MUNTIK nang sumabog ang puso ni Nadia nang marinig ang boses ni Mang Berto. Natatarantang dumistansiya ang dalaga kay Jameson. Bumalik siya sa upuan at di makatingin nang diretso kay Jameson. Nanginginig ang buong katawan niya. Muntik na niyang halikan si Jameson. Muntik nang may makakita sa kanila.
"P-Pauwi na po. Napuwing lang po. Hinihipan ko lang po talaga ang mata niya. Iyon lang po. Wala po kaming ginagawang masama,” paliwanag agad ng dalaga.
Hindi niya ma-imagine kung tuluyan niyang hinalikan si Jameson at kung paano siya magpapaliwanag kay Mang Berto.
“Wala naman akong sinabi na may ginagawa kayong masama,” nagtatakang tanong ni Mang Bert nagpapalit-palit ang tingin sa kanila. “Meron ba?”
“Wala nga po. Uuwi na po kami,” nanghahaba ang ngusong sabi ng dalaga at kinuha ang bag. Sa katarantahan niya, kung anu-ano na ang nasabi niya.
“Akala ko tatapusin pa natin ‘yung upuang nililiha mo,” naguguluhang tanong ni Jameson na di pa rin tumitinag sa bangkito.
Hinatak niya ito patayo. “Umuwi na tayo. Kailangan pa nating patingnan ‘yang mata mo. Baka mamaya ma-infect.” Kumaway siya kay Mang Berto. “Bukas na lang po ulit. Salamat po.”
“Okay lang naman ako. Di natin kailangang umuwi agad,” giit ni Jameson nang makasakay na siya ng van.
Gusto na niyang makadistansiya sa pabrika at kay Mang Berto. Para siyang tumatakas sa multo kahit na wala naman. Multo na siya mismo ang gumawa. Bakit ko ba kasi naisipang halikan si Jameson? The idea was stupid to start with.
“Tatawag ako sa family doctor ninyo para i-check up iyan,” giit ni Nadia.
“Puwing lang naman ito.”
“Huwag matigas ang ulo.” Tumawag siya sa mansion. “Manang, sino po ang doctor na pwedeng tawagan. Patitingnan po ang mata ni Sir Jameson.”
“Bakit nga pala ganoon ang reaksyon mo kanina kay Mang Bert? Parang defensive ka,” tanong ni Jameson matapos niyang magbilin kay Manang Soling.
Umingos siya. Di ako defensive.”
“Anong tawag mo doon? Wala naman sinasabing iba ‘yung tao pero nag-deny ka agad na may ginagawa tayong masama.”
Pinanlakihan niya ng mata si Jameson. “Gusto ko lang na maging malinaw. Baka mamaya anong isipin niya.”
Kinagat ng binata ang pang-ibabang labi. “Ano bang iiniisip mo kanina habang nakatitig ka sa akin?” tanong nito sa nang-aakit na boses.
“A-Ano... W-wala naman akong masamang iniisip. Di ko na nga maalala kung ano iyon. Tutal hinihipan ko lang naman ang mata mo.”
“Maybe you wanted to devour my lips.”
“Oo. Parang ganoon na nga,” sagot niya nang di nag-iisip.
“Aha! You wanted to kiss me.”
Nahigit ni Nadia ang hininga. “Ano? Wala naman akong iniisip na ganoon,” kaila niya.
“Nahuli na kita. You wanted to kiss me. You wanted to kiss me.”
“Mali ako ng dinig,” depensa niya.
“You really mean your answer. You really want to kiss me.” At nang-aasar pang inilapit ang mukha sa kanya. “Wala namang masamang maging totoo sa sarili mo.”
Itinulak niya ang noo nito para lumayo ito sa kanya. “Ikaw na nga ang inaalala, manunukso ka pa. Sa palagay mo may oras pa akong isipin na halikan ka samantalang natataranta na nga ako sa pag-aalala sa iyo? Hindi ako katulad mo na ganyan ang iniisip twenty-four-seven.”
Naningkit ang mga mata nitong tinitigan siya. “Hindi mo naman kailangang isipin na halikan ako twenty-four-seven. All you need is one infintesimal moment and that can make a difference. So, naisip mo bang halikan ako kahit na isang sandali lang?”
Naging maingat si Nadia sa isasagot. Di siya pwedeng magpadalos-dalos dahil parang nababaon siya sa kumunoy sa bawat buka ng bibig niya. “Wala e. Wala akong ma-feel. Manhid. Walang pakiramdam.”
Matamang tinitigan ng binata si Nadia. Sinubukan naman niyang magtapang-tapangan na tumitig dito. Nauwi sila sa staring contest. Wala siyang balak na sumuko. Nakasalalay dito ang pride niya.
Please believe me. Please give it up.
Bumuntong-hininga si Jameson. “Ahhh! Okay. Tanggap ko naman na di lahat ng babae may interes sa akin.”
Animo’y nabunutan ng tinik sa dibdib si Nadia. “Thanks.”
“I don’t believe you though. I know you want me.”
Magaan nitong pinitik ang noo nito. “Um! Namumula na ang mata mo, iyan pa ang iniisip mo.”
”Namumula rin ang pisngi mo. Mahirap talagang itago ang totoo, Nadia.”
Itinirik niya ang mata. “Sige lang. Ilusyon pa more.”
“Sabihin mo lang sa akin kapag gusto mo ng kiss. Pagbibigyan kita.”
“Sige. Sasabihin ko sa iyo kapag lumuwag ang turnilyo ko.” Tulad kanina.
Sinakyan na lang ni Nadia ang pang-aasar ni Jameson. Nang tumawa ang lalaki ay nag-normal na ulit ang tibok ng puso niya. Joke lang sana para dito nang sabihin na gusto niya itong halikan. Na nababasa nito ang kilos niya.
“MA’AM, ito po ang mga design na kinontrata sa atin para sa gagawing heritage resort sa Pangasinan," sabi ni Manong Berto.
Graduate na si Nadia sa lihaan nang makatapos ang isang single seatee. Ipinadala siya sa opisina para i-assist ang mga designer sa bagong program na gagamitin sa report. Naiwan naman si Jameson sa kataman at lilukan ng mga muwebles.
Nakalahad sa harap niya ang mga drawing sheet para sa muwebles, tokador at pati treasure chest na magsisilbing safety deposit box ng mga bisita sa resort.
“Talaga? This is nice. Gusto ko ang concept ng treasure box." Hinaplos niya ang intricate carvings ng dragon na lumabas mula sa dagat at kakainin ang buwan.
“Tumulong po si Sir Jameson sa pagde-design ng mga iyan. Nakuha daw po niya ang konsepto sa Philippine mythology. Si Bakunawa po ito na kakainin ang buwan kaya may eclipse. Kaibigan ng lolo niya ang may-ari ng resort. Nalaman niya na gusto ng Princess Urduja theme kaya iyan ang mga suggestion ni Sir Jameson. Nagustuhan naman po ng may-ari. Magaling talaga si Sir. Siya pa nagpaliwanag sa mga manlililok natin kung paano gagawin. May mga bago pa silang natutunan."
Nilingon ni Nadia ang lalaki na abala sa paglililok. “May talento pala ang isang iyon.”
Jameson knew the craft. Mas marami itong alam kaysa sa inaamin nito. O baka hindi lang siya nagtatanong. O baka naman tsamba lang. Nagkataon lang na may alam ito.
Di sa wala siyang tiwala sa kakayanan nito. Pero kung may talent ito sa furniture design, bakit nagtitiyaga ito na makihalo sa mga trabahador? Dine-develop na dapat nila ang talent nito. Minsan ay parang naglalaro lang naman ito.
Or maybe it is just me. Baka may mga bagay na di dapat minamadali. Baka may bagay siyang alam na hindi ko alam. Kung may isang bagay man siyang natutunan, iyon ay huwag maliitin ang kayang gawin ng isang tao. Baka tinutuklas pa lang ni Jameson ang mga kayang gawin nito. Isa pa rin itong misteryo sa kanya.
Nilapitan ni Nadia ang lalaki. Seryoso ito habang nilililok ang bilugang kahoy na maliit pa sa kamao niya. Di naman iyon parte ng kahit anong muwebles. Reta-retaso na kahoy lang ang hinihingi nito para pag-practice-an dahil kailangan ng eksperto sa paglililok para hawakan ang mga muwebles. Pero kahit na retasong kahoy lang ay mukhang seryosong-seryoso ang lalaki sa ginagawa.
“Ano iyan?” tanong ni Nadia habang nakatayo sa likuran ng lalaki.
“Trumpo para sa mga bata."
"Marunong ka palang gumawa niyan.”
"Sinubukan ko lang ang naaalala ko noong buhay pa si Lolo. Dapat ganito ang nilalaro ng mga bata ngayon. Di yung mga gadgets-gadgets.”
“Iyan ang ginawa mo sa mga retaso? Wala ngang sayang." Dinampot niya ang isang trumpo. Di gaya ng karaniwang trumpo, may nakaukit na disenyo doon. May iba't ibang uri ng hayop sa trumpo na hawak niya. "Ikaw din ang gumawa nito?"
"Sinubukan ko lang naman. Baka sakaling makuha ang atensiyon nila. Di lang sila magkaka-interes na maglaro. Pwede rin nilang pintahan ito. Lalabas ang creativity nila."
"That is a good idea. Mas mabuting maging hands on ang mga bata at hindi puro virtual. It is different than playing with gadgets."
Umuklo siya sa harap ng maliit na sofa set.“Wow! This is nice.”
“Those are for the girls. Miniature set para sa dollhouse o sa mga batang naglalaro ng manyika. Naka-pattern iyan sa classic design ng mga set natin.”
Nagningning ang mga mata ni Nadia. Hinaplos niya ang maliit na upuan. Pakiramdam niya ay bata siya. “I want this one. Ang galing mo, Jameson. Dapat noon mo pa inilalabas ang talent mo. Pwedeng maging business ito.”