“DYLAN, gusto kong pumunta sa riding school,” pangungulit ni Aurora sa lalaki na bukod sa pagiging instant prince charming niya ay siya namang naging private nurse na rin niya. Dahil nandoon naman ito, nagresume na muli sa pagtatrabaho ang kanyang mga Tita. Ilang araw na rin naman ang nakalilipas simula nang makabalik siya sa bahay at malakas na siyang maituturing. At ngayon ay binigyan na rin siya ng permiso ng mga Tita niya na puwede siyang lumabas.
Hindi naman naapektuhan ang kahit anong parte ng katawan niya bukod sa utak ay wala namang diperensya ang paa niya. Nakakapaglakad siya nang maayos at puwedeng-puwede na rin siyang tumakbo kaya puwede na rin siyang gumala. She was good as new except for her brain. Nakaka-frustrate man na isipin na pinagkait na nga ang pitong taon na gising siya, pati ang ilang taon na naalala niya ay ganoon rin. Ganoon pa man ay inisip na lang niya ang mga positibo. Ipinagkait man sa kanya ang mga iyon, at least, binigyan pa rin siya ng isa pang pagkakataon na mabuhay.
Napansin niyang sandaling natigilan si Dylan. “B-bakit mo gustong pumunta sa riding school?”
“Hindi ko pa nga pala naikukuwento sa `yo, mahilig ako sa kabayo. My Dad is a former famous equestrian,” wika ni Aurora.
“Ganoon ba?”
“Yup! At pangarap ko rin na maging equestrian. But bad luck, I suck with horses,” malungkot na sabi niya. “Ikaw ba, marunong ka ba na mangabayo?”
“Not my field of interest. Hindi pa nga rin ako nakakapunta sa kahit anong horse field o riding academy,”
“Really? Then siguro ay ito na ang tamang oras para makapunta at matuto ka. Alam mo ba na pangarap ko na magkaroon ng partner na equestrian? Because he reminds me of my Dad and---“
“Ang ibig sabihin ba nito, hindi mo ako tanggap kung sino ako, Aurora? A-are you trying to change me? Hindi pa ba ako sapat para sa `yo?” napansin niyang nag-iba ang timpla ng mukha ni Dylan.
Napakagat labi si Aurora. Gustong sapukin ang sarili dahil sa sinabi. Twenty-three years old na siya ngayon at gustuhin man niyang gawing excuse ang naipagkait na taon sa kanya kung bakit hindi para siyang bata kung mag-isip, alam niyang mali iyon. Alam niyang nasaktan niya si Dylan.
“I’m sorry,” nakayukong sabi niya. Hindi man masasabing may relasyon talaga sila ni Dylan, still, pinaparamdam niya rin rito ang mga pinaparamdam nito. She cared for him as he cared for her. Pero siguro nga ay na-stuck pa rin ang isip niya sa kabataan niya. She was still fed up with her dreams, with the fairy tales. At kaya ganoon na lang din ang pag-iisip niya na si Dylan ang prinsipe niya.
Gulong-gulo si Aurora sa nararamdaman. Si Dylan ang palaging nasa tabi niya, ang katuparan ng mga pangarap niyang fairy tale na istorya pero hindi ito ang nasa isip niya. Ilang araw na ang nakalilipas simula nang makita niya ang lalaking nakakabayo sa kuwarto niya pero hindi pa rin mawaglit ang isip niya tungkol rito. Hindi rin niya malimut-limutan ang tibok ng puso niya. Kaya ngayong nagkaroon na siya ng kalayaan ay gusto sana niyang siya na mismo ang magpakita rito. Hindi na kasi nagtagpo ang landas nila muli. Paano ay tuwing gabi na lang siya nakakapasok sa kuwarto muli niya dahil naging busy siya nitong nakaraang mga araw sa ilang therapies na ginagawa sa kanya. Pabalik-balik pa rin siya sa ospital para ma-check ng Doctor kung okay na ba talaga siya. Ngayon pa lamang siya tuluyang makakapag-spent ng araw sa sarili niya dahil tapos na ang series of check-up niya. Next week na muli ang susunod.
Bumuntong-hininga si Dylan. “Don’t. Kahit ano namang sabihin mo o hilingin mo sa akin, gagawin ko. You want me to be your real prince by learning how to ride a horse? Gagawin ko. Basta para sa ikasasaya mo…”
Mukhang malala talaga ang nararamdaman sa kanya ni Dylan kung ganoon. Sa isip-isip ni Aurora, she should be touched and appreciated what he said. Pero may isang bahagi ng puso niya na parang kinurot roon. Dahil nag-aalinlangan pa rin siya sa kanyang mga nararamdaman.
Pinaandar na ni Dylan ang kotse nito. Malapit lang ang riding school kaya nakarating sila agad roon. Pagdating roon ay sinalubong sila ng isang lalaking nakakabayo. Napakunot-noo pa ito sandali nang makita sila. Kahit si Aurora ay ganoon rin ang naging reaction. Pero sa loob-loob niya ay hindi lang iyon ang kanyang naramdaman. Her heart races as the man came close.
Ito ang lalaki na nakita niya sa kuwarto niya! Oh, how lucky can she get!
Nakahawak si Dylan sa kanya kaya naramdaman niyang tila nanlamig yata ito sa nakita. Napakunot noo rin siya sa ginawa nito. Ganoon pa man, hindi tumigil ang lalaki sa paglapit sa kanila at sa bawat paglapit nito ay lalong lumakas ang tibok ng puso niya.
“Hello there. Mag-e-enroll ba kayo sa riding school?” nakangiti ng wika nito sa kanilang dalawa. Bumaba ito mula sa kabayo.
“A-ah, eh---“ sandaling natulala pa si Aurora nang makita niya ang kabubuuan nito. He was so gorgeous! Napakamatipuno ng katawan nito. Isang perpektong prinsipe. “Si Dylan sana ang gusto kong mag-enrol rito…”
“Talaga?” tumingin ito kay Dylan. “Do you like horses, Mr. Dylan?”
Umiling ito. “My girlfriend does. Sinusunod ko lang ang gusto niya,”
Napansin niyang sandali na nagdilim ang mukha ng lalaki nang sumagot si Dylan. Pero agad rin iyong nawala ng mapatingin sa kanya. “So, ikaw pala ang mahilig sa kabayo. Bakit hindi ikaw ang mag-enrol?”
“Errr… I want to. But I suck on riding horses,”
“Ganoon ba? Well, kaya nga tayo nasa riding school `di ba? But anyway, if you feel like it is not for you, better not do it. Marami kaming nagiging estudyante rito na hindi naman talaga passion ang horse back riding. Madalas ay napipilitan lang dahil sa gusto ng mga magulang nila. I don’t encourage people like that. But if you want to give it a try…” tumingin ito kay Dylan.
“Ah, you mean, nagtatrabaho ka rito?”
“I own this place,” ngumiti sa kanya ang lalaki. “Anyway, welcome to Young Equestrian Riding School. Young Equestrian ang tawag sa school namin but we also enrol adults. Kadalasan lang ay mga kabataan ang estudyante kaya tinawag na Young Equestrian,” paliwanag nito. “And by the way, my name is Phillip,”
Lalong natulala si Aurora sa narinig. Diyata’t nagkaroon siya lalo ng alinlangan kay Dylan? Dahil si Phillip ang prinsipe ni Sleeping Beauty sa fairy tale nito…But unfortunately, isang prinsipe mula sa unknown kingdom ang alam niyang humalik sa kanya.
“WITHOUT passion, you can never succeed. Narinig mo na ba ang linyang `yan, Dylan?” ngisi-ngising wika ni Phillip nang sa ika-tatlong pagkakataon ay muntik na itong mahulog sa kabayo nito. Nasa pleasure riding stage na sila at ilang araw na rin itong estudyante ng riding school. Sa tuwina ay kasama nito si Aurora na hindi naman nagpumilit na maging estudyante roon kaggaya ni Dylan. Madalas ay sinasamahan lang nito si Dylan, minsan ay pinapanood ito at minsan ay matiyagang inaantay ang lalaki sa lobby ng YERS. Sa ngayon ay ginagawa nito ang huli kaya hindi nito narinig ang mga sinabi niya sa inaakala nitong nobyo.
“For a trainer, you should be encouraging me,” nagngitngit ang ngipin ni Dylan sa galit. Bumaba ito ng kabayo.
“And as an owner, too. Because I have business with you. Pero naniniwala ako sa linyang `yun. Kung napipilitan ka lang din naman na gawin ito because Aurora said so, leave it,”
“I-I want to be the man for him,”
Napataas ang kilay niya. “Bakit, Dylan? Alam mong ako ang lalaki para kay Aurora. Kung hindi nangyari ang aksidente, malamang ay asawa ko na siya o fiancée. Bakit kinailangan mo na sumunod kay Tita Neri? Bakit kailangan mo akong pagtaksilan?”
Ngayon lang siya naging trainer ni Dylan kaya kahit matagal na niya itong gustong komprontahin ay ngayon lang niya naggawa iyon. Isama pang ngayon ay wala si Aurora sa tabi nito. Ngayon ay puwede na niyang ilabas ang lahat ng sama ng loob niya sa lalaking dati ay pinagkakatiwalaan niya.
Namutla ang mukha nito. “I’m sorry, Phillip. Aaminin ko, inutusan ako ni Tita Neri na magpanggap but it is my will, too. Gusto ko si Aurora,”
Gustong hablutin ni Phillip ang leeg nito at sakalin dahil sa nalaman.
“Dahil umalis ka agad, ako ang unang nabungaran niya nang maggising siya. Matagal ko ng crush si Aurora. At hindi mo ako masisisi roon dahil ako ang halos nag-alaga sa kanya sa ospital sa loob ng maraming taon. Araw-araw ko siyang nakikita at kahit wala siyang malay, she was a sight behold. She was a sleeping beauty. Na-attract ako sa kanya at kinuha ko na ang tsansa na magkasama kami nang inakala niyang ako ang prinsipe na gumising sa kanya. Nagustuhan rin naman ni Tita Neri na ako ang isipin niya dahil na rin sa sitwasyon. Pumayag ako na kuhanin nila ako na maging permanent private nurse ni Aurora dahil gusto ko talaga siyang makasama. Ginagawa ko ang mga bagay na ito dahil sa pagkagusto sa kanya. Malinis ang intensyon ko sa kanya,”
“Pero hindi ang konsensya mo,” somehow ay naiintindihan ni Phillip si Dylan. Pero hindi pa rin maalis ang katotohanan na sinulot nito ang pinakamahalagang babae sa buhay niya. Naiintindihan niya ang mga hinaing ni Tita Neri dahil alam niyang on the other side ay may kasalanan rin siya. Kung naging kagaya lang rin siya ng mga cliché na lalaki na natakot na mapahamak ang minamahal ng mga ito dahil sa hindi pagkagusto ng mga magulang, hindi siguro mapapahamak si Aurora. Kung sana ay kinompronta rin niya si Mang Densho tungkol sa mga kakaibang kinikilos nito noon, sana ay hindi nawala ang pitong taon sa buhay ni Aurora. Pero ganoon pa man, hindi kasali sa pag-iintindi niya si Dylan. He was not supposed to be on the throne he should be.
“I know. And I am so sorry for that, Phillip. Gabi-gabi akong sinusundot ng konsensya ko kapag naalala kita. Ikaw dapat ang nasa puwesto ko pero inintindi ko rin ang sinabi ni Tita Neri. Na kung sakaling i-explain natin kay Aurora baka makasama sa lagay niya iyon. B-but I guess, the heart always find a way. Sa totoo lang ay ayaw kong payagan na pumunta rito si Aurora. Pero nagpumilit siya at gusto ko siyang pagbigyan dahil mahal ko siya. At siguro ay dahil na rin gusto kong gawin ang tama. Na ipaglapit talaga kayo sa isa’t isa,
“Hindi ko sinasabi sa mga Tita niya na dito kami madalas ni Aurora at mabuti na lang at hindi nito kinukuwento iyon sa mga ito. Alam ko kasi na kapag nalaman nila ay maalarma sila. Ginagawa ang mga ito dahil nararamdaman ko na kahit gaano ko pa ilapit kay Aurora ang sarili ko ay parang may mali. Nararamdaman ko kasi na may hinahanap pa siya at nakumpirma ko iyon nang sabihin niya ang tungkol sa kagustuhan niya na magpunta rito sa riding school. Dahil gusto niyang maging kaggaya ako ng Daddy niya. Gusto niyang maging kaggaya mo ako… At pinagtibay pa ang hinala kong iyon nang ilang beses ko siyang nahuling natulala sa `yo,”
Matagal na na nakatitig lang si Phillip kay Dylan. “S-so you mean…?”
“Hindi mo ako kaaway, Phillip. Sinubukan ko pero alam kong sa huli ay talo pa rin ako. I am giving up Aurora for you. Mahal ko siya, oo. Pero nasa tamang pag-iisip pa rin ako. Kayong dalawa ang totoong nagmamahalan at nararapat lang na magkasama kayo. Kaya lang ay sana maintindihan mo rin na hindi pa natin puwedeng sabihin sa kanya ang lahat. Payag ako na maging tulay para magkalapit muli kayo pero hindi ibig sabihin noon ay aaminin na natin sa kanya ang lahat. Kailangan pa rin nating mag-compromise sa gusto ng mga Tita niya,”
Tumango si Phillip. Naiintindihan niya ito. Kaggaya niya ay gusto lang din nitong protektahan si Aurora. Parang may inalis na malaking tinik sa puso ni Phillip sa mga nalaman tungkol rito. Malungkot man dahil alam niyang nasaktan rin niya ito ay masaya si Phillip na binigyan siya nito ng tsansa. Hindi man niya makuha ngayon ang loob ni Tita Neri, at least, binigyan naman siya ng chance kahit papaano na makasama si Aurora. Sapat na iyon para sa kanya.
Sa ngayon.