No Prince Charming (Filipino) Chapter 22

Bago pa makahuma si Nadia ay sinundan ng ina ang isang lalaki na nakasuot ng grey suit. Hinawakan nito ang lalaki sa kamay. “Pocholo, nakita ulit kita.”

Tiningnan ng matandang lalaki ang ina sa malamig na mata. “Sino ka? Anong kailangan mo sa akin?”

“Ako si Linda. Di mo na ba ako naalala?” may halong pagsusumamong tanong ng ina. Nanatiling malamig ang mga mata ng lalaki. She knew those eyes. Ganoon din ang mga mata niya kapag humaharap siya sa salamin. Her father’s eyes.

Parang isang Prince Charming sa fairy tale ang ama ni Nadia kung ikwento ni Aling Linda noon. Isa naman itong pabayang ama sa kwento isipan niya. Pero hindi na ito isang kwento lang ngayon. He was real. At wala itong balak na kilalanin ang nanay niya.

She felt furious. Matagal na panahon itong pinangarap na makita ng ina. Umaasa ang nanay niya na mabubuo ang pamilya nila balang-araw. Di nila ito kailangang mag-ina. Di siya papayag na tratuhin nito na parang nakakadiring insekto ang ina.

“Nanay!” tawag ni Nadia sa ina at hinawakan ang kamay nito. “Umuwi na po tayo.”

“Anak, hindi,” tutol ni Aling Linda. “Nandito ang tatay mo. Di ba matagal mo na siyang gustong makilala? Pocholo, ito ang anak nating si Nadia. Di ba iyon ang gusto mong ipangalan sa magiging anak mo dahil iyon ang pangalan ng nanay mo?”

“Stay away from me. Hindi ko kayo kilala.” Walang habas na itinulak ng lalaki ang nanay niya. Muntik nang matumba sa sahig si Aling Linda kundi niya nasalo.

“Pocholo!” hikbi ng ina at di makapaniwalang itutulak ito ng lalaki.

“Hindi ninyo kailangang saktan ang nanay ko,” angil ni Nadia dito. “Pwede ko kayong ipakulong sa pananakit sa kanya.”

“Baka kayo ang ipakulong ko. Gusto siguro ninyo akong perahan. You won’t get even a red cent from me,” anang matandang lalaki at minulagatan siya. Nagkaroon ng mukha sa kanya ang ama - isa itong halimaw. Halimaw sa mga fairy tales na ikinukwento ng ina.

“Pocholo, let’s go!” tawag dito ng isang babae na nakasuot ng eleganteng royal blue dress.

“Sorry to keep you waiting, sweetheart,” sabi ng lalaki at nakangiting nilapitan ang tumawag dito.

“May problema ba?” tanong ng babae at tuminghin sa direksyon nila. “Kilala mo?”

“No. They are just beggars asking for money. Scammers maybe. Let’s go home.” At iginiya nito palayo ang babae.

Hinila na rin niya ang ina. “Umuwi na tayo, Nay. Bibili na lang po kami ng inihaw na manok ni Maddie sa kanto. Pareho din naman po ng lasa dito sa mall. Mamasyal na lang po tayo pagkagaling ko sa Cebu.”

“Mukhang rich na ngayon ang tatay mo, Ate. Mayaman siguro ang napangasawa,” sabi ni Maddie habang nakasakay sila ng taxi.

“Hindi ko siya tatay. Di ko siya kilala,” pakli ni Nadia. “Wala akong pakialam sa kayamanan na pinagpapakasasaan niya. Nabuhay kami ni Nanay nang wala siya.”

“Matagal na kaming di nagkita. Iba na ang itsura ko kaya hindi na niya ako nakilala,” malungkot na usal ni Aling Linda na parang kasalanan nito kung bakit itinaboy ito ng tatay niya. “Pero di naman ganoon kasama ang tatay mo, anak. Mabait iyon...”

“Nanay, hanggang kailan ba kayo mabubuhay sa ilusyon na mahal kayo ni Tatay? Di ba ninyo nakita kung paano niya tayo ipagtabuyan? Wala siyang pakialam sa atin. Gusto pa nga niya tayong ipakulong, hindi ba? Kailan po ba kayo matatauhan?”

“Hindi pinalaki nang may galit sa ama mo.”

“Hindi rin po ako lumaki para maging tanga pagdating sa lalaki. Ayoko nang makita siya kahit na kailan, Nay. Wala siyang kwentang lalaki.”

Tahimik na humikbi si Aling Linda. Pinatigas naman ni Nadia ang kalooban. Wala siyang luhang sasayangin sa lalaki na di kayang irespeto ang nanay niya. At kahit anong sabihin ng nanay niya, wala siyang amor sa lalaking di marunong humarap sa responsibilidad o rumespeto man lang sa babae.

Nagkulong lang sa kuwarto nito si Aling Linda. Ni hindi lumabas para saluhan sila na kumain ni Maddie. Marahil ay dinidibdib pa nito ang pagtataboy dito ng ama. Sana naman ay matauhan na ang nanay niya na kahit kailan ay di ito minahal ng tatay niya.

“Ikaw na ang bahala kay Nanay. Huwag kang pumayag na hindi siya kumain,” bilin niya sa kaibigan.

“Na-hurt yata siya sa pagtataboy ng tatay mo.”

“Mas mabuti na iyon. Baka sakaling ma-realize ni Nanay na sayang lang ang ilang taon na pagmamahal niya sa isang walang kwentang lalaki.”

Isang malakas na lagabog ang narinig nila mula sa kuwarto ng ina. Tinakbo nila ni Maddie ang kuwarto nito. Nang buksan nila ang pinto ay nakahandusay na ito sa sahig at walang malay.

“Maddie, tumawag ka ng 911. Bilisan mo!”

NAKATULALA si Nadia habang nasa hallway ng ospital. Nasa loob ng emergency room ang ina at naghihintay pa rin sila ng resulta mula sa doktor. Liyo siya nang dumating ang medical team na sakay ng ambulansiya at hinayaan niya si Maddie na kausapin ang mga ito. Naiwan siya sa labas ng emergency room dahil inutusan niya si Maddie na mag-withdraw ng pera sa bangko. Hindi niya kayang mag-function nang maayos sa labis na pag-aalala sa ina.

Nag-ring ang phone niya. Nagulat pa siya nang makita na si Jameson ang tumatawag. “Hello,” sagot niya.

"Where are you? One and a half hour na lang bago ang flight natin. We must check in soon. Masasarahan tayo ng counter."

Sinapo niya ang noo. Nakalimutan niya ang flight nila ni Jameson sa labis na pag-aalala niya sa ina. "I am sorry, Jameson. Di ako makakasama sa Cebu. Nag-collapse si Mama. Itinakbo namin siya sa ospital."

"What? Nasaang ospital kayo?" natatarantang tanong nito.

"Capitol Medical Center. Ibibilin kita sa mga staff natin sa Cebu. Nasa ilalim din ng name mo ang kuwarto sa hotel. You will be fine without me."

"Pero Nadia..."

"I have to go. Nandito na ang doktor. Tatawag ako diyan para i-check ang progress mo. Pasensiya ulit. Have a safe trip,” malamya niyang sabi.

Ayaw niyang iwan si Jameson sa pagkakataong ito. He needed her supervision. Pero di niya kayang iwan ang ina. Nag-aalala siya na kritikal ang kondisyon nito.

Under observation si Aling Linda. Bumagsak ang sugar level nito dahil sa gutom at sa emotional stress ayon sa doktor. Wala pa rin itong malay. Magising na sana ito agad.

Nakarinig siyang mabibilis na yabag papalapit sa kanya. "Nadia, kumusta na si Aling Linda?" hangos na tanong ni Jameson.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.