si Red. Sana nga ay maging maayos na talaga ang lahat. Sana ay maging maayos ang bagong pagsisimula nila ng bagong buhay.

PINAGPAPAWISAN pero masaya si Red sa ginagawa niya. Kasalukuyan siyang tumutulong sa pag-aasikaso ng restaurant nilang Dine and Dances.

“Hindi mo naman kailangang gawin ito, Red. Napapagod ka na rin. Magpahinga ka na lang,” sita sa kanya ng Kuya Blue niya nang makitang pinunasan niya ang pawis. Ito na ngayon ang head chef ng restaurant. Culinary ang kursong tinapos nito at alam rin nito ang lahat ng

Ilang araw na rin simula nang buksan nila ang Dine and Dances. Pero kagaya noon ay mabenta pa rin ang restaurant. Na-miss raw ng maraming customer ang lugar. Maraming naging masaya na nagbalik iyon.

Nakabangon na ang pamilya nila Red. Isa sa mga unang ginawa ng Kuya niya ay ang pagbubukas ng restaurant. Importante sa kanila iyon dahil pinaghirapan iyong buuin ng magulang nila. Mahal ng magulang nila ang restaurant at napamahal na rin iyon sa kanila.

“Okay lang ako, Kuya. Ilang araw na rin akong nagpapahinga. Masama na rin naman iyon. Kailangan kong maging active. Parang exercise lang itong ginagawa ko.”

“I just want the best for you. Bawal ka pa rin na mapagod.”

“Ang sabi ng Doctor ko, bawal ang “sobra” na pagod. Napakaliit na bagay lang nito. Isa pa, I love what I am doing. I love helping you. Ano pa ba naman ang gagawin ko `di ba?”

Wala pang masyadong malinaw na plano sa buhay si Red ngayong nakaalis na siya sa psychological ward. Natatakot rin siya.

Maraming na-miss sa buhay si Red. Gusto rin naman niyang magbagong buhay. Pero galing siya sa isang psychological ward. Nakapatay rin siya ng dalawang tao. May magandang pagkakataon ba para sa isang babaeng kagaya niya?

“Sige na nga. Papayagan kitang tumulong. After all, almost two months na lang ay magiging busy ka na ulit.”

Tumango si Red. Iisa lang ang malinaw na plano niya sa buhay: gusto niyang bumalik ulit sa pag-aaral. Dahil sa nangyari kasing trahedya sa kanya, hindi siya nakapagtapos ng college. Hanggang second year lang ng kurso niyang Tourism ang naabot niya.

Hinayaan na si Red ng Kuya niya na mag-serve sa mga customer. Waitressing ang pangunahing ginagawa niya sa restaurant. Nang makitang tapos na ang order ng isang customer ay kinuha na niya iyon at dinala sa table.

Pero bigla-bigla, nanakit ang ulo ni Red habang papalapit sa customer. Nakagat niya ang ibabang labi, tinitiis ang sakit. Pinilit niyang kumalma.

This too shall pass… Nag-isip ng happy thoughts si Red sa isip. Kaya lang, habang papunta sa table ay may nadaanan siyang isang lalaking napakasama kung makatingin.

“I-is there something wrong, Sir?”

Hindi nagsalita ang lalaki. Tinignan lang siya nito. Napakunot-noo naman si Red. The man looks achingly familiar…

Naka-sumbrero ang lalaki at magulo ang buhok nito. Marami rin itong balbas sa mukha. Wala siyang taong kilala na may ganoong physical appearance. Pero ang mata, matangos na ilong at may kalakihang labi nito ay parang nakita na niya noon.

Tinitigan rin ni Red ang lalaki. May kakaiba ulit siyang naramdaman. Nagkaroon ng nakakalokong kislot ang puso niya.

Lumunok si Red. Parang nagbara rin kasi ang lalamunan niya. “Nagkakilala na ba tayo noon?”

Tumiim ang bagang ng lalaki. Naglihis na ito ng tingin. “Go back to your work.”

Ayaw ni Red. Curious siya na alamin kung sino ang lalaking ito. But again, nakaramdam siya ng pananakit ng ulo. Nararamdaman rin niya na parang umiikot ang paligid.

Puwedeng mahimatay si Red anumang oras. Kapag nangyari iyon, malalagot siya sa Kuya niya. Hindi pa siya tuluyang magaling. Napagsabihan pa naman siya nito na magpahinga siya. Pero mas pinairal niya ang katigasan ng ulo. Siguradong magagalit ang Kuya niya sa kanya.

Hindi gustong mangyari ni Red iyon. Sapat na ang pagpapahirap na ibinigay niya sa kapatid sa mga nakalipas na taon.

Tumalikod na si Red sa lalaki. Magpapahinga na siya. Mas importante ang kalusugan niya kaysa sa curiousity niya.

MALAYA man pero hindi payapa ang loob ni Red. Madalas na hindi siya kaagad nakakatulog dahil naiisip niya ang mga pangyayari noon. Kahit siguraduhin man ng Kuya niya na wala siyang dapat ika-guilty ay nagi-guilty pa rin siya.

Masakit pa rin para kay Red ang mga nangyari. Paano ba siya makakabawi? Ang tanging naiisip lang niya na paraan ay ang pagbisita sa puntod ng mga taong pinatay niya.

Ilang beses rin na pinag-isipan ni Red na pumunta sa puntod. Does she have a right to do it? Hindi rin niya alam kung paano tatakas. Nang ikuwento niya kasi sa Kuya niya na gusto niyang pumunta roon ay nagalit ito. Pinag-isipan niyang mabuti kung tama ba talaga na magpunta.

More than a month after Red was free, naggawa rin niyang dalawin ang boyfriend at ang Lola nito. Alam niyang nasa maayos na kalagayan ngayon ang Kuya niya dahil magkakaayos na ito at ang best friend niyang si Odette. Mapapatawad rin siya nito kapag nalaman nito ang ginawa niya.

Dumaan muna sa isang flower shop si Red bago nagpunta sa puntod. Naiyak siya nang makarating roon.

Wala pang isang buwan ang relasyon ni Red at ang boyfriend na si Wilfred. Pero alam niyang naging matindi rin ang nararamdaman niya rito. Sa dami ng lalaking nagka-interes sa kanya, ang interes lang ni Wilfred ang nasuklian niya.

Si Wilfred ang first love ni Red. At pinatay niya ito.

“Alam ko na kulang pa ang lahat ng ito. But I’m sorry.”

Hindi sinasadya ni Red ang lahat. Kung hindi naman siya nasaktan ay hindi siya mananakit. Pero natakot siya. Gusto siyang patayin ng Lola ni Wilfred. Naunahan niya naman ito nang makuha niya ang panaksak na isasaksak dapat nito sa dibdib niya. Nang makita naman ni Wilfred ang lahat ng pangyayari ay nagdilim ang paningin nito. He said he would kill her, too. He was so angry.

Hindi masisisi ni Red si Wilfred. Mas mahal nito ang Lola niya kaysa sa kanya. Sandali pa lang ang relasyon nila. Samantalang ang Lola nito ay matagal na. Close na close rin ang dalawa.

Papatayin ni Wilfred si Red sa galit. Pero naunahan ulit niya ito. She was the one who left to live.

Red was meant to live, sabi nila. Pero sa mga pinagdaanan niya sa nakalipas na taon ay parang pinatay na rin siya. Napakahirap. Ganoon pa man, pakiramdam niya ay kulang pa iyon.

Sana nga ay hinayaan na lang ni Red na mamatay siya.

“Hindi ka dapat pumunta rito.”

Nagtayuan ang balahibo ni Red nang may marinig na boses sa likod niya. Sigurado siyang mag-isa lang siya na nagpunta roon. Natakot rin siya dahil mukhang galit ang boses.

Lumingon si Red. Namumutla siya nang makita ang lalaki. Namukhaan niya ito.

“Ikaw ang lalaki sa Dine and Dance…” Naalala ni Red. Nakasuot ito ng cap na kapareho ng lalaking masama kung makatingin sa kanya.

“Ako nga. And I’m so angry to see you here.”

Naguguluhan si Red. “Bakit? Sino ka ba?”

Pagak na tumawa ito. “Ang kapal mo para tanungin ako ng ganyan!”

Kinuha ni Red ang cell phone. She sense danger. Wala pa namang tao sa sementeryo. Paano kung may gawin itong masama sa kanya? Kailangan niya ng tulong.

Tinawagan ni Red ang Kuya niya.

“Kuya…” wika ni Red nang masagot ang tawag. Pero bago pa man niya masabi ang dahilan kung bakit siya tumatawag ay kinuha na ng lalaki ang cell phone niya. Itinapon nito iyon.

Nagulat rin si Red nang itulak siya ng lalaki. Napasigaw siya. “S-sino ka ba? Anong gusto mo sa akin?!”

“Pagbabayaran mo ang naggawa mo sa kapatid at lola ko…”

“Kapatid? Sinong---Oh God!”

Ilang beses na napakurap si Red nang bumalik sa alaala na pamilyar ang lalaki. Naalala na niya kung bakit. May hawig ito kay Wilfred.

Kinilabutan si Red.

“Sino pa nga ba? Pinatay mo sila! You don’t deserve to be free! You deserved to be punished!”

“Wulfric Rodriguez…” Sa wakas ay nabanggit ni Red ang nag-iisa at panganay na kapatid ni Wilfred.

Tumiim ang bagang ng lalaki. Sinipa nito ang cell phone niya. Pagkatapos ay mahigpit na hinawakan nito ang kamay niya. Napasinghap siya. Hinila siya nito.

“A-anong gagawin mo sa akin?”

“Revenge. I want to take revenge! Ang kapal ng pagmumukha mo na puntahan ang puntod ng kapatid ko samantalang ikaw ang dahilan kung bakit sila naroroon!”

“I’m sorry. Hindi ko naman sinasadya ang lahat…” Lumakas ang pag-iyak ni Red.

Pero walang effect sa lalaki ang luha niya. Madilim ang mukha nito. “Wala ng magagawa ang sorry mo. Hindi mo na maibabalik ang buhay nila. Sinira mo ang pamilya ko. Kailangan mong magbayad!”

Halos kaladkarin ni Wulfric si Red sa kotse. Napapikit siya. Natatakot siya sa puwedeng mangyari sa kanya. For sure, masama iyon. Pero may isang bahagi rin naman ng isip niya na nagsasabi na deserved niya ang lahat ng paghihirap na puwedeng mangyari sa kanya.

WALA ng papantay sa takot ni Red nang makita ang lugar kung saan siya dinala ni Wulfric. It was a private island. Mukhang abandonado rin iyon. Magulo ang paligid. Maraming lumot sa tabing dagat. Iisang bahay lang rin ang natatanaw niya. Para ngang hindi matatawag na bahay iyon. Kubo lang iyon. May kaliitan rin iyon.

“A-anong gagawin mo sa akin rito?”

“You will live in this place.”

“Ano? Bakit? At anong gagawin mo sa akin dito?” Nanlaki ang mata ni Red. Naalala niya ang ginawa sa kanya ng Lola ni Wulfric. Dinala rin siya nito sa isang pribadong lugar. She tortured her. Mahihimatay yata siya kapag sinabi ni Wulfric na ganoon rin ang gagawin nito sa kanya.

“Ito ang parusa ko sa `yo. Hindi ka nararapat na maging malaya! Kailangan mong makulong. And this island is the perfect place…”

Naiyak si Red. “`Wag mong gawin sa akin ito…”

“You are already here. Wala ka ng magagawa.” Sumakay sa bangka si Wulfric. Inutusan nito ang bangkero na nagdala sa kanila sa isla para umalis na.

Nanghina ang tuhod ni Red. “Iiwan mo ako rito.”

Tumango si Wilfred. “Ito ang magiging kulungan mo simula ngayon…”

Red was speechless. Ibig sabihin, magiging mag-isa siya sa mukhang abandonadong isla nito. Lalo siyang kinilabutan.

She was going to be alone in a dark place.

Malalaman ba ng Kuya niya ang lagay niya? Anong buhay ang kahihinatnan niya sa isla na ito? Makaka-survive ba siya?

Walang alam si Red sa buhay isla. Kaya malamang na hindi…

Tuluyan ng nakaalis si Wulfric at ang bangkero. Gatuldok na lang ito sa paningin niya nang makakuha siya ulit ng boses. Sumigaw siya. Natatakot siya.

Malapit ng lumubog ang araw. May kuryente ba roon? Kahit kaya kandila at posporo ay mayroon? Paano kung may mababangis na hayop?

Red was in the middle of nowhere. And she had no escape.

Mamamatay si Red. Mas masahol pa sa isang kulungan ang sitwasyon niya ngayon.

Tuluyan ng nanghina ang tuhod ni Red. Napaluhod siya sa buhangin. Sinabayan nang malakas na alon ang mga luha niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.