No Prince Charming (Filipino) Chapter 21

Pero isang magandang regalo ang ibinigay sa kanya ni Jameson. Nakita kung paano nito paghirapan ang dollhouse.

“Hey! Hindi ko ibinigay iyan para paiyakin ka,” natatawang sabi ng lalaki..

“Hindi lang ako sanay sa ganito. Wala pa kasing gumawa ng regalo para sa akin na ganito kaganda. I don’t know how to thank you.”

“A thank you and smile is enough for me.” Hinawakan nito ang baba niya at pinahid ang luha niya. “Kaya ngumiti ka na.”

Tipid siyang ngumiti. “Baliw ka talaga. Di naman na ako bata para magkaroon ng dollhouse. Ano ba ang pumasok sa isip mo?”

“Alam ko na matatanda na tayo at seryoso sa buhay pero minsan isipin din natin kung paano maging masaya. Kung paano maging bata ulit. You can be that child again, Nadia. Di ko na maibabalik ang nakaraan para pasayahin ang batang Nadia. But I can make you happy in my own little way.”

Tumingkayad siya at hinalikan ito sa pisngi. “Thank you, Jameson. Akala ko ayaw mo na akong kausapin o makasama. Na umiiwas ka sa akin dahil... Dahil hinalikan kita.”

“Ikaw itong umiiwas sa akin.”

Yumuko siya. “That kiss was... Impulsive of me. Hindi ko rin alam kung bakit kita hinalikan. Hindi naman iyon big deal, di ba? Hindi naman kita pipikutin.”

“Yup! Hindi iyon big deal. But you can always kiss me if you want to. Kung pipikutin mo naman ako, that can be arranged. Wala naman akong magagawa kung may pagnanasa ka sa akin. I mean, that is normal. I am used to it. I can always indulge you.”

Inirapan niya ito. “Hindi na ako uulit na halikan ka. Wala naman tayong spark. Wala rin akong naramdaman na espesyal sa iyo.” Humikab siya. “Boring.”

Nanlaki ang mga mata nito. “Boring akong humalik. I can always prove you wrong.”

Nanunukso ang tono nito at hinaplos ang pisngi niya. Heto na naman kami. Ayoko ng mga ganitong dare. DI ako prepared.

“Jameson, I know you are a good kisser.”

Humalukipkip ang lalaki. “You are contradicting your self.”

“Next time you kiss a girl, I hope she’s someone you love or like. Na kung magkakaroon man kayo ng relasyon, dapat forever na ang iniisip mo. Hindi ‘yung di mo na ulit makikita ang babaeng hinalikan mo o hindi mo na maalala ang pangalan.”

Naningkit ang mga mata nito. “Ouch! That’s a bit hard.”

“Ikaw lang ang inaalala ko. You are a wonderful guy. Sa akin nga na empleyado mo lang, nagagawa mo ng pasayahin. Paano pa kapag may nagustuhan ka nang babae? Hindi ba mas may meaning ang kiss kapag ganoon?”

“I could say the same to you. Sa susunod na halikan mo ang isang lalaki, hindi na dahil sa curiosity. Kiss him because you like him.”

Tumango siya. “Yes, Sir. Friends na ulit tayo?”

“Yes. Friends,” sabi nito at kinamayan siya.

No more silly kisses. Di na rin niya papansinin ang atraksyong nararamdaman dito. Masaya na siyang maging kaibigan si Jameson. She would treasure their friendship and she would do her best so she won’t ruin it. Not even for curiosity or attraction’s sake.

“SUPER sweet naman ni Sir Jameson. Siya pa mismo ang gumawa ng dollhouse mo. Sana ginawan ka rin niya ng baby girl para perfect,” kinikilig na sabi ni Maddie. Si Aling Linda ay nasa fitting room ng deparment store. “Feeling ko liligawan ka na niya.”

“Mabait lang talaga si Sir Jameson.”

“Boring ka talaga kahit na kailan o baka naman manhid ka lang. Sino ba namang lalaki ang magpapakahirap na gawan ka ng dollhouse para lang mapagbigyan ang pagiging deprived mo noong bata ka pa?”

“Ginawan din naman niya ng laruan ang iba pang bata.”

“Di ka na bata. Matanda ka na. Kiligin ka naman kahit konti.”

Tumirik ang mata niya. “Wala nga. Friendzone lang kami.”

“Baka ayaw mo lang ma-in love sa kanya kaya ipinamigay mo sa ampunan ‘yung dollhouse,” hula nito.

“Una, wala sa plano ko ang ma-in love. Pangalawa, napag-usapan namin ni Jameson na ibigay na lang sa mga bata sa ampunan ang dollhouse. Mas marami pang sasaya.”

“Baka isipin niya hindi mo na-appreciate.”

“No. He knows that I appreciate it very much.”

Iba na si Nadia ngayon. Iniisip niya dati kung paano makukuha ang mga bagay na gusto niya. Mas gusto niya ngayon na magpasaya ng ibang tao. Masarap naman talaga na makita lagi ang dollhouse na gawa ni Jameson pero mas masarap sa pakiramdam lalo na nang makita niya na laruin ng mga bata sa ampunan ang dollhouse. Kasama din nilang dumalaw sa ampunan ang mga empleyado ng Deogracias Furniture kasama ang mga anak ng mga ito. Namigay di ang mga ito ng gawang laruan mula sa art workshop. Na-realize ni Nadia na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa materyal na pag-aari.

Lumabas ng dressing room ang ina ni Nadia na si Aling Linda. Hawak nito ang floral dress na ipinasukat niya. “Nay, bakit po hinubad na ninyo ang damit? Di pa po namin nakikita.”

“Di naman bagay sa akin. Iyon na lang ulit brown.”

“Nay, kailangan din po ninyo ng ibang kulay ng damit para masaya. Hindi gloomy.”

Mas nahilig na sa madidilim na damit si Aling Linda matapos matuklasan na may cancer ito. Natural na dito na maging bugnutin minsan dahil sa iniinom na gamot. Pero kahit man lang sa damit na suot ay gusto niyang gumaan ang pakiramdam nito.

“Bakit ba tayo ang namimili samantalang ikaw ang may flight mamayang hapon?” reklamo ng matandang babae. “Mas gusto ko na pilian ka ng damit.”

“May damit na po ako. Okay na po iyon. Trabaho naman po iyon at hindi bakasyon,” katwiran ni Nadia.

“Ate, hindi ka naman twenty-four hours na puro trabaho. Relax-relax din kapag may time. Ipipili kita ng magandang dress para maakit mo si Sir Jameson. Tapos bili din tayo ng two-piece na bikini. Pak na pak ka tiyak,” panghaharuyo ni Maddie sa kanya.

“Huwag nga ako. Friendzone nga lang kami,” giit niya. “Kung ayaw ni Mama ng damit, kumain na lang tayo. May two hours pa ako bago pumunta sa airport.”

Papunta sila ni Jameson sa Cebu para sa Philippine International Furniture Show na gaganapin doon. Lalahukan iyon ng iba’t ibang kinatawan mula sa pinakamagagaling sa furniture industry at iba pang industriya na may kinalaman sa interior design and decoration. Pagkakataon na rin ito para makakuha sila ng mga kliyente at maipakilala sa dating kliyente na ang mga bago nilang design.

Nag-aabang na ang marami sa pagdalo ni Jameson sa naturang exhibit bilang tagapagmana ng Deogracias Furniture. Kaya naman matindi ang review na ginawa nila ng binata para maging maayos ang pagpe-present dito sa mga kliyente. Marami pa itong hindi alam pero alam niyang nasa tamang lugar ang puso nito. He would be the deserving heir to Deogracias Furniture. She was confident that he could charm their clients. Gaya ng ginawa nito sa kanya.

Papasok na sila sa isang restaurant nang matigilan sa paglalakad ang ina. “Pocholo? Pocholo!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.