“Kailangan ka ba niya? Baka naman may lakad kayo. Di ka pa sumama. Maiintindihan ko naman iyon. Kasama ko naman si Maddie.”
“Nanay, mas gusto ko naman po dito sa bahay. Nakakapagod sa labas. Kailangan ko rin po na magpahinga,” aniya at humilig dito.
Pero habang nanonood ay nagbu-blur sa paningin niya sina JC Santos at si James Reid. Di na niya ma-enjoy ang magandang lokasyon ng Athens, Greece. Lumulutang ang utak niya kay Jameson. Nasaan na kaya ito? Saang bar ba ito nagpunta? Sino kaya ang kasama nito? Mga ka-opisina kaya niya o baka naman may nakilala na itong babae sa bar.
Lumagabog ang kaba sa dibdib ni Nadia. Hindi mawala sa isip niya ang imahe na nasa isang madilim na bar si Jameson. Nasa dance floor ito at napaliligiran ng iba’t ibang babae na . They got their hands on him. At isa sa mga ito ang nagbukas ng butones ng polo nito...
“Nooooo!” tili ni Nadia at biglang tumayo.
“Anong nangyayari sa iyo?” nagtatakang tanong ng pinsan niya.
“A-Ano.... Kasi... Paano kung sina Ali at Basti ang magkatuluyan?” palusot niya. “Hindi ba nakakaloka iyon?”
Nagtataka siyang tiningnan ng inang si Aling Linda. “Anak, Jadine iyan. Siyempre ang magkakatuluyan sina Basti at Iris. Ayos ka lang ba?”
“O-Opo naman,” sabi niya at dahan-dahang umupo. “Uso na po kasi ngayon ‘yung Love Wins. Iba na ang nagkakatuluyan.”
“Ano ba ang tinira mo at parang lutang ka?” tatawa-tawang tanong ni Maddie.
Hinablot niya ang Lay’s na potato chips mula sa kamay nito. “Akin na nga ‘yan. Puro ikaw na lang ang kumakain.”
“Paanong di ako ang kakain? Lutang ka nga kanina pa,” sabi nito at sumimangot. “Iniisip mo yata ‘yung hottie na si Sir Jameson.”
“Tse! Kumain ka na nga lang at manood,” angil niya at padarag na ibinalik dito ang Lay’s.
“Thank you!” ngingisi-ngising sabi ng pinsan at sumubo ng Lays.
Pinilit ni Nadia na mag-focus sa palabas. Pilit niyang in-appreciate ang kagandahan ng Greece na isa sa gusto niyang puntahan. Gusto niyang mangarap na balang-araw ay maidadala niya doon ang nanay niya. Pero pasimple niyang sinisipat ang cellphone. Baka may text ito. Baka tumawag. Nang wala siyang nakuhang kahit na anong message ay binuksan niya ang Facebook pati ang Instagram account nito baka sakaling mag-check in o mag-post kung saan ito pumunta.
Di ako concern sa kanya. Wala naman talaga akong pakialam. Gusto ko lang makita... Kung sino ang kasama niya. Kung safe siya. Kung uuwi din siya on time. Silip lang. I am just doing my job. Pupunta pa kami sa Tagaytay Highlands bukas. Kailangang umuwi siya at nang makapagpahinga. Kasama iyon sa training niya.
Pero ilang minuto na ang lumipas ay wala pa rin post ang lalaki. Di niya alam kung nasaan ito. Lalo siyang napraning. Para kung nag-let’s get it on agad ito sa kung sinumang ka-date nito o napulot sa bar? Nooooo!
Hinablot niya ang phone at akmang tatawagan niya pero ibinalik din niya ang cellphone sa arm ng sofa. Baka isipin na naman nito na nagseselos siya. Feelingero pa mandin ang lalaki.
Humalukipkip siya. Di ko siya tatawagan. Wala akong pakialam sa babaeng kasama niya. Wala! Wala! Wala!
“Bakit hindi mo siya tawagan?” untag ni Aling Linda sa kanya.
Nilingon ni Nadia ang ina. “Po?”
“Kanina ka pa patingin-tingin sa cellphone mo. Parang may inaabangan kang tatawag o magte-text sa iyo. Sino pa ba iyan at di mo pa tawagan?” tanong nito.
“W-Wala po. May hinihintay lang akong post ng kaibigan ko,” sabi ni Nadia at tipid na na ngumiti.
“Patingin nga sinong friend iyan.” Biglang dinukwang ni Maddie ang cellphone niya bago pa makahuma ang dalaga. Saka ito tumakbo sa kabila ng sofa at nakataas ang kamay na tiningnan ang cellphone niya. “Ah! Jameson pala ang pangalan ng friend mo. Ini-stalk mo siya. Kaya naman pala distracted ka.”
Hinablot niya ang cellphone mula sa pinsan. “Hindi ko siya ini-stalk. Diyan ka na nga. Matutulog na lang ako. Maaga pa ako bukas.” Humalik siya sa pisngi ng ina. “Goodnight po.”
“Ulitin na lang natin itong Till I Met You marathon bukas para maintindihan mo. Huwag ka nang mahiya. Tawagan mo na dahil di ka matatahimik hangga’t di mo nakakausap,” payo ng ina at pinisil ang braso niya.
Pagpasok sa kuwarto niya ay tinitigan niya ang pangalan ni Jameson sa contact niya. Ipinilinig niya ang ulo. Hindi ko ibababa ang pride ko.
Pero di ibig sabihin ay di siya makikibalita dito. Tinawagan niya ang number ng driver ng binata. “Manong, nasaan po kayo ni Jameson ngayon?”
“Nandito po ako sa bahay. Maaga po akong matutulog dahil pinapasundo kayo ni Sir Jameson nang maaga bukas.”
“Ibig pong sabihin umalis si Jameson nang hindi kayo kasama?”
“Naku, Ma’am. Ang alam ko di siya umalis sa kuwarto niya. Maaga din daw siyang matutulog.”
Kumunot ang noo niya. “Sigurado po kayo? Sabi niya magba-bar siya ngayon dahil nami-miss na niyang lumabas. Pwede pong i-check niya sa kuwarto niya?”
“Sandali po at sasabihan ko si Luningning ko para katukin si Sir Jameson.”
Palakad-lakad siya sa kuwarto niya habang pinapakinggan ang pag-uusap ng mag-asawa. “Baka tulog na si Sir Jameson. Nakita ko pang nakasando at shorts lang kanina.”
“Tingnan mo na nga.”
Mahigpit ang hawak niya sa cellphone habang pinapakinggan ang katok sa pinto. Malakas ang pakiramdam ni Nadia na tumakas si Jameson gaya ng dati nitong ginagawa. Di ma-imagine ng dalaga na pipirmi lang ang lalaki sa bahay kapag Biyernes ng gabi.
Narinig niyang bumukas ang pinto. “Manang, bakit po?”
Nanlamig ang buong katawan ni Nadia. Boses iyon ni Jameson. Nasa mansion lang ito. Hindi ito umalis. Hindi ito nag-party.
“Nag-aalala po kasi sa inyo si Ma’am Nadia. Baka daw po umalis kayo nang di ako kasama,” anang driver.
Napasandal ang dalaga sa dingding ng kuwarto niya at padausdos na umupo. Walling kung walling ang drama niya. Sana nga ay lamunin na lang siya ng pader ng mga oras na iyon. Kailangan pang sabihin kay Jameson na nag-aalala siya dito.
Dali-dali niyang in-off ang cellphone. Di niya kayang kausapin si Jameson ngayon. Nakakainis! Nakakainis talaga.
Humiga siya sa kama at nagtalukbong. Bukas na niya bubukas ang cellphone paggising niya. Ugh! Paano niya haharapin si Jameson bukas? Di ba mukha siyang guilty dahil in-off niya ang cellphone niya? Wala na. It’s a done deal. Nai-off na niya.
Pero may ngiti sa labi niya nang pumikit. Saka na niya poproblemahin ang bukas. Ang mahalaga ay hindi nag-bar si Jameson. Di ito nag-pick up ng babae sa bar o nakipag-date sa iba. Mahimbing siyang nakatulog.