Gulat niyang inangat ang ulo. "Jameson, anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat nasa Cebu ka na?” Tiningnan niya ang wristwatch. “Hinihintay ka na ng mga tauhan natin sa airport. Ibi-brief ka na nila sa exhibit...”
Umupo ito sa tabi niya. “Hindi na ako tumuloy sa flight ko. Hindi na ako nag-check in. Dito na agad ako pumunta nang malaman ko kung nasaan kang ospital.”
“Ano? Pero kailangan ka sa Cebu.”
Hinawakan nito ang kamay niya. “Mas kailangan mo ako dito. Dati pa naman sila nakakapag-exhibit kahit na wala ako. They will be fine. Pero hindi ko kayang pumunta sa Cebu habang nasa ospita ang nanay mo.”
“Jameson, importante ito sa iyo. Maraming clients ang naghihintay sa iyo at gustong marinig ang input mo. Okay lang naman ako dito. Ipagbu-book na lang kita ng bagong flight. Okay lang ako dito.”
Dati pa naman siyang mag-isa. Sanay na siya na walang dumadamay sa kanilang mag-ina maliban sa iilang pamilya. Kakayanin niya ito. Ayaw niyang maapektuhan ang trabaho ni Jameson para sa kanya.
“Itinataboy mo ako?” magkasalubong ang kilay nitong tanong.
“Oo. Kasi di ka naman dapat dito. I do appreciate your presence. Pero di natin pwedeng pabayaan ang trabaho.”
“Ganoon ba?” tanong nito. Nagulat ito nang bigla siyang yakapin nang mahigpit. “Kung gusto mo akong paalisin sa tabi mo, kailangan mo munang makawala sa yakap ko.”
Parang pinipiga ang baga ni Nadia habang dama ang yakap ni Jameson. Malakas siya at pumiglas para makawala dito. “Huwag ka ngang parang baliw, Jameson. Nakakahiya sa mga makakakita sa atin.”
Pero di ito natinag. Ihinimlay pa nito ang pisngi sa balikat niya. “Baliw naman talaga ako. Hayaan mo silang makita ako dito. Di ako aalis hangga’t di ka nakakawala. Dito lang ako sa tabi mo hanggang maging okay ang nanay mo.”
Kaya niyang manlaban pero nanlalambot siya sa mga bisig nito. Hindi siya sanay na may yumayakap sa kanya. Mas sanay siyang maging matapang at malakas sa lahat ng pinagdadaanan niya. Pero hindi niya kayang manlaban kay Jameson. Kahit itaboy niya, alam niyang di ito mawawala sa tabi niya. And she let him hug her. She never realized that she badly needed comfort right now. That it was okay to put her guard down. Na kailangan niya ng taong dadamay sa kanya.
“Anong nangyari sa kanya?” tanong ng binata habang nakahilig pa rin sa kanya.
“She has early stage of breast cancer. Okay naman si Nanay. Maganda ang resulta ng medication niya. She can be depressed sometimes, pero sinusubukan naming pasayahin siya para maka-cope siya. Pero kanina, nag-collapse siya dahil bumaba ang sugar level niya. Nakita na lang namin na nakahandusay na siya sa kuwarto niya.”
“Bumaba ang sugar level niya? Nalipasan ba siya ng gutom?”
Kumalas siya sa pagkakayakap dito at pinagsalikop ang palad. “A-Ayaw niyang kumain. Nagkasagutan kasi kami.”
“Dahil ba sa pagpunta mo sa Cebu? May problema ba?”
Yumuko siya at umiling. “N-Nakita namin ang tatay ko sa mall kanina.”
“Oh!” usal ng lalaki.
“Nilapitan siya ni Nanay. Ipinakilala ako na anak niya. Pero tiningnan lang niya kami na parang basura at sinabi pa na ipapakulong kami kapag nanggulo kami. Kung tratuhin niya kami parang scammer kami na habol ang pera niya.”
“That must be devastating.”
“On my mother’s part. Wala akong pakialam sa tatay ko. Wala akong amor ni katiting sa kanya. Pero mahal siya ni Nanay.” Kinuyom niya ang palad. “Di niya ako pinalaki para kamuhian si Tatay dahil umaasa siya hanggang ngayon na babalikan pa rin kami o kikilalanin man lang. And I don’t understand. Paano niya nagawang mahalin pa rin ang ganoong klaseng lalaki? Ipinagtatanggol pa niya sa akin na parang kasalanan niya kung bakit ayaw kaming kilalanin.”
Huminga ng malalim si Jameson. “Iyan din ang tanong ko dati. My mother kept on making excuses for my absentee father. Walang inasikaso si Papa kundi ang kompanya. Kahit nang may sakit na si Mama at mamamatay na, iniintindi pa rin niya si Papa. I hated him for that.”
“Maybe he has his own reason.”
Nagsalubong ang kilay ni Jameson. “Now you are justifying his absence.”
“I mean, your father is not a bastard like mine.”
“No. Hindi nga sila magkapareho pero pareho pa rin silang wala kapag kailangan mo. Kailangan ba niyang magtrabaho para sa medication ni Mama? We have enough money for that. Isang sandali lang ang kailangan niya. Silipin man lang niya si Mama o kausapin kahit na sandali. Babagsak ba ang kompanya kapag ginawa niya iyon?” Umiling ito. “Ayoko ng ganoong klaseng buhay, Nadia. May mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pagkita ng pera. Aanhin mo naman ang pera kung wala naman ang mga taong mahal mo? Kaya lumayo ako noon kay Papa.”
“But you are back,” usal niya.
“Dahil hindi kami pareho. Ayokong maging katulad ni Papa. Ayokong wala ako sa tabi niya kapag kailangan niya ako. Kaya heto ako, walang magawa kundi bumalik sa Deogracias Furniture. I am trying my best to be the son that he wants.”
“Kahit na ayaw mo sa Deogracias Furniture?”
Pinisil ng lalaki ang kamay niya. “I am discovering more about myself when I joined the company. Napasaya ko na ang sarili ko sa nagdaang mga panahon. Wala naman sigurong mawawala sa akin kung pasasayahin ko si Papa.”
“Anong gagawin ko kay Mama ngayon?” tanong niya.
“Intindihin mo siya. Kung gusto niyang mahalin pa rin ang papa mo, let her. Mukhang iyon ang nagpapasaya sa kanya. Manatili ka lang sa tabi niya. Ipakita mo pa rin ang pagmamahal mo. Kung makakaiwas ka na bigyan siya ng additional stress, mas mabuti iyon.”
“Paano kung gusto pa rin niyang makita ang tatay ko? Hindi ko kayang gawin iyon. Baka tuluyan na niyang patayin ang nanay ko sa sama ng loob kapag itinaboy na naman niya. He is that kind of monster, Jameson.”
Baka makapanakit pa siyang nakatatanda sa kanya. Bilang isang anak, masakit ang ginawa nito sa nanay niya. Kahit huwag na ang pagtatakwil nito sa kanya bilang anak. There was no love lost between her and her father. Pero alam niyang aalipustahin na naman nito ang nanay niya. Ayaw niyang muling pagdaanan iyon ng ina.
“We’ll cross the bridge when we get there. Sa ngayon, mag-focus ka muna sa paggaling ng nanay mo. Okay?”
Niyakap naman niya ang lalaki sa pagkakataong ito. “Salamat dahil hindi mo ako iniwan, Jameson. Salamat dahil ipinagsiksikan mo ang sarili mo sa akin. I realized that I need a friend right now.”
Humalakhak ito. “Gagawin ko iyan lagi gusto mo man ang presensiya ko o hindi. I will always be here for you, Nadia. Always.”