Prank? Si Nadia ang isang malaking prank.
Pumihit siya palihis dito. “Ah! Ganoon ba?”
Striket two. Hiyang-hiya na siya na nalaman nitong tsine-check niya ito kagabi. Pero mas malaking kahihiyan pala na mahuli siya nito ngayon. Epic fail ang palusot niya.
Aliens, kunin na ninyo ako. Ilayo ninyo ako sa kahihiyang ito.
“Bakit di mo pa aminin na nag-aalala ka talaga sa akin? O kaya nagseselos ka? Okay lang naman talaga sa akin.”
“Pogi mo kasi,” sarkastikong sabi ni Nadia. Sasakyan na lang niya ang trip nito. Tutal wala naman siyang magagawa dahil huli na siya nito.
Hanggang tainga ang ngiti ng lalaki. “Thanks for the compliment. Mas masarap sa kalooban ang nagsasabi ng totoo, di ba? Ang pogi ko talaga. Ulitin mo nga. Ang pogi mo talaga, Jameson. Sobra!”
Pumihit siya patalikod dito. “Ewan ko sa iyo. Inuuto ka lang naniwala ka naman.”
“ANAK, ito ibigay mo sa boss mo para di siya magutom sa flight ninyo. Masyado ka yatang maraming pinapagawa sa kanya. Baka minsan nakakalimutan na niyang kumain.”
Natigil sa pagsusuklay si Nadia at nilingon ang inang si Aling Linda. May hawak ito na microwaveable container na may lamang special puto. Naghahanda na siya sa overnight flight papuntang Isabela para dalawin nila ang factory ng Deogracias Furniture doon.
“Nay, medyo nakaka-offend naman po yata. Para namang sinasabi ninyo na kinakawawa ko si Sir Jameson. Di na po siya bata. Matanda na po iyon.”
“Naku! Kilala kita kung paano magtrabaho. Hindi ka napapagod, hindi ka tumitigil hangga’t hindi mo nagagawa ang gusto mo. At gusto mo ganoon din ang mga tao sa paligid mo. Medyo hinay-hinay lang kay Jameson. Minsan kailangan mo rin mag-relax. Salamat sa ube pie kamo. Mabait ang batang iyon.”
Mabuti pa sa ibang tao ay mabait si Jameson. Pakiramdam ni Nadia ay sakit lang ng ulo ang bigay nito sa kanya. He was good in charming women. Di lang effective sa kanya.
Inilagay ni Nadia sa bag ang pabaon ng ina. “Mas love ninyo siya kaysa sa akin? Siya lang po ang pinabaunan ninyo.”
“Ikaw talaga. Siyempre hati kayo diyan. Mabait kasi ang boss mo. Siya pa mismo ang naghanap ng ube pie para lang mapasalubong sa akin. Kung tutuusin naman di na niya kailangan pang gawin. Naku! Maswerte siguro ang magiging girlfriend niya.”
Paanong swerte? Wala naman yatang balak ang lalaki na magseryoso. All he wanted was a FUBU. Baka mabait lang ito sa nanay niya dahil... Gusto niyang makuha ang loob ko?
Ayaw naman ng dalaga na maging assuming. Baka nami-miss lang ng binata ang nanay nito. Kahit pa gaano ito kababaero, may nanay pa rin ito. At dahil mabait ito sa nanay niya, hindi siya masyadong magiging istrikto dito. Basta nakakasunod ito sa training na ibinibigay niya ay wala silang magiging problema.
Sa NAIA pa lang ay seryoso na ang binata sa binabasang travel magazine. “Ano iyan?”
“Magazine. Lumabas na ang article sa resort ng kaibigan ko. Nakasali kasi ako.”
“Patingin nga,” sabi niya at inilahad ang kamay.
“Uy! Interesado siya,” sabi nito at inabot ang magazine sa kanya.
“Interesado lang ako sa article, hindi sa iyo.”
“Ouch!” usal nito at sinapo ang dibdib. “Enjoy na enjoy kang i-murder ang puso ko. Carinyo brutal ka talaga.”
Inirapan lang niya ito at binasa ang magazine. She was amazed as she read his article about his trip to Kenya. Isang safari lodge iyon na mukhang rustic sa labas pero elegante sa loob. Hinagilap ng mga mata niya ang picture ni Jameson. Nakababad ito sa indoor pool habang nasa background ang puno na walang dahon sa bintana.
Oo na. Guwapo na, maganda pa ang katawan. Happy ka na?
Itinuon na lang niya ang pagbabasa ng article dahil baka sabihin ng lalaki ay pinagnanasaan niya ito. Kumunot ang noo niya nang makita ang pangalan nito bilang isa sa tumulong sa interior ng resort partikular na sa disenyo ng furniture. May ganoon bang talento si Jameson o baka naman may iba pang Jameson Deogracias sa mundo.
“Jameson, ikaw ba ang Jameson Deogracias na nandito sa article?” tanong niya sa lalaki.
Umiling ang lalaki. “Hindi. Baka kapangalan ko lang,” anito at tumayo. “Let’s go. Tinatawag na ang flight natin.”
Habang nasa ere sila ay binabasa pa rin nito ang magazine pero napansin niya na nagte-take down notes ito. Inilabas niya ang miryendang padala ng nanay niya.
“Sarap naman ng baon mo,” anitong nawala ang atensiyon sa ginagawa.
“Padala ni Nanay. Hatian daw kita,” sabi niya at tipid na ngumiti. “Gusto niyang magpasalamat dahil daw hinanapan mo pa siya ng ube pie. Gusto ko ring mag-thank you dahil mabuti ka sa nanay ko. I really appreciate it.”
“Wala iyon.” Isinumpak nito ang puto. Umungol ito habang nakapikit. “Sarap. Masarap talaga ang may nanay. May nag-aalaga lagi sa iyo.”
“May tatay ka naman. Nagsikap siya para bigyan ka ng magandang kinabukasan. Kayo na lang ang pamilya kaya dapat hindi mo siya pabayaan. Maswerte ka dahil may tatay ka pa rin. May i bang lalaki diyan na magaling lang gumawa ng bata pero hindi marunong na humarap sa responsibilidad. Kausap-kausapin mo ang tatay mo kasi may ibang mga anak na ni hindi man lang nakausap ang tatay nila. Ni hindi nila nakita kasi sinadya silang talikuran.”
“Look. The issue with me and father is between the two of us. Kaming dalawa lang ang nakakaalam ng totoong nangyari.”
Natigilan si Nadia. Nasobrahan na yata siya sa pakikialam. “I’m sorry. Nadala lang kasi ako ng emosyon ko.”
Kinabahan siya. Nitong nakakaraang araw ay lagi niyang nababara ang lalaki dahil sa pagiging intrimitido nito at pagiging assumingero. But this time, she stepped the line. Trabaho lang dapat ang focus niya. Wala na siyang pakialam sa relasyon nito sa ama.
Sumubo ulit ng puto ang lalaki. “This is great. Ano pang alam iluto ng nanay mo?”
Nakahinga na nang maluwag si Nadia dahil naiba na ang usapan. She won’t commit that mistake. Hindi magandang senyales na nakikialam siya sa relasyon ni Jameson sa ama samantalang may mataas na pader na nakapaligid sa puso niya.