“YES! Hindi suspended si Chance. Abswelto siya!”
Nawala ang mabigat na batong nakadagan sa dibdib ni Quinn matapos ianunsiyo ng teacher nila kanina ang naging desisyon ng eskwelahan sa kaso ng mga kaklase nila. Isang linggong suspendido ang iba kasama na si Turvey. Si Chance ay hindi pinarusahan.
Sa tulong ni Harry ay naipaliwanag kung paanong nag-o-operate ang grupo ni Turvey. Ayaw man ni Chance magpakopya ay wala na itong nagawa dahil hinablot ang test paper nito. Wala nang nagawa ang presidente ng eskwelahan kundi tanggapin ang kahihiyang ginawa ng nag-iisang lalaking anak nitong si Turvey.
“At mukhang magto-top ka rin sa exam. Nakita ko na ganado kang mag-test kanina,” tukso sa kanya ni Sosimo.
“Siyempre! Ngayong alam na ni Chance ang totoong kulay ng grupo nila Turvey at Cindy, ibig sabihin makakasama na ulit natin siya. Kailangan tayong mag-celebrate. Ano? Yayain natin siya na lumabas?” suhestiyon ni Quinn. Excited siyang makasama ulit ang kaibigan.
“Sige. Pero ikaw na ang magyaya sa kanya,” sabi ni Harry. “Pagkakataon mo na ito para masolo mo siya. Kahit maya-maya na kayo sumunod sa amin.” Suportado siya ng mga kaibigan pagdating kay Chance.
“Salamat! Miss na miss ko na talaga siya.”
Marami siyang plano ngayong makakasama nilang muli si Chance. Babawiin nila ang mga panahon na di sila nagkasama. At titiyakin niyang mawawala ang anumang sakit na ibinigay dito ng pinsan niya. Magiging masaya ulit sila.
Papasok na siya sa botanical garden nang mapaurong siya. Naroon si Cindy at si Chance na masinsinang nag-uusap. Biglang sinampal ng pinsan niya ang binatilyo. “Bakit mo sinabi sa kanila ang totoo? Dahil sa iyo, na-suspend sila Turvey! Nagkaroon sila ng masamang record.”
Bumakas ang sakit sa mukha ni Chance habang hawak ang nasaktang pisngi. Di rin maitago ang pagkagulat sa mukha nito. Ang alam nito ay isang maamong tupa si Cindy subalit bigla itong naging isang mabangis na tigre.
“Cindy, hindi ko na kayang magsinungaling sa mga magulang ko. Ayoko naman sanang kumibo pero umamin na rin si Antoni. Hindi naman ako ang may kasalanan,” paliwanag ni Chance.
“Kahit na! Sana hindi mo pa rin sinabi ang totoo!”
Naghalo ang lungkot at sakit sa mga mata ni Chance. “Cindy, bakit ka galit sa akin? Hindi ko naman kasalanan iyon. Ayoko din silang ma-suspend. Saka ako ang kinopyahan nila. Kaibigan mo rin naman ako, di ba? Bakit sa akin ka nagagalit?”
“Ikaw? Kaibigan kita?” Sarkastikong humalakhak si Cindy.
“Oo. Sabi mo sa akin di rin ako mahirap magustuhan.”
“Sinabi ko ba iyon? Ah! Oo. Nung nakainom ako ng wine. Wala ako sa sarili ko noon. Pero ikaw yata ang lasing hanggang ngayon.” Tiningnan nito si Chance mula ulo hanggang paa. “Tingnan mo ang sarili mo, Chance. Sa palagay mo ba magugustuhan kita? Mataba ka. Hindi ka ba nahihiyang dumikit sa akin? Magiging Miss Universe ako balang-araw. At ikaw? You are nothing but a fat guy. Si Turvey ang gusto ko. Si Turvey na kasalanan mo kung bakit na-suspend.”
Nangingig ang labi ni Chance sa labis na pagkabigla. “Mahal mo si Turvey?”
Namaywang si Cindy. “Oo! Guwapo siya! Anak siya ng may-ari ng eskwelahan na ito. At ikaw…” Dinuro nito ang dibdib ni Chance. “Wala ka sa kalingkingan niya.”
Lalong sumidhi ang sakit sa mata ni Chance. Kung nakikita lang siguro niya ang puso ni Chance, marahil ay durug-durog na iyon. Iyon din ang nararamdaman niya. Nadudurog na ang puso ni Quinn para dito. Walang sinuman ang may karapatan na saktan ito. Kahit pa ang tunay na crowned Miss Universe.
“Cindy, tama na iyan!” saway niya sa pinsan at pumagitna dito at kay Chance. Animo’y isa siyang inang tigre na handang depensahan ang kanyang anak. “Isa pang maling salita kay Chance, kakalbuhin talaga kita. Tingnan natin kung maging Miss Universe ka pa.”
Nanlaki ang mata ng pinsan. “What? You are defending this fat pig over me, cousin? How could you?”
“You called him pig. Alam mo ba na pwede kang ireklamo sa ginagawa mo? Bullying iyan! Sinaktan mo pa siya kanina, physical injury ang ginawa mo. Pwede kitang ireklamo para makasama ng mga kaibigan mo na ma-suspend,” banta niya dito.
Nangilid ang luha ni Cindy. “How could you...”
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Huwag mo akong maiyak-iyakan diyan. Sumosobra ka na. Wala ka na sa lugar. At kahit kailan, alam mong di kita kinampihan kapag mali ka. Lalo na ngayon.”
Pinigilan ni Chance ang balikat niya. “Quinn, huwag mo siyang sasaktan. Wala namang ginagawang masama si Cindy. Dapat lang siguro sa akin iyon kaya niya ako nasaktan.” Tumingin ito kay Cindy. “Pasensiya na kung nag-away pa kayong magpinsan dahil sa akin. Pasensiya na talaga.”
“Tumigil ka na nga kaso-sorry sa kanya. Wala ka namang kasalanan,” frustrated niyang saway kay Chance. Makakalbo na talaga siya sa lalaki. Di niya alam kung sobrang bait ni Chance o sobrang tanga na nito na okay lang dito na magpaapi.
“Magsama kayong dalawa. Basta huwag ka nang lalapit sa akin,” mataray na sabi ni Cindy at umalis ng botanical garden.
Naiiyak na pinagmasdan ni Chance ang pinsan niya habang papalayo. Siguro ay iniisip nito kung bakit nagawa itong saktan ng pinsan niya pero sa huli ay wala ring magawa.
Niyakap niya si Chance. Gusto niyang maramdaman nito ang pagmamahal niya. Handa niyang pawiin ang sakit na nararamdaman nito. “Chance, huwag mo na siyang pansinin. Pabayaan mo na si Cindy. Wala kang kasalanan.”
“Hindi. Kasalanan ko. Hindi na lang sana ako nagsalita,” anito sa mababang boses. “Sana hindi nagalit si Cindy sa akin kung di na-suspend sila Turvey. Ako ang mali. Ako,” naghihinagpis nitong sabi. “Sana ako na lang ang na-suspend para mapasaya ko siya.”
Gulat niya itong tiningala. Sa halip na yakapin din siya nito dahil naroon siya para dumamay ay si Cindy pa rin ang iniisip nito.
“Chance, bakit ka ganyan? Gusto mo pa ring ma-suspend kahit na wala kang kasalanan?”
“Kung ako ang na-suspend, baka magpasalamat pa sa akin si Cindy. Matutuwa pa siya. Baka mahalin din niya ako.”
Hindi niya matanggap na di man lang siya nito na-appreciate kahit bahagya. Ayos lang kung di nito inisip ang pagmamalasakit niya. Pero sana man lang ay inalala nito ang sarili nito.
Tuluyan nang sumabog si Quinn. Inalog niya ang balikat ni Chance. “Gumising ka nga! Hindi mo ba narinig kanina na ayaw ni Cindy sa iyo? Wala siyang pakialam kung hindi mo kasalanan ang nangyari kanina. Wala rin siyang pakialam kung mapahamak ka basta ligtas si Turvey. Si Turvey ang gusto niya. Wala siyang pakialam sa iyo. At di ka niya magugustuhan dahil…”
“Mataba ako? Hindi ako guwapo?” dugtong nito. “At nandito ka dahil naawa ka sa guwapo at mataba na katulad ko?”
Naawa? Iyon ba ang tingin nito sa pagmamahal niya? Awa?
Tiningnan niya ito sa malamig na mata. “Hindi. Natutuwa ako dahil di ka tuluyang napahamak. At akala ko natauhan ka na. Akala ko alam mo na kung sino ang mga taong totoong nagmamahal sa iyo.”
“Alam ko na mahalaga ako sa inyo pero gusto ko si Cindy.”
“Cindy! Puro ka Cindy! Nakakarindi ka na!”
“Dahil siya lang ang nagpapasaya sa akin!”
Parang sinampal siya ng isang malaking kamay. Nangilid ang luha niya dahil sobrang sakit ng puso niya. “Ibig sabihin di ka namin napapasayang mga kaibigan mo? Hindi mo ba pinahahalagahan ang sarili mo? Dahil lang sa isang babae, nagpapakasira ka. Nasaan na ang pagpapahalaga mo sa sarili mo?”
“Kung kaibigan kita, maiintindihan mong nagmamahal lang ako.”
“Naiintindihan kita. Ang di ko lang maintindihan kung bakit wala kang konsiderasyon sa nararamdaman ko. Namin. Di mo ba alam na nasasaktan kami tuwing nasasaktan ka? Tapos gusto mo pang magpa-suspend para lang matuwa sa iyo si Cindy. Hindi iyan ang Chance na kilala ko.”
“Mali ka yata ng pagkakakilala sa akin. Ito ako, Quinn. Gagawin ko ang lahat para sa babaeng mahal ko. Gagawin ko lahat para kay Cindy.”
Umiling siya kasabay ng pagpatak ng luha. Pakiramdam niya ay gumuguho ang lahat ng magagandang bagay sa harapan niya. “Mali ka. Hindi iyan ang Chance na nirespeto ko. Mahal mo ang sarili mo. Ni minsan di ka na-insecure sa mga taong mas payat o guwapo sa paningin ng iba. Kaya nga tinanggap at minahal kita kung ano ka. Pero ngayon malala ka pa sa insecure. Hindi mo na nirespeto ang sarili mo. Hindi mo mahal ang mga tao sa paligid mo. Hindi mo man lang inisip na wala na sa lugar ang pagsasakripisyo mo.”
Natigagal ito. Di marahil nito inaasahan na magiging emosyonal siya. “Quinn, hindi mo ako kailangang iyakan.”
Tangka siyang hahawakan nito ngunit lumayo siya. “Pabayaan mo akong umiyak. Iniiyakan ko ang Chance na kilala ko na nawala na. Mula ngayon, wala na akong pakialam sa iyo. Kung magpakasira ka man kay Cindy, hahayaan kitang maging tanga. Walang sasaway sa iyo mula ngayon. Di na kita ipagtatanggol.”
Naging malungkot ang mga mata nito. “Huwag namang ganito…”
“Hindi. Sa ganito na tayo magtatapos. Ayoko sa mga kaibigan na pinagmamalasakitan mo pero walang malasakit sa sarili nila. A-Ayoko nang maramdaman ito na kapag nasasaktan ka, mas nasasaktan ako. Kasi importante ka sa akin. Kundi mo kayang pahalagahan ang sarili mo at wala kang pagpapahalaga sa mga taong nagpapahalaga sa iyuo, mabuti nang layuan na lang natin ang isa’t isa. Lumayo ka na lang sa akin. Hindi mo naman talaga ako kailangan.”
Yumuko ito. “Kung iyan ang gusto mo, irerespeto ko. Pasensiya na kung hindi ako karapat-dapat na kaibigan sa iyo.”
Napahagulgol siya ng iyak nang iwan si Chance sa botanical garden. Sana madali lang putulin ang nararamdaman niya para dito tulad ng pagputol niya sa pagkakaibigan nila. Sana madaling turuan ang puso na huwag magkaramdam.
Subalit habang patuloy ang pananalasa ng sakit sa puso, patuloy pa rin niyang nararamdaman ang pagmamahal niya dito.