Umikot ang mga mata nito. “That’s pushing it too far.”
“Na mahalin mo ang kompanya?”
“Na magkakaanak ako. Nakikita mo ba na magkakaapo si Papa sa akin?” His face was funny. Na parang imposibleng mangyari iyon.”
Kung magpapakasal ito at magkakapamilya gaya ng tradisyunal na lalaki, parang malabo. Nakalipat na at lahat ang mga tao sa Mars pero parang di pa rin ito ang tipo ng lalaki na magpapakasal. Pero kung magkakaanak, bakit naman hindi?
“Oo naman,” sagot ni Nadia. “Kung saan-saan ka nakarating at sure ako na di ka nakikipagtitigan lang sa mga babae. Malay mo marami kang panganay na nagkalat. Isang araw basta na lang susulpot ang nanay dala ang mga tagapagmana mo.”
Napaubo si Jameson at sinapo ang dibdib. “Mga tagapagmana? Grabe ka sa akin.”
“Imposible bang mangyari? Virgin ka pa ba? Puro at dalisay?” naghahamon niyang tanong at ngumisi nang namula ang lalaki.
"I am always protected," pagmamalaki pa nito.
"Walang one hundred percent safe. Di mo masasabi ang himala ng buhay.” Pinanlakihan niya ito ng mata. “Huwag mong sabihing hindi mo alam?”
Pumihit ang lalaki na parang di komportable sa topic. "Iba na nga ang pag-usapan natin. Dito ko na ipapa-serve ang dinner natin.”
“Paano iaakyat ang dinner natin?”
“Malalaman mo rin. Anong masasabi mo sa pabrika natin dito? Ano sa palagay mo ang pwedeng i-improve?"
Napunta sa trabaho ang usapan nila ng binata. Interesado ito sa mga insights niya at sinabi din niya dito kung ano ang mga problema sa pabrika.
Maya maya pa ay dumating na rin ang hapunan nila. Inakyat iyon sa pamamagitan ng basket na nakakabit sa pulley at hihilahin na lang paakyat. Parang si Tom Sawyer at Huckle Berry Finn sila ni Jameson. Na-experience niyang maging bata. Wala siyang ganoong luxury sa buhay noong bata pa siya.
Masarap ang pagkain pero di pa rin mawala sa isip ni Nadia sa isyu ng posibleng pagsulpot ng anak ni Jameson. Kung tutuusin ay wala na siyang pakialam dito. Masyado nang personal iyon at wala nang kinalaman sa trabaho niya. But she still wanted to know what was running inside his head. Siguro dahil nakikita niya dito ang tatay niya.
"Sir Jameson, paano kung biglang may dumating na ex-girlfriend mo at may kasamang bata na anak mo, anong gagawin mo? Itataboy mo ba o ide-deny mo?" di makatiis na tanong ni Nadia dito.
"Siyempre ipapa-DNA ko muna para malaman ko kung anak ko nga," kaswal na sagot nito. He had no idea about the turmoil inside her chest.
"At kung anak mo?" halos di humihinga niyang tanong.
Gagayahin ba nito ang mga character sa teleserye o nobela na babayaran na lang ang anak para manahimik? Itataboy ba nito? The topic was so sensitive but too personal on her part. She wanted to know. Bata pa lang siya ay gusto na niyang maintindihan kung bakit di pinanagutan ng tatay niya ang nanay niya. Kung bakit hindi na nito binalikan matapos malaman na buntis sa kanya. Kung pareho lang ang tatay niya at si Jameson, bakasa sakaling masagot na ang mga tanong niya.
"Siyempre tatanggapin ko. Anak ko 'yun," walang gatol na sabi ng lalaki.
"Hindi mo itatakwil?" gulat iyang usal. “Hindi mo babayaran para itaboy ang mag-ina o kaya manahimik sila?”
Natawa lang si Jameson at hinampas ang futton bed. “Ano bang teleserye ang pinagpapanood mo? Mukha ba akong matapobreng mayaman.”
Umingos siya. “Bakit? May mga lalaki naman talaga na di gusto ng responsibilidad. O kaya ayaw maibulgar na may anak sila kasi mas gusto nila ang buhay binata.”
“Alam ko na di maganda ang reputasyon ko sa iyo pagdating sa mga babae at puro YOLO lang ako. Pero ibang usapan na kapag may bata. Kahit na may di kami napagkakasunduan ni Papa, nagpapasalamat ako na di ako katulad ng ibang bata diyan na hindi pinanagutan ng ama o kaya iniwan o pisikal na sinasaktan. Walang kahit sinong anak ang dapat na maramdaman na inabandona sila o kaya sinasaktan sila. At hindi ako papayag na maramdaman ng anak ko o magiging anak ko na may kulang sa buhay niya.”
Parang may bikig sa lalamunan ni Nadia. Dinampot niya ang tubig at tinungga. Parang may kumurot sa puso niya. O siguro ay di niya inaasahan na iyon ang isasagot ni Jameson. This carefree guy knew how to take responsibility. Gusto niyang isipin na pini-PR lang siya nito, na sinasabi lang nito ang gusto niyang marinig. Pero nakita ni Nadia ang sinseridad sa mata ng binata.
Nilagyan nito ng dessert ang platito at inabot sa kanya. "Kahit pa hindi ko anak, tutulungan ko 'yung nanay. May pinagsamahan din kami no'n kahit paano. Saka mahirap magpalaki ng anak na mag-isa.”
“Oo. Ganoon din si Mama sa akin. W-Wala kasi akong tatay,” aniya at nakagat ang pang-ibabang labi. “Hindi sa naghahanap ako ng tatay. Ayaw naman niya sa amin. Di ko naman ipipilit ang sarili ko. Pero... Pero di ko lang maintindihan baka mamaya ako ang may mali sa akin. Kung bakit ayaw niya sa akin.”
“Hey! Wala kang mali. Desisyon iyon ng tatay mo at wala kang mali doon. Problema na niya kung hindi ka niya gustong kilalanin na anak o di kayo binalikan. You have grown into a wonderful woman.”
“Wonderful ako?”
“Oo naman. Sunud-sunuran nga ako sa iyo. Kaya kung may manloloko man na lalaki sa iyo, sabihin mo sa akin at gugulpihin ko,” paniniyak nito.
Magaan siyang tumawa. “Baliw. Di ako basta-basta maloloko kasi wala akong balak na magpaloko. Di ako magbo-boyfriend.”
“Di mo masasabi iyan lalo na kapag na-in love. Look. Maraming lalaki na sira ulo. Isama mo na ako. Pero may matitino din na lalaki. Di ka dapat matakot na magmahal dahil lang may masama kang experience sa iba. Naiintindihan mo?”
Tumango siya at huminga nang malalim. “Wala naman sa plano ko ang ma-in love.”
“Hindi pinaplano iyan. Basta na lang nararamdaman. Kaya dapat open-minded sa love. Dahil ‘yung mga kontra daw nang kontra, sila ang matindi kapag tinamaan. Sila ‘yung baliw na baliw sa pag-ibig.”
Siniko nito. “Huwag ka ngang nananakot.”
“Di ako nananakot. Nagsasabi lang ako ng totoo.”
“Pero thank you, ha? Nagpapasalamat ako para sa anak mo kahit di mo pa siya kilala.”
“Parang sure ka na may ibang anak ako.”
Magaan na tumawa si Nadia. “Okay. Nagpapasalamat ako para sa magiging anak mo kasi di mo siya pababayaan. Sa palagay ko mabuti ka namang tao. Di lang halata.”
“Okay na sana sabay babanatan mo ako ng ganyan,” nagtatampong sabi nito.
Natawa na lang si Nadia sa paghaba ng nguso ni Jameson. She felt a bit guilty. Nahusgahan niya ang binata. At least, alam niya na hindi magiging kawawa ang magiging anak nito gaya niya. Maswerte ang magiging anak nito.