NAKANGITING binuksan ni Nadia ang bintana ng kuwarto niya. Dumungaw siya sa bintana ng kuwarto niya at bumungad sa kanya ang makulay na hardin. Naaliw din siyang pagmasdan ang makapal na hamog na nakabalot sa kabukiran at bundok. "Good morning, world!"
Di niya pagsasawaang pagmasdan ang magandang tanawin. Nakaka-relax ang berdeng bukid at bundok. She could look forward to waking up every morning with a view like that.
Ayaw pa niyang umuwi. She was enjoying the barrio life. Parang napakagaan magtrabaho doon. Siguro dahil walang traffic at sariwa ang hangin. Akala niya ay mabo-bore siya sa probinsiya pero parang ayaw pa niyang umalis. To think na dalawang araw pa lang siya doon. Sayang lang at mamayang hapon na ang flight nila ni Jameson pabalik ng Maynila.
Sana maipasyal ko si Mama sa ganito kagandang lugar. Sigurado ako na makakabuti ito sa kanya at sa akin.
Pero dahil wala naman siya sa bakasyon, kailangan niyang mag-focus sa trabaho. Bumaba siya ng hardin para maglakad-lakad habang may oras pa siya. Nasalubong niya ang mayordomang si Manang Soling.
“Good morning, Manang. Si Jameson po?" tanong ng dalaga. Baka tulog pa ang binata. Kailangang gisingin na niya ito para di sila mahuli sa pagpasok sa pabrika.
"Maagang umalis, Ma’am. May gagawin daw po siyang importante."
Lumabi si Nadia. "Di man lang nagsabi sa akin."
"Hayaan mo na ang batang iyon. Ayaw ka daw niyang abalahin sa pagtulog mo. Kumain na siya. Asikasuhin ka daw namin."
Ano ba ang naisip nito at umalis nang maaga? Naalala niya nang dalawin ang libingan ng ina. Baka dinalaw nito ang libingan ng lolo at lola. Kung hindi man, kampante siya na di nito tatakasan ang trabaho mamaya. Ang alam niya ay kakausapin pa nito ang ibang mga tauhan kung may hinaing sa trabaho ng mga ito at kung paano mapapabuti ang kalagayan ng mga ito.
Nagbasa muna siya ng email habang hinihintay ang pagbalik ng binata. Maya maya pa ay nilapitan na siya ng driver. “Ma’am, quarter to nine na po.”
“Si Sir Jameson?”
“Nasa pabrika na po. Ihatid ko na lang daw po kayo doon.”
Bumuntong-hininga ang dalaga. “Ang lalaking iyon talaga.”
Nagpahatid na siya sa van. Sampung minuto lang ang biyahe mula sa mansion patungo sa pabrika. Pagdating niya ay sinalubong agad siya ng manager ng pabrika na si Manong Berto. “Good morning, Ma’am Nadia.”
“Good morning. Nasaan po si Sir Jameson?” tanong niya at luminga sa paligid.
“Nandoon po. Nasa lihaan ng set,” sagot nito. “Kanina pa po siya nagliliha.”
“Nagliliha?” usal ni Nadia.
Sinamahan siya sa pakinisan ng mga muwebles. Mula sa carving department, nililiha ang mga muwebles para pakinisin. Pagkatapos ay babarnisan ito para sa finishing touches.
Naabutan niya si Jameson na nakaupo sa harap single set na di pa gaanong makinis. Nakasuot ito ng T-shirt at gula-gulanit na pantalon. May nakatali itong bandana sa ulo upang maprotektahan marahil sa kusot na mula sa kinikinis na kahoy. Iisipin niya na isa ito sa mga trabahador doon kung di niya ito napagmasdang mabuti.
“Sir, huwag po kayong maawa sa kahoy. Di naman aaray iyan. Kailangang may diin nang bahagya. Kailangan pong bilisan natin at matatambakan tayo ng trabaho,” sabi ni Mang Turbino na namumuno sa naturang department.
“Baka po kasi masobrahan ako at wala nang matirang kahoy,” nakangising sabi ng binata.
Napakamot na lang si Mang Turbino. “Sir, pagod na po ata kayo. Di po kayo makakatagal kapag ganyan nang ganyan. Huwag ninyong tipirin ang liha.”
Nilapitan ni Nadia ang matandang lalaki. “Mang Turbino, kumusta po ang bago nating maliliha? Havey po ba o waley?”
Natawa si Mang Turbino. “Di po ito pwede. Parang di po nag-agahan. Iuwi na po ninyo ng Maynila.”
Sa halip na mainis ay lalong diniinan at binilisan ni Jameson ang pagliliha. “Mang Turbino, pwede na po ba ito? Pasado na po ba? Di naman mahirap itong pinagagawa ninyo. Kayang-kaya ko po ito.”
Nag-thumbs up ang matandang lalaki. “Aprub na aprub, Sir. Kailangan lang pala may magandang babae na manonood sa inyo para makapagpasikat kayo.” Ngumisi sa kanya ang matandang lalaki. “Maiwan ko po muna kayo, Ma’am. Titingnan ko lang po ang ginagawa ng iba.”
“Salamat po, Mang Turbino. Ako na po ang bahala dito,” sabi ni Jameson.
Pinamaywangan ni Nadia ang lalaki. “Anong ginagawa mo? Basta ka na lang nawala kanina. Ni hindi ka man lang nagpaalam kung saan ka pupunta.”
“Dinalaw ko sina Lolo at Lola sa mauseleum. Tapos tumuloy na ako dito sa pabrika. Ibinilin naman kita sa mga tao sa mansion.”
“Wala namang problema. Inasikaso nila ako. Pero bakit mo binubulabog ang mga tao dito? Bakit nagliliha ka?” naguguluhan niyang tanong. Parang siya ang nangangati sa itsura nito. Mainit sa parteng iyon ng pabrika at makusot. Pawisan na ang lalaki at may bahid ng manipis na kusot ang balat nito.
Itinaas nito ang baba. “This is part of my training.”
“Training saan?” Wala naman yata sa program nila ang paglilinis ng kahoy.
“Para sa future ng magiging anak ko.”
Napanganga si Nadia. “Ha?”
“Para maging magaling na tagapagmana ng Deogracias Furniture, dapat maintindihan ko kung ano ang trabaho ng mga tauhan dito. Kung ano ang pinagdadaanan nila. Si Lolo nagsimula din sa baba bago niya naitayo itong negosyo. Si Papa may Masters in Business Administration bago siya nag-take over sa negosyo. While I have nothing. Wala akong MBA. Wala rin akong experience kaya paano ko maiintindihan ang operasyon kung hindi ko naranasan? I have to be effective. I have to understand the operation.” Luminga ito sa paligid. “Kailangan kong maintindihan kung ano ang mayroon sa kompanya na ito. Regalo ito at responsibilidad na di ko naman pinaghirapan. I want to work hard for it. At kapag hinarap ko ang magiging anak ko, may maipagmamalaki naman ako. Malaman niya na naghirap din ao sa kompanya. Di ‘yung basta na lang akong sumulpot mula sa kung saan at nag-take over sa business ng pamilya.”
Nakita ni Nadia ang kagustuhan ni Jameson na patunayan ang sarili nito. She appreciated it. Pero parang di naman yata bagay sa isang tagapagmana ng Deogracias Furniture na gumawa ng mabababang klase ng trabaho. Di rin niya alam kung sasang-ayon ang mga executive ng kompanya at si Don Felipe mismo.
“Kailangan ba talagang gawin mo ang ganito kasimpleng trabaho?” tanong ng dalaga.
“I have to. Kaya kung pwede maiwan muna ako dito kahit isang linggo. Gusto kong maranasan kung ano ang trabaho ng mga simpleng empleyado. Sila ang backbone ng kompanya. Mas makakapag-recommend ako ng improvement sa kondisyon nila kung maiintindihan ko kung ano ang pinagdaaanan nila.”
“Kung iyan ang gusto mo, walang problema. Pwede kong ipa-reschedule ang flight natin. O pwede rin naman tayong lumuwas kung hindi mo na kaya,” sabi ni Nadia dahil di niya alam kung hanggang kailan kakayanin ng lalaki ang simpleng trabaho. Di naman kasi biro ang manual works sa pabrika.
Siya na lang ang bahalang magpaliwanag kay Don Felipe at sa mga executive kung may problema ang mga ito sa aksyon ni Jameson.
“Pwede ka nang bumalik sa Manila kung gusto mo. This is not the place for you,” sabi ng binata.