“DO you think they will like me?”
Nakataas ang kilay ni Nadia nang lingunin si Jameson. Nakasakay sila sa Cadillac Escalade na karaniwang sinasakyan ni Don Felipe kapag pumapasok sa Deogracias Furniture. Orientation iyon ng binata at makikilala nito ang mga trabahador.
Di niya alam kung joke lang ang pag-aalala nito pero mukhang kinakaban ito habang nakatingin sa bintana naka-stuck sila sa traffic sa EDSA. Maya’t maya nitong binabatak ang kurbata na parang gusto na nitong haklitin anumang oras.
Wow! The overconfident Jameson Deogracias, kinakabahan na di siya magustuhan ng mga tauhan niya? Parang di ikaw.
“Sir, joke ba iyan?” tanong ng dalaga. “Di ba feeling mo lahat ng tao may gusto sa iyo? Ngayon pa kayo nag-alala.”
“Kunyari lang naman akong confident pero mahiyain ako.” At saka kinipit ang mga braso na parang pinaliliit ang sarili.
“Owsss?” Di niya alam na uso pa pala ang hiya dito. Di siya na-inform.
“Alam ko naman na di lahat ng tao gusto ako. Siyempre may iba diyan na iniisip na nandoon ako dahil ako ang anak ng may-ari ng kompanya o kaya mas deserving sila dahil matagal na panahon nang nagsisilbi kay Papa. And some simply don’t like me. Period.”
Siya ba ang pinatatamaan nito sa huling sinabi nito? Mabuti naman kung sakali nang makahalata ito na di niya ito gusto. Pero walang kinalaman ang personal niyang opinyon dito nang mga oras na iyon. She had a job to do. At iyon ay ihanda si Jameson para sa pamamahala ng kompanya. Di kaila dito ang kahinaan nito. Pinanghihinaan din ito ng loob. Sa loob ng mahabang panahon ay sarili lang nito ang inalala nito. Ngayon ay isang malaking responsibilidad ang maaatang sa balikat nito. It was definitely not a privilege on his part. Natatakot itong mabigo ang mga tao. Natatakot itong magkamali. At trabaho niya na alisin sa isipan nito ang agam-agam at ipakita ang suporta niya.
Tumuwid ng upo si Nadia. “Di ka papasok sa Deogracias Furniture para magustuhan ng lahat. Just do your job. Matuto ka kung paano mapapanatili ang kompanya sa pamilya ninyo.”
Hinatak-hatak nito ang necktie. “Di madaling magtrabaho na di ka gusto ng mga tao sa paligid mo. Gusto ko lahat magkakasundo.”
You are perfect right now.” Pinalis niya ang kamay nito. “Just stop fiddling with your necktie. Leave it alone.”
“You are like my kindergarten teacher. So strict.”
“And you are like an overgrown kindergarten student. Para kang bata. Kailangan kang laging sawayin. You are a grown man. Saka nasaan na ‘yung confident na Jameson na di takot umakyat sa delikadong bundok, mag-cliff diving, skydiving at kung anu-ano pang buwis-buhay? This is less dangerous than those.”
Pinagkiskis nito ang mga palad na parang nilalamig ito. “Iba kapag sarili kong buhay lang ang inaalala ko. I can be carefree if I want to.”
Tumaas ang kilay ng dalaga. Mukhang seryoso na talaga ang usapan. “Then take this seriously. Think of this as your cliff diving or your wingsuit flight.” Ipinasok ang sasakyan sa loob ng compound ng Deogracias Furniture. “Ipakita mo sa akin ‘yung confident na Jameson na nakilala ko sa airport na akala mo may gusto sa kanya lahat ng babae.”
“Hey, I’m not like that.”
Inayos niya ang necktie nito. “I want that confident smile back. If you pull this through, ipagtitimpla kita ng kape.”
“Di ba parte iyon ng trabaho mo?”
“Not really,” pang-aasar niya dito. “Smile.”
Pagbukas ng pinto ng kotse ay nakita ni Nadia ang kampanteng ngiti sa mga labi ni Jameson. Di na halata ang kaba sa mukha ng lalaki nang ipakilala nito sa mga tauhan ng kompanya. Saka niya ito inikot sa iba’t ibang departamento. Nasa main office sila kung saan naroon din ang showroom. Pero ang pabrika nila ay nasa Isabela, General Santos at Cebu. Di lang local ang kliyente nila kundi maging sa abroad. They had the best craftsmen and furniture designers. Pero di nawawala ang orihinal na trademark design ng lolo ni Jameson. At masaya siya na welcome na welcome si Jameson ng mga tauhan at executive.
“What do you think?” tanong ni Nadia sa binata nang dalhin sa bagong opisina nito. The room was spacious and had a nice view of the city. Tapos na silang mag-late lunch kasama ang ibang executive ng kompanya.
Bumuntong-hininga ito. “I could use some fresh air. Di ako sanay magtrabaho sa opisina.” Kung magsalita ito ay parang kahon ang opisina na pagkukulungan nito. Sanay kasi ito na malaya ito. And he didn’t have to answer to anybody. No paperworks either.
“You’ll get used to it. Lahat naman naninibago sa una. Coffee?” alok niya.
Tipid itong ngumiti. “Sure. Thank you.”
Pumunta si Nadia sa pantry at naabutan ang ibang mga kasamahan na nagkakape at nagmimiryenda naman ang iba. Tinanguan lang niya ang mga ito at nagsalang ng Kenyan roast sa coffee grinder. Di niya maiwasang makinig sa kwentuhan ng mga ito.
“Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?” kanta ni Atheena habang hinahalo ang kape at nakatitig sa iPad nito, ang sekretarya ng accounting head.
“Anong drama iyan, girl?” nakataas ang kilay na tanong ng taga-Human Resources na si Tessa na nakihati pa sa enseymada ni Atheena. “May planong magtaksil kay hubby?”
“Kasi naman basta na lang dumating sa buhay ko si Sir Jameson. Ganyan pala kaguwapo ang anak ni Don Felipe. Kung alam ko lang, di muna sana ako nag-asawa.”
“Hiwalay ako sa asawa,” anang si Tessa sabay subo ng enseymada.
“Pwede pa ba ako? Virgin pa ako,” sabi naman ni Miggy mula sa marketing department.
“Saan banda? Sa ilong?” tanong ni Atheena dito.
“Uy! May kasama tayong tunay na virgin. Sa kanya tayo mag-aalay kung gusto nating mapalapit kay Sir Jameson,” sabi ni Tessa at ngumuso sa kaya.
Si Nadia ang binalingan ni Miggy. “Ilang buhay na puting manok ang kailangan kong ialay para maka-date si Sir Jameson?”
Ngumiti siya sa lalaki. “Sorry pero wala sa itinerary niya ang makipag-date. Kailangan niyang mag-focus sa trabaho niya. Bawal ang distraction.”
“Echusera ka. Ang sabihin mo bet mo rin si Sir Jameson. Ayaw mo lang ng karibal. Babakuran mo siya tapos bantay-salakay ka,” sabi ni Miggy at kunyari ay mangangalmot.
“Naku! Wala akong oras diyan. Sakit sa ulo lang ang mga lalaki,” sabi ni Nadia at umingos. Kundi lang ipinagkatiwala ni Don Felipe sa kanya ang lalaki ay hinayaan na niya itong pagpiyestahan. Isinalin niya ang kape sa tasa at saka inilagay sa tray. “Babalikan ko na ang alaga ko.”
“Ten thousand ang ibibigay ko sa iyo. Patakan ko ng gayuma ang kape niya,” pahabol pa sa kanya ni Miggy.
Nailing na lang si Nadia. Pagdating talaga sa pogi, magagaling ang mga tao doon. Sana naman ay higit pa sa kaguwapuhan ang pwedeng ipakita ni Jameson. She must learn about this strength and weaknesses. Titingnan din niya kung pwede niyang magamit ang pagiging video blogger nito para mas mai-promote ang Deogracias Furniture at mas lumawak pa ang exposure sa international market.
Natigilan si Nadia nang makita na nasa labas ng opisina si Jameson. Kausap nito ang dalawang empleyadong babae mula sa sales department na sina Nina at Mira.
“Sir, ang dami na pala ninyong napuntahan na lugar. Tapos nag-Paris na rin kayo. Iyon ang pangarap kong puntahan, Sir. The city of lovers. Sino po ang kasama ninyo doon?” tanong ni Nina.
“Ako lang,” sagot ng lalaki.
“Kasama po ninyo ang girlfriend ninyo?” tanong ni Mira.
Umiling ang binata. “Wala akong girlfriend hanggang ngayon.”
Nagkatinginan ang dalawang babae at halatang kinikilig na single si Jameson. “Di ba kayo nalulungkot na magbiyahe nang walang kasamang girlfriend? Paris pa iyon tapos puro lovers ang nasa paligid ninyo,” anang si Nina.
Nagkibit-balikat ang binata. “Malungkot din minsan.”