“Willing to wait naman po ako, Tita,” anang si Jameson at tumingin sa direksyon niya sa malamlam na mga bata. “Kahit na gaano katagal hanggang maniwala siya na may lalaki na hindi siya iiwan.”
Bumuntong-hininga si Aling Linda. “Sana matiyaga mo ang anak ko. Naging man-hater n yata siya at kasalanan ko.”
Lumabas siya sa kusina bitbit ang bowl ng vegetable salad. “Nay, ano na naman po iyan? Mukhang nagdadrama na naman kayo. Ang saya-saya ng palabas o!”
“Inaantok na ako. Maddie, samahan mo na nga ako sa kuwarto ko.” Inalalayan ni Maddie na tumayo si Aling Linda. Tinapik nito ang balikat ni Jameson. “Maiwan ko na kayo.”
“Gusto po ba ninyong alalayan ko kayo?” prisinta ng binata.
“Hindi na. Maiwan ko na kayo ng anak ko. Manood na kayo diyan.” At narinig niya ang hagikgik ng pinsan at nanay niya habang papunta sa kuwarto ang mga ito. Nagsabwatan na ang mga ito para magsolo sila ni Jameson.
“This is nice. Parang nasa date lang tayo,” sabi ng binata at inilahad ang braso sa sandalan ng sofa. Mukha tuloy nakaakbay ito sa kanya. “Pwede ka nang mag-relax ngayon. Okay na ang nanay mo. Inspired siyang gumaling.”
“Dahil iniisip niya na magiging boyfriend kita at bibigyan natin siya ng mga apo.”
“Alam mo nabanggit na rin sa akin ni Papa ang tungkol sa mga apo...”
She felt a chill down her spine. Nai-imagine kasi niya ang sarili na kalaro ang mga bata na kahawig ni Jameson at tinatawag siyang “mommy”.
Pinitik niya ang dulo ng ilong nito. “Don’t even think about it.”
“O bakit? May sinabi na ba ako na okay lang na pagnasaan mo ako at i-consider mo akong ama ng magiging anak mo? Nagkukwentuhan lang tayo.”
Pinatay niya ang TV. “Umuwi ka na nga. Baka kung saan mapunta ang utak mo.”
“I will see you tomorrow. Na-miss kita sa office.”
“Ako rin. I miss you.” Tumaas ang kilay nito. “I miss working with you,” kabig agad niya. Kailangan niyang bumawi sa training ng binata.
Pinuntahan niya sa kuwarto ang nanay at naabutang binabasa ang fairy tale book na gamit nito noong bata pa siya. “NAY, hindi pa po ba kayo matutulog? Gabi na po,” malambing na sabi ni Nadia.
“Wala lang. Naisip ko lang na sana may prince charming ka katulad ni Jameson.”
“Masaya naman po ako kahit na walang prince, Nay.”
“Malungkot ang mag-isa, anak. Mahirap mabuhay sa mundo nang walang kasama. Kung sana bubuksan mo ang puso mo, magiging masaya ka. Nililigawan ka naman ni Jameson. Bakit hindi mo subukan? Mabait naman siya at maasikaso.”
“At mabuting kaibigan,” dugtong niya. “Nay, alam po ni Jameson na wala sa bokabularyo ko ang mag-boyfriend.” Umupo siya sa tabi nito at niyakap ito. “Nandito naman kayo at kasama ko. Aalagaan ko na lang po kayo.”
“O baka naman galit ka lang sa akin dahil sa tatay mo?”
Huminga siya nang malalim at ikinatang ang baba sa balikat nito. “Hindi ko lang po kayo maintindihan kung bakit kailangan ninyong mamalimos ng pagmamahal sa lalaking nang-iwan sa inyo. Ano ba ang mayroon kay Tatay at kailangan ninyong ipagsiksikan ang sarili ninyo sa kanya? Gusto nga po niya kayong ipakulong. Kung ganyan klaseng pagmamahal lang ang mararanasan ko, huwag na lang, ‘Nay.”
Paulit-ulit na sinasabi ng nanay niya na di siya dapat mamuhi sa tatay niya. Patawarin daw niya. Paano niya mapapatawad ang isang tao na di nagsisi sa kasalanan nito at tinalikuran silang mag-ina? Kaya kinalimutan na niya ang pagmamahal. Ayaw niyang matulad sa nanay niya na naghihirap ang kalooban dahil sa isang lalaki. Kahangalang magmahal.
Hinaplos nito ang buhok niya. “Minahal ko siya, anak. Minahal ko siya dahil ibinigay ka niya sa akin. Kung wala ang tatay mo, magiging nanay mo ba ako? Magkakaroon ba ako ng anak na magmamahal sa akin?”
“At dahil doon mahal pa rin ninyo siya?”
“Hindi mawawala iyon lalo na’t nakikita kita. Mamahalin mo ang isang tao kahit na nasaktan ka niya dahil marami rin siyang magandang bagay na nagagawa para sa iyo. Napasaya ako nang todo ng tatay mo dahil naging proud ako na maging anak kita. Naging matatag ka sa kabila ng pinagdaanan natin. Di mo ako iniwan. Kaya gusto ko pang humaba ang buhay ko, anak. Gusto pa kitang makasama. Ikaw ang inspirasyon ko.”
“Di ko naman po maiaalis sa inyo na mahalin si Tatay. Pero ayoko nang maulit ang nangyari sa mall nang nakaraan, ‘Nay. Hindi niya kayo nirespeto bilang babae. Pinagmukha tayong pera lang ang habol sa kanya. Kahit na tatay ko siya, di ako mangingiming labanan siya kapag sinaktan ulit niya kayo.”
“Pasensiya na, anak. Di ko alam na iyon ang gagawin niya sa atin. H-Hindi na mauulit. Kapag nakita ko ulit siya, magpapanggap na lang ako na hindi ka niya kilala. Ako dapat ang nagtatanggol sa iyo dahil anak kita pero di kita naprotektahan sa pananakit niya.”
Tipid siyang ngumiti. “Okay lang ako, ‘Nay. Kaya ko po kahit na walang tatay. Kaya ko pong protektahan ang sarili ko at kayo. Gagawin ko po ang lahat para sa inyo.”
“Gagawin mo ba talaga iyon para sa akin?”
Tumango siya. “Kahit ano po na magpapasaya sa inyo.”
Wala siyang di gagawin makita lang na nakangiti ang nanay niya. Di niya nakakalimutan ang sinabi ni Jameson. Gawin niya ang lahat ng magpapasaya sa nanay niya para wala siyang pagsisihan at panghinayangan.
“Simple lang ang gusto ko, anak. Gusto kong maging masaya ka. Gusto ko na kapag may kumatok sa puso mo, hayaan mo siyang mahalin ka.”
“Nanay naman! Hindi naman po simple ang hinihingi ko.”
“Sabi mo sa akin gagawin mo anumang magpapasaya sa akin,” paalala nito.
“Opo nga. Pero…” Huminga siya nang malalim. “HIndi po ganoon kasimple.”
Mahigpit nitong ginagap ang kamay niya. “Mangako ka na gagawin mo. Gusto kong maging masaya ka,” mariin nitong sabi. “Ngayon lang naman ako hihiling sa iyo, anak. Gusto ko na di ka tumandang mag-isa kapag nawala ako. Di pwedeng puro ka trabaho lang.”
Matiim ang titig nito sa kanya. Di ito nakikiusap. Inoobliga siya nito na mangako siya. Na parang nakasalalay sa pangako niya ang buhay nito.
Mahigpit ang hawak nito sa kamay niya. Siya ang buhay nito. Siya ang kaligayahan nito. Siya lang ang makakapagpasaya dito. Bibiguin ba niya ito?
Dahan-dahan niyang pinakawalan ang hanging naipon sa dibdib niya. “Opo, Nay. Promise po iyan.”
Umaliwalas ang mukha nito at ginagap ang kamay niya. Nakapinta sa labi nito ang pinakamagandang ngiti na nakita niya dito. “Salamat, anak. Kwentuhan mo pa nga ako tungkol kay Sir Jameson. Ano ba ang nangyari habang nasa emergency room ako?”