No Prince Charming (Filipino) Chapter 27

ITINATAPIK ni Jameson ang paa sa sahig ng arrival area ng NAIA Terminal 1 habang hinihintay ang paglabas ni Don Felipe. Lumapag na ang eroplano nito mula sa Los Angeles at itutuloy na nito ang pagpapagamot sa Pilipinas. "He doesn't trust me. Napipilitan lang siya na i-subject ako sa training dahil wala siyang tagapagmana."

Nilingon ni Nadia ang napapraning na binata. "Gusto niyang umuwi dahil matagal ka na niyang hindi nakakasama. Pwede naman niyang ituloy dito ang pagpapagamot niya. May magagandang facilities at magagaling na ospital din dito sa Pilipinas. Dapat maging masaya ka. He wants to spend more time with you."

Ibinulsa nito ang kamay sa pantalon at bumagsak ang balikat. "I... I don't know what to do. Ni hindi ko alam anong dapat kong sabihin sa tatay ko.”

"Say hello. Hug him?"

Huminga itong malalim. "We are not that type. Mas napag-uusapan pa namin ang tungkol sa negosyo kaysa sa... I don’t know. We just don’t hug. Not anymore.”

Di lingid sa kaalaman niya na nawalan ng amor si Jameson sa ama mula nang maging abala ito sa negosyo. Matagal na panahon na nagkalayo ang mga ito. Parang dumating si Jameson sa punto na di na nito kailangan ng ama. He was emotionally detached maybe. O sadyang di lang nito alam kung ano ang gagawin ngayong matanda na ito.

"Time to reconnect with your father. Nag-iisa na lang ang magulang mo. You can try being more cordial to him. Di naman ganoon kasama ang tatay mo at may sakit siya. Di mo ba pwedeng subukan na maging malambing sa kanya kahit na konti?” suhestiyon ni Nadia.

Nagpapalit-palit ito ng paa sa pagkakatayo. Parang isa itong bata na nag-aalangang magsayaw at kumanta sa isang school program. "I... I will try."

Maya maya pa ay natanaw nila sa arrival area si Don Felipe na naka-wheelchairat itinutulak ng private nurse. Naestatwa ang binata dahil ngayon lang muling nakita ang ama sa loob ng mahabang panahon. Kinailangan pa niya itong itulak para lapitan ang ama.

“Pa,” nausal lang ng binata dito.

Namamangha itong pinagmasdan ng matandang lalaki. "Jameson, akala mo may meeting ka. Hindi ko alam na kayo ang susundo sa akin.”

"I cancelled it. Aren't you glad to see me?" tanong ng binata at inilagay ang mga kamay sa likuran nito.

Isang alanganing ngiti ang sumilay sa labi ni Don Felipe. "Of course, I am."

Nakita niya na awkward pa rin si Jameson habang nasa harap ng ama. Hindi nito alam kung ano ang gagawin. Siniko ni Nadia ang lalaki. "Yakapin mo na,” bulong niya.

Atubili man ay niyakap ni Jameson si Don Felipe. "Welcome home, Pa."

Tinapik ng matandang lalaki ang anak. "Salamat. Salamat, hijo."

May humaplos sa puso ni Nadia habang pinapanood ang mag-ama. Nakita ng dalaga kung paanong maluha si Don Felipe. May pagkukulang man ito bilang ama, hindi ibig sabihin ay wala itong pagmamahal para kay Jameson. At alam niyang gusto rin ng binata na makasama ang ama. Namamayani lang ang pride nito.

"Ako na ang magtutulak sa kanya,” prisinta ni Jameson at umaliwalas ang mukha ni Don Felipe.

"Welcome home, Sir. Miss na po kayo ng mga tao sa opisina,” sabi naman ni Nadia sa matandang lalaki.

"Really? Why miss the old rotting man when they have a young handsome boss?" At itinuro nito si Jameson.

"No competition, old man. They are loyal to you especially my assistant." At ngumuso ang lalaki sa kanya.

"Kumusta ang nanay mo, hija?” tanong ni Don Felipe.

"Mas mabuti na po ang kalagayan niya. Maraming salamat po sa tulong."

"Walang anuman. Masaya lang ako na naabutan ko pa si Jameson dito. Akala ko di siya tatagal nang isang buwan sa kompanya." Tinapik ni Don Felipe ang kamay ng anak na nakahawak sa wheelchair.

Ngumisi si Jameson. "You are a master strategist. You gave me a beautiful assistant. I find it hard to leave."

Nanlaki ang mga mata ni Nadia. “Ano na naman ‘yang sinasabi mo?”

Nagpapalit-palit ang tingin nito sa kanila ni Jameson. "So, may dapat ba akong malaman sa inyong dalawa?"

Binigyan niya ng nagbababalang tingin si Jameson. Oras na pag-trip-an siya nito sa harap ng tatay nito, baka masabunutan niya ito. "Nothing. We don't have that kind of relationship. Mababasted lang ako kapag niligawan ko siya,” sa halip ay sagot ng binata.

Don Felipe looked puzzled. "That is something unheard of."

"Puro po kasi kalokohan ang anak ninyo,” sabi ni Nadia at ngumisi kay Jameson.

"Kahit naman seryoso ako hindi mo ako sineseryoso!”

Napalakas ang pagkakasabi nito at nagtinginan sa kanila ang ibang mga tao sa airport. "Huwag kang magtaas ng boses. Baka akala nag-aaway tayo."

Ngumiti si Jameson sa kay Don Felipe at sa nurse nito. “Pasensiya po kung intense. May ipinaglalaban lang ako.”

Dala ni Jameson ang sarili nitong kotse at may sariling kotse para kay Don Felipe. Pero pinili ng matandang don na sa kotse ni Jameson sumakay at ang mga gamit na lang ang isakay sa Bentley. Magkatabi sila ni Jameson sa front seat habang ang matandang lalaki at ang nurse ay nasa likuran nila.

Parang naputol na naman ang pag-uusap ng mga ito nang mapunta sa isyu ng pulitika ang usapan ng nurse at ni Don Felipe. Kailangang mailapit ulit niya ito sa tatay nito.

Tinapik ulit niya si Jameson at ngumuso sa labas. "Anong nginunguso mo? Gusto mo ng kiss?” tanong ng lalaki at inilapit ang nguso sa kanya.

Sinapo niya ang mukha nito at itinulak palayo. "Sira. May Jollibee sa labas. Daan muna tayo. Sabi mo ililibre mo kami. Nami-miss mong kumain dito kasama ang papa mo, di ba?"

Napuno ng pagtataka ang anyo ni Jameson. He was putting her on the spot. But it was okay. Gawain din naman nito sa kanya nang sabihin nito sa nanay niya na manliligaw ito.

"Naalala mo pa ba ang paborito ko, Jameson?" tanong ng matandang don.

“Peach mango pie po," sagot ng binata at tumingin sa rearview mirror. "Pero aalamin pa natin sa doktor ninyo kung pwede."

"Maximum of two pies. Maybe three," Don Felipe said with a sheepish smile.

"Two pies. Bawal nang lumampas doon."

"And Chicken Joy. One piece."

Umasim ang mukha ni Jameson habang pina-park ang kotse. "Pa, bawal sa inyo ang Chicken Joy. Ako ang oorder. No arguments.”

Sinamahan niya ang lalaki na umorder sa counter. "Wag ka nang umorder ng manok. Iinggitin mo lang ang papa mo,” paalala niya.

"Spaghetti na lang para di ma-tempt si Papa. He hates spaghetti. And I love it,” nakangising sabi ng lalaki. He cared for his father. Di lang nito pinapahalata.

Tahimik lang na nakamasid si Nadia habang inaasikaso ni Jameson ang ama. Saka lang ito kumain nang matiyak na nakakain nang mabuti si Don Felipe.

"Parang masarap ang spaghetti,” sabi ng matandang lalaki nang akmang susubo si Jameson.

Tumayo si Nadia. “Ako na po ang bibili.”

Hinawakan ni Jameson ang kamay niya at pinaupo. “Ako na ang bahala.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.