“NANAY, pwede na po kayong kumain ng soup. Kailangan po kayong makalabas dito sa ospital kaya magpalakas kayo,” pakiusap ni Nadia. Hawak niya ang mangkok ng corn soup para isubo sa inang si Aling Linda. Pero nakapaling lang ang tingin nito sa bintana ng kuwarto nito sa ospital. Parang lutang at wala sa kanya ang atensiyon.
“Hindi ba pa ako dadalawin ni Pocholo? Baka hinahanap niya tayo sa bahay. Iuwi mo na ako sa bahay,” matamlay na sabi ng ina. Puno pa rin ng lungkot ang mga mata nito.
Tatlong araw na sila sa ospital at bumuti na ang kalagayan ng ina. Pwede na itong kumain at wala nang dextrose pero pahirapan naman itong pakainin. Wala itong bukambibig kundi ang tatay niya. Gusto niyang sabihin na kung matutunton man sila ng ama, tiyak na may kasama nang pulis para ipadampot siya o kaya ay sasabuyan sila ng pera para manahimik. Pinigilan ni Nadia ang sarili dahil tiyak na sasama na naman ang loob nito. Siya pa ang mapapasama. Kailangan niyang habaan ang pagtitimpi niya pero malapit nang mapatid ang pisi niya.
“May bisita kayo, Tita Linda!” masiglang deklarasyon ni Maddie at binuksan ang pinto.
Pumasok si Jameson na may dalang lobo, basket ng prutas at bouquet ng bulaklak. “Ang ganda naman niyan. Para ba sa akin iyan?” tanong ng nanay niya.
“Para po ito sa inyo.” Pumasok ang driver nito na may dalang box ng cake. “At siyempre kailangan nating i-celebrate ang tuloy-tuloy ninyong paggaling.”
Bakas ang saya sa mukha ni Aling Linda nang pagmasdan ang bulaklak at lobo. “Hindi ko alam na may magbibigay pa sa akin ng bulaklak at lobo habang nabubuhay pa ako.”
“Nay, huwag po kayong ganyan!” saway ni Nadia. “Di kayo dinalaw dito ni Jameson para lang maging morbid.” Di niya gustong marinig na nagsasalita ang nanay niya tungkol sa kamatayan, Lagi na lang siyang natatakot na mamaalam ito.
“Nagustuhan po ba ninyo?” tanong ni Jameson sa masiglang boses para basagin ang tensiyon sa pagitan nilang mag-ina. “Padadalhan ko po kayo araw-araw basta kakain na kayong mabuti. Para po di na nag-aalala si Nadia sa inyo.”
“Gusto ko iyon, hijo. Pero mas matutuwa yata ako kung ito mismong si Nadia ang makakatanggap ng mga bulaklak,” sabi ni Aling Linda. “Siya dapat ang nililigawan para di puro trabaho ang iniisip niya.”
Nanunuksong ngumiti si Jameson at sinulyapan siya. Nakikisakay pa ito sa nanay niya. “Paano po kung ligawan ko siya? Payag po kayo?”
“Hindi lang basta payag. Gusto na agad kita para sa anak ko. At sigurado ako na maganda at guwapo ang magiging mga apo ko,” sabi ni Aling Linda. Nawala ang tamlay nito at nakalimutan ang tatay niya.
“Bet na bet ko iyan, Tita. Bagay na bagay po sila. Kaya kumain na kayo kung gusto pa ninyong makita ang magiging apo ninyo,” sabi ni Maddie at kinuha ang mangkok ng pagkain sa kanya. “Sakto may naka-upload na sa internet na bagong episode ng Till I Met You. Magandang panoorin iyon habang kumakain.”
“Hindi. Mas gusto ko na magkwentuhan kami ni Jameson. Pasensiya na kung hindi kayo natuloy sa Cebu dahil sa akin,” sabi ng nanay niya at ginagap ang kamay ng binata. “Nakakahiya naman at naabala pa ang trabaho ninyo.”
“Wala po iyon. Basta lahat iiwan ng anak ninyo para sa inyo. Mahal na mahal po kayo ni Nadia. At lahat naman iiwan ko para sa kanya.”
Nagkatinginan sila ni Jameson at kinindatan siya nito nito. Di niya alam kung seryoso ito sa sinabi pero kinikiliti ang puso niya. Naiinis siya sa sarili dahil kinikilig siya samantalang alam naman niyang inuuto lang nito ang nanay niya para kumain.
Siniko niya ang lalaki nang ihatid ito papunta sa kotse nito. “Bakit mo sinabi kay Nanay na manliligaw ka? Baliw ka ba? Baka mag-expect iyon.”
“Bakit? Di ba kita pwedeng ligawan?” tanong ng lalaki sa kanya at inakbayan siya. “Saka nakita mo naman napasaya natin ang nanay mo.”
“Jameson, hindi ko kailangan ng komplikasyon sa buhay ko ngayon. Alam ko naman na di ka nanliligaw at di mo kailangang manligaw. Di mo rin kailangan ng distraction ngayon dahil kailangan mong mag-focus sa kompanya at di mo rin kailangag magpanggap para pasayahin ang nanay ko,” sabi niya at inalis ang pagkakaakbay nito sa kanya. Pero di niya binitawan ang kamay nito at tinapik iyon. “Pero na-appreciate ko naman na dumalaw ka at napasaya mo si Nanay. Na-appreciate ko rin ang mga sakripisyo mo para sa akin. Thank you.”
“I understand. Hindi ito ang tamang panahon para mag-entertain ka ng manliligaw. Lagi mo lang ikukumpara sa tatay mo.”
“But I could use a friend, Jameson.”
Sinapo nito ang didbib. “Ouch! Friendzoned for the first time. It hurts.”
Hinampas niya ang balikat nito. “Para namang seryoso ka diyan.”
“Paano dadalaw ulit ako bukas? Pwede bang manligaw?” tanong nito.
“Sure. Basta okay lang na mabasted ka.”
“Okay lang. Mapapagod ka rin at sasagutin mo naman ako ng “oo”. Love you!”
Tawa lang ang naisagot ni Nadia. Alam naman niya na biro lang dito ang lahat. Palabas lang para pasayahin ang nanay niya. Mas gusto niyang ito ang umaliw sa nanay niya kaysa naman sa tatay niyang puso sama ng loob ang dala sa ina.
Pero kailangan niyang kontrolin ang kilig niya. Kailangan niyang ipaalala na palabas lang ang lahat. Na nagdeklara siya ng friendzone. Di pwedeng mahulog ang puso niya dito. Ayaw niyang masaktan gaya ng nanay niya.
“TITA LINDA, sino po ang mas guwapo - ako o si James Reid?” tanong ni Jameson habang nanonood sila ng teleserye. Nakaupo ang mga ito sa sofa habang naghahanda naman ng miryenda si Nadia sa kusina.
Sumilip siya at nakita niya na hinaplos ng ina ang pisngi ng lalaki. “Siyempre ikaw. Hindi ka lang guwapo. Mas sweet ka pa.”
“At bongga ka pa. Kinikilig ako sa pa-welcome home mo kay Tita,” sabi ni Maddie na may hawak pa na waffle sa isang kamay.
Pinuno ng mga lobo ni Jameson ang loob ng bahay nila. Nagpaluto pa ito ng pagkain sa mansion para lang sa pag-uwi ng nanay niya. Nakita niya ang saya sa mga mata ng nanay niya. Napansin niyang di na binabanggit pa ng nanay niya ang tungkol sa tatay niya mula nang dalaw-dalawin ito ni Jameson. Malaki na ang improvement sa kalusugan ng nanay niya. Parang hindi nga ito nagkasakit.
“Kapag hindi ka pa sinagot ng anak ko, ewan ko na lang. Para siyang nagtampo sa grasya,” sabi ng nanay niya.