No Prince Charming (Filipino) Chapter 19

“Hindi ko naman ito naiisip na negosyo. Gusto ko lang mapasaya ng mga bata. Naikwento sa akin ni Lolo dati na siya ang gumagawa ng laruan ni Papa noon kasi wala naman siyang pambili. Kahit ba marami nang laruan na binili sa akin sina Mama at Papa, paborito ko pa rin ang laruang gawa ni Lolo para sa akin. At ang bilin niya, i-share ko sa iba ang laruan ko. Anong gusto mong laruin noon?”

“Wala. Sa bahay lang. Nagbabasa ako ng mga lumang libro ni Mama o kaya nagdo-drawing. Wala naman kaming pambili ng libro noon. Wala akong kalaro kasi napapaaway lang ako kapag tinutukso nila akong walang tatay. Wala rin akong lolo na gagawa ng laruan para sa akin.” Itinakwil ang nanay niya ng mga magulang nito nang malamang walang ama ang ipinagbubuntis nito.

“Pero ano ang pangarap mong laruin sana?”

“I wish I had beautiful dolls and a huge dollhouse. Ganoon naman ang gusto ng mga batang babae. At kapag may dollhouse ka, sikat ka at paborito ka ng lahat.” Nagkibit-balikat ang dalaga. “Pero matagal na iyon. Move on na ako. Gusto ko itong mga nagawa mo.”

“Hindi mo ako sesermunan? Kung anu-anong laro ang ginagawa ko kahit na wala namang kinalaman sa trabaho natin.”

“Higit pa sa trabaho ang ginawa mo ngayon. Inilaan mo ang oras mo para magpasaya ng ibang tao. Pati ang mga magulang ng mga bata matutuwa sa ginawa mo. Kung gusto mo mag-art lesson pa tayo sa Sabado? Sagot ko ang mga gamit nila sa painting,” prisinta ni Nadia.

She had never been this active before. Wala siyang pakialam madalas sa nangyayari sa paligid niya. Kapag trabaho ay trabaho lang. Di niya gaanong iniisip ang ibang katrabaho o ang posibleng pinagdadaanan ng mga ito at ang pamilya ng mga ito. Mas gusto niyang lagyan ng harang ang puso niya para di nadadala ng emosyon. Ayaw niyang masaktan, madismaya o maabuso.

Di niya alam ang saya na pwedeng maramdaman kapag gumawa ka ng mabuti para sa ibang tao. Katulad ng ginawa ni Jameson. Saka niya naalala na may mga tao rin nama na gumawa ng kabutihan sa kanya kahit na simpleng bagay lang.

Nahuli ni Nadia na nakatitig sa kanya si Jameson habang nakakunot ang noo. “Gusto mo ba na...”

“Na ano?”

Tipid itong ngumiti. “Nothing. Tatapusin ko lang ito tapos sabay na tayong magmiryenda. Jollibee?”

“Yup. Later.”

Magagaan ang hakbang ni Nadia nang bumalik sa opisina. Inilabas niya ang laptop para di mawala sa isip niya ang nabuong ideya dahil kay Jameson. She was inspired.

“NABASA ko na ang proposal mo para sa art workshop para sa mga empleyado natin at mga anak nila. Sisimulan na ninyo sa Sabado diyan sa Isabela?” tanong ni Don Felipe nang tawagan si Nadia. Naghahanda na siyang matulog noon. Di niya inaasahan na mababasa ni Don Felipe ang proposal niya.

“Opo. Excited na nga po ang mga magulang na isama ang mga anak nila. Huwag po kayong mag-alala. Hindi naman po maaapektuhan ang trabaho nila,” paniniyak ng dalaga.

Narinig niya ang malalim na paghinga ng matandang lalaki sa kabilang linya. “Mabuti nga siguro iyan. Sayang at hindi ko naisip noon. Kailangan talaga ng family bonding para di maramdaman ng mga bata napapabayaan sila ng mga magulang nila. It is a good way to bridge that gap. Para maintindihan din ng mga bata ang trabaho ng magulang nila.”

Mismong mga magulang ang gagawa ng laruan ng mga bata. Iyon na ang napag-usapan nila. Para makita rin ng mga bata kung paanong naghihirap ang mga magulang para magkaroon ng magandang kinabukasan.

“Importante nga po iyon para mas ma-expose ang mga bata sa art. Para di rin laging gadgets ang naiisip nilang hawakan,” dugtong ni Nadia.

“Nagustuhan ko ang ideya na paggawa ng simpleng laruan. Maganda ang miniature set at ang trumpo. Pati ang pagkakaroon ng mga table runner at kurtina na ka-partner ng mga muwebles natin at mga asawa ng mga trabahador natin ang gagawa.”

“Malaking tulong po sa mga maybahay na magamit ang galing nila sa pananahi at paggagantsilyo. Kahit po sa ibang bansa mabenta iyon,” paliwanag ng dalaga.

“Good job. Kaya hanga ako sa iyo, hija. You are really good.”

“Si Jameson po ang nagbigay sa akin ng idea para gawin ang proposal. Siya po ang gumawa ng mga laruan galing sa retaso na kahoy,” paliwanag ng dalaga.

“Siya mismo?” tanong ng matandang lalaki.

“Opo. Para daw po sa mga bata na anak ng mga trabahador dito. Naalala po niya ang mga laruan na gawa ng lolo niya. Sinubukan lang po niyang gawin. H-Huwag po kayong mag-alala. Nagtatrabaho naman po siya. Kapag free time lang po niya ginagawa ang mga laruan,” anang si Nadia at kinagat ang pang-ibabang labi.

Mahabang sandali na nanahimik si Don Felipe. Sana lang ay tanggapin nito ang paliwanag niya. “Nakuha niya ang talento ni Tatang.”

“Sir, sa palagay ko po maganda na hayaan natin si Sir Jameson na mahasa ang galing niya sa pagde-design. Opinyon ko lang naman po.”

Narinig niya ang paghinga nito nang malalim. “Sa ngayon ituro muna sa kanya ang lahat ng kailangan sa management at pagpapatakbo ng kompanya. Hindi na ako bumabata. Gusto ko bago ako mawala, makita ko na matatag sa mga kamay ni Jameson ang kompanya.”

“Yes, Sir.”

“Magpapagawa ako ng feasibility study para sa mga suggestions mo. Ikaw na ang bahala sa anak ko. Tiyakin mo na hindi siya nadi-distract sa goal niya. You, too.”

Natigilan siya sa sinabi ng matandang lalaki. Hindi ba nito nagustuhan ang ideya niya na i-enhance ni Jameson ang talento nito sa design o iniisip nito na namamanipula siya ng lalaki at nadi-distract siya sa trabaho niya?

Of course not. Mas naka-focus ako sa trabaho ko kaysa dati. I am even enjoying it. At sa palagay ni Nadia ay magiging magaling na tagapagmana ng Deogracias Furniture si Jameson. Inaalam nito kung ano ang puso ng kompanya. Siya ang natututo dito.

Akmang isasara ni Nadia ang bintana nang mapansin niya na bukas ang ilaw ng treehouse. Natanaw niya na naroon si Jameson at parang may ginagawa. Isinara niya ang bintana at lumabas ng kuwarto.

Pumunta siya sa treehouse. “Jameson, aakyat ako, ha?”

Sumilip ang binata. “Huwag na. Makalat dito. Matulog ka na lang.

“Sanay ako sa makalat,” sabi niya at dahan-dahang umakyat ng hagdan. Nang makarating sa taas ay bumungad sa kanya ang pinagkataman ng kahoy. Maalikabok din ang sahig at abala si Jameson sa pagsukat ng mga kahoy na tabla. “Anong ginagawa mo?”

“Secret,” sabi ng binata na seryoso pa rin.

“Pa-secret-secret ka pa. Ano ngang ginagawa mo?”

“Dollhouse,” sabi nito at tipid na ngumiti.

“Ahhhh! Para sa mga bata.” Sumampa siya sa treehouse. “Tutulungan na kita. Kahit tagaliha ako ng kahoy. Expert naman ako....”

Pinigilan nito ang kamay niya nang akmang dadamputin niya ang papel de liha. “Huwag na. Ako na ang bahala diyan.”

“Pati ba naman pagliliha di ko pwedeng itulong? Marunong naman ako.”

“Alam ko. But this is something that I have to do on my own. Okay? Kaya magpahinga ka na at matulog, unless you want me to kiss you.”

“Well, I....”

Inilapit nito ang mnukha sa kanya. “Nadia!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.