No Prince Charming (Filipino) Chapter 5

Nangilabot si Nadia nang titigan siya ng robot ni Bioman. Girlfriend? Kinakausap ni Jameson ang robot nito tungkol sa kanya. Mauutas ang katinuan niya sa lalaking ito. Ano ba naman ang napasukan ko?

Tumawa si Jameson. “No. That’s Nadia who will be my angel from now on. She will be my teacher, assistant and everything I want her to be.”

“Strictly professional,” aniya sa pormal na boses. Gustong niyang batukan ang sarili. Bakit ba niya pinapatulan ang pagkaisip-bata nito? E di pati siya ay parang nakipag-usap na rin sa robot ni Bioman?

Nakangising tumingin ang binata sa kanya. “Not to disappoint her, I can indulge her if she wants to be my girlfriend.”

Maasim na lang na ngumiti si Nadia dahil ayaw niyang ma-offend ang robot ni Bioman kung papatulan niya ang pag-iilusyon ni Jameson na may interes siyang maging girlfriend nito. Wow lang! Parang isang malaking karangalan kapag pumayag itong maging boyfriend ko. Ako pa talaga ang lumalabas na manliligaw. Ibang klase ka, Jameson.

Malayong-malayo ito sa tatay nito na seryoso at responsible. Wala itong oras sa pag-e-enjoy man lang. Kaya nga idolo niya ito. Habang ang anak nito ay mas gusto yata na maging bata habambuhay.

“Gusto mo na bang mag-dinner? Magpapahain na ako,” alok niya.

Humilata ito sa kama at ang stuffed toy ni Astroboy naman ang hawak. “Mamaya na. Gusto ko munang magpahinga kasama ang mga kaibigan ko. Pero kumain ka na kung gusto mo. Sasabihin ko kina Manang...”

“No, thanks. Busog pa ako sa kinain natin kanina. Ito na talaga ang gusto mong maging kuwarto?” paniniyak ng dalaga.

Dinantayan nito ang isang mahabang unan at saka pumikit. “Yes. I feel at home here.”

Nang wala talagang balak na tuminag ang lalaki sa higaan ay nagpaalam na siya. “Nasa baba lang ako. Sabihin mo sa akin kapag kakain ka na.”

Baka sakaling mas matino na itong kausap pagkatapos maghapunan. Habang nasa sala ay nag-double check siya ng itinerary ng lalaki. SNakalinya na ang lahat ang dapat nitong matutunan. Marami pa silang pupuntahang mga exhibit at trade fairs sa Pilipinas at ibang bansa para lalo itong ma-expose. Kailangang maging pamilyar ito sa operasyon ng negosyo.

Ilang taon ang ginugol niya para mahasa ang kakayahan niya. Kaya bang matutunan ni Jameson ang pasikot-sikot sa kompanya sa loob ng isang taon? Hindi na bumabata si Don Felipe. Kailangan nito ng mapagkakatiwalaang kahalili. At kung di matututo si Jameson, masasayang ang pinagpaguran ng ama nito. Baka mapunta lang sa iba. Ang masaklap, baka ibenta lang nito sa mas gahamang negosyante na walang pakundangan sa mga tauhan. Mas malalagay sa panganib ang kompanya.

Mag-iisang oras na ang lumipas ngunit di pa rin bumababa si Jameson. Nakisuyo na siya sa isa sa mga kawaksi na gisingin ito. “Ma’am, tulog na po si Senyorito,” sabi ni Mimay.

“Sige po. Ako na lang ang gigising sa kanya.” Hindi pwedeng di sila makapag-usap sa araw na iyon. Importanteng mai-discuss niya ang schedule dito. Ngayon pa lang ay dapat na nitong malaman kung anu-ano ang magiging obligasyon nito.

Marahang pumasok si Nadia sa kuwarto nito. Subalit sa pagkadismaya niya himbing na himbing nga si Jameson. Saka niya naalala na halos dalawang araw ang biyahe nito. But he looked at home and peaceful now. Hawak pa nito ang Gundam robot.

Di na kasya ang malaki nitong paa at nakalawit sa kama. He was like a teen who was trying his best not to grow up. He looked cute and innocent. Wild and carefree. Wala itong pakialam kung magulo ang buhok nito o nakatulugan pa nito ang cap habang natutulog.

Bumuntong-hininga ang lalaki. Inalis niya ang cap nito at isinuklay ang daliri sa buhok. It was surprisingly soft. Umingit ang lalaki at kinamot ang ulo dahilan para

Inayos niya ang kumot nito nang mahagip ang papel na nakakalat sa kama. Dinampot niya iyon at binasa. Iyon ang hotel number ng stewardess sa airport kanina. Nilamukos niya ang papel. Sorry. Bawal ang distraction. Saka na makipag-date pag pasado na sa training.

Lahat ng sagabal sa training ni Jameson ay aalisin niya sa landas nito. Kasehodang suutan niya ng chastity belt ang lalaki ay gagawin niya para makapag-focus ito.

Nag-ring ang cellphone niya kaya napilitan siyang lumabas sa silid ng binata. Si Don Felipe ang tumatawag. “Hija, how’s my son?”

“Nagpapahinga po muna siya. Napagod po sa biyahe.”

“So, what can you say about him?” excited nitong tanong.

“I think…” Sasabihin ba niya na kausap pa ng anak nito ang mga laruan at mas gustong matulog sa kuwarto? O wala na itong pera kaya nanghiram sa kanya ng pang-Jollibee. Baka atakihin sa puso ang matandang lalaki. “I think we should get a new bed for him, Sir.”

“Hindi niya nagustuhan ang kama na napili ninyo?”

“Uhmmm... Parang ganoon na nga, Sir. Mas maganda kung siya ang pumili ng kama niya. It looks like he is not much into surprises.”

“No problem. Nakausap mo na ba siya sa itinerary niya?”

“Hinayaan ko po muna siyang mapahinga. I will be here early tomorrow. He needs a new wardrobe.” His choice of clothes would be useless for office.

“Kung ganoon, walang problema. May tiwala ako sa iyo, Sia. Gawin mo kung ano ang makakabuti para sa anak ko. I hope you can make him realize how important the company is.”

“Yes, Sir.” Sana lang ay magawa niya nang maayos ang trabaho niya. Nadia had a nagging feeling that Jameson needed a lot of work. With his nomadic lifestyle, baka nakalimutan na nito kung ano ang napag-aralan nito tungkol sa negosyo.

Magiging deserving ito sa paghawak sa Deogracias Furniture. Pero bago iyon, kailangan niya ng dasal. Maraming-maraming dasal.

HINAPLOS ni Nadia ang noo ng nanay niyang si Aling Linda. Nakaratay ito sa ospital dahil sa sakit na cancer. Maputla na ito at mahina dahil sa chemotherapy. Sabi ng doctor ay maikling panahon lang ang nalalabi dito dahil sa cancer of the abdomen. Pilit siyang ngumiti nang idilat nito ang mata.

“Sia, mabuti nandito ka. Sabi ni Maddie hindi ka daw dadating,” anito sa mahinang boses. Subalit bakas ang saya nito nang makita siya. Ang pinsan niyang si Maddie na nagtapos ng Nursing ang nagbabantay dito at tumatayong private nurse.

“Pinilit ko pong pumunta dito para makita kayo.”

“Alam ko naman na may trabaho ka. Malakas naman ako.”

“Nay, hindi daw po kayo kumakain sabi ni Maddie. Ni ayaw daw ninyong matulog. Gusto po ba ninyo pakainin ko kayo?”

Umiling ito at hinaplos ang pisngi niya. “Kumain na ako nang sabihin ni Maddie na dadating ka. Gusto ko lang na basahan mo ako ng istorya.”

“Sige po.” Kinuha niya ang makapal na fairy tale book at pinili ang Rapunzel para dito. “Once upon a time…”

Isang elementary school ang nanay niya. Tatlumpung taon din itong nagturo sa isang public school sa Quezon City. Hilig ng nanay niya ang mga fairy tale. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit nabubuhay ito sa ilusyon. Iniwan sila ng tatay niya matapos na sumama sa ibang babae na mas mayaman. Di na niya ito nakita kahit kailan. Ang balita niya ay nasa Amerika na ito.

Nanay na lang niya ang nagtaguyod sa kanya. Sa batang edad ay namulat siya sa realidad ng buhay. Walang prinsipe. Walang lalaking sasagip sa kanila sa kamiserablehan. Wala siyang maasahan kundi sarili niya. Di niya kailangan ng lalaki.

Ang nanay naman niya ay nanatiling nabubuhay sa mundo ng ilusyon. Umaasa pa rin ito hanggang ngayon na dadating ang panahon na babalik ang tatay niya at sasabihin na ito pa rin ang mahal. Mahal niya ang nanay niya subalit di siya magiging katulad nito kahit kailan. Ang kaligayahan niya ay nakasasalay sa sarili nya.

Bago pa matapos ang istorya ay nakatulog na si Aling Linda. Sa kabila ng dinadanas nitong sakit ay mapayapa ang mukha nito at mukhang masaya. Kahit di kasi nito natapos ang istorya, alam nitong masaya ang katapusan.

“Insan, mabuti dumating ka na,” sabi ni Maddie na namamahinga sa couch. “Ayaw talagang kumain ni Tita kanina. Naabala ba ang trabaho mo?”

“Hindi naman importante ang trabaho basta para kay Nanay. Iiwan ko ang lahat para lang makasama siya.”

Umupo siya sa tabi nito. Pagod na pagod na ang katawan niya. Nagsusumikap siya sa trabaho para sa nanay niya. Bagamat anumang oras ay maari itong kunin sa kanya, umaasa siya na gagaling pa rin ito. Ang nanay na lang niya ang natitira niyang kayamanan. Gagawin niya ang lahat para makasama ito nang matagal.

“Kumusta nga pala ang anak ng boss mo? Anong itsura?”

“Guwapo siya,” kaswal niyang sabi at sumandal sa couch.

Impit itong tumili para di magising ang nanay niya. “Guwapo na, rich pa. Sunggaban mo na, Insan!”

Nalukot ang mukha niya. “Ayoko nga! Nasa kanya ang lahat ng ayaw ko sa isang lalaki. Babaero, bolero, isip-bata, iresponsable at walang matinong disposisyon sa buhay. Sa palagay ko wala siyang mararating.”

Kung di ito titino, ewan lang niya kung ano ang kahihinatnan ng kompanya. At lalong walang aasahan ang kahit sinong babae dito pagdating sa pakikipag-relasyon. Maswerte lang ito na guwapo ito at mayaman kaya maraming naaakit.

“Basta! Mayaman na, guwapo pa. Perfect! Pwede nang Prince Charming.”

“Ayokong sumama sa conquest niya. Sila Cinderella, Rapunzel at Sleeping Beauty puro si Prince Charming ang nakatuluyan. Malamang ganoon din ang kabagsakan ko. Kahit na mayaman pa siya, hindi ko ba kayang magsumikap?”

Kahit kailan ay di siya magiging dependent sa isang lalaki emotionally at financially. Kaya niyang mabuhay mag-isa. Di niya kailangan ng lalaki.

“Iniisip mo ba na magiging katulad ka ni Tita?” pabulong nitong tanong. “Mas mautak ka naman. Perahan mo na lang. Ikaw ang magpatakbo ng kompanya. Di ba pangarap mo naman na maging super rich? Akitin mo na ang boss mo! Aba! Hindi ka na lugi. Magkakaroon pa kayo ng mga guwapo at magagandang anak.”

Kung magkakaanak siya sa katulad ni Jameson, tiyak na magiging miserable lang ang buhay ng mga ito. Ayaw niyang pagdaanan ng mga ito ang minsan na niyang pinagdaanan. Kaya kaysa magtiwala sa kahit sinong lalaki, mas mabuting sarili na lang niya ang intindihin niya at ang nanay niya.

“Kung ayaw mo ng Prince Charming, akin na lang siya! Ipakilala mo ako!”

Iwinaksi ni Nadia ang kamay. “Magtigil ka. May boyfriend ka na.”

“Ayoko nga! Gusto ko naman ng higher goal sa buhay. Guwapo at mayamang boyfriend. Kahit mambabae siya basta ambunan niya ako ng kayamanan.”

“Baliw!” Nag-ring ang cellphone niya. Kumunot ang noo niya. “Bakit kaya tumatawag itong si Jameson?”

“Sagutin mo tapos ipakausap mo sa akin!” excited na sabi ng pinsan.

“Never mind.” Lumayo siya at sinagot ang tawag ng lalaki. “Hello.”

May matino nang boyfriend ang pinsan niya. Aanhin naman nito ang guwapong lalaki na may utak ng siete anyos na bata? Hindi niya ipapahamak ang pinsan niya.

“Nasaan ka?”

“Nakauwi na ako ng bahay, Sir.”

“Umuwi ka nang di nagpapaalam sa akin?”

“Hindi ko na kayo mahihintay na magising ka.”

“Sana dito ka na lang natulog.”

Bumuga ng hangin si Nadia. Di niya alam na round-the-clock yaya pala siya ng lalaki. “May kailangan kayo, Sir?”

“Wala lang. Gusto ko lang i-check kung safe kang nakauwi.”

“Safe naman akong nakarating ng bahay. Thank you.”

“At baka nami-miss mo ang boses ko. Baka nami-miss mo ako.”

Tumirik ang mata ni Nadia. Parang serbisyong totoo pa ang pagtawag nito. “Ire-remind ko lang na susunduin ko kayo sa bahay ng alas nueve bukas.”

“Magde-date tayo?” excited na tanong nito.

“We need to update your wardrobe. At marami pang naka-schedule sa akin. Kaya magpapahinga na ako, Sir. Goodnight!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.