ILANG minutong nakatulala si Nadia sa kisame. Mula pagkabata ay excited na siyang pumasok sa eskwelahan at hanggang magkatrabaho siya. Dedicated siya sa kahit anong gusto niyang gawin. Wala siyang inuurungang pagsubok. Maliban ngayon. Maliban kay Jameson.
Pwede bang magpanggap na lang ako na may sakit? Hindi ko yata kaya.
Matapos ang ilang minutong tug-of-war sa kama ay tumuloy na siya sa banyo para maligo. Baka sakaling mahimasmasan siya. Nakaligo na siya at lahat pero mabigat pa rin ang loob niya. Parang magkakasakit siya. Tumawag na lang kaya ako kay Miss Tina? Siya na muna ang mag-take over kay Jameson. It was just a social engegament. Di naman masyado tungkol sa negosyo. Konti lang.
Ngayon lang siya a-absent sa trabaho dahil wala siya sa mood. May karapatan naman siguro siya na mawala sa trabaho para pagbigyan ang sarili niya. Ngayon lang ito. Promise kapag okay na ako, babalik din ako sa trabaho. Mag-iipon lang ako ng tigas ng face para harapin si Jameson at limot na niya ang kapalpakan ko.
Nagbibihis na siya ng pambahay at tatawagan sana ang kasamahan nang katukin ng nanay niya ang pinto. “Anak, nandito na ang boss mo.”
“Boss ko po?” tanong niya sa mataas na tono. “Paanong napadpad siya dito....”
“Sinusundo ka daw niya. Sasabihin ko bang lalabas ka na?”
“Nagbibihis pa po ako. Ano po...” Gustong magtitili ng Nadia sa inis. Akala niya ay makakatakas siya sa lalaki. Hindi rin pala. Pwede bang magpaabot na lang siya ng excuse letter at magsakit-sakitan?
“Pakakainin ko na muna sila ng agahan. Bilisan mo. Huwag mo silang paghintayin.”
Walang choice ang dalaga kundi isuot ang white off-shoulder blouse at black pants niya. Wala siyang choice kundi ang harapin si Jameson. Hinayaan niyang maghintay ang lalaki ng kalahating oras. She perfected her hair and make up. Kung susugod siya sa giyera, titiyakin niya na handa siya.
Arresting bitch face mode siya nang pumunta sa kusina. Naabutan niyang kumakain ito habang nakikipagkwentuhan sa nanay niya. “Itong anak ko nga inaalala ko dahil di pa rin nagkaka-boyfriend hanggang ngayon. Puro na lang trabaho,” nag-aalalang sabi ng ina nyang si Aling Linda.
“Baka gusto lang po kayong alagaan, Tita,” sabi naman ng binata. Feeling close. Tita na ang tawag sa nanay niya.
“Sir, baka naman may pwede kayong ireto sa pinsan ko. Pwede ring kayo na lang ang manligaw sa kanya. Choosy pa ba siya kapag kayo ang nagyayang makipag-date?” tanong ng pinsan niya at humagikgik.
“Niyaya ko siya kagabi. Ayaw naman niya.”
“Tatanggi-tanggi pero hindi naman siya mapakali kagabi. Parang may hinihintay na tawag at text,” pambubuko ng pinsan.
Ang bruha! Kundi lang may ibang tao, kinonyatan na niya ito ura-urada. Buking na nga siya kagabi ni Jameson, ibinabaon pa siya nito nang buhay.
“Good morning!” pormal na bati ni Nadia at pumasok ng kusina.
“Hi! Breakfast?” yaya sa kanya ni Jameson na nakakamay pa habang kumakain ng tuyo. He looked casual in jeans and collared shirt she had chosen for him.
“Gusto mo ng ham o ng sausage, anak? May salad din iyan saka wheat bread. Ipinagdala ka kasi ng agahan ni Sir Jameson,” sabi ng nanay niya na nagniningning pa ang mga mata. Kung di lang sa edad nito, iisipin niya na crush nito ang lalaki.
“Hindi mo na ako kailangang puntahan dito. Pwede namang si Manong na lang,” sabi ni Nadia at napilitang umupo sa tabi ng lalaki dahil iyon na lang ang bakanteng upuan.
“Maaga kaming nagising kaya naisip ko na daanan ka na lang. Nagdala na rin ako ng breakfast para sa inyo. Tuyo pala ang ulam ninyo. Ako tuloy ang nakikain,” sabi ng lalaki. “Masarap palang magluto ang nanay mo. Ikaw din siguro gano’n.”
“Nakakatuwa naman itong si Sir. Hindi maarte. Saka inalala ka pa,” anang si Aling Linda at pinisil pa ang balikat ng lalaki.
“Masipag po kasi ang anak ninyo at lagi akong inaalagaan. Pasensiya na po kung pati ang oras para sa pamilya niya nakukuha ko pa,” nahihiyang sabi ni Jameson at nilingon siya.
“Buti alam mo,” pakli niya at sumubo ng longganisa.
“Ayos lang, Sir. Masaya po kami na napagsisilbihan kayo ng anak ko,” sabi ng nanay niya. Kain pa, Sir.
Tahimik na lang ang dalaga at hinayaan ang binata na makipagkwentuhan sa nanay niya. Hindi niya magawang makontra ang binata. Nakita kasi niya na maaliwalas ang aura ng ina. Masaya siya dahil siguro madalang ang kaibigan ng nanay niya. Mas gusto nito na magkulong lang sa bahay dahil tsismosa naman ang mga kapitbahay niya at puro away lang ang dala kundi man ay hilig mangutang pero di nagbabayad.
“Ano pong gusto ninyong pasalubong, Tita?” tanong ni Jameson nang paalis na sila.
“Huwag na. Nakakahiya naman,” anang nanay niya. “Basta safe lang kayong makauwi ng anak ko at maging masaya kayo sa pupuntahan ninyo.”
“Buko pie. Iyon ang paborito ni Tiyang kapag pumupunta sa Tagaytay si Ate,” singit naman ni Maddie. “Ako rin favorite ko.”
“Sige. Ako na ang bahala.”
Pinanlakihan niya ng mata ang pinsan. Nakakahiya kay Jameson. Pero hinayaan na lang niya ang lalaki sa huli. Siya rin naman ang bibili ng pasalubong para sa pamilya niya. Di na rin siguro maaalala pa ni Jameson ang pangako nito.
“Thank you for last night. Sabi na nga ba’t di mo ako matitiis. Tinawagan mo pa si Manong para lang i-check ako. Di mo pa ako tinawagan nang direkta,” ngingisi-ngising sabi ni Jameson nang bumibiyahe na sila.
“Ayokong abalahin ang pagpa-party mo kung saka-sakali,” nakaismid niyang sabi.
“Di ako umalis ng bahay. Nag-review ako gaya ng gusto mo. Takot ka na baka may ka-date akong iba ‘no?” nanunudyo nitong sabi at siniko pa siya. “Jealous much?”
She looked at him with bored eyes. “Nangumusta lang ako dahil bilin ng papa mo. Tinawagan ako ni Don Felipe kagabi at tinatanong kung nasaan ka, kung ano ang mga ginagawa mo. Nag-aalala siya sa iyo.”
“Mga anong oras kayo nag-usap ?” tanong nito.
“Bago ko tawagan si Manong Marlon,” taas-noo niyang sagot.
Kumunot ang noo ng lalaki. “Sigurado kang si papa ang kausap mo? Kasi kausap ko lang siya nang tumawag ka. Di kaya may prank caller ka lang?”