No Prince Charming (Filipino) Chapter 28

“Sir, magkita na lang po tayo sa opisina bukas. Uuwi na po,” sabi ni Nadia nang magpaalam sa kay Don Felipe.

"I saw what you did her. Sinusubukan mo kaming paglapitin ni Jameson,” anang matandang lalaki na may ngiti sa labi.

"Dapat lang naman po. Kayo na lang ang magkapamilya. Kayo pa po ba ang di magiging malapit sa isa’t isa?” tanong niya. “Saka noong una lang po naman parang naiilang si Jameson. Kalaunan nagkukusa na siyang pagsilbihan kayo.”

Nakakatuwang panoorin kung paanong pagmalasakitan ni Jameson ang ama. She used to hate him. Akala niya ay wala itong kwentang anak. Akala niya ay wala itong pagpapahalaga sa magulang. But Jameson had his own struggles in life. Wala siyang karapatan na husgahan ito. Unti-unting bumabalik ang samahan ng mga ito.

Nilingon ni Don Felipe ang family portrait na nakasabit sa dingding ng kuwarto nito. Sampung taon si Jameson doon. He had that distinct mischievous grin. Pero inosente pa ito noon. Parang wala pang alam sa masasakit na bagay na pwede nitong danasin.

"I thought I lost my little boy ever since my wife died. No, even before that. Akala niya pinabayaan ko sila. Pero ang di niya alam, may gustong mag-take over sa kompanya noon. Hindi ko sinasabi sa asawa ko dahil alam kong madadagdagan ang sama ng loob niya. Pero nasa gitna ako ng negosasyon para isalba ang kompanya ay lumala ang sakit ni Ariana. It was tough. I wanted to go. Pero mahigpit ang bilin ng asawa ko na huwag kong hahayaang mawala ang kompanya dahil pamana iyon kay Jameson. I got the company back but I lost my wife and my son in the process.”

“Sir, naipaliwanag po ba ninyo sa kanya ang nangyari?” tanong ni Nadia.

“Oo. Pero ayaw niyang maniwala. Lumayo nang lumayo ang loob niya sa akin hanggang maging backpacker siya. Iniwan niya ang lahat para lang ipamukha sa akin na di niya ako kailangan. It was painful. Pero kailangan ko siyang pakawalan para mahanap niya ang sarili niya. Akala ko nga di na siya babalik.”

“Sir, baka po kailangan ninyong pag-usapan ulit. Iba po ‘yung panahon na emosyonal pa si Jameson at sariwa pa sa kanya ang pagkamatay ng nanay niya. Ang tendency po wala siyang ibang pakikinggan kundi ang sarili niya. Ngayon baka makinig na siya.”

Inapuhap ng matandang lalaki ang kamay niya. “Salamat, Nadia. Tama ako ng desisyon. Magandang impluwensiya ka sa anak ko.”

Umiling si Nadia. “Mali po kayo. Marami po akong natutunan kay Jameson. Siguro po mali tayo ng pagkakakilala sa kanya noong una. Baka kailangan po ninyong kilalanin ulit ang anak ninyo. Marami po kayong matutuklasan sa isa’t isa.”

“Uuwi ka na?” tanong ni Jameson kay Nadia paglabas niya ng kuwarto ni Don Felipe.

“Yes. Nagpaalam na ako kay Don Felipe.”

Tumango ito. “Come. Ihahatid na kita. Gabi na rin.”

Tinapik niya ang balikat ng lalaki. “You did a good job today. Hindi naman ganoon kahirap na magkausap ulit kayo ng tatay mo, hindi ba?”

“It felt something new yet familiar. Ewan ko. Nang yakapin ko siya kanina, parang nawala ang lahat ng sama ng loob ko. Pero di ibig sabihin okay na kami. Di ko pa rin makakalimutan ang ginawa niya kay Mama.”

“Siguro kailangan ninyong mag-usap ng tatay ninyo para maging malinaw ang lahat. Just listen to his explanation. Hindi na ikaw ang batang puno ng galit sa mundo at puro emosyon ang pinaiiral. Hindi ko sinasabi na maniwala ka sa lahat ng sasabihin niya. Just have an open mind.”

Kumunot ang noo nito. “I am not sure...”

“Subukan mo lang. Wala namang mawawala.”

Pinisil nito ang baba niya. “You are the best, Nadia. Siguro ginagayuma mo ako kaya lagi mo na lang akong napapa-oo sa mga gusto mo.”

“Ginawa mo pa akong mangkukulam. Matino lang akong mag-advice.” Nahuli niyang nakatitig ito sa kanya. “Hoy! Go na. Berde na ‘yung ilaw. Ano pang itinititig mo?”

“Nothing. I just want to say thank you.”

“Ooookay,” usal niya. She didn’t know why it didn’t sound right. Parang mas gusto niyang marinig dito ang “I like you”. Ipinilig niya ulo. Friends. Nothing more. Her heart couldn’t afford to fall in love and get hurt in the end. Okay na siya ng ganito. Just friends.

“COFFEE for you.”

Nagulat si Nadia nang ilapag ni Jameson sa harap niya ang brewed coffee. Inaayos niya ang booking ng hotel nila papuntang Iloilo sa susunod na araw.

“Bakit ikaw ang nag-brew ng kape? Trabaho ko iyan,” sabi niya.

“Coffee break na kasi pero di ka pa matinag diyan sa harap ng computer. Maliit na bagay lang iyan kumpara sa nagawa mo para sa akin. Gusto ko lang magpasalamat dahil nagkausap na kami ni Papa. Okay na kami.”

Kumislap ang mga mata niya. “Sir Jameson, good news iyan.”

“Time heals all wounds. Nag-iiba rin pala ang perspective ng isang tao paglipas ng panahon. Dati wala akong ibang pinaniniwalaan kundi ang gusto kong paniwalaan. Nawalan ako ng nanay. Pakiramdam ko mag-isa lang ako sa laban para mabuhay siya. Wala... Wala si Papa sa tabi ko. I didn’t realize that he was suffering as well. Then he lost me. Akala ko masaya siya dahil marami naman siyang pera. Ginawa lang pala niya ang huling bilin ni Mama na isalba ang kompanya para sa akin.”

“He was in a tough situation then.”

Tumingala ito at parang maiiyak. “I felt guilty. Sa halip na magsuportahan kami ni Papa sa isa’t isa, iniwan ko siya. Matagal na panahon ko siyang natiis. At least he had his reason for not being with my mother on her deathbed. How about me? I am worse than him.”

Pinisil niya ang kamay nito. “No need to dwell in the past. Magkasama na kayo ni Don Felipe ngayon. Kahit na nagkalayo kayo at iba ang tinahak mong landas, you carved your own name. Di ka lang tagapagmana ng Deogracias Furniture. You are also travel blogger extra-ordinaire. You can be anyone you want to be. Kahit sinong magulang magiging proud sa iyo.”

“Sabi nga ni Papa naiinggit siya sa akin. Sana daw noong bata pa siya nasubukan din niya ang mga adventures na ginawa ko. Ipinakita mo daw sa kanya ang video blog ko. Sinabi mo sa kanya na maswerte siya na hindi ako drug addict o naging miyembro ng sindikato.”

“Kailangan lang talaga ninyong maging open ng tatay mo sa isa’t isa.”

Kinintalan siya nito ng halik sa pisngi. “Thank you. I owe you a lot.”

Parang tinira ng electric taser sa pisngi si Nadia. It was just a slight brush of his lips on her cheek, purely innocent. Nabulabog ang atoms sa katawan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.