MASAYANG-masaya si Cee-Cee nang araw na `yon. Tinotoo nga ni Strike ang sinabi nitong magiging fairytale date nila.
Nagulat na lang siya nang bandang ala-singko ng hapon ay may dumating nang make-up artist at hair and dress stylist sa apartment niya. May bitbit din ang mga ito na dress, mga alahas at sapatos na gagamitin daw niya. Ang lahat ay mukha at tiyak na mamahalin. Nakakahiya nga dahil may mga tauhan din na dumating para lagyan ng mga petals ng mga rosas ang maliit na bathtub sa banyo niya.
Pagkatapos ng mahigit dalawang oras ay natapos din ang pag-aayos sa kanya. Muli na naman siyang ginulat ni Strike nang pagbaba niya sa apartment ay may chauffeured limousine nang nag-aabang sa kanya. Iyon ang naghatid sa kanya sa date nila ng binata.
At ngayon nga ay nasa isang beach resort siya. Sinubukan niyang tawagan si Strike pero busy ang phone nito.
“Ma’am, this way please,” nakangiting sabi ng isang lalaking sumalubong sa kanya.
Kiming ngumiti siya. “Okay.”
Naglalakad na siya papasok sa pinaka-loob ng resort nang may marinig siyang sigaw ng babae, dahilan para mapahinto siya sa paglalakad. Lumingon siya sa pinaka-entrance ng resort kung saan may dalawang babae at isang lalaki ang hinaharang ng dalawang guwardiya.
“Hindi mo ba kami kilala? We are Strike’s friends.”
“Pasensiya na ho talaga, Ma’am. Pero binilin ni Sir na walang ibang puwedeng pumasok sa resort ngayon,” hinging-paumanhin ng guwardiya.
“What? But I told him we’re using his resort for my birthday.”
Nanlamig ang buong katawan ni Cee-Cee nang makilala ang huling nagsalita. The guy just got off the car. Kilala niya ang mukhang `yon – si Colin, ang kaibigan ni Kraige. Kilala ito ni Strike?
Dumako ang tingin ni Ur sa kanya. Nanlaki ang mga mata nito. “Oh. You’re here!”
Dahil sa sinabi ni Ur ay napatingin na rin sa kanya sina Coleen, Josei at Colin. Sinisigaw ng isip niya na dapat ay tumakbo na siya, na para bang may mangyayaring hindi niya magugustuhan. Pero nanatili lang siyang nakatingin sa mga kaibigan ni Kraige, habang kung anu-anong ideya ang nabubuo sa isip niya.
Coleen rolled her eyes. “I can’t believe that Strike really dated her para lang mapigilan siyang guluhin ang kasal nina Kraige at Cleo.”
To say that she was surprised was an understatement. Pakiramdam niya, may bombang sumabog sa magkabila niyang tenga. Hindi naman siya tanga para hindi maunawaan kung anong ibig sabihin ng mga ito. Nakipaglapit lang si Strike sa kanya para masiguro nitong hindi niya guguluhin ang kasal nina Kraige at Cleo. Ang lahat ng ipinakita nito sa kanya ay arte at pagpapanggap lamang. Mukhang may ideya na siya kung talaga si Strike.
Colin sighed. “Girls, sinabi ko naman sa inyo na huwag niyong sasabihin na sinabi ko inyo ang plano ni Strike. He’ll kill me.”
Umismid si Ur. “What? Eh nakakairita na ang babaeng `yan.”
Mapait na ngumiti siya. Hindi na niya makontrol ang galit na namumuo sa dibdib niya. “Ang kapal ng mukha mong sabihin `yan.”
HINDI mapakali si Strike habang naghihintay sa pavilion kung saan nakahanda ang candlelight dinner na hinanda niya para kay Cee-Cee. `Yon ang lugar kung saan may magandang view ang dagat, kahit pa may kadiliman na dahil pinuno naman niya ng iba’t ibang klase ng naggagandahang ilaw ang paligid.
Ang sabi ng chauffeur na naghatid kay Cee-Cee ay kanina-kanina pa ito dumating. Tinawagan na niya ang dalaga kahit masisira niyon ang sorpresa sana niya para rito. Matagal bago sinagot ni Cee-Cee ang tawag niya.
“Cee-Cee. Where are you? Bakit pinaghihintay mo ko?” kunwari ay naghihinanakit na tanong niya rito.
“Strike. May itatanong ako sa’yo kaya sana sa pagkakataong ito, maging totoo ka sa’kin.”
Natigilan siya. Napakaseryoso ng boses ni Cee-Cee. “Cee-Cee, what’s wrong?”
“Ikaw ba ang best friend ni Kraige na nasa America noon?”
Naramdaman niya ang biglang panlalamig ng buong katawan niya, kasabay ng pagdagundong ng puso niya dala ng pinaghalong kaba at takot. “Nasaan ka, Cee-Cee?”
“Sagutin mo muna ang tanong ko,” kalmado pero may diing utos nito.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa cellphone niya, habang ang isang kamay niya ay mariing nakakuyom na bumaon na nga ang mga kuko niya sa palad niya. “Ako nga.”
“Kung gano’n, nagsasabi nga ng totoo ang mga kaibigan mong nandito rin ngayon sa resort mo,” mapait na wika nito.
Nabigla siya. “They’re here?” Hindi na sumagot si Cee-Cee. Sa halip ay busy tone na lang ang narinig niya. “Cee-Cee!”
Umalis na siya sa pavilion at patakbong pinuntahan ang entrance ng resort. Habang tumatakbo siya ay saka niya naalala ang posibleng dahilan kung bakit naroon sina Colin.
“Strike, mabuti naman at bumaba ka na. Pinag-uusapan lang namin ng barkada na sa beach resort mo na lang ganapin ang birthday bash ko next week.”
Nagagalit siya. Bakit ba nakalimutan niyang sa resort nga pala niya balak ni Colin na i-celebrate ang birthday nito?
Pagdating niya sa entrance, nakita niya si Cee-Cee na nakatayo lang habang nasa harapan nito sina Ur at Coleen na pinipigilan nina Colin at Josei.
Mapait na ngumiti si Cee-Cee. Hindi pa siya nito nakikita. “Ang kapal ng mukha niyong isipin na magagawa kong guluhin ang nalalapit na kasal nina Kraige at Cleo. Akala niyo ba hindi ko alam na kayo ang gumawa ng paraan para si Cleo ang piliin niya at hindi ako? Natatakot ba kayo ng bawiin ko si Kraige mula sa mang-aagaw niyong kaibigan?”
Sinampal ni Ur si Cee-Cee. “Bawiin mo `yong sinabi mo kay Cleo! Hindi siya mang-aagaw dahil no’ng una pa lang, siya na ang mahal ni Kraige!”
Sinampal din ni Cee-Cee si Ur. “Ako ang fiancee. Kaya kahit ano pang sabihin niyo, si Cleo pa rin ang nang-agaw.”
Akmang muling susugurin ni Ur si Cee-Cee nang pumagitna na si Strike sa dalawang babae. Tumayo siya sa harap ni Cee-Cee.
“Stop it, Ur!” galit na saway niya rito.
Halatang nagulat at natakot si Ur sa pagsigaw niya. “Strike...”
Akmang pagsasabihan pa niya si Ur nang makita niyang naglalakad na palayo si Cee-Cee. Agad niya itong hinabol.
“Cee-Cee, wait!”
Pumihit paharap sa kanya si Cee-Cee, kasabay ng malakas na pagdapo ng palad nito sa pisngi niya. “Congratulations, Strike. Dahil ginawa mong distraction ang sarili mo sa’kin, hindi ko na magagawang sirain ang kasal nina Kraige at Cleo.” Mapait na ngumiti ito. “Ganyan pala kababa ang tingin mo sa’kin.”
“Cee-Cee –” Bigla siyang natigilan sa pagsasalita nang pumatak ang mga luha nito.
“Masaya na ba kayo, Strike? Siguro, sa tuwing nagkikita-kita kayong magkakaibigan, pinagtatawanan niyo ko.”
“Cee-Cee, hindi totoo `yan!”
Napahikbi ito. “Ano bang kasalanan ko sa inyo? Ako ang inagawan, ako ang sinaktan at ako ang iniwanan. Ako pa rin ba ang masama?”
With one last accusing look, Cee-Cee started to walk away again. Gusto niya itong pigilan, pero nang makita niya ang sakit sa mga mata nito, alam niyang mas lalo lang niya itong masasaktan.
Muli niyang naikuyom ang mga kamay niya. Hindi niya gustong saktan ito. At mas nasasaktan siyang malamang siya ang dahilan ng pag-iyak nito.
“What was that all about, man?” nagtatakang tanong ni Josei nang balikan niya ang mga kaibigan niya.
“Anong sinabi niyo kay Cee-Cee?” galit na tanong niya sa mga ito himbis na sagutin ang tanong ni Josei.
“Kung ano `yong totoo,” sagot ni Colin sa seryosong tinig. “Hindi ba’t plano mo naman talaga na bantayan si Cee-Cee para hindi niya guluhin ang kasal nina Kraige at Cleo?”
Lalo siyang nagalit sa sarili niya dahil siya ang nagsimula nang kasinungalingang iyon, kahit pa si Colin ang naghayag niyon. “Pero sinong nagsabi sa’yo na niligawan ko lang si Cee-Cee para i-distract siya?”
Halatang nagulat si Colin. “Strike, `wag mong sabihin...”
“Fuck, yes! I’m in love with Cee-Cee!” Naiinis na inihilamos niya ang mga kamay niya sa mukha niya. “I was about to tell her that I am Kraige’s best friend, at handa rin akong sabihin sa kanya na ako ang pasimuno ng pakikipaghiwalay ni Kraige sa kanya, pero hindi sa ganitong paraan!”
Gumuhit ang galit sa mukha ni Kraige. “Naririnig mo ba ang sarili mo, Strike? Mahal mo si Cee-Cee?” hindi makapaniwalang tanong nito, saka siya hinablot sa kuwelyo niya. “Fuck you, Strike! She is your best friend’s ex-fiancee! May balak ka bang sirain ang barkada natin?!”
Marahas na tinabig niya ang mga kamay ni Colin sa kuwelyo niya. “Kung isang malaking pagkakamali para sa inyo na mahalin ko ex-fiancee ng best friend ko, `wag kayong malala. I quit as Kraige’s best friend. And I’m also quitting in this group,” mapait na sabi niya saka niya tinalikuran ang mga ito.
HINDI pa rin makapaniwala si Cee-Cee sa mga naganap ng gabing iyon. Pero patunay ang walang patid niyang pag-iyak at ang sakit sa puso niya para malamang totoo ang lahat ng iyon.
Pagdating niya sa apartment niya ay agad siyang pumunta sa silid niya ay kinuha ang nakasabit na jacket ni Strike sa pader niya. Iyon ang jacket na suot nito nang sorpresahin siya nito noong birthday niya. Hiningi niya iyon sa binata bilang “remembrance” ng araw na napagkasunduan nilang mahalin ang isa’t isa.
Nagtungo siya sa kusina at binuksan ang garbage can pero nang akmang itatapon na niya ang jacket do’n ay bigla siyang natigilan.
Muli na naman siyang napaiyak. Sa sobrang pagod at panghihina, napaupo na lang siya sa sahig. Isinubsob niya ang mukha niya sa jacket. She inhaled Strike’s scent that still lingered on the jacket.
Kahit anong pilit niya, hindi niya lubusang mapaniwala ang sarili niyang pagpapanggap ang lahat ng naganap sa pagitan nila. Ang mga ngiti ni Strike, ang mga yakap nito, ang mga halik at ang mga haplos nito, naramdaman niyang totoo ang lahat ng iyon.
Sa ideyang iyon ay unti-unting kumalma ang sistema niya.
“Hindi mo `yon magagawa sa’kin, hindi ba? Strike?” pagkausap niya sa jacket na animo’y si Strike iyon. “Siguro, nabigla lang ako sa mga narinig ko. Pero kaya mong ipaliwanag sa’kin ang lahat, `di ba?”
Kalokohan na nga siguro, pero sa puso niya, umaasa pa rin siyang hindi totoong nagpapanggap lang si Strike. Katangahan na nga siguro, pero kung sasabihin nitong mahal siya nito, patatawarin niya ito.
Sa pagtayo niya ay dinukot niya ang cellphone niya sa bulsa niya para sana tawagan si Strike. Pero nahulog ang kung ano mula sa bulsa ng jacket ni Strike. Pinulot niya iyon. Isa iyong USB.
Napakurap siya. Dala iyon ni Strike noong birthday niya. Posible kayang sorpresa nito iyon sa kanya na nakalimutan lang nitong ibigay sa kanya dahil sa natakot ito sa kulog at kidlat? Maybe he made a video greeting for her. Alam niyang nagtutunog desperada na siya, pero desperada na talaga siyang magkaroon ng kahit maliit na pag-asang aalis sa sakit sa puso niya.
Natagpuan na lang niya ang sarili niya sa harap ng laptop niya, nakasuksok ang USB do’n. Iisa lang ang laman niyon – isang video. She started to play it.
No’ng una ay malayo ang kuha ng video, pero may nakikita siyang pool at dalawang pigura ng tao na magkaharap at nag-uusap sa tabi ng pool. Pagkatapos ay may narinig siyang boses. Boses ng kumukha ng video. Boses ni Colin.
“Kraige, pare. You have to see this!” masayang sabi ni Colin sa video.
“Ano ba `yang kinukuhanan mo ng video?” tila nayayamot na tanong ni Kraige.
Mayamaya lang ay nag-zoom ang kuha sa video. Naging malinaw na iyon. Sina Strike at Cleo pala ang nasa video! Tila naglakad din ang may hawak ng video camera dahil naging magulo ang kuha, pero mayamaya lang ay narinig na niya ang pag-uusap nina Strike at Cleo. Mukhang lumapit si Colin sa dalawa.
“Cleo, alam kong mahal mo si Kraige,” sabi ni Strike. “Mga bata pa lang tayo, alam ko nang mahal niyo ang isa’t isa. Kaya nga hindi ako makapaniwalang hinayaan mong magkaroon ng ibang babae sa buhay ni Kraige. Hindi ko mapapayagan `yon, kaya gumawa ako ng paraan para kayo pa rin ang maikasal.”
Ngumiti ng malungkot si Cleo. “Strike, alam kong mali ito dahil may nasaktan... pero masaya akong no’ng panahong naguguluhan ako, naroon ka sa tabi ko. Ikaw ang nagbigay sa’kin ng lakas na loob para ipaglaban ko ang pagmamahal ko kay Kraige. For that, thank you.”
Umiling si Strike. “Hindi ko naman ginawa `yon para lang sa inyo. Ginawa ko rin `yon para sa sarili ko.”
“What do you mean?”
Nagkibit-balikat si Strike. “Kung hindi mapupunta sa’kin ang babaeng mahal ko, mas gusto ko nang mapunta siya sa lalaking mahal niya. Because I want her to be happy.”
Napasinghap si Cleo. “Strike...”
“Oo, Cleo. Mga bata pa lang tayo, mahal na kita.” Lumapit si Strike kay Cleo, at kinulong ang mukha ng dalaga sa pagitan ng mga palad nito.
Unti-unting bumaba ang mukha ni Strike sa mukha ni Cleo. Pero bago pa mahalikan ni Strike si Cleo ay dumating si Kraige at sinuntok si Strike.
Kasabay ng pagtapos ng video ay ang mabilis at sunud-sunod na pagpatak ng mga luha ni Cee-Cee.
Nakipaglapit lang si Strike sa kanya para masiguro nitong hindi niya guguluhin ang kasal nina Kraige at Cleo.
Para kay Cleo. Dahil mahal ni Strike si Cleo.
“Cee-Cee! Open the door!”
Natauhan lang siya nang mariniga ang sunod-sunod na pagkalabog sa pinto ng apartment niya. Boses iyon ni Strike. Wala sa sariling naglakad siya at binuksan ang pinto.
“Cee-Cee!” bulalas ni Strike. He cupped her face. “I’m sorry, baby. I really am. Hindi ko sinasadyang itago sa’yo ang katotohanan. Totoong ako ang best friend ni Kraige. Totoo rin na ako ang nagplano para mapaamin sina Kraige at Cleo na mahal nila ang isa’t isa. Pero hindi totoong nakipaglapit lang ako sa’yo para lang bantayan ka. Kahit kelan, hindi ko inisip na magagawa mong guluhin ang kasal nina Kraige at Cleo.”
“Kung gano’n, bakit ka nakipaglapit sa’kin?”
“Because I like you,” matatag na sagot nito. “Gusto na kita kahit hindi ko pa alam no’n na ikaw ang fiancee ni Kraige.”
Tiningnan niya ang mukha ni Strike. He looked like he was desperately trying to make her believe in him again. Gusto sana niya, pero pagkatapos ng napanood niya, tila ba lumabas lang sa kabilang tainga niya ang mga narinig niya. Ang gusto na lang niya ay palitan ng galit ang pagmamahal niya kay Strike. Dahil `yon lang ang tanging paraan para hindi siya masaktan.
“Strike, puwede ba kong humingi ng pabor sa’yo?” nanghihinang pakiusap niya.
“Kahit ano, Cee-Cee. Kahit ano.”
Naramdaman niya ang muling pagpatak ng mga luha niya. “Lumayo ka na sa’kin.”
Bumakas ang sakit sa mga mata nito. “Pero Cee-Cee...”
Umiling-iling siya para pigilan ito sa pagsasalita. “Ikaw at ang mga kaibigan mo... pare-pareho lang kayo. Ayoko nang maging sentro ng katatawanan niyo. Ang gusto ko lang naman ay maging masaya na. Mahirap bang ibigay `yon?”
Nang walang makuhang reaksyon mula kay Strike ay unti-unti na niyang sinara ang pinto. Hindi siya nag-iwas ng tingin dito dahil gusto niyang makita nito ang sakit sa mga mata niya. Gusto niyang ipakita at iparamdam dito ang sakit niya.